Kung dati’y nakikinig lamang si Dory sa mga kuwentu-kuwentong magdyowa, ngayo’y dinaranas niya…
Ni Armando T. Javier
(IKA-9 NA LABAS)
“IKAW, ha, masyado kang malihim…?” Si Nenit, abot hanggang tainga ang ngiti.
Nagmaang-maangan siya. “Ano na namang intriga ‘yan?”
“Aminin mo na, loka! Bukelyang-bukelya ka na!”
Tinawanan lang niya.
“Kelan pa kayo?” Pursigido ang bruhang pinsan niya.
“Alam mo,” sabi niyang nakalabi, “hindi ka rin tsismosa.” Gusto niyang maintriga si Nenit, wala siyang inamin. Pinagdiskitahan siya nito ng kurot sa tagiliran.
“Ang daya mo talaga!” sabi. At iniwan siya.
Kung kay Nenit ay idinidenay niya, kay Ate Emy, inamin niya.
“Wala akong tutol kay Arnold, nakikita ko namang mabait s’ya. At muk’ang responsable.”
“Salamat, ‘te.”
“–At Dory, ikaw ang mag-ingat. Wala tayo sa probins’ya, malakas ang tukso dito.”
“Tatandaan ko, ‘te.”
Sa lakaran, foursome sila nina Nenit at Kiko. Kundi naman ay nina Matet at Tonton. Biglang nag-iba ang mundo ni Dory. Kung noon, nakikinig lamang siya sa mga kuwento-kuwentong magdyowa, ngayo’y dinaranas niya: ang kilig, ang gaan ng pakiramdam, ang parang walang katapusang oras kapag magkasama sila ni Arnold, ang parang walang kapaguran nila kapag sila’y namamasyal…
Lumalaon, nababaguhan siya kay Arnold.
Kung noong unang lumuwas ito sa Metro Manila ay payat ito, hukot at putlain, ngayo’y tila tumikas, nagkalaman ang katawan, pumorma.
“Parang nag-iba ka?” pansin niya.
Ngumiti si Arnold. “E, kasi magaling kang mag-alaga!”
Iyon pa ang isa, naging bolero.
“’Tamis ng dila mo, ha?”
“Ayaw mo no’n, nade-develop na’ng personality ko?”
Oo nga naman. Pero duda pa rin siya.
Isang hapon, sinundo siya nito sa stall. At hindi ito nag-iisa. Dalawang lalaki, halos kasing-edad ni Arnold, ang kasama.
“Mga brod ko,” sabi.
Nagbigay-galang sa kanya ang dalawa. Hindi rin naman nagtagal, may lakad pa raw. O baka dahilan lang para makapagsolo sila ni Arnold. Hatid siya nito sa bahay. Pero bago iyon, nag-snack muna sila sa food court ng shopping center.
“Ba’t tinawag mong brod ‘yung dalawang kaklase mo?”
“’Yon ba? Brod ko sila–sa fraternity.” Sinabi nito ang pangalan ng fraternity. Hindi kilala ni Dory; wala naman talaga siyang alam doon.
“H-Hindi ba masama ‘yon?”
Nababalitaan niya kasi sa TV at sa diyaryo ang mga estudyanteng namamatay sa hazing.
“Hindi naman lahat,” sabi ni Arnold. “Ang totoo’y nakakabuti pa nga sa ‘kin. Natutulungan nila ‘ko sa studies ko.”
Kung saan, hindi na itinanong ni Dory. Napakiramdaman kasi niya na parang na-offend niya si Arnold. May kaugnayan din kaya roon ang biglang pagbabago ng personalidad ng kanyang boyfriend?
NANG hapong iyon, heto na naman sa stall si Nenit. Alumpihit at tila may gustong sabihin sa kanya.
“Busy ka ba?”
“Hindi naman. Bakit?”
“Me lakad ka ba sa Sunday?”
Umiling siya. “Wala, magtitinda ako. Bakit?”
Hinawakan siya ni Nenit sa braso at binulungan. “’Wag ka nang magtinda, pakiusapan mo muna si Matet.”
“Bakit nga?”
“Nagyayayang mag-swimming si Kiko.”
