Ang Puting Pader

“Tapos na rin,” sa isip niya habang tinitingnan ang puting dingding.

Gaano nga ba kahirap mamuhay nang hindi naaayon sa iyong kagustuhan?

Ni Mariel M. Pabroa

MAHIRAP ang mamuhay pero mas mahirap ang mabuhay habang kaharap ang dingding na walang kulay.

Sampung minuto nang nakatunganga si Marites habang nakatingin sa monitor ng kanyang kompyuter. Wala ni isang salitang lumalabas sa kanyang utak at pati na rin sa screen. Tinuplok niya ang letrang L at bigla rin niya itong dinelete. Tuplok ulit sa keyboard. Delete ulit. Tuplok ulit sa keyboard. Delete. Bumuntonghininga siya nang malalim at inayos ang pagkakaupo. Kailangan na niyang makapagsulat. 

Nagtatrabaho si Marites sa isang kompanyang nakabase sa Cebu. Isa sa mga trabaho niya ay ang magsulat ng alinmang bagay tungkol sa mga produkto at serbisyo ng iilan sa kanilang mga kliyente sa labas ng bansa. Dahil kadalasan ng mga kliyente nila ay nasa Estados Unidos, Ingles ang lengguwaheng dapat niyang isulat. Hindi man masyadong magaling sa Ingles, kinakaya naman ito ni Marites, salamat sa madaliang Google search

Napabuntonghininga ulit ang dalaga. Umayos uli sa pagkakaupo. Kailangan niyang makapagsulat ngayon ng isang product description. Isang produkto lang naman para sa bago nilang kliyente, ngunit magpahanggang ngayon ay wala pa rin siyang maisulat. 

Binuksan niya ulit ang dokumento ng kanyang gawain. “Oneia Product Description,” bungad pa ng task file. Pinindot niya ulit ang keyboard at napunta siya sa listahan ng mga dapat niyang gawin kasama na rin ang impormasyon ng kompanyang “Oneia.” 

Hindi niya na lamang ito pinansin. Kinopya lang naman ito sa huli niyang mga gawain, ilang araw lang ang nakaraan. Nag-scroll pababa si Marites at nakita ang kanina pang hinahanap na dokumento tungkol sa kompanyang “Oneia” at ng mga produkto nito.

Binuksan niya agad ito at binasa. Halatang kinopya ang mga impormasyon galing sa website ng kompanya kaya agad napailing si Marites. 

“Ni hindi man lang nag-format nang maayos,” saad ng dalaga sabay tuplok sa website link ng kompanya. 

Ilang minuto pa at agad na natapos basahin ni Marites ang tungkol sa kompanya. Nakopya at na-format na rin niya ang mga impormasyon nito nang maayos sa kanyang document file. 

Handa na sanang magsulat ang dalaga nang bigla namang nag-chat ang kanyang manager

“Tes, kindly write these ASAP.” May nakalagay pang smiley face emoji sa huling parte ng chat kasama ang link ng mga task file.

Naiinis man ay agad-agad ding binuksan ng dalaga ang link para makita kung saan patungkol ang bago niyang mga gawain. Ngunit, ang una agad niyang nakita ay ang deadline nito. Tiningnan niya rin ang dalawa pang task file at pareho ito ng mga deadline. Ngayong araw. Alas singko ng hapon. 

Agad-agad na nakaramdam ng init sa kanyang mukha si Marites na para bang biglang tumigil ang electric fan na nasa gilid niya. Bumuntonghininga siya para pakalmahin ang sarili. Ngunit, sa sobrang inis ay galit na nailagay ng dalaga ang kaliwang kamay sa mukha. Kailangan na niyang makapagsulat. 

Bumuntonghininga ulit si Marites at inayos ang pagkakaupo. Habang nag-iisip kung saan sa mga gawain ang uunahin ay mariin niyang tinitigan ang puting pader sa harapan niya. Katulad ng document file niya na wala man lang maski isang sulat ay ganoon din ang pader ng kanilang bahay. Natawa na lamang siya nang mapait. Kung hindi lang sana siya puro trabaho ay sana nakulayan na niya ito ng iba pang kulay. 

Natawa ulit si Marites. “Ano bang iniisip mo? Wala ka nang ibang oras para magpintura.”  

Nang bumalik ang isip ng dalaga sa screen, tiningnan niya ulit ang mga bagong dapat gawin at kahit na nanlulumo ay tinipa ang mga salitang, “Noted miss.” 

