Kung Kinuha na ang Lahat sa Atin

Sa ilang saglit pa, sumisibad na sa kung anong talsik ng mga liwanag ang kaniyang sasakyan.

Kung trophy wife si Ming sa paningin ni Edel, anong katotohanan ang nasabi ni Amyra kay Edel?

Nobela ni Efren R. Abueg

(IKA-19 NA LABAS)

SA PAKIRAMDAM ni Edel, ngimay ang kaniyang katawan. Parang umuunignig pa sa kaniya ang pausal na mga salita. Trophy wife! Anong klaseng asawa si Ming? Umandar ang kaniyang imahinasyon. Pinalapit ni Dino si Ming sa kama habang nakadyama ang una, sinukat ang kabuuan ng babae, nilingkis ito ng tingin at marahang sinabihan.

“Maghubad ka ng robe!”

Nakatitig si Ming kay Dino. Sinalubong nito ng tingin ang lalaki. At dahan-dahan, inalis ng babae ang itaas ng robe ng kaliwang bisig nito, saka pinadausdos ang damit, hinayaang bumagsak sa lapag at nang matanghal sa tumitingin ang kabuuang iyon, umigtad saglit ang lalaki, sinalubong ng isang kamay ang katawang iyon at binatak at sumunod sa lambot ng kama at ikinulong sa mga bisig hanggang parang ginumok ito hanggang mabasa ang dibdib ng babae sa tahimik na pag-iyak ng lalaki.

“Bakit? Bakit ganito?” 

Natigilan si Ming. Bumangon siya, sinundan ang pagbalikwas ni Dino. Minasdan ang lalaking patuloy na nababasag ang mga luhang nakabalisbis sa mga mata nito.

You are my trophy wife. You are the most beautiful woman to me! Parang iyon ang isinisigaw ng lalaki sa imahinasyon ni Edel.

Sa sulok na iyon ng restawran, nagising sa kung anong bangungot si Edel. Nakita niya ang paghahanda ni Ming para umalis: ang pagdampot nito sa handbag, ang pag-urong ng silya, ang pagtindig. Tumindig din siya habang nakamasid ang lalaking waiter na nakamaang sa kanilang dalawa. At sumakay sila sa kotse at sa pagkakahawak sa manibela, parang hindi niya nakita ang mga lansangang kanilang tinahak. Natuklasan na lamang niyang tumigil sa gilid ng hanay ng mga dormitoryo ang kaniyang kotse, bumaba si Ming at pilit na ngumiti bago siya tinalikuran. Sa ilang saglit pa, sumisibad na sa kung anong talsik ng mga liwanag ang kaniyang sasakyan. 

PASAKAY na sa elevator si Edel nang maramdaman niya ang isang kamay sa kaniyang balikat. Napalingon siya at nakita niyang nakangiti sa kaniya si Architect Koko Planas. Humarap siya sa pinuno ng kaniyang iniwang Sobresantos Construction Company

“Kumusta? Kailan ako huling napasyal sa iyo?” bati niya kay Architect Planas.

“’Yon ba ang mahalaga, Attorney?” sagot ni Architect Planas. “Hindi ba ‘yong isusuot mo?”

Umandar ang elevator at bago nakasagot si Edel, nasa palapag na ng construction company silang dalawa. Napilitang bumaba sa nasabing palapag si Edel at sumama sa arkitekto sa opisina nito. Una niyang nabungaran sa opisina ang kalihim nitong si Zyra na tumingin sa kaniya at ngumiti.

“Wow! Nag-renovate yata kayo!” bati ni Edel kay Architect Planas, pati na kay Zyra na tumango lamang pagkangiti.

“Ngayon lang nagkapera. O, ano ngang binili mo?” sabi pa nito.

“Malapit na nga pala ‘yon,” nasabi ni Edel at makaraang masdan ang buong opisina ni Architect Koko, umakto siyang aalis. 

