Maikling Kuwento ni Karlo Antonio Galay David
Kulba ang pagdilat ng mga mata ni Lucy paghimas ko sa pisngi niya. Nakuyawan na nagulat. Paghawak niya sa kamay ko, kalamig ng palad, kalalim ng hininga, halos ginahangak na. Parang ginapiga niya ang panatag galing sa kamay ko.
‘Nightmare,’ sabi niya paghiga niya sa dibdib ko.
Gisubukan ko magbiro. ‘Kalma lang. Pulis ang kasama mo.’
Nagtawa siya bago ako gihalikan. ‘Bitaw pala…’ Pero malamig pa rin ang mga kamay niya.
‘Ano pala napanaginipan mo?’
Pagbalik niya sa unan, gititigan niya ang kawalan ng ceiling sa kwarto ko.
‘Yung nangyari sa Boracay… Maybe it’s just because gipag-usapan natin si Lu.’
Sa kabilis ng mga nangyari sa amin nitong dalagang ito, kakonti pa lang ng alam ko sa kanya. Pero una ako nadala dito nung nagtanong siya sa akin tungkol sa kung anong security measures ang ginahanda ng kapulisan sa pagdating sa Davao ng Cebuanong negosyanteng si Reymond Lu.
Objective sana na tanong, pero kita gani sa mata niya nung interview na yun na may apoy gabaga sa loob niya. Ayun, ang galit niya ang una kong nakilala sa kanya.
Nakita din siguro niya na nadala niya ako. Giaya ako bigla maghapunan tapos nun. Treat daw niya. Kay nalingaw ako (kkoyoy, pulahan na reporter mag-aya ng date sa pulis), payag lang din ako. Ilang buwan tapos nun, andito na kami sa kama ko.
Lucy Catacutan. Pagkagraduate ng MassCom sa Ateneo de Davao, Davao correspondent ng isang dyaryo sa Manila.
2013. Gipafence ni Reymond Lu yung ilang pirasong lupa sa Boracay na nabili daw niya para tayuan ng bagong branch ng hotel chain niya. Ancestral domain ng mga Ati yung lupa. Kontra sila. Armado yung mga tauhan ni Lu. Walong Ati ang patay.
Sabi ng kampo ni Lu self defence lang daw, pero alam ni Lucy na hindi totoo, clearing yun. Nandoon siya, naga-research para sa feature article na ginasulat niya tungkol sa issue, nung mangyari ang gulo.
‘Grabe chief, yung isang binata, they brought him sa village ng duguan… I was beside niya pa bago siya mamatay… Kalamig sa cheek ko nung kamay niya…’
Naghiga ulit siya sa dibdib ko, isang taon makalipas di pa din niya makalimutan ang nangyari. ‘May mga pulis pa talaga.’
‘Hindi lahat ng pulis ha, ganun’ At nagngisi ulit siya.
‘Bitaw uy,’ dagdag ko. ‘Sulatan ko bukas ang Krame.’
‘Patay na na issue uy,’ may lungkot sa konti niyang tawa na sagot.
‘Buhayin natin,’ ewan ko bakit ko nasabi yun. Gituldukan niya ang sagot niyang tawa ng halik.
‘How can you say things so easily sa mga bagay chief? Like, yang confidence mo ba, maka-turn on. Ako kahit naganood lang bilang journalist minsan grabe ko na kakulba, ewan kaya ko ba magdesisyon niyan.’
Napaisip din ako. ‘Bitaw no. Siguro kay wala din ako talaga pakialam sa mundo? Okkoyoy, parang mali lagi dating nun.’
‘Hala kacute lagi nun, “okkoyoy”?’ Para siyang maliit na bata nakakita ng bagong laruan.
‘Ay kuan, expression sa Obo Monuvu, nakuha ko sa mga buyyag – sa mga matanda sa amin sa Kidapawan.’
‘Monuvu ka man pala no…’ sabay himas sa akin. ‘Turn on lagi yan ay. Anyway, bakit wala kang pakialam sa mundo?’
