Ang Musang nina Uye at Mai

Kuwentong Pambata ni Liwliwa Malabed

Dahan-dahang gumapang si Uye sa lupa at tumabi sa kaibigang si Mai. Marahang-marahang hinawi ni Mai ang mga damong nagkukubli sa kanila. Palubog na ang araw pero naaaninag pa nila ang mga hugis sa gubat. Hinihintay nilang may mahuling abukay ang kanilang patibong.

Maya-maya pa ay may narinig silang kaluskos. Isang musang ang nagpupumiglas at nagpupumilit makaalpas sa kawayang kulungan. Lumapit sila dito. Tumigil ito sa pagngangatngat ng kulungan at nagmistula itong batong may mga mata.

“Ano kaya ang magandang pangalan?”

“Bakit? Aalagaan mo ba siya? Papayag ba ang iyong tatang?”

“Hindi ko siya puwedeng iuwi. Ayoko siyang iuwi. Lulutuin siya ni Ima.”

Binuksan ni Uye ang patibong. Nanatiling parang bato ang abukay. Hinila niya si Mai papalayo, sa likod ng puno ng Mabolo.

“Papagalitan ako ni tatang.”

“Wala naman tayong nahuling musang kaya kukuha na lang tayo ng kamote at gulay sa bakuran namin.”

Ngumiti si Mai. Pagsilip nila muli sa patibong, wala na ang musang.

Mula noon, tuwing palubog ang araw, pumupunta sina Mai at Uye sa punong mabolo upang mag-iwan ng prutas para sa musang. Minsan, dumarating ito. Minsan, hindi. Pero kapag mangga, aratiles at tsiko ang dala nila, mayamaya pa ay may kaluskos na silang maririnig.

Guhit ni Jhucel A. Del Rosario

Mahigit isang linggo na mula noong huling nagpakita ang kanilang kaibigang musang. Kahit pa paborito nito ang bitbit nilang pagkain. Nag-aalala na si Uye. Naghuhugas siya ng mga prutas sa sapa nang dumating si Mai.

“Baka may sakit. Parang si Bibo…”

“Baka may nakahuli na sa kaniya…”

“Baka naroon na at hinihintay tayo!”

“Unahan!”

Tumakbo nang mabilis sina Mai at Uye. Naging ilog silang rumaragasa, naging bagyo, naging kidlat. Pero nang matanaw na ang punong mabolo ay bigla silang naging paruparo, naging hangin amihan, naging sinag ng araw.

Naroon nga ang kaibigan nilang musang! Pero hindi na ito tumakbo at nagtago noong papalapit sila. Hindi na ito gumagalaw.

Parang nalantang gulay sina Uye at Mai. Tahimik nilang ibinaon sa lupa ang musang. Pagkatapos, umawit si Mai ng isang ingalu para sa kanilang munting kaibigan.

Kinabukasan, muli silang bumalik sa gubat. Binisita nila ang himlayan ng kaibigang abukay.

“Hindi man lang natin siya nabigyan ng pangalan…”

“Sabi ni Ima, ang buhay ng mga hayop katulad ng musang ay nakaugnay sa buong kagubatan. Ito ang kaniyang tirahan at kapag namatay siya, magiging parte siya ng gubat. Lalo niyang pagyayamanin ang kaniyang tahanan.”

“Sabi lang yan ng Ima mo para di ka malungkot.”

“Pero totoo, di ba? Ang katawan ng musang ay magiging lupa. Ito ay pataba para sa mga puno. Magiging bahagi siya ng mga puno dito sa gubat.”

Tumingin ang magkaibigan sa mga higanteng puno sa paligid nila, pilit tinatanaw ang mga ituktok nito. May mga ibon na dumapo sa mga matatabang sanga ng mga puno.

“At ang mga puno ay magiging bahay ng ibang hayop.”

Namilog ang mga mata nina Uye at Mai. Nagkatinginan sila at ngumiti.

Araw-araw, pumupunta ang magkaibigan sa gubat. Nagtatanim sila ng mga buto ng rambutan, langka at bariba. Inaalagaan nila ang mga may sugat na hayop hanggang manumbalik ang lakas ng mga ito. At nilalagyan nila ng pangalan ang mga puno, pati ang mga pakinabang ng mga ito para malaman ng mga taong umaakyat.

Isang hapon, binalikan nila ang himlayan ng kaibigang abukay. Isang munting puno ang umusbong mula dito.

Lumaki sa Bantay, Ilocos Sur si Liwliwa Malabed na napapaligiran ng mga punong itinanim ng kanyang tatay.  Sa kasalukuyan, nagtuturo siya sa Unibersidad ng Pilipinas sa Los Baños kung saan nakikilala niya ang mga katutubong puno at mga ibon.