Wika Nga
ni Vim Nadera

ISA sa katangian ng pinunong mahusay ay ang husay niyang magpapaalala kung gaano tayo kahusay.

Minsan, hindi na kailangan pang iboto ang lider o liderato.

Mas madalas kaysa hindi, sapat na ang espiritu ng bolunterismo.

Ito ang milagro sa Maginhawa.

Bigla-bigla, nagkahimala mula sa wala.

Gàling sa galìng ng isang nagkusa, nagkaroon ng mga paminggalan sa bawat pamayanan.

Ginising nito ang ating pagkamatulungin sa panahon pa mandin ng kawalan.

Kawalang-tiwala.

Kawalang-paniniwala.

Kinusot nito mula sa ating mata, isang umaga, ang antok na dulot ng paghihinala, pagdududa, at paghuhusga.

At pang-iisa sa isa’t isa.

Tagapagpagunita ito sa ating tamang trato sa tao.

Kapuwa ang tingin natin sa ibang tao.

Pero, ang totoo, hindi naman talaga ibang tao ang turing natin sa ating kapuwa.

Ikaw at ako ay hindi ikaw at ako.

Ikaw ay ako!

Maaaring natabunan lamang ngunit hindi nawala ang ating ng pakikipagkapuwa.

Nandiyan pa rin iyan.

Natutulog lamang.

Bumalikwas ang buong Filipinas mula sa matagal-tagal na ring pagkahimbing.

Panawagan itong umalingawngaw hanggang sa liblib na lugar.

Muling kumalembang ang batingaw ng bait.

Sa tulong ng pagtulong, narito ang mga tumulong.

At ito ang kanilang kuwento.

Narito ang magagandang balita sa Mindanao: sa Cagayan de Oro, may isang guro na nagtuturo ng “From Each According To His Ability, To Each According To His Needs” sa inumpisahan niyang Kauswagan Community Pantry sa suporta ng social media; sa Davao, may Matina Community Pantry na nagbibigay ng puhunan ang mga bayaning nasa likod din ng Art Relief Mobile Kitchen at may Cabaguio Community Pantry ang mga madre mula sa The Missionaries of the Assumption; sa Iligan, may dalawang babaeng magkapatid, at hindi sister na may order, ang nagmalasakit sa loob at labas ng komunidad ng mga nakaligtas sa bagyong Sendong noong 2011; sa Maguindanao, may “Honesty Bench” na sinimulan ng mag-asawang taga-Sultan Kudarat upang ikalat ang kalatas ng pananampalataya; sa Marawi, may Lakas Kabataan ng Lanao na dumamay sa kapuspalad na pamilyang Meranaw noong sila ay nag-aayuno at may Peace Harvest ang pangmatagalang tugong pang-kapayapaan sa pamamagitan ng tulong sa kahirapan kahit pa tapos na ang buwan ng Ramadhan; at sa Zamboanga, may Halal Community Pantry ang mga Muslim Doctors na ginamot ang gutom ng kanilang kababayan.

Hindi rin nagpahuli ang mga Bisaya kaya sa Cebu, may grupong One Guadalupe na nakipagkapitbisig sa Sangguniang Kabataan upang palaganapin ang aral ng kahiyonan hindi lamang sa mga bata kundi kahit sa mga nakatatanda; sa Boracay, humigit-kumulang 20 komunidad na ang “pinauunlad” ng mga residenteng nagtatag ng “Helping Hand Project” sa Balabag, Manoc-Manoc at Yapak; sa Kalibo, Aklan, sinimulan ng North Western Visayan Colleges ang pagkakaloob ng mga de-lata, itlog, pansit, at saging hanggang sa ito ay lumaganap na; sa Iloilo, noon pa pala ay nagkaroon na sila ng mga kusina na umabot na sa 240 na naghahain pa rin ng libreng pagkain; sa Sibalom, Antique, isang gurong nagsimula ng kawang-gawa na ngayon ay tinutulungan na ng kaniyang mga pinsang mula sa ibang bansa; sa Samar, isa ring butihing guro sa Biri ang pasimuno sa pamimigay ng bigas, kape, sabon, shampoo, at iba pang pangangailangan mula sa sariling bulsa muna hanggang sa may nagpatak-patak na at may isang empleyado ng gobyerno na taga-Oras ang nakipagbalikatan sa kaniyang bayaw hindi lamang para magpahigop ng sabaw kundi upang mamahagi ng isang kilong bigas at dalawang lata ng sardinas hanggang ito ay madagdagan; at sa Negros Occidental, may isang mamang na-stroke ang nagbalik-pantry ng Sowing Legacy Movement Inc. hindi para kumuha uli ng kaniyang kailangan kundi para mag-iwan ng kaniyang nakayanan sa anyo ng malunggay na pinitas niya sa kanilang bakuran.

Walang lamang kung walang lamangan.

Walang ipinagkaiba ito sa iba’t ibang panig.

Sa Luzon, may selebrasyon Quezon noong Mayo 15. Iyon ang pista ni San Isidro Labrador. Iyon ang patron ng mga magsasaka! Binuhay ng Konseho ng Herencia ng Lucena ang dati nitong proyekto. Ngayong pandemya, inilabas nila mula sa baul, kung baga, ang natatagong poon ng tradisyon. O tradisyon ng poon? Ito ay ang pagsasabit ng mga prutas at gulay na ibinabahagi matapos basbasan. Ito ay ang Anilayan o Ani para sa Laylayan.

Ito ay para sa mga taga-laylayan, wika nga.

Kaya, kapagdaka ay ating naalala si Omelo. 

Oo, siya iyong siyam na taong gulang na taga-Occidental Mindoro. Siya nga iyong batang nag-ambag ng kalahating sako ng kamote. Siya ang umani nito kasama ang kaniyang pamilya. Kanino kaya siya natuto? Kanino kaya siya nagmana? Sa kaniyang mga magulang, siyempre. Ang siste, mula siya sa angkan ng mga magsasaka sa Barangay Pinagturilan sa bayan ng Sta. Cruz. Isa siyang tunay na Mangyan.

Sinong maysabing sa apat na sulok ng silid-paaralan lamang matutuhan ang lahat?

Likas sa atin ang bayanihan.