Kasaysayan ng Kalibutan

mde

 “Gusto ko kapag nagkukuwento ka tungkol sa pinagmulan mo, nagiging buhay na buhay ka.”

Ni Edgar Calabia Samar

ANG NAKARAAN: Nasa Tagpuan sina Ginip at Maya nang matagpuan sila roon ni Pat, na walang kaalam-alam na isa rin pala siyang diwata at hugnay na kagaya ng dalawa. Sa gitna ng paglalakbay, basta iniwan si Benilda ng maghahatid dapat sa kaniya sa Samahan at noon niya natagpuan ang matagal na niyang hinahanap. Patuloy naman ang pagpapasabog sa mga gusali sa Kumpis at nagkubli si Hal kasama ang ina at sina Gurong Ireneo at Gurong Amanda na nagtapat sa kaniya na alam ng mga ito ang tungkol sa Kasaysayan ng Kalibutan at na kailangan ang mga Hugnay upang makatawid sa Daigdig ang mga diwata at mailigtas mula sa panganib ng paglalaho ng Kalibutan.
 (HULING LABAS)
EPILOGO:  ÁBIL-ÁBIL

KAILANGAN mong malaman ang lahat sa ngayon.

Sa hanggahan ng Kalibutan, sa huling hantungan ng mga Dakilang Lagalag, naroon ang isang panibagong Kalibutan na tinawag ng mga Bathala’t Bathaluman na Daigdig. Kailangan mong maging handa para sa mga bagay na siguradong darating. Dahil nangyari na ang lahat ng ito. Nauulit sa mga diwata ang pinagdaanan ng mga Bathala’t Bathaluman na kasawian. Dumanas silang lahat ng abíl noon sa Kalibutan. Matinding pagkabalísa, pag-aalumpihit ng damdamin, at hindi hindi alam kung ano ang iisipin. Pero walang nagsasalita. Noong una. Walang nagsasalita kahit umuugoy ang mga búhay ng lahat na nakabitin sa kawalang-katiyakan. Sa ibaba, mga luhang nag-aabang sa babagsakan nila ang mga buto ng damong abúkay na karaniwang ginagawang kuwintas o pulseras ng mga mumunting bathala’t bathalumang nagtatago sa dilim sa mga sulok-sulok ng Nigo.

Narito na tayo sa yugto na kailangan mong maláman ang lahat tungkol sa Kalibutan. Kung alam ko lang ang mga ito bago ako nakarating dito noon, baka naiba ang marami sa mga naging pasya ko. Mahaba pa ang gabi. Malakas ang bulong ng aguy-óy pero handa ka bang makinig? Napakalayo ng nilakbay ko makarating lang dito ngayon. Nauunawaan mo ba ang napakaraming kasawian na kinailangan kong masaksihan? May mga gabi na hindi na ako tiyak kung kinailangan ko nga ba silang masaksihan o kung hinayaan ko lang na mangyari sila habang nagmamasid ako sa gilid, pinapapaniwala ang sarili na ligtas ako sa kabila ng mga kamatayan. Magsisimula sa pinakasimula, dahil wala namang ibang paraan para maisalaysay ang lahat ng ito maliban sa pag-uugat ng lahat sa simula. 