Pinigil siya ni Arkitekto Planas. “O, upo muna saglit at lilipat tayo sa opisina ni Dino. Kailan ka huling napasyal sa kaniya?” 

Natigilan si Edel. Wala siyang balak na harapin man lamang si Dino. Hihintayin niyang magsalita si Amyra. 

“Hindi na kami nagkita ni Dino makaraan ng inagurasyon ng opisina ng kapatid niya!”

“Nar’yan si Dino. Pagkakataon na nating dalawa!”

“Maayos na pala siya…” nasabi na lamang niya nang hawakan siya sa braso ni Arkitekto Planas. Ang narinig niyang pagkakasakit ni Dino ang kaniyang tinutukoy.

Alam ni Edel na hindi na niya maiiwasang harapin si Dino, kaya napatangay siya sa arkitekto. Pumasok siyang masaya nang makapasok sila sa opisina ng chief executive officer ng dalawang kumpaniya sa gusaling iyon.

Namangha si Dino nang mapatutok ang tingin nito kay Edel. “O, masyado yatang malayo ang opisina ni Amyra?”

Alam ni Edel na patungkol sa kaniya ang bati ni Sandino Sobresantos, Jr. Nagtawa siya.

“Kumusta ka na? Okey na ba ang lahat?” Masaya ang pagbati niya kay Dino.

“Masama tayong damo, Edel. Mahirap bunutin!” Tumayo si Dino sa pagkakaupo sa executive chair nito.

Nagtawa pareho sila ni Architect Koko. “Sino ba naman ang hindi?”

Well, wala naman akong inaasahang magiging problema!” Nakatingin kay Edel si Dino. Siya ba ang tinutukoy nito?

“Natutuwa nga ako at mukhang you are fully recovered!” sabi naman ni Edel.

Mabilis na nilapitan ni Dino si Edel at kinamayan. “Talaga? Well, Architect…ano pa ba ang problema ko?”

No more. Narito ka at masaya tayong nag-uusap!”

“Matutuwa si Amyra at nagkita na tayo, Edel!” sabi pa ni Dino at binitiwan ang kamay niya.

“Ano pa ba ang gagawin namin ni Edel kundi paghandaan ang masayang okasyon?” sabi pa ni Architect Plnanas.

Just inform her…that we meet today!” bilin pa ni Dino kay Edel na si Amyra ang tinutukoy.

Muli, kinamayan ni Edel si Dino bago nila iniwan ni Architect Planas ang opisina ng kanilang CEO.

NGUNIT talagang masakit saksihan ang kasal nina Dino at Romina sa simbahang iyon. Halatang medyo mahina si Dino nang mga sandaling iyon kahit ibig nitong ihiwatig na nakabawi na ito sa pagkakasakit. Wala pa si Ming na ipinagpasalamat sa sarili ni Edel, ngunit alam niyang daratig ito sakay ng kotseng ipinagamit ni Dino. Inabangan niya ang lalaki sa bungad ng simbahan, saka kinamayan ito sa harap ni Architect Planas at iba pang panauhing nagpauna sa simbahan.

Si Zyra ang nakapuna sa kaniyang pag-alis. “Darating na ang bride…”

“Susunduin ko si Ms. Sandino sa kaniyang condominium,” sagot niya. “Nakapasok na naman ang groom sa simbahan. Hihintayin niya ang bride sa may altar…”

“Akala ko’y may kotseng gagamitin si Ms. Sandino.”