‘Hindi ba,’ tawa ko,’ ‘yang, detached gani? Yan ganing pag may mabaril, o may maholdapan, hindi ako madala sa galit o awa o takot kay alam ko na hindi man din ako kasali, wala man din mawala sa akin.’
‘So, parang, indifferent selfless?’
‘Parang ganyan, pero iba ang indifferent sa walang pakialam ha. Detached lagi.’
Nagtawa siya.
‘Hala oy the nuance sa English ba. PMA scholar man masyado siya uy. Hay, ka perfect mo, chief Serge!’
‘Matanda, lagom, kalahati netibo, pulis pa talaga. ‘Kkoyoy, ano na nangyari sa taste ng kabataan ngayon.’
‘Oy virgin ka pa baya bago ngayon ha.’
‘Sorry na gud.’
Kasarap ng tawa niya.
‘Pero bitaw. Hindi ka pa man matanda.’
‘Day, kung 22 ka, tapos 45 ako – sobra doble edad ko sa iyo.’
Tawa. ‘Ay basta, gusto kita…’
Kataw-anan. Matandang binata na pulis na kalahati Obo galing Kidapawan, gipatulan, giligawan – gidagit nitong bente anyos na tisay, singkitin na Atenistang journalist. Sa buong buhay ko padala lang ako sa hangin, pero ibang hangin din itong isang ito. Mahirap paniwalaan, pero parang tama lang din masyado.
‘Sure ka na talaga sa pulis? Baka awayin ka ng mga woke rara kids mo na friends.’
Nagtawa siya, ‘Gosh maimagine ko shock nung mga dati ko kasama sa LFS. Pero kapoy yan sila uy, kagaling lang magpatrending ng hashtag sa Twitter at magbaligya ng pakigbisog merch, but clueless sa ano talaga ginayawyaw niya.’
‘Luh, pasista na siya.’
‘K lang, every woman adores a fascist. Sexy baya ang uniform.’
‘Ay sana nagsabi ka, hindi ko sana gihubad.’ Nagtawa siya habang nag-akto ako tayo kuha ng uniform ko. Gibira niya ako pabalik sa kama, halik.
‘Ipakilala kita sa lola ko sa Kidapawan…’ sabi ko sa kanya.
‘Uy, buhay pa pala?’
‘O uy. Ninety plus na. Onituwon baya yun. Nagakausap sa spirits,’ sagot ko sa tanong niya na tingin. ‘Sa mga Bisaya pa, “tard ay”.’ Nagtawa kaming dalawa.
‘Bakit mo man din ako ipakilala?’
‘Force of nature ka man gud. Baka ma-amo ka niya’
Gihampas niya ako habang nagatawa.
‘Dalhin kita sa tribo namin sa Sayaban. Maganda dun, masarap ang hangin. Inom tayo kape paresan tinapoy at dinugdug no owsiya ni lola – fermented rice at nilupak na karlang. Malapit sa may tribo namin may lasang ng kawayan… Kasarap din ng tunog ng mga dahon ng kawayan sa hangin. Doon parang walang problema… May hot springs din sa lupa naming sa Agkuu, dalhin kita doon sa isang sapa na mainit.’
‘Pero magustuhan kaya ako ng lola mo? I’m not Monuvu baya…’ May kaba sa tono niya.
‘Ay na, siya na lang gani natira sa buhay ko, awayin pa niya ang madagdag.’
Namula siya. ‘Oy ha, first time pa gani natin ‘to…’
Nahiya din ako. Bitaw. Apat na buwan pa lang kami magkakilala, at ngayon lang talaga kami nagkamabutihan. Pero masalita man gud kasi siya, kaya kadami ko nang alam sa kanya. Parang katagal ko na siyang kasama.
Pero nakahanap ako ng bwelo.
‘Bakit, ilang kabaw pala hingin ng tatay mo na sablag?’
Nagtawa siya.
‘Bitaw uy, seryoso ako sa iyo…’
‘Ako man din,’ nakangiti siya. ‘Pero let’s not rush lang siguro? Landian muna tayo.’ At gihalikan niya ako.
Sige, dahan-dahanin namin.
‘Pero bitaw chief, asan na pala ang parents mo?’