Ang alam nila, binubuo lang ang Kalibutan ng isang malawak na lupain, ang Nigò, at napapalibutan ito ng malawak na karagatang tinatawag nilang Panaw. Hindi nila alam na bago pa man nalikha ang Kalibutan, mayroon nang Tagpuan. Na walang ibang lunan maliban sa Tagpuan. Kung saan posible ang lahat ng mga lunan. Pumikit ka, isipin mo ang lahat ng maaari mong puntahan. Isipin mo kahit ang hindi mo kayang isipin at magagawa ng Tagpuan na hubugin iyon. Hanggang sa kinailangang magsilang ng Tagpuan ng Kalibutan bilang larawan nito ng Palagian. Subalit walang Palagian. Iyon ang natutuhan ng mga bathala’t bathaluman na naunang nananahanan sa Tagpuan at nagsilikas sa Kalibutan upang iwan ang kawalang-panatag ng Tagpuan. Sapagkat lumilikha ang Tagpuan hindi lamang ng mga anyo ng lunan kundi ng mga nilalang na mananahanan sa lunan na iyon kahit panandalian. Subalit nang malikha nga ang Kalibutan, inakala ng mga Bathala’t Bathaluman na natagpuan na nila ang Palagiang noon pa nila inaasam-asam. Kasaysayan ng kanilang pagdating at pagkasakop ang kumatha sa walong hibaybay. Hanggang sa napagtibay nila na walang nagtatagal, walang magtatagal. Nakatakdang maglaho kahit ang Kalibutan. Kaya isinilang ng Tagpuan ang panibagong lunan ng ilusyon ng Palagian, ang Daigdig. At nagsilisan patungo roon ang mga Bathala’t Bathaluman. Maliban sa walong naiwan kasama ng Unang Walong Diwata na isinupling ng isang anyo ng Tagpuan. Sila lamang ang pagmumulan ng mga angkan na muling makapagbubukas ng Tagpuan upang makatawid ang mga nasa Kalibutan patungo sa Daigdig, bago mahuli ang lahat. Bago magunaw ang Kalibutan na tulad ng lahat ng iba’t ibang anyo ng Tagpuan na hindi nagtatagal. 

Hindi ka naniniwala sa lahat ng ito? Dahil gusto mong isipin na may katwiran at katarungan na umiiral sa Kalibutan. Na para bang pinagagalaw tayong lahat ng isang makinang walang-humpay sa pagtiyak sa katotohanan ng mga karanasan ng ating pandama. Alam mo na marahil, sa simula pa lang, na nanggaling ako sa Daigdig. Hindi mo kailangang magpanggap na nagulat. Alam ko na alam mo, sa simula’t simula, bagaman hindi mo alam ang Daigdig. O kung ano ang Daigdig. Subalit ang hindi mo alam ay na nagmula ako rito bago ako nakarating sa Daigdig. Ibig sabihin ay isa itong pagbabalik. Hindi miminsang naisip ko sa buong panahon na nasa Daigdig ako na panaginip lang ang lahat ng ito. O gusto ko marahil isipin na panaginip lang ang lahat ng ito para mawala sa isip ko ang posibilidad na wala na akong babalikan, na matagal nang naglaho ang Kalibutan na kinalakihan ko. Dahil iyon ang mangyayari. Sinikap kong mamuhay na tulad ng mga bathala’t bathaluma’t nilalang sa Daigdig dahil sa ganoong paraan lang parang lilipas sa akin ang tila mahabang-mahabang Panahon ng Dilim. Para bang wala akong nakikitang kahit ano sa mahabang yugtong iyon ng buhay ko bagaman paminsan-minsang nakaririnig ako ng aging-íng na para bang may hinihiwang gulók sa kung saan-saan. Pero saan manggagaling ang aging-íng na iyon maliban sa sulok ng mga sarili kong sala? Walang nilalang na humihinga sa kahit saan, wala kahit agaás ng hangin, kahit mahina’t banayad na bulong ng álon sa paghalik ng dagat sa laksa-laksang pampang ng Daigdig.

Isang araw, gusto ko na lang mawala. Tulad ng pagkawala ng ibang mga nakasamang tumawid sa Daigdig. Huwag mong ipaisa-isa sa akin ang mga anyo ng pagkawala nila dahil… mahirap ipaunawa kung wala ka roon. Dahil ang totoo, marami sa kanila ang naroon naman talaga, nakikita ko, puwede kong puntahan kahit kailan, subalit para nga bang naglaho na sila noon pa sa Daigdig. Iyong iba, sa sandaling-sandali mismo ng pagdating namin doon. Alam ko, kaligtasan ang inaasahan namin sa pagdating doon. Dahil iyon ang nagsilang muli sa pag-asa na baka nga maitatawid ang lahat ng diwata mula rito sa Kalibutan. Subalit paglipas ng laksa-laksang paglubog at pagsikat ng araw sa Daigdig, matapos magkaroon ng mga sariling anyo ng pakikihamok doon, nagpasya silang galugarin ang iba pang mga panig ng Daigdig. Naiwan ako… o nagpaiwan ako nang di ko naman talaga nalalaman kung paano at kung bakit. Basta’t parang naroon pa rin ako samantalang isa-isa nga silang nangangawala.

