Ano nga ba ang sasabihin ni Nelia sa kaniya? Bakit hindi pa si Roy ang magsabi sa kaniya? Kay Roy ba magmumula ang sasabihin ni Nelia?
Ni Ester Aragon
NAGITLA si Ellen nang lumapit sa kaniya si Roy sa halip na dumiretso ito ng alis sa opisina nila nang hapong iyon. Napansin din niyang nakatanaw sa di-kalayuan ang katrabaho niyang si Nelia, ang matalik niyang kaibigan.
“Uy, bakit ako ang nilapitan mo? Naghihintay yata sa ‘yo si Nelia!”
Tumawa si Roy. May dalawang linggong lapit nang lapit sa kaniya ito sa kung ano-anong kadahilanan. “’Yon nga, e. Ibig ka naming imbitahan ni Nelia sa boulevard. Maganda na raw doon dahil dumating na ang maputing buhangin mula sa Cebu!”
“Talaga? Ang pangit doon lalo na pagkabagyo. Nagkalat ang mga debris. Malapit pa naman ‘yon sa U.S. Embassy!”
“Si Nelia ang may ideya ng pamamasyal natin d’on!”
“Ow, gusto mo lang sumama ako nang hindi mahalata dito sa opisina na interesado ka kay Nelia!” biro pa ni Ellen.
“Di ko ideya ‘yon. Best friend ko lang si Nelia. Saka…parang may sasabihin siya sa ‘yo!”
Tumawa si Ellen. Gusto niya si Nelia para kay Roy. Hindi naman ito nagsasalita sa ka-opisina niya. Kung nagkakalapit man ang dalawa, siya ang laging nagbibiro sa mga ito.
“Tagal nang may sasabihin sa akin si Nelia, ayon sa iyo,” reklamo ni Ellen. “Pero hanggang ngayon, di naman siya kumikibo. Ikaw ‘tong parinig nang parinig!”
Tumanaw si Roy kay Nelia. Abala ito sa pag-iimis ng iiwan bago umuwi. “Ako pa ngayon ang tsismoso!”
“Sige, tutal…malapit lang naman sa office natin ‘yung tinatambakan ng maputing buhangin. Doon na rin ako mag-aabang ng pampasaherong van papuntang Sucat!”
“Huwag mong sabihing di ka na naman susunduin ni Tony?”
“May lakad daw siya. Baka nga gabihin pa. Saka pa-Quezon City naman ang uwi niya!”
“Kuuu! Hihintayin ko na lang si Nelia na ang magsabi sa iyo kung ano man iyon!” ani Roy.
“Oo, di ako mag-uusisa para lumitaw na di ka tsismoso!” Tinawanan siya ni Ellen.
ANG puti nga ng inilalatag na buhangin sa panig na iyon ng Roxas Boulevard. Habang nakatingin sina Ellen at Nelia sa equipments ng public works ng gobyerno, nakikiramdam siya sa kaibigang matalik kung “magsasalita” na ito. Ngunit hangang-hanga si Nelia sa mga barges na naglalatag ng maputing buhangin sa maruming gilid ng pambansang lansangang iyon. Nakikiramdam naman si Ellen habang malayo sa kanila ang distansiya ni Roy.
Ano nga ba ang sasabihin ni Nelia? Bakit hindi pa si Roy ang magsabi sa kaniya? Kay Roy ba magmumula ang sasabihin ni Nelia? O si Nelia ang nagsabi niyon kay Roy? Ngunit nagtagal na sila sa paglalakad sa kahabaan ng Roxas Boulevard hanggang mayungyungan na sila ng maraming punong akasya sa may U.S. Embassy! Wala pang sinasabi si Nelia!
Kinabukasan, nang sunduin si Ellen ni Tony upang pamiryendahin siya sa Aristocrat, nagparinig siya sa kasintahan.
“Sayang! Naimbitahan din sana natin si Nelia. Mukhang may sasabihin siya sa akin!”
“Ha? Siguro, tungkol ‘yon sa lakad ni Roy sa best friend mo,” paiwas na tugon ni Tony. “Ikaw naman kasi, ayaw mo pang itulak si Roy kay Nelia!”
“Itulak? Aba…malay ko kung ano ang sasabihin ni Nelia,” ani Ellen nang makapasok na sila sa restawrang iyon na pamoso sa fried chicken. “O, mukhang napuyat ka sa lakad mo kagabi?”
“’Yon ba? Nagkainuman kami ng dalawang bagong kaibigan ko. Ako pa nga ang naghatid sa kanila sa bahay!”
“Kow! Wala nang ganyan-ganyan kung kasal na tayo. Ayokong maging kargo mo pa ang hindi naman kapamilya!” babala ni Ellen.