“Hihintayin niya ako,” tugon ni Edel. “Mula nang magpahinga na si Mr. Apolonio…”

Ngunit parang hindi siya narinig ni Zyra.  Pumasok na rin ito sa simbahan at nakihalubilo sa mga nakilala. Nagtungo naman siya sa kaniyang kotse. Sa totoo, may usapan sila kagabi ni Amyra na magkita na lamang sa bungad ng simbahan. Ngunit ngayong makamayan niya uli si Dino at napalayo siya kay Architect Planas, may nararamdaman siyang kirot. Kaya nagtungo siya sa kaniyang kotse at nagmananeho. Saan siya pupunta

Maikakaila ba niya kay Amyra ang kaniyang nararamdaman? Darating ito at hahanapin siya. Ngunit wala siyang ipinangako rito. Alam nito ang damdamin niya kay Ming. Magiging matapang siya kung titigil siya sa bungad ng simbahan. Kakamayan niya si Ming kung sakali at iba pang kakilala. Ngunit bakit pa? Wala naman siyang ipinangako rito. Magmula nang maghiwalay sila pagkahatid niya rito sa dormitoryo, alam niyang iyon na ang huli nilang pagkikita nang hindi pa ito nakatali kay Dino. Kung magkita man sila, aksidente. Ngunit wala na siyang intensiyong makita ito. Dama talaga niya sa dibdib ang kirot!

Pinasibad niya sa lansangan ang kaniyang sasakyan. Saan ba siya pupunta? Mag-oopisina siya kina Chito at Torre, Jr.? Alam nitong ikakasal si Ming. Ngunit walang sinasabi sa kaniya si Chito kahit alam nito ang nakaraan nila ng kababata! Hindi niya magagawang pumunta sa opisina nito. Ang opisina na lamang niya sa tabi ni Amyra ang maaari niyang puntahan. Hindi papasok sa opisina niya si Amyra. Tiyak na darating sa simbahan ang dalaga. At pagkatapos ng kasal, makikipagdiwang ito! Wala siya sa handaang otel. At lubhang sibilisado si Amyra para hindi nito maintindihang hindi siya makikipagdiwang sa kasal ni Dino!

Pinasibad pa niya ang kaniyang kotse. Patungo siya sa opisina nila ni Amyra. Tiyak na wala roon ang dalaga. At mag-isa lamang siya roon. Wala rin ang temporary secretary kinuha nito sa ibang opisina noong isang araw. Tiyak na nag-aasikaso rin ito sa otel sakaling may pumalya sa mga tauhang binayaran ni Dino may dalawang linggo na ang nakakaraan.

Ngunit hindi tumuloy si Edel sa opisina nila ni Amyra. Pinasibad pa niya ang kaniyang sasakyan. Kung saan siya pupunta, hindi niya alam. Hindi na siya tatanungin ni Amyra sa muli nilang pagkikita. Alam na nito ang sakit na kaniyang nararamdaman. Iniisip niyang maghihintay na lamang ito ng panahon nang hindi ito kasukob sa kasal sina Dino at Ming. At hindi nito iyon babanggitin sa kaniya!

Hindi na naman niya nakikita ang aspaltadong lansangang tinatakbo ng kaniyang sasakyan.

MAY isang linggong pumasok dili sa opisina nila si Amyra. Abala ito sa pag-aayos ng mga papeles ng mga bagong investor na nakuha nito mula sa iba pang kaibigan sa Europe. Ngunit kung ipapasa sa kaniya iyon, pakikiusapan niya sina Chito na mag-asikaso. Wala siya sa kondisyon dahil sa kaniyang nararamdaman. Ngunit ipinatawag siya ni Amyra.

“Kailangang tapusin mo ang mga papeles ng mga bagong investor natin sa beach resort sa Mindoro. Aasahan nilang bubuksan na natin ang huling phase ng development sa susunod na linggo!” sabi sa kaniya ni Amyra.

“Pupunta tayo roon?” pawalang-bahalang tanong niya.

“Hindi, Edel. Sa Batangas tayo pupunta. Ilang buwan na ba na hindi natin napapasyalan ‘yon? How are the dams in the mountain that supply a lot of water to our garden paradise and the environs?”

