Nasa kolehiyo pa lang ako sa Philippine Normal University nang unang ako makapaglathala ng aking mga tula sa Liwayway. Sa pinakahuling pahina ng Liwayway noon, kasama ang tula ko ng tatlo pang tula ng ibang makata. Sa mga tulad kong mga nagsisimulang magsulat noon, langit na ang malathala at makita ang pangalan sa pahina ko. Nasa Pasong Tamo pa noon ang dating opisina ng Liwayway na pinupuntahan ko tuwing kinukuha ang munting bayad sa aking mga tula.
Kung minsan, masuwerteng nakapapanhik pa ako sa ikalawang palapag ng lumang gusali ng Liwayway upang maiabot mismo ang aking kontribusyon kay Sir Reynaldo Duque (†) na dating editor, at isang batikang manunulat ng mga maikling kuwento at nobela. Lagi siyang abala sa harap ng kaniyang makinilya. At kung minsan, may mga ginugupit o idinidikit para sa dummy ng isyu na kaniyang ginagawa. Sa kasamaang-palad, tinupok ng apoy ang lumang gusaling iyon ng Liwayway sa Pasong Tamo.
Ngunit di ako tumigil sa paglalathala sa Liwayway kahit lumipat na ito sa gusali ng Manila Bulletin sa Intramuros at sa ilalim ng mga bagong editor. Mas maginhawa na nga lamang magpasa ngayon dahil sa pamamagitan ng e-mail naipadadala sa patnugot ang kontribusyong akda.
Kung mailalathalang lahat maging ang mga aklat-pambata kong nasa produksiyon pa, kulang-kulang sandaang aklat-pambata na ang aking naisulat at nailathala. Kung hindi siguro nagtiwala ang Liwayway noon sa aking mga kuwentong pambata, baka tumigil na ako sa pagsusulat ng anyong ito.
Malaki ang naitulong sa akin ng Liwayway upang matagpuan ko ang isang anyo ng panitikan na gustong-gusto ko, ang kuwentong pambata. Kapag nagpatuloy ka sa pagsusulat, dadalhin at dadalhin ka sa anyo ng pagsusulat na makadadama ka ng tuwa at kaganapan. Sa pagsusulat ng mga kuwentong-pambata ako nakadama ng tuwa at kaganapan!
Kaya nga ang payo ko sa ilang kabataan na gustong magsulat, bukod sa pagbabasa ng anyo ng gusto nila, kailangan talaga ang magsulat. May mga kaalaman at kasanayan na makukuha mismo sa karanasan ng pagsusulat. Bawat naisusulat ay isang karanasan. Kapag maraming naisulat, mayaman ang karanasan. Kailangan lamang na magkaroon ng kamalayan sa proseso at anyo ng isinusulat.
Ang totoo rin po, ang mga una kong naisulat na kuwentong pambata ay nalathalang lahat sa Liwayway noon. Kompleto ako sa mga isyu na may kuwento ko. Ngunit sa kasamaang-palad, binaha itong lahat noong bagyong Ondoy. Sayang!
Hanap ng bawat manunulat ang mga mambabasa. At ang alam ko noon, ang Liwayway ang isa sa pinakalaganap na babasahin na nakararating sa mga liblib na bahagi ng bansa at sa mga bansang may maraming OFW. Pinagpapasa-pasahan ito ng tao sa isang komunidad.
Kaya laking pasasalamat ko sa Liwayway dahil naging behikulo ko upang matuklasan ang anyo ng panitikang yayakapin at pahahalagahan ko paglaon; ang panitikang pambata.
Kung mailalathalang lahat maging ang mga aklat-pambata kong nasa produksiyon pa, kulang-kulang sandaang aklat-pambata na ang aking naisulat at nailathala. Kung hindi siguro nagtiwala ang Liwayway noon sa aking mga kuwentong pambata, baka tumigil na ako sa pagsusulat ng anyong ito.
Pinakamahirap talaga ang pagsisimula. Kung minsan kailangan mo lang talaga ng unang-unang magtitiwala sa iyo upang magkaroon ng lakas ng loob upang magpatuloy at aralin pa ang pagsusulat para sa mga bata. Maraming dapat isaalang-alang sa pagsusulat para sa mga bata. Hindi sapat ang talento lang sa anyong ito.
Nang makatanggap ako ng mensahe na bibigyan ako ng munting espasyo sa Liwayway bilang kolumnista, parang bumalik ang pakiramdam ko noong nagsisimula pa lang akong magsulat ng mga tula. Isang malaking karangalan ang maimbita ng bagong pamunuan sa pagkakataong ito. Langit ang pakiramdam ko sa bagong Liwayway!