‘Ay wala na. Bata pa ako nung mamatay nanay ko. Sakitin yun. Ang tatay ko mga shortly after lang din. Wala din ako mga kapatid at pinsan. Kataw-anan yan sila – naglayas ang tatay ko sa Sayaban, punta ng Kidapawan, ay ng poblacion, para mag-aral. Kawawang nanay ko, ayaw tanggapin ng lola ko. Nung mga five o six years old ako, pagkamatay ng nanay ko, gidala ako ng tatay ko balik sa Sayaban – punga punga ako Bisaya oy kay Tagalog ako gipalaki ng nanay ko. Pero natuto din sa akin konting Tagalog si lola habang ako natuto Monuvu. Ako lang din gipansin ni lola paglipat namin Sayaban, kay kahit gipatribal council na ang tatay ko sa Ilomavis, ayaw pa rin siya itagad ni lola kay nag-asawa walang paalam – dapat nagbigay yun siya ng regalo kay lola, obbuk to suu, “pangpatay ng ilaw,” para mawala na away nila. Pero bago siya makaipon pangbigay, namatay na siya. Hunter yung tatay ko, shortly after namin lipat sa Sayaban, naghunting siya sa may Tausuvan habang kalakas ng ulan. Natumpahan.’
‘Natumpahan?’
‘Yang nadak-ogan ng landslide. Sabi lang ng lola ko naningil na si Monggud sa utang ng lolo ko.’
‘Si Monunggud?’
‘Onitu ng mga hayop. Pag sobrahan ka na hunting, singilin ka na. Pero sabi nung ibang relatives, nabontohon daw.’
‘Nabontohon?’
‘Yang parang nagabaan kay hindi nagrespeto sa matanda niyang nanay.’
‘So like, hindi nagcry ang lola mo?’
‘Hindi. Ako din daw, hindi na dapat, kay ganun man daw talaga.’
Natahimik siya, nagtitig sa akin.
‘Gosh, turuan mo pa ako about your culture be.’
Nagtawa lang ako, ‘ano pa man gusto mo malaman?’
‘Lahat!’
Utos yun. Nagulat ako sa diin.
Pero ewan din bakit, parang lahat ng utos ni Lucy, hindi ko kaya tanggihan. Pagsabi niya ng lahat, handa agad ako magpaliwanag ng lahat.
‘Pero bitaw,’ naiba ang takbo ng isip niya, ‘will your lola like me kaya?’
‘Wala lagi siyang choice.’ Nagtawa lang ako. ‘Hindi ka man din mapangliit sa mga netibo, so okay lang yan.’
‘Hay gosh chief kung alam niya lang! Sabay namin ibarang yung si Lu.’
Tama pala, si Reymond Lu. May event siya sa isa niyang negosyo dito sa Davao sunod bukas.
Nagpikit si Lucy.
‘Iwish pagtapak niya sa Mindanao lamunin siya ng lupa…’
Natahimik ako pagsabi niya nun. Para siyang nagasumpa, nagabulong ng banal na kasiraan.
‘Hala,’ gisubukan ko pagaanin ang mood. ‘Para kang si lola naga-orasyon. Solemn na makatakot.’
Nagtawa siya at gihalikan niya ako. ‘Hindi ka diyan!’
‘Lagi, ang tawag namin diyan Osson. Id osonnan mo si Lu. Yang yawyaw dala buyag.’
Habang nakatitig siya sa akin nagapakinig, naramdaman ko na naman yung apoy na nakita ko nagabaga sa loob niya noong una niya ako nadagit, noong una niya ako gihalikan, noong una niya ako gidala dito sa kwarto ko.
Bigla siya nagpatong sa akin.
Nasa loob niya ako, pero parang siya ang nasa loob ko. Parang siya ang nasa gitna ng mundo ko, nasa gitna ng mundo nitong malinis at malamig kong kwarto.
Sa malamig kong linis siya ang dumi, gulo, galaw na buhay.
Kawayan ako sa hangin niya.
Nagtilaok na ang manok sa kapitbahay – umaga na.