“Saan?”
“Sa Laguna raw.”
“Ngayon?”
“T’yak na hindi ako papayagan ng Ate Emy nang walang…ano…kasama.”
“Ngayon?”
“Sama ka–kayo ni Arnold.”
Kunsabagay, gusto rin niya. Matagal na nga siyang hindi nakapagsu-swimming. Pero, pumayag naman kaya si Matet? At libre naman kaya si Arnold?
“Sige, kausapin ko si Matet.”
“’Yan…!”
Iyon ay isang private pool sa gilid ng highway sa Calamba. Isang malaking indoor pool. May bahay na apat ang kuwarto. Nasa silong ang shower room. Mayroon pang kusina.
“Aba, okey ‘to, a!” sabi niya, “parang atin ‘tong bahay!”
Humirit si Kiko. “Dapat siguro, kani-kanya rin tayo ng k’warto.”
Sinibat siya nang masamang tingin ni Nenit.
May dala na silang iihawing barbecue, marinated na. Nagpabaga ng uling sina Kiko at Arnold. Silang dalawa ni Nenit, nagtuhog ng karne sa stick. Pasado alas-diyes na nang umaga, tamang-tamang maluto ang barbecue para sa tanghalian.
“Ang bango…!” sabi ni Arnold habang pinapaypayan ang iniihaw, “parang bigla tuloy akong ginutom!”
“Palagay ko’y sobra-sobra sa ‘ting apat ang baon natin.”
Bukod kasi sa barbecue, may baon pa silang hipon. Luto na, isasawsaw na lamang sa sukang may bawang.
“Sana, isinama na lang natin sina Matet at Tonton,” sabi ni Dory.
Hindi naman puwede; walang tatao sa stall.
Pagkakain, nag-bathing suit sila ni Nenit.
Sumipol si Arnold. “Wow! Makita ko lang na nakaganyan for the first time si Mahal, e, sulit na!”
Nilabian siya ni Dory. Hindi naman siya seksi. Sadya lang sigurong malaki ang kanyang balakang; sakal na sakal ang mumurahin niyang one-piece na bathing suit.
Tawanan sina Nenit at Kiko.
Sa pool, hindi siya nilubayan ng pamimilyo ni Arnold. Sisisid ito, at hindi niya namamalayan, biglang susulpot sa tapat ng kanyang mga hita.
“Ay…!”
Mapapangiti, magkikindatan, sina Kiko at Nenit.
“P’re, sinasadya mo ‘ata e…!” kantiyaw ni Kiko.
Dedma kunwari si Arnold.
“Toma tayo, p’re?” alok ni Kiko. May dala silang cooler. Nasa jeep. Mayroon nga roong beer-in-can. Kinuha ni Kiko ang malamig nang anim na lata; ikinuha naman ng juice sina Dory at Nenit.
Naupo ang dalawang lalaki sa harap nang pabilog na mesang bakal sa gilid ng pool at nagsimulang uminom. Naglulunoy pa sa tubig ang magpinsan.
“Ahon muna kayo,” sabi ni Kiko. Ikinaway ang hawak na juice.
Umahon sila ni Nenit; inabot ang malamig na juice at lumagok.
“Enjoy ba kayo?” si Nenit.
Nagkatinginan sina Kiko at Arnold. “Enjoy na enjoy!”
Tumabi si Nenit sa pagkakaupo ni Kiko. Umakbay si Kiko sa balikat nito. Tinabihan naman ni Dory si Arnold. Humalik si Arnold sa pisngi ni Dory.
“Uy! Ang sweet n’yo naman!” kantiyaw ni Nenit.
Tinampal ni Dory si Arnold sa braso; pinamumulahan pa rin ng mukha.
Dapat, sa paglubog ng araw ay umalis na sila. Pero humirit si Arnold.
“Mam’ya na tayo um’wi. Matrapik pa…” Mag-aala-singko na noon. “Wala namang problema. Me sasakyan naman kahit gabihin tayo.”
Oo nga naman. Service nila ang minamanehong jeep ni Kiko.
Nilingon ni Kiko ang dalawang babae; mukhang wala namang tutol.