TUNGKOL din ang buhay sa pakikipag-usap. O sa pagtatangkang makipag-usap sa isang hindi kilala, subalit ipinagpapalagay na kilala dahil sa bitbit niyang bayan, sa ayaw man niya o hindi. Ganoon ang mga aklat. Ganoon ang mga salaysay. Ganoon ang Kasaysayan ng Kalibutan. Isang diwatang bumibisita sa hibaybay ng Silangan sa Kalibutan. Inilalagay niya, kung gayon, sa posisyon ng diwatang iyon ang lahat ng posibleng mambabasa nito, kaya lumilikha iyon ng ligalig sa akin. Pero sa isang banda, hindi nga ba’t nakikihati ako sa mga pag-aalala, alinlangan at takot ng diwatang iyon sa mga tanda ng pagkakaiba, gaano man kapaimbabaw iyon, gaya ng mahabang balbas, halimbawa? Kaya maya’t maya ang paalala niya sa kausap na ligtas ito—sa pulubi, sa lahat ng diwata, sa paligid, at walang sinumang magtatangkang mandukot dito dahil hindi lungsod ng mga ganoon kaliit na krimen ang Silangan na siyudad ng walong milyong kaluluwa.

Nagsama silang magtsaa at kumain sa isang restawran—mula pampagana hanggang panghimagas—at naging pagkakataon iyon upang isalaysay niya ang pinagdaan niya sa Daigdig sa loob ng apatnapu’t kalahating taon, dahil nangangailangan ng kuwento ang sagot sa bawat tanong. Sa iba’t ibang paraan at sandali, ipaaalala ng tinig niya na nagsasalaysay lamang siya sa isang ispesipikong diwata, sa isang ispesipikong lugar, kung saan pinagsisilbihan sila ng isang waiter na nagdudulot din umano ng pag-aalala at pagdududa sa kausap, dahil laging may pakiramdam ang dayuhan na pinapanood siya ng dinaratnan. Sa isang banda, iyon ang hawak ng nobela sa mambabasa, sa akin. Sino ang kinakausap niya? Paano at bakit sila nagkita? Bakit nang gabing iyon? Ikukuwento niya ang pagbabagong pinagdaanan ng buhay niya habang nagbabago rin ang mukha ng paligid sa restawran—sa unti-unting paglubog ng araw, sa paglitaw ng mga paniki, sa unti-unting pagkaubos ng tao, sa pangangailangan nilang lisanin na rin ang kinakainan. Pero ipapaalala rin niya sa huli na hindi na niya maalala ang marami sa mga detalye ng mga pangyayaring isinasalaysay niya—dahil ang mahalaga’y ang ubod ng mga ito, sapagkat sa kasaysayan, ang isinusulong ng isang naratibo ang mahalaga, hindi ang katiyakan ng mga detalye. At hindi lamang tayo nagbabahagi nga lamang ng mga kuwento, hindi ba––lumilikha rin tayo ng kondisyon para makapagkuwento, kagaya ng diyalogo-sa-monologo na istratehiya sa maraming nobela.

Sa pag-aaral pa lang sa Tahilan, nakita na niya ang ehersisyo ng kawalang-katarungan sa sistema ng edukasyon bilang proyektong pansibilisasyon ng mga nuno’t tamawo, lalo na para sa mga gaya niyang iba, ngunit iyon din ang nagiging sityo’t kumakatha ng iba’t ibang anyo ng pagtutol at paglaban. Pero noong una’y nakisama siya at bagaman may paminsan-minsang pagkaasiwa sa gawi ng mga kaklase lalo na ang kawalan ng paggalang sa matatanda, sa pangkalahata’y inisip niya noong kabilang pa rin siya sa kanila. Nakilala niya roon si Maya, ang inibig niyang si Maya, na gustong maging nobelista, subalit nakakulong sa alaala ni Ginip, ang dati nitong kasintahan na nagpatiwakal. Nakapagsulat nga si Maya, subalit ng isang romanse imbes na ganap na nobela, upang mag-iwan ito ng puwang para sa alingawngaw ng iyong mga iniisip—kahit pa suliranin ito para sa naging asawa niya dahil isa umanong malaon nang yumaong halimaw ang romanse. Sa huli, matutuklasan niyang walang anumang detalye ng talambuhay na magpapakilala sa kaniya kay Erica sa romanseng iyon.