Ngunit ayaw sana ni Edel na gumawi roon. Naiisip niya si Ming. Ang mga lupaing kanilang pinagmulan! Ngunit nasaan na ba sina Dino sa honeymoon ng mga ito? Hindi lamang sa Japan at Korea ang sadya ng dalawa. May plano ang mga ito na sumakay sa Trans Siberian Railways para danasin ang silk road patungo sa isang bahagi ng Europe sa labas ng Rusya. Alam ni Architect Planas na iiwasan ng dalawa ang mayelong bahagi ng Estados Unidos na kahangga ng Canada. Mula sa unang bansa sa Europe, mag-eeroplano na ang dalawa pabalik sa Pilipinas.

Makakaya ba ni Dino ang maraming biyahe dahil alam niyang may bitbit itong karamdaman? At hindi naman sanay si Ming sa maraming bansang papasyalan ng mga ito kaya magyayakag itong umuwi sa Pilipinas

Bakit iniisip ni Edel ang mga iyon? Ibig niyang bumalik ang dalawa mula sa pulotgata ng mga ito dahil ibig niyang masilayan ang kaniyang kababata? Trophy wife lamang si Ming! Hindi magagalaw ni Dino ang pagkababae nito. 

We have to hire someone to drive us the van that will bring us to Batangas?” naisip ngayong itanong ni Edel para mailayo niya ang iniisip kay Ming.

Tumingin sa kaniya si Amyra. “Are you not interested in an adventure with me?” 

If we have to cross the sea to Mindoro?” ganti ni Edel.

“Hindi, Edel. Tayong dalawa lamang ang pupunta sa Batangas. Along the way, we will book some hotels. Hindi ba mas interesting iyon?”

Pitong buwan pa bago hindi sila masaklaw ng sukob sa taon! Parang buhay pa ang matandang Sobresantos! Iginagalang nila ang mga panuntunan ng matanda sa buhay! Naiisip iyon ni Edel sa kanilang pagpunta ni Amyra sa garden paradise at beach resort sa Batangas.

But I am not only thinking of the outstanding growth of our projects in Batangas. How about the dispersal of crops due to the cultivation of arid lands that benefits from the water from the dams in the mountain?”

May ilang lupaing nabili si Amyra sa paligid-ligid ng mga ari-arian ng kanilang mga magulang na dadalawin din ng dalaga

“Iniisip mo rin iyon, Amyra?” Parang sa inosente ang kaniyang tanong.

“Bakit hindi? Ang pagsakay lang pala natin sa helikopter ang kailangan para makinabang sa mga dam na iyon ang libo-libong magbubukid at mga mahirap sa paligid-ligid ng bundok na iyon!”

“Isa pala ‘yon sa sadya natin sa pagpasyal sa Batangas?”

“Ibig kong makita kung gaano kasaya ang mga taong daratnan natin sa mga ari-arian doon!”

Hindi ang malimot niya kung nasaan si Ming at kung sino ang kasama nito, naiisip iyon ni Edel!

Kinakamalawa ng gabi, si Edel ang nagmaneho ng isang malaking sasakyan ni Amyra. Maraming ikinuwento ang dalaga sa naiisip pa nitong mga puhunan na parang saklaw na rin pati ang mga proyekto ni Dino.

As the investments of my friends pour in from Europe what will stop me?”

“Papaano kung proyekto na ni Dino ang ating pag-uusapan?”

Tumingin sa kaniya si Amyra nang saglit niyang lingunin ito. “He is encouraging me, Edel!”

Sasaklawin na ngayon ni Amyra ang mga proyektong dating inirereserba nito sa hinaharap?

“He’s done, Edel! That’s why I don’t want you to leave me…even if Ming is around holding some of the properties of Dino!”

 Pumapasok na sila sa bakuran ng isang otel na titigilan nila nang gabing iyon. Ngunit parang nawala siya sa sarili. Unti-unting sumaklaw sa kaniya ang katotohanan ng kalagayan ni Dino. He’s done. Edel!  

(ITUTULOY)