“–’Tsaka, mas masarap mag-swimming sa gabi,” patuloy ni Arnold. “Mas malamig. Mas romantic.” Kumindat pa kay Dory.
Nilabian siya ni Dory.
Nag-bathing suit uli sila. Sina Kiko at Arnold, nag-swimming shorts. At muling naglunoy sa tubig; sinulit ang nalalabi pa nilang oras doon. Pagkatapos, shower. Pero ano’t nakabantay sa kanya si Arnold?
“O, magsi-shower ako?” sabi ni Dory.
Nakangiti nang pilyo. “Sabay tayo? Type?”
“Ano ka?!”
Ngumisi, pagkuwa’y nagpalinga-linga. “Tapos na naman sina Kiko at Nenit. Nasa ‘taas na nga.”
Siguro’y inaayos ang mga abubot nila para isang bitbitan na lamang pag-alis.
“Basta ayoko,” sabi niya. May kasama nang dabog.
Pero ayaw pa rin siyang lubayan ni Arnold. “Okey. Pero…pa-kiss na lang.”
“Ano ka?”
“Sige na. Bilisan natin habang nasa ‘taas pa sila.”
Nakatayo sila sa pasukan ng shower room. Hinawakan siya ni Arnold sa kamay. “Halika na,” sabi.
“Arnold, ayoko…”
“Halika na. ‘Antagal nang hindi ako nakaka-kiss.”
Matagal na ba iyong wala pang dalawang linggo?
“Arnold naman, baka bumaba sina Nenit…”
“Kaya nga bilisan natin…!”
Nakahakbang na si Arnold sa loob ng shower room, batak siya. Doon, hinawakan siya sa baywang, nayakap. At bago pa siya nakatutol, nahalikan na agad siya sa bibig. Asiwang-asiwa siya ngunit nagsusumingit ang labi nito sa labi niya; sinisikap na ibuka. Nagawa. Nai-torrid siya. Napapikit si Dory at nahiling na sana’y huwag bumaba sina Nenit at Kiko.
KUNG minsan, nagigiltihan din siya. Tiwalang-tiwala ang nanay niya na siya’y naghahanapbuhay rito sa Metro Manila ay heto’t pakikipag-boyfriend ang inaatupag niya. At para yata makabawas sa nararamdamang guilt, hiningi niya ang opinyon ni Arnold.
“Kung gusto mo, e, di aminin na natin sa mother mo?”
“Talaga?” Pinangislapan ng mata si Dory.
“Oo naman. Buti nga ‘yon nang maisama tuloy kita sa ‘min at malaman din nila na malapit na silang magkaroon ng magandang manugang.” Kinindatan siya.
“Sira!”
Nabigla man ang nanay ni Dory, may magagawa pa ba ito? Dalaga na naman ang kanyang anak. At may hitsura. Pero nang nasa kusina na sila at katulong siya sa paghahanda ng hapunan, kinausap siya.
“’Kala ko ba’y kaibigan mo lang ang Arnold na ‘yan?” Hindi naman galit, parang curious lamang.
“E, ‘Nay, sa makulit, e! Na-in-love ‘ata talaga sa ‘kin!”
Napailing ang kanyang ina.
Sa partido ni Arnold, welcome rin siya.
“Matagal na nga naming ibinubuyo’ng binata namin para ligawan ka,” nakangiting sabi ng tatay ni Arnold.
Nagyabang pa ang boyfriend niya. “Kita n’yo naman, ‘Tay, nagtagumpay ako!”
“Korek ka d’yan, anak!” At panabay na humalakhak ang mag-ama.
Bumalik sila sa Pasay nang hapon ding iyon.
IBA na pala ang driver-pahinante ni Ma’m Meme. Kung hindi pa inginuso sa kanya ni Matet, hindi niya mapapansin. May edad nang lalaking malaki ang katawan.
“E, ‘asan na raw si Tems?” wala-sa-loob na tanong niya kay Matet.
Nagkibit-balikat si Matet. “Malay…?”
Ewan ni Dory, pero minsan, nami-miss din niya ang kakulitan ni Tems.
(ITUTULOY)