Sabado ng umaga. Sa halos sampung taon balik-balik lang ang ginagawa ko kada umaga. Pag sabado, tapos mag-kape, papeles, linis ng bahay. Tapos duty sa hapon. Sa mga dalawang dekada ko pagkapulis, hanggang sa naging hepe na lang ako ng intelligence unitsa Davao, wala pa akong absent.
Pahamak ito si Lucy.
Bihira man ako mag-inom, pero ngayon imbes kape ang pangsalubong sa araw, nagbukas siya ng gidala niyang Gin.
Habang nasa mesa ako nagapirma ng mga papeles, nakasakbit siya sa likod ko, hubad. Mahirap intawon magpirma ng papeles pag may nakahubad na dalaga sa likod mo.
‘Kalinis gud talaga nitong bahay mo. Sure ka lalaki ka?’
‘Hindi ko pa natagam?’ Gihawakan ko ang pwet niya, at nagtawa siya sa kiliti.
‘Iba talaga pag matino na lalaki,’ sabi niya. ‘Kasarap dumihan!’
Gipulot niya ang baril ko sa coffee table, at umupo siya sa sofa. Nagbukaka siya, tapos gidahan-dahan niyang hagod ang busal sa binti niya pataas sa singit niya.
‘Hey, tingnan mo ako ba.’ Parang makulit na pusa ang boses niya.
‘Oy delikado yan…’ Hindi ako nakatingin sa kanya. Pero totoo lang nahirapan ako magfocus. Trabaho, trabaho.
‘Ay uy…’ Panalo ako. Nagbalik na lang siya sa likod ko.
‘Ano ito?’ sabi niya maya-maya. Gikuha niya ang isang papel na may listahan ng mga pangalan at cellphone number.
Natahimik ako.
‘You don’t have to answer kung ayaw mo.’ Pero may utos gud yung landi sa tono niya. At lahat lagi ng utos nitong babaeng ito hindi ko intawon matanggihan.
‘Ay ano,’ simula ko, ‘yang, mga kilala lang naming hitman.’
‘Bakit kayo may listahan?’ nakatawa siya.
‘Kuan, kung may malinis na pagkapatay, alam namin saan simulan pag-imbestiga.’
Nag tango siya,parang bilib ang itsura. Hindi, hindi ito woke na journalist. Chismosa lang talaga. Researcher na nasaag sa journalism.
Tapos okay lang man din makita niya, wala man ding pangalang buo sa listahan, wala siyang masulat.
Giyakap niya ako. ‘Oy ha, don’t worry. Tayo na gani, pagdudahan mo pa ako.’
Natawa lang ako.
‘Makabasa ka ng isip?’
‘Hindi, pero makakontrol ako ng katawan,’ at gihimas niya ang paa ko. ‘Tingnan mo, mapatigas kita kung gusto ko.’ At nagtawa siya.
‘One round ulit tayo be before ako alis…’
Nag-alis siya ng condo mga tanghali. May daanan pa daw siya sa SM (sa Ecoland lang ang condo ko). Dito daw siya maghapunan bukas.
Pag-alis niya matapos ko na talaga ang mga papeles ko.
Habang nagatrabaho ako, nag-PM sa messenger ko si Kakoy Julie. Pinsan ko, kapitan sa Ilomavis, taga-Sayaban lang din, kasabay ko college scholar noon sa MAFI. Siya nagabantay kay lola ngayon.
Nangumusta lang si lola. Nagtanong kung kelan daw ako sunod makauwi sa Kidapawan. May dagdag na hindi din maintindihan ni ‘Koy Julie: hindi daw mapakali ang mga Onitu, sabi ni Lola, ilang buwan na. Maingay daw ang lupa, parang galit ang mga Busow. Tanodtanod daw ako.
Pagbukas ko ng laptop, nakita ko din ang mukha ni Reymond Lu sa FB page ng lokal na dyaryo.
Mataba, may bigote, singkitin, naka-polo shirt tapos sinaw-sinaw na relo.
Hindi ko din mapigilan magkulo ang dugo ko.
Hala. Hindi ko maalis sa isip ko yung Osson ni Lucy na lamunin sana ng lupa si Lu pagtapak niya sa Davao. Makahawa gud pala ang galit. Hindi man sana ako apektado sa kaso nitong si Lu (kahit na sabihin pa tribo din ako). Pero ngayon parang hindi naman sobra sabihin baka mapatay ko yun kung bigyan ng tayming.
