Ni Mario D. Dalangin
HUNYO na naman.
Karaniwan nang tradisyon sa ating bansa at maging sa ibang panig ng mundo ang kasalan sa buwang ito. Katulad ng mga buwan ng Disyembre at Enero, ang buwan ng Hunyo ang pinipili nila para “lumagay sa tahimik”, o ayon naman sa iba, “lumagay sa magulong buhay”.
Sikat na sikat ang salitang “June Bride” na tawag sa mga babaeng nag-aasawa sa ganitong buwan. Masaya silang makasal sa buwang ito, at kahit na matagal nang tapos ang kasal, gusto nilang balik-balikan ang okasyong ito at ang kanilang pagiging “June Bride.”
Ayon sa kasabihan, kapag nag-asawa ang babae sa buwan ng Hunyo, tatawagin siyang “bride all her life”. Kapag lalaki naman, tatawagin siyang, “bridegroom who marries a sweet-heart for a wife”.
Tinatawag ang buwan ng Hunyo bilang “the marrying-est month” sa lahat ng buwan ng taon. Ang buwang ito ay hango kay JUNO, isang Diyosang Romano na sumisimbulo ng pag-ibig at kasal.
Sinasabi rin noon, na minsan lang “maligo” ang mga tao sa loob ng isang taon, lalo na ang mga babae. At sa buwang ito lang nangyayari. Kaya naman, sa buong taon, sa Hunyo lamang nagiging presko at mabango ang mga ikinakasal lalo na ang mga kababaihan.
Alam ba ninyo, kaya pala may hawak-hawak na mga “bouquet” o palumpon ng mga mababangong bulaklak ang mga babae patungong altar kapag sila’y ikinakasal ay para magsilbing pabango ang nasabing mga bulaklak sa kanila? Ayon sa kinamulatan o paniniwala, ang mga bulaklak na ito ang nagsisilbing pangontra sa amoy o “sangsang” ng kanilang mga pawis at iba pang dumi sa katawan dahil nga sa hindi nila paliligo.
Isa pang dahilan kung bakit ang buwan ng Hunyo ang popular sa lahat ng buwan sa pag-aasawa sa ibang bansa ay dahil pagkatapos makasal ang babae sa buwang ito, kung siya’y magbuntis ay hindi matatapat sa panahon ng “tag-ani” ang kanyang panganganak.
Sa Pilipinas, ang naging dahilan din sa maraming nagpapakasal sa buwang ito ay dahil dikit ito sa buwan ng Mayo; buwan ng mga bulaklak at ng Birhen Maria. Ang mga babaeng nagmamahal sa Mahal na Birhen at gustong puno ng mga bulaklak ang simbahan kapag sila’y ikinasal ay pinipili ang buwang ito.
Ayon sa tala ng Philippine Statistics Authority, noong 2015, ang mga Pilipinong ikinasal sa buwan ng Mayo ay tinatayang 12.2%, sa Pebrero naman na siyang buwan ng mga puso, sinasabing ang nagpakasal ay 11.1%, samantalang noong Abril humigit kumulang ay 10.4% ang nagpakasal. Sinasabi rin sa naturang pag-aaral na ang iba pang mga ikinasal sa taong iyon ay nangyari sa mga buwan ng Disyembre at Hunyo kung saan pinakamaraming porsiyento ang mga ikinakasal. Naniniwala ang mga tao, na sa dalawang buwang nabanggit, nagkakapareho ang porsiyento ng mga ikinakasal kung hindi man lumalamang pa rin ang buwan ng Hunyo.
Sa mga kasalan, kahit ano mang mga buwan ito ganapin, may ilang mga kaugalian ang mga tao na katulad ng mga sumusunod:
Ang babaeng walang asawa na kaibigan o kapatid o kamag-anak ng babaeng ikakasal ang siyang puwedeng maging maid of honor, samantalang ang matalik na kaibigan, kapatid, o sinumang malapit na kamag-anak ng lalaki ang puwedeng maging best man.
Sinasabing ang pangunahing tungkulin ng best man at bride’s maid ay siguraduhing makapunta ang babaeng ikakasal sa simbahan sa takdang oras ng kasal. Isa ring dapat nilang gawin ay ang ilayo ang mga miyembro ng pamilya na tutol sa kasalan. Ang maid of honor din ang nag-aasikaso sa mga bisita na makaupo nang maayos, samantalang ang best man naman ang nagdadala ng alak, nagto-toast at nagpapainom sa mga bisita.
Ang trabaho naman ng flower girl ay para siguraduhin na ilayo at protektahan ang babaeng ikakasal sa demonyo sa pamamagitan ng kanyang pagiging birhen. Ang pagsasabog ng mga bulaklak sa lalakaran ng mga ikinasal ang isa pa rin niyang mahalagang trabaho.