Kung tutuusi’y lumaki naman siyang mula sa isang may pangalang pamilya sa Tahilan, bagaman sa paglipas ng panahon ay unti-unting bumabagsak ang kabuhayan nila, kaya’t lumaki siya nang may gayong paghahangad, nostalgia sa isang nakalipas na pagkamariwasa. Kaya nagsumikap siya’t nakapasok sa Palihan, isa sa mga tinitingalang hasaan at tasahan ng mga diwatang tagapaglingkod. Mula sa meritocracy sa Palihan, tutungo siya sa sistematikong pragmatismo sa buhay-diwata kung saan mas may halaga ang efficiency kaysa pagkamalikhain dahil maximum return ang sinusukat. Dito naman niya makikilala maraming iba pang tumatanggap sa kanilang trabaho at nagsasabing ang pagiging lubha niyang mapagmasid ay bunga ng pakiramdam na hindi siya nababagay doon. At nakilala niya si Lakapati, ang nakasabayan niya na mahilig sumipi ng mga linya mula sa mga palabas, gaya ng pagsipi ng ina niya sa mga tula ng kung sino-sinong bathala’t bathaluman na para bang hindi na rin natin maaari kahit ang sarili nating sinasabi—o nasabi na nga ng iba ang mga ibig nating sabihin. 

Alaala ang bayang sinilangan kaya’t bitbit iyon, kahit naroon ka mismo sa sandaling inaalala mo iyon. Papansinin iyon ni Maya sa kanya, na masyado umano siyang maramdamin kapag pinag-usapan na ang pinagmulan nito, at mabuti naman paminsan-minsan ang pagiging maramdaming iyon dahil ibig sabihin noo’y may pakialam ka. At sa ibang pagkakataon: “Gusto ko kapag nagkukuwento ka tungkol sa pinagmulan mo, nagiging buhay na buhay ka.” Kaya naman, madalas na maging lunsaran ng pagtutulad at pagtatambis niya ang Tahilan. Kagaya umano sa Daigdig, kaya’t nang tumira siya roon ay hindi inaasahang pakiramdam niya’y umuwi siya. May mga sandali ng matinding nostalgia sa demonyo ng pangangailangang magkompara niyang ito.

At napansin niya kung gaano kataas ang pagtingin ng mga diwata sa mga bathala, kaya’t kinailangan niyang umastang parang isa sa mga kasama niya, na siyempre pa’y bumagabag sa kaniya. Lalo pa’t minsang nakasakay sa limousine at may makatapat na dyip ay tinitigan siya ng drayber nito nang may pagkapoot na maaaring bunga ng pagsasalo nila ng sensibilidad na alipin ng nagbabagong Tagpuan. Kaya naman nang makita niya sa balita sa gabi ng pag-alis na dapat nila sa Kalibutan ang pagbagsak ng Tahilan, napangiti siya!—dahil mas naaantig siya sa mga kamatayan sa darakong kinatha lamang—at kinailangan niyang magpanggap ng pagkabigla at pagkabalisa sa harap ng mga kasama niya. At sa pag-angkin ng ganitong maskara’y nababawasan ang pagkatao niya sa sarili niyang paningin.