Naglinis ako ng bahay pagkatapos magtrabaho para mawala yan sa isip ko.
Parang bagyo ang pagdating ni Lucy sa bahay ko: ang mga tsinelas na nakapatong dapat sa door mat sa pintuan nakalagay na sa may gilid; ang mga kutson sa sofa na nakatayo paghilera, gipahalang niya tapos niya mag-upo; ang asukal nasa tabi noon ng asin sa pantry, ngayon gipagitnaan niya ng paminta; ang coffee maker na nasa tabi ng oven toaster, nasa kabilang gilid na ng counter top; ang de-paso na Tohiya padala ni lola na gidisplay ko sa coffee table malapit sa bintana, gitapat niya sa araw.
Naalala ko tuloy yung nanay at tatay ko noong sa poblacion pa kami nagtira: palagi sila mag-away kay ginaiba ni papa lagi ang ayos ng mga gamit. Pero kung si mama na ang magbago ng mga gamit ni papa, wala lang reklamo si papa. Kawayan, piko-piko lang sa hangin.
Nagwalis lang ako (tayming bago lang nagpadala si Angkol Atawan galing Balabag ng Tohitti na walis), at naghugas ng mga baso. Pagkatapos, lahat ng halaman gilipat ko sa mga lugar malapit sa araw. Katagal din bitaw nila hindi naarawan.
Lasing, at kapoy sa gulo dala ni Lucy, natulog ako. Ngayon lang ako hindi magpasok…
Nakasakay ako sa jeep. Sa labas ng bintana nagahalo ang mga lasang ng Sayaban at Sudsuhayan sa mga gusali ng Davao. May nakita ako matandang Obo naga-akyat sa Bajada overpass, may dalang walis Tohitti sa likod.
Asan ito papunta ang jeep? Basta sakay lang ako. Ang nagadrive, si SPO1 Ricardo Uyonan. Naga-unauna itong bata na ito. Nung may isang shootout sa Claveria, gitanguan nito niya ang superior niya ng utos. Kay emergency man okay lang, pero mahirapan ito siya mag-akyat ng ranggo kung hindi niya yan aralin anuhin pagpiko. Sa tabi niya sa front seat si Hilda, secretary ko. Ewan bakit pero nanghingi ako ng kape kay Hilda. Sagot niya busy daw siya. Nagalit ako, pero gibalewala ko na lang.
Takot ako pero naisipan ko magbaba ng jeep. Pagbaba ko, nakatapak ako sa tubig. Salom.
Nagasayaw kami sa ilalim ng tubig ni Lucy. Parang mga ibon sa ulonan namin ang mga isda. Sa sayaw namin, siya ang naga-una, sunod lang ako. Nagalutang ang mga balas sa galaw ng paa niya, parang usok.
Paghawak ko sa pisngi niya, nagtulo ang luha niya, at ang tubig sa paligid bigla naging lasang sa Boracay.
Nakahiga ako sa madahon na balas, duguan ang kamay. Maingay, may mga nagaiyak, may mga nagasigawan. May mga nagatakbuhan sa likod ni Lucy, yung mga Ati na gipakita niya sa akin noon ang mga picture sa Facebook. Sila ang mga nagatakbuhan ngayon. ‘Lupa! Lupa!’ sigaw nila. Habang nagalakas ang boses nila nagsimula kalat ang usok na amoy gisunog na Bawi, o halaman gamot, ni lola.
Nandun din si lola, sa likod ni Lucy, nanuvadtuvad sa Monuvu: ‘O Mondaangan, inomma ru dos longossa to mgo od posakit to livuta, woy od dorattan du sikandan…’ balik balik niya ito na panuvadtuvad.
Galing sa usok ng kanyang ginahawakang bagol may binata naglabas. Hindi ko kilala na binata, pero pamilyar. Kamukha ko noong bata pa ako. Naglapit siya sa akin, nagluhod. May hawak siya na dahon ng rattan. Gibigay niya sa akin, tapos gitanong ako magkano ito. Tresyento mil, sagot ko, ang alok daw na pera ni Reymond Lu sa mga Ati para sa lupa nila.