“Nagkasarapan lang. H’an mo na. Pasasaan ba’t…”
Tumitig si Ellen kay Tony. Parang hindi ito mapakali. “Pansin ko lang, dumarami ‘ata ang mga kaibigan mo!”
“Masama ba naman ang may maraming kaibigan? ‘Yong mga ‘yon ang pundasyon ng asenso, na mahalaga sa pamilya!”
“O indikasyon ‘yon ng iresponsibilidad ng isang family man?” May anghang ang parinig ni Ellen.
Hindi sumagot si Tony. Kinausap nito ang lumapit na lalaking waiter. Inorder ang napag-usapang gustong mga pagkain ni Ellen.
“Nakakahalata lamang ako, Tony. May labindalawa na yatang kaibigan ang naririnig kong binabanggit mo mula nang magkaintindihan tayo!”
“Maitatakwil ko ba ang mga nakatutulong sa akin? Alam mo sa office namin, may pinakikinggan ang mga executive doon!”
“May trabaho naman ako, Tony! Hindi mo kailangan ‘yung…?”
Pabigla ang sagot ni Tony nang makatalikod ang waiter. “E, paano kung ganoon nga sa opisina namin?”
Natigilan si Ellen. Hindi nagsalita. Nang dumating ang order nilang mga pagkain, dumukot siya sa kaniyang handbag at may ilang salaping papel na isinaksak sa kamay ng waiter.
“Sorry, ha? Pakibalot na’t iuuwi ko na lang ang inorder namin!” Pormal na ang salita ni Ellen.
“Ellen, ano ba? Dito pa naman sa maraming tao!”
Gigil ang sagot ni Ellen. “Ibig ko lang ipahatid sa ‘yo…ilang beses na akong naghintay ng sundo mo? Sindami ng nagpapaiwan nga ako kina Roy at Nelia sa opisina sa paghihintay ng abiso mo kung susunduin mo ako? Ilang beses mo na akong inindiyan sa landline o sa cellphone ko?”
“May circumstances, may mga nangyari? Hindi mo ba maipagpapasensiya ‘yon?” Pigil ang boses ni Tony.
“Ilang beses akong magpapasensiya? Sampu. Labinlima? Ilan pa ang gusto mo?” Medyo tumaas na ang boses ni Ellen.
Sa darating naman ang ipinabalot ni Ellen na mga pagkain at isinaksak niya iyon sa malaki niyang bag. Saka biglang tumindig at hinabol siya ni Tony hanggang sa labas ng restawran.
“Ellen naman…” May pakiusap ang boses ni Tony.
Ngunit tumawid ng boulevard si Ellen at pinara ang dumaraang passenger van.
DALAWANG araw na hindi nakapasok si Ellen. Maagang dumating ito sa ikatlong araw, ngunit higit na maaga si Roy. Parang paikot-ikot si Roy sa opisina at tanghali na nang lumapit kay Ellen.
“Si Nelia?” tanong ni Ellen nang hindi makita sa buong umaga ang matalik na kaibigan.
“Tumawag sa akin. Lilipat daw ng trabaho!”
“Bakit? Paano ‘yong sasabihin niya sa akin?”
Sumama kay Roy si Ellen sa tanghalian. “Nahihiya sa ‘yo. Hindi makatawag sa iyo sa telepono kahit kinumbinsi ko na sabihin na niya ang totoo!”
Umorder na ng mga pagkain si Roy. Nakamasid si Ellen. Titig na titig sa binata.
“Totoo? Ano ang totoo?”
“Tumawag sa akin kagabi. Ngayong gabi raw, maglalakas-loob na siyang magtapat sa iyo!”
Dumating ang mga pagkain. Tamilmil si Ellen. Pagkatanghalian, nagpahuli kay Roy sa opisina dahil may bibilhin sa mga shop sa A. Mabini. Naghintay sa dalaga si Roy na nakangiti nang dumating.
“Puwede kang umabsent ngayon?” tanong kay Roy.
“Ano? Halfday ako?” Nakatitig kay Ellen si Roy.
“Oo. Marami ka at ako, leave of absence.”
Nag-ayos ng mga iiwang trabaho si Roy. “Bakit? Tumawag ka kay Nelia? Nakausap mo ba siya?”
Sa makalabas ng kanilang gusali, sinaklit ni Ellen ang isang braso ni Roy.
“Bakit?” Nakalingon si Roy kay Ellen habang tumatawid sila sa boulevard.
“Doon tayo sa ilalim ng puno…medyo malamig doon!” ani Ellen.
Nakapuwesto naman sila sa isang bakanteng bangko roon. Tanaw ni Roy ang ikinakalat pang maputing buhangin sa gilid ng Roxas Boulevard.
“Hindi ka naman nagsasalita, sabi ