Sulat ni Raymund Magno Garlítos
Para sa visual artist na si Joseph Lubayno Albao, malaki ang ambag ng pamilya sa kultura at kamalayang Pilipino sa kaniyang nililikhang sining. “Lumaki ako nang walang magulang at kapatid,” paunang sagot ni Joseph. “Kaya sa unang yugto ng aking mga likhang-sining ay ito ang namamamayani – kuwento ng aking mga pangarap na dito lamang natutupad,” paliwanag niya sa kaniyang Dream Weavers, isang serye ng mga obrang na nilalapatan niya ng kultura at pamumuhay ng pamilyang Pilipino.”
Dagdag pa niya, ang binubuo niya ngayong pamilya ang kaniyang inspirasyon sa paglikha ng bagong sining. “ Lahat ng aking obra ay parte ng aking puso at kaluluwa,” sabi niya. Ito rin ang dahilan kaya sa dinami-dami ng mga akda niya, wala siyang nag-iisang paborito maliban sa isang likha. “[Pero] Isa sa paborito ko ay ang imahen ng isang Ina at Anak dahil dito ko nararamdaman ang magkaroon ng isang pamilya.”
Unang nangarap ng 39-anyos na pintor na maging visual artist noong siya ay nasa hayskul. Mula sa paglikha ng myural para sa entabladong panteatro sa iskul, ipinagpatuloy at sineryoso niya ang paglikha at pag-aral ng sining biswal. Dahil sa mga di-birong karanasan niya sa paglaki, naging motibasyon kay Joseph ang sining upang maisakatuparan niya ang kaniyang pagnanasa o passion.
“Mula noong umpisa ay pangarap ko lang na mapagbigyan lang ang aking passion sa pagpipinta,” paliwanag ni Joseph. “At di ko ito inaasahan pero dahil sa inspirasyon, pokus at biyaya ng Diyos, naging daan ang aking passion upang makaahon ang aming buhay kahit paano. Kaya sa ngayon ay kontento na ako kung ano man ang dumating at ibigay sa akin ng Diyos. Contentment! ‘Yan ang lagi kong nasa isip.”
Nang tanungin ko siya tungkol sa mga pangkaraniwang mga ritwal, nabanggit niyang tulad din siya ng mga iba pang mga visual artist. “Wala naman akong kakaibang ritwal bukod sa bago ako magsimulang magpinta ay lilinisin muna lahat ng aking gagamitin,” sabi niya.
Marami-rami na rin ang mga nalikhang mga obra ni Joseph, ngunit itinuturing pa rin niya ang kaniyang sarili bilang isang estudyante na patuloy ang pag-aaral. “Bilang visual artist, marami pa akong nais matutuhan – mag-explore at ma-enjoy ang buhay sa mundo ng sining dahil ang Art ay [isang] continuous learning,” dahilan niya. “Nagsisimula pa lang ako [at] marami pa akong gustong i-kuwento nang dahan-dahan – ang mga kuwento ng buhay ko at kuwento ng ating bayan.”
Naniniwala si Joseph na kailangan ng suporta at pagtangkilik ng ating mga local artist upang yumabong pa ang visual arts scene dito sa bansa. “Ang [ating mga [Pilipinong] artist ay nagpapatuloy ng ating sariling kultura kaya suportahan natin sila upang maipagpatuloy ang kanilang sining at maipamana pa natin sa ating susunod na henerasyon, dahil ang Pilipino ay para sa Pilipinas.”
Sa kasalukuyan, binubuo niya para sa paparating na kaniyang solo eksibit ang isang serye ng mga obra na kalinya ng kaniyang naunang proyekto. Tinawag niya itong Philippine Mythology, na tungkol naman sa kaniyang interpretasyon ng mga diyos ng kalikasan ng mga Pilipino bago dumating ang Katolisismo. Dagdag pa niya, ito ay may pagka-“Whimsical.” “Mas kontemporaneo ang latag ng mga imahen, mas malaro sa mga una kong mga nilikha,” ani Joseph.
Nagtayo rin si Joseph ng isang samahan ng mga local visual artist sa Padre Garcia, Batangas kung saan nagsisilbi siyang mentor ng mga kabataang nais magpursige ng isang karera o bokasyon sa sining. “Kung ibibigay mo ang buong puso mo para sa iyong sining, walang imposible [upang] matuto. Kailangan lang [na maging] determinado, focus at disiplina,” turo niya sa kaniyang mga tanggarang (apprentice). Ang payo niya sa mga gustong maging visual artist na tulad niya? Gamitin ang kanilang sining sa pagsasalaysay ng mga kuwento ng bayan.
“Aralin mo ang buhay at sining ng mga maestro upang maging inspirasyon – ituloy lang ang pagpipinta,” pahabol ni Joseph. “Hindi mo namamalayan [na] may sarili ka nang art at naikukuwento mo na kung ano ang nilalaman ng puso mo. Hndi lang tayo mga pintor – tayo rin ay mga storyteller ng ating buhay at ng ating bayan.”