Sabihin pa, nakapaibabaw dito ang usapin ng bayan. Kung paanong kapag tinawid natin ang hanggahan ng mga kinikilala nating bayan, nakikilala tayo ng iba bilang mamamayan ng bayang iyon bago pa man tayo kilalanin bilang indibidwal. Tahamaling. Lakandapati. Silanganin. Batay sa ating hitsura at asta. Batay sa ating panlasa. Batay sa mga kaya nating masikmura. At kagaya ng marami sa ating mga tula at awiting-bayan, sasabihin niya na mahalaga ang papel ng paglalasing bilang tagaganap ng pag-ibig at kaliwanagang espiritwal sa kanilang mga akdang-bayan. At kung paanong sa mga kuwentong isinasalaysay nila sa isa’t isa’y hindi sila mga radikal na buwang at naghihikahos gaya ng nakikita mo sa darako kundi mga santo at makata at—oo—maging mga nunong mananakop.

At dahil bitbit niya ang kaniyang bayan, hindi maiiwasang kasama siya sa paghihinalaan, at nagkakaroon ng produksiyon ng guilt sa kaniya kahit wala naman siyang tuwirang kinalaman doon. Samantala’y lumulubog naman nang lumulubog sa sarili niyang daigdig si Maya hanggang sa basta na lamang ito maglaho, dahil hindi na siya maisalba kahit ng kaniyang pagsusulat. At siya, sa alingawngaw ng paalala ni Pat na nagmumula ang kapangyarihan sa pagiging pagbabago, ay unti-unti ngang nagbago lalo na sa harap ng pananakop ng mga Hugnay sa Daigdig at pag-uwi niya sa Kalibutan ay matuklasan niyang may mga mata na siya ng banyaga at kailangan niyang magbago pabalik sa kung sino talaga siya dahil binago siya ng Daigdig. Pagbabago. Pabago-bagong pagbabago. Hindi siya nag-ahit ng balbas bilang anyo ng protesta, kahit nang bumalik na siya sa Kalibutan. Nang ipadala siya sa Silangan para sa panibagong assignment, nakilala niya si Mang Norman na pinuno ng kompanyang naglalathala ng mga aklat, at natuklasan niyang wala siyang matatag na ubod at napakabuway ng kaniyang identidad dahil hindi niya alam ang posisyon niya sa mga isyung may halaga. Pagkatapos ng isang tanghalian ng pakikipag-usap kay Mang Norman ay napagmunian niyang noon pa siya may galit sa pakikialam ng Nuno sa mga diwata at kung paanong ginagamit nito ang mga tikbalang para sa ehersisyo ng kapangyarihan, at nang atakihin nga ng iba ay sumilong ito sa mga mito ng kaniyang kaibahan at pagpapalagay ng superyoridad. Umalis siya sa trabaho, umuwi sa Kumpis, nagturo sa mga bata sa Palihan, nagsulong sa pagkalas ng Tahilan sa samahan ng mga hibaybay, nakisama sa mga protesta, nakulong at nakalaya.

Sa Kasaysayan ng Kalibutan, pinipi niya ang pagkabathala na hindi natin makikilala. Hindi natin maririnig ang tinig at reaksiyon niya maliban sa pamamagitan ng ibang mga nilalang. Nalalaman lamang natin ang kaniyang mga pag-aalinlangan sa pamamagitan ng inaakala nating siya. Sa huli’y ihahatid siya nito sa tinutuluyan samantalang ipinapaalalang huwag iisiping lahat ng Hugnay ay potensiyal na terorista kung paanong hindi rin umano niya kailangang isipin na lahat ng tamawo ay mamamatay-diwata. Ano ang nangyari sa katapusan, samantalang mukhang sinusundan sila ng mga alaala ng Tagpuan? Ang wakas ay nakasalalay sa kapasidad pa rin nating magtiwala at maniwala sa kabutihan ng mga nilalang sa kabila ng pinakamatitinding pandarahas na nangyayari sa daigdig. Sino’ng pagtitiwalaan? Sino’ng may kapasidad na manakit? Nag-alangan kahit ang nobela na manindigan at magpangalan, dahil sa huli’y mga indibidwal pa rin ang kaniyang mga tauhan.

Naririnig mo ba ang naririnig ko? Parating na sila. Babaguhin natin ang Kasaysayan ng Daigdig mula sa araw na ito.  

(WAKAS NG UNANG AKLAT)