Bilang magdadalawang taon na si Marites sa kompanya, nasanay na siya sa agarang mga gawain. Magsulat ng artikulo para sa kliyenteng ito, magsulat ng product description para sa kompanyang iyon. Ngunit, sa mga nagdaang buwan, parang nawawala na ang kulay ng kanyang puso.

Hindi naman siya ganito noong una. Naalala pa niyang isang linggo pagkatapos ng kanyang graduation ay agad siyang nakapagtrabaho sa kompanya. Dalawang buwan bago pa kasi siya grumadweyt ay nagpasa na agad siya ng resume sa iba’t ibang kompanyang nangangailangan ng mga writer. Kahit anong klaseng trabaho ay papatusin niya basta makapagtrabaho lamang siya agad. Kaya noong nabasa niya ang unang email na siya ay qualified for interview ay agad-agad siyang sumagot ng ‘oo.’

Tatlong araw din pagkatapos niyang nakuha ang email ay inimbitahan agad siya sa isang one-on-one interview. Dahil una niya itong interview, gusto niyang ito na rin ang maging huli. Kaya para mapaghandaan ito ay nagsaliksik pa siya nang nagsaliksik tungkol sa kompanya at sa kanyang magiging posisyon. Naghanap na rin siya ng mga posibleng “question and answer during job interview” na naglipana na rin sa Internet.  Mahirap na baka tumagal pa ang paghahanap niya ng trabaho.

Hindi naman ganoong kalakihan ang kompanya, ngunit maganda at malaki ang opisina nito na nasa pinakamalaking gusali sa siyudad. At kung gaano kaganda ang opisina nito ay ganoon din kaganda ang offer nito sa kanya bilang suweldo. Dahil dito, agad-agad din siyang nag-sign ng contract agreement. 

Sa unang buwan pa lamang ay alam na ni Marites na mahihirapan siya sa trabaho. Kahit na gusto niyang magsulat nang magsulat ng kung ano-ano ay may mga patakaran siyang dapat sundin para na rin sa kompanya at mga kliyente nito. Ngunit, kahit na ganoon ay nagpursigi pa rin siya dahil gusto niyang tumagal sa kompanya.

Magsaliksik, magsulat, at mag-edit ng content. Ito ang mga kadalasan niyang ginagawa, ngunit sinisiguro niyang bago siya nagsusulat ng content para sa kanilang kliyente ay iniintindi niya muna kung ano ang mga produkto at serbisyong ibinibigay nito. Kaya hindi nagtagal ay nasanay na siya sa trabahong ito at tinaasan pa siya ng suweldo. 

Biglang bumalik sa kamulatan ang isip ni Marites nang marinig niya ang tunog ng kanyang messaging app. Ilang minuto na rin siyang nakatingin sa puting screen habang nagliliwaliw ang kanyang utak, at pati puso sa nakaraan.

Binuksan niya ito at binasa ang mga salitang, “Thank you.”

Maraming salamat, pag-uulit niya sa kanyang isip. Napangiti siya nang mapait at pinindot ang buton na may letrang “x.”

Marami na siyang narinig na “maraming salamat” galing sa kanyang manager at pati na rin sa iba pang mga empleyado. Noong bago pa siya ay isa ito sa pinakagusto niyang marinig galing sa mga kasama, at lalong-lalo na sa kanyang boss. Ngunit, nitong nagdaang buwan ay naisip na rin ni Marites kung tunay ba ang mga salitang “Thank you” ng kanyang manager at boss o sinasabi na lamang nila ito dahil nasanay na rin sila. Hindi niya alam kung ano ang sagot pero alam niyang nasanay na rin siya sa mga salitang ito at hindi na siya ganoon kasaya kapag naririnig o nababasa ito. 

Hindi na siya nag-reply pa at binasa na lamang ang dokumento tungkol sa “Oneia” at sa produkto nito. 

Sa ilang ulit pang pagbabasa ay naintindihan na rin niya sa wakas ang dapat niyang isulat at agad-agad na nagtipa na para bang kanya ang kompanya at kabisadong-kabisado niya ang tungkol dito. 