Dapat may ring bearer din sa kasal. Sa makabagong panahon, maaaring siya ay isang batang lalaki o babae, at maaari rin namang isang cute at ginayakang aso o rabbit.
Tungkol naman sa singsing na isa ring mahalagang bagay sa kasal, ayon sa kasaysayan, noong taong 1477 hinandugan ni Archduke Maximillian ng Austria si Mary ng Burgundy ng isang mamahaling brilyante. Ngayon, naging pangkaraniwan nang makatanggap ang isang babaeng ikakasal ng isang mamahaling diyamante mula sa kanyang nobyo. Pinagkakagastusan talaga ito nang malaki ng lalaki kapag talagang mahal niya ang babae.
Naging kaugalian din na maghagis ng bigas pagkatapos ng kasal na sumisimbulo ng kasaganaan para sa mga bagong kasal. Paminsan-minsan, naging tradisyon na rin na magsabog ng cake sa ikakasal, o ano mang butil, prutas, biscuits at iba pa na sumasagisag sa pagkamayabong o pagiging mabunga ng babaeng ikinasal.
Ang paglalakad ng babaeng ikakasal patungo sa altar kasama ang magulang ang siyang isa sa pinakapopular na ginagawa ng mga ikinakasal. Samantala, ang lalaki namang ikakasal ay naghihintay sa mapapangasawa nito sa paanan ng altar kasama rin ang kanyang mga magulang.
Maraming taong involve rin sa nasabing pagdiriwang. Nariyan ang mga Ninong at Ninang, mga abay na babae at lalaki, pares na magsisilo, magbebelo, at iba pa.
Nauso rin ang mga wedding coordinators na siyang nag-aasikaso ng mga ilan pang bagay na kakailanganin sa kasal. Ang nasabing coordinators ay siyang bahala sa mga pagkuha ng pictures, katulong ng ikakasal sa pag-aasikaso sa venue, o pagdarausan ng kasal, paghahanda ng programa sa mismong reception at kung ano ano pa.
Marami ang mga simbahan at lugar na puwedeng pagdausan ng kasal at reception. Kabilang dito ang Manila Cathedral, San Agustin Church o sa isang malaking simbahan sa Tagaytay kapag medyo may kaya ang mga ikakasal.
Mayroon ding sinasabing mga garden wedding o beach wedding na nauso rin sa ibang ikinakasal. Sa halip na sa simbahan, at sa kalapit na lugar mag-reception, sa isang malaking preskong lugar na halos gubat na ito idinaraos, o dili kaya nama’y sa isang beach o sa may harap ng dagat ito nangyayari.
Marami at lubhang makulay ang pagpapakasal ng isang tao. Kung minsan tuloy, nasusukat ang klase ng kasal sa katayuang pinansiyal ng mga ikakasal.
Sa kaugaliang Kristiyano, lalo na sa Katoliko, napakasagrado ang pagpapakasal. Ginagawa ito sa simbahan laging pinamumunuan ng isang pari. Sa turo ng simbahan, tatlong persona ang sangkot sa kasalan, ang babae, ang lalaki, at ang Diyos, na laging ipinauunawa na siyang sentro ng okasyon. Sa hirap at ginhawa, iyan ang palaging idinidiin sa mga nag-aasawa.
Ang lahat ng ito’y nagagawa sa panahong normal pa ang lahat, wala pa ang pandemya.
Ibang-iba na ngayon sa panahon ng corona virus.
Nahihirapan ang sino mang gustong magpakasal ano mang buwan, Enero man, Pebrero, Mayo, Disyembre, o kahit na sa buwan ng Hunyo. Bawal ang anumang pagtitipon ngayon sa simbahan: binyagan man, kumpil, seminar, rekoleksiyon at kasalan. Kaya naman, napipilitang magpunta na lamang ang magiging mag-asawa na gustong magpakasal sa city hall o munisipyo. Doon ang mag-a-administer ng kasal ay isang punong bayan, isang huwes o sinumang may katungkulan sa nasabing sangay ng pamahalaan. Ilang tao lang ang puwedeng kasama na kalimita’y mga magulang at isa o dalawang saksi. Kasal sa huwes o sibil wedding ang tawag sa ganitong uri ng kasal na itinuturing na binding din o legal. Maghihintay na lamang sila kung kailan puwedeng magpakasal sa simbahan.
Pero sa huli, panahon man ng pandemya o normal na panahon, ano mang buwan, ang pagpapakasal at ang buhay mag-asawa’y dapat tumatag sa pamamagitan ng komunikasyon, kompromiso, pagkakaisa at pagmamalasakit ng bawat isa. Makinig, makinig, at makinig daw ang tanging sikreto para sa isang masayang pagsasama ng mag-asawa.