Wag mo gamitin ang baril mo, pulis ka, sabi ng binata. Gamitin mo ito.
Sige na, sabi ni Lucy, nagyakap sa akin nakahubad. Gawin mo na.
Hayaan mong inumin ng lupa ang dugo ni Reymond Lu.
Nagbangon ako, ang usok nagakatay sa madahon na balas naging kumot na nagbalot sa akin, gahilahod sa sahig.
Makita ko ang mga tauhan ni Lu, may dalang mga armalayt. Nagpunta ako sa lamesa ko, gidilat konti ang mga mata – sandali naging carpet ko ang balas ng Boracay. Gitandaan ko ang numero tabi ng isang pangalan sa nakita na papel.
Nagpunta ako pagkatapos sa mga tauhan ni Lu, at nung mapansin nila ako, gipulot ko ang telepono at gidial ang numero.
‘Si Sergio Lambinisan ni… Hipusa si Reymond Lu. Tresyento Mil.’
Pagbaba ko ng telepono, gilagay ko sa tabi ng baril ang papel na naging dahon ng rattan.
Nag-lakad paabante ang mga lalaki, at nakita ko sa taas ng bundok si Reymond Lu. Gitutukan siya ng mga lalaki ng baril.
At giyakap ako ni Lucy, at sa yakap niya naramdaman ko na kasali na ako sa mundo. Para siyang mainit na tubig galing sa mga tubod namin sa Agkuu, makakulba sa una pero masarap pag masanay ka na.
At gihalikan niya ako, at gisabi niya na kawayan ako sa hangin. Matamis na kawayan sa hangin. Gibulungan ko siya ng tunog ng nagadaloy na tubig, porohingon to oweg. Nakuyawan siya, naghanga.
Giyakap niya ako ulit, at naging kasing bata ko na siya.
Nagising ako.
Ano yun na panaginip? Hindi ko maintindihan pero kakulba ng pakiramdam ko pagkagising ko. Pagtingin ko sa cellphone ko, linggo na ng umaga.
Para makalma, giumpisahan ko naman mga gawain ko kada simula ng araw: ligo, kape, papeles.
Mga alas otso na ng umaga, habang nagatype ako ng sagot sa PM ng isang reporter (tungkol dun sa imbestigasyon sa nagtapon ng used syringe sa Talomo beach), nung nag-ring ang telepono.
‘Human na boss. Ugma hapon sa may Queensland. Tresyento mil ‘to ha.’
‘Hello, kinsa ni?’
Sandali natahimik ang kabilang linya. ‘Pagtarong diha boss, recorded tong imong tawag gabii.’ At gibaba niya ang telepono.
Tresyento Mil? Ang tawag ko kagabi? Anong ibig sabihin..?
Biglang may malakas na katok sa pinto. Gibuksan ko, nagdali-dali pasok si Lucy.
‘Chief, si Reymond Lu..!’
‘Anong nangyari!?’
‘He was shot ngayon lang!’
‘Ha!?’
‘Sa loob ng opisina ng negosyo niya. Point blank.’
Gitignan ko siya, nagahingal, halatang nataranta, pero kasing tatag, kasing kuyaw ng gidala niyang balita.
At naintindihan ko ano nangyari kagabi. Napatingin lang ako sa papel na may mga pangalan ng hitman, ngayon ko lang napansin nasa tabi na pala ng baril.
Si Karlo Antonio Galay David ang nangungunang manunulat gamit ang Davao at Kidapawan Tagalog, dalawa sa mga kulibog na uri ng Tagalog na namugna sa Katagalugan ng Mindanao. Nakatanggap siya ng Palanca at Nick Joaquin Literary Award, at nagtapos ng MA in Creative Writing sa Silliman University, bago niya sinumulang isulat ang kasaysayan ng lungsod ng Kidapawan sa North Cotabato. Nailathala ang kanyang mga akda sa Mindanao, Cebu, Dumaguete, Manila, Hong Kong, Thailand, at Singapore.