Ilang oras din ay natapos na niya ang tungkol sa product description at kinakailangan na lang itong aprubahan ng kanyang manager

Pagkatapos din ng gawaing iyon ay agad din niyang binuksan ang isa sa kanyang mga bagong task. Sobrang positibo pa siya noong una, ngunit nang mabasa ang gagawin ay biglang nanghimutok ang kanyang damdamin. Dapat siyang gumawa ng isang article na hindi bababa sa dalawang libong salita at isang gawain pa lamang iyan sa tatlo na kabibigay lang ng kanyang manager

Gusto mang umiyak ni Marites at kaawaan ang sarili ay agad din niyang binasa ang kung anong dapat gawin at kahit na padabog ay sinubukang magtipa. Tumigil lamang siya nang alas dose na. 

“Anim na raang salita. Ayos na rin kaysa wala,” saad niya sabay tayo at lakad palayo sa kanyang maliit na parte ng kanilang bahay na ginawang makeshift office. 

Habang nagtatanghalian ay nakatunganga lamang si Marites. Hindi pa siya nangangalahati sa kinuhang kanin at kaunting ulam na pansit. Ilang araw na rin siya binabagabag ng ideyang gusto na niyang mag-resign

Hindi naman sa hindi niya gusto ang kanyang trabaho, ngunit wala siya sa tamang wisyo. Wala sa tamang puwesto ang isip niya’t puso na tila ba napipilitan lamang siyang gawin ang lahat ng mga ginagawa niya.

Noong unang mga buwan niya sa trabaho ay taas-noo niyang binabahagi ang tungkol sa kanyang trabaho. Na isa siyang content writer sa isang kilalang kompanya sa Cebu na may mga kilalang kliyente abroad.

Sa tuwing nagtatanong ang kanyang mga kaibigan ay masaya niyang binabahagi sa mga ito ang bawat parte ng kanyang buhay sa kompanya, kung saang gusali ang kanilang opisina, kung sino ang boss niya, at marami pang iba. Ikinukuwento niya ito nang sobrang makulay. Na para bang tanging ito na lang ang gusto niyang gawin habambuhay. Ngunit, nitong nagdaang mga buwan ay tumigil ang kanyang mga makulay na paglalakbay. Wala nang mga kuwento kung sino ang mga bago nilang kliyente at kung ano pa ang mga nangyayari sa opisina nila. Hindi alam ni Marites kung ano talaga ang dahilan kung bakit nagbago ang kanyang pagtingin sa kanyang trabaho. Masaya naman siya noong una. Noong una. 

Maaaring nagsimula ang lahat ng ito nang may empleyadong hindi pa man nagtatagal sa kompanya’y binigyan agad ng mataas na puwesto. Nang tinawag sila para bigyan ng magandang balita, akala ni Marites ay siya ang pipiliin. Ngunit, nanlumo lamang siya nang tawagin ang pangalan ng bagong empleyado. Alam niyang kasabay nito ay ang mas marami ring responsibilidad, pero alam niyang kayang-kaya naman niya ang mga ito. Ngunit, para bang hindi siya nakikita ng kompanya. Tagasulat lang talaga siya. 

Maaari ring nagsimula ito nang isa-isang nag-alisan ang mga naging kaibigan na ni Marites sa kompanya. Noon kasi ay palagi silang sabay na kumakain ng tanghalian sa labas ng opisina. Pinipili pa nila ang mga kakainang puwesto. Iyong hindi mahal ang mga pagkain at ulam, at may mauupuan. Kapag break time rin nila’y nag-uusap sila sa pantry habang umiinom ng kape o kumakain ng cake. Minsan nama’y nagkakayayaan sila na manood ng pelikula pagkatapos ng trabaho o ‘di kaya’y kumain sa pinakamalapit na kainan. Ngayon kasi’y nasa ibang kompanya na ang mga ito at nawala na rin ang komunikasyon niya rito. 

Mapait na ngiti na lamang ang naiwan sa mukha ni Marites. Hindi niya alam kung magkikita pa silang muli. 

Ilang sandali pa’y tinapos na lamang ng dalaga ang kalahati ng kanyang pagkain at inilagay sa kanilang pridyider ang mga naiwan. Kinuha rin niya ang kanyang gamot at ininom ito.

Tatlong buwan na rin nang maging work-from-home employee si Marites. Hindi niya inaasahan ang sakit na dumapo sa kanya. Hindi naman ito malala, ngunit mas ginusto ng kanilang management na magtrabaho na lamang siya sa kanilang bahay. Ngayon, patuloy pa rin niyang iniinom ang gamot at nagpapa-check-up. 

Hindi pa naman nag-aalauna ay bumalik ulit si Marites sa kanyang maliit na opisina. Agad-agad siyang umupo at tinitigan ang puting pader sa likod ng kanyang computer screen. Tatlong buwan na rin niya itong tinitingnan at tatlong buwan na rin siyang binabagabag nito. Kalungkutan. Iyan lang ang tangi niyang nararamdaman sa tuwing tinitingnan ito, ngunit hindi niya mahinuha kung bakit.

Pinindot na lamang ni Marites ang pindutan ng screen at ipinakita agad nito ang kanyang naisulat kanina. Sinubukan niya itong basahin. Unang parte pa lang ng talata ay wala na itong emosyon. 

“Parang robot,” naisaad niya sa sarili.

Habang nakalagay pa rin ang mga kamay sa keyboard at mouse ay patuloy niyang binasa ang buong naisulat at nang matapos ay napasalampak siya sa pagkakaupo. Napakamot pa ang dalaga ng buhok at nagdekuwatro na lamang ng pagkakaupo. 

Nakipagtitigan pa si Marites sa puting pader ng ilang minuto, ngunit agad-agad din niyang inalis ang pagkakatitig. Inayos niya ulit ang pagkakaupo at dali-daling tinuplok ang mga letra sa keyboard at pagkatapos ay ang mouse

How to make a resignation letter?” saad pa ng Google search

Lumabas agad ang mga sagot sa kanyang tanong. May nagbigay ng kahulugan ng salitang resignation letter. May iba ring nagbigay ng format at mga halimbawa. 

Hindi pa siya nakakapagsulat nito kaya wala siyang alam kung ano ang format nito. Naturuan naman sila sa kolehiyo kung paano magsulat ng liham, ngunit hindi parte roon ang liham kung gusto mo nang kumawala sa isang kompanya. 

Agad-agad ding kinopya ni Marites ang mga halimbawang liham sa kanyang document file at dahan-dahang pinunan ang mga parte nito. Madali namang napunan ng dalaga ang ilang impormasyon katulad ng address at kung sino ang pagbibigyan nito; ngunit, napatigil na lamang si Marites at nakipagtitigan sa puting screen. Ano ang dahilan niya? Bakit siya magre-resign

Ilang minuto pa ang lumipas at hindi pa rin lumalabas sa utak ni Marites ang tunay niyang dahilan. Ang tanging nagawa niya habang nag-iisip ng dahilan kung bakit siya magre-resign ay ang mangilan-ngilang pagbuntonghininga at pag-aayos sa kanyang pagkakaupo. Ano ba ang dahilan niya? 

Mag-aalauna na nang sinara ni Marites ang resignation letter at sinimulang tapusin ang kanyang kasusulat lang na article. Kailangan niyang tapusin ang iba niyang gawain bago mag-alas singko. Ayaw pa naman niyang ma-overtime lalong-lalo na’t Biyernes ngayon. Ang gusto niya na lamang ay ang matulog.

Binasa niya ulit ang naisulat niya kanina at ngumiwi ulit siya dahil sa nabasa. Hindi nga kagandahan at marami siyang kailangang i-edit. Kailangan niyang madaliin ang lahat ng ito. 

Walang ano-ano’y sinimulan niya ulit ang pagsusulat. Ni hindi siya nag-break ng dumating ang alas tres. Sulat dito, sulat doon. Tingin sa computer screen, tingin sa orasan na nasa gilid ng maliit niyang opisina. Pindot, tuplok, tingin. 

Alas singko y media na ng hapon nang matapos ni Marites ang lahat. Agad-agad siyang nag-log off at napaupo sa upuan na para bang katawang nawalan ng kaluluwa. Ang dalawang kamay niya’y nakabitin sa bawat gilid ng upuan at ang ulo’y nakatagilid.

“Tapos na rin,” sa isip niya habang tinitingnan ang puting dingding. 

Biglang tumunog ang kanyang tiyan at dito lamang niya naisip na hindi pala siya nag-break kaninang alas tres. 

“Nandito na kami,” biglang wika ng ina ni Marites. Dumating na pala ito. 

Kahit na ramdam pa rin niya ang pagod galing sa madaliang paggamit ng utak at pagtipa nang pagtipa ay tumayo si Marites at sinalubong ang ina. 

“Mano po,” sabi pa niya sabay kuha sa mga dala-dala nitong sobrang pagkain galing sa karinderya nila sa palengke. 

Kitang-kita sa mukha ng ginang ang ilang taong pagtatrabaho nito para matustusan ang pang-eskuwela ni Marites at sa nakababata niyang kapatid. Hindi rin maikakaila na ang kamay nito ay sanay na sa mga gawaing bahay at sa pagbubuhat ng mabibigat na mga prutas at gulay. Mag-aapatnapung taon pa lamang ito, ngunit para na itong edad sisenta. 

Pagkatapos na mailapag ni Marites ang mga dala-dala ng ina sa kusina at mailagay ang iilan sa pridyider ay bumalik na ulit siya sa kanyang maliit na opisina. Agad siyang umupo sa kanyang upuan at binuksan ang document ng kanyang resignation letter. Nang akmang magsusulat na ang dalaga’y dumating naman ang kanyang ama kasabay ang hindi matatawarang boses at halakhak nito sa labas ng kanilang bahay na dinig hanggang loob. Napangiti na lamang siya. 

Isa sa mga hindi malilimutang alaala ni Marites noong bata pa siya ay ang pagpunta ng kanilang buong pamilya sa Sto. Niño de Cebu. Pagkatapos kasi nito ay binibilhan siya ng kanyang ama ng kahit anong pangkulay at dinadala rin sila sa isang sikat na fastfood chain para lang kumain ng manok at french fries. Dalawang beses o tatlong beses sa isang taon lang kasi nila itong nagagawa dahil sa pagiging kapos nila sa buhay. 

Ang tanging napagkukunan nila ng pantustos sa araw-araw ay ang katatayo lamang nilang maliit na karinderya. Hindi rin masyadong marami ang kanilang mga mamimili dahil malayo ang karinderya sa merkado ng Cebu at maraming naglipanang fastfood chain at malalaking kainan malapit sa kanilang karinderya. 

Ang malaking porsiyento naman ng nakukuha nila sa karinderya ay napupunta kay Marites dahil sakitin siyang bata at sa bayarin nila bawat buwan, kabilang na ang renta sa maliit nilang bahay at ang bayad sa tubig at ilaw. 

Mas lalo pang kailangang kumayod ng kanyang magulang nang kailangan nang pag-aralin ang nakababatang kapatid ni Marites. Kahit kasi pampublikong paaralan lamang ang pinapasukan ng mga bata ay maraming mga bagay na dapat bilhin at bayaran. 

Ito ang naging dahilan ni Marites para magsunog ng kilay simula nang tumuntong siya ng hayskul. Narinig kasi niya na kapag nakasali sa top 10 ang isang magtatapos na estudyante ay malaki ang tsansang mabigyan ito ng scholarship. Ayaw na kasi niyang makita pang nahihirapan ang mga magulang sa pagtustos sa mga kailangan niya sa eskuwela. Mabuti nang may scholarship siya para ang poproblemahin na lamang niya ay ang pambayad sa dyip papunta at pabalik ng iskul. 

Hindi nga nagtagal ay naging valedictorian si Marites, nakapasok sa isa sa pinakamalaking unibersidad sa Cebu, at ngayon ay nagtatrabaho na sa isa sa pinakakilalang marketing firm sa siyudad. 

Agad na tumayo si Marites para salubungin ang kanyang ama. “Mano po.”

“Anak, may dala akong paborito mo,” mahinang sabi pa nito at inangat ang paboritong manok at french fries ni Marites. 

Napangiti ang dalaga at niyakap ang ama na kagagaling lang sa talyer na pinag-ayusan ng kanilang dyip. 

“Ate, baka ma-suffocate mo na ang ipinagbubuntis ni Papa,” biglang saad pa ng nakababatang kapatid ni Marites na may dala-dala ring plastic ng fastfood chain.  


Si Mariel M. Pabroa ay isang manunulat ng mga kuwento’t tula mula sa Cebu. Namulat siya sa pagsusulat ng balita noong hayskul, ipinagpatuloy ang kursong Development Communication, at ngayon ay isang content specialist sa isang kompanyang nakabase sa Cebu. Ilan sa kanyang mga akda ay nailathala na sa Sunstar Cebu, Cebu Daily News, Inner Child Press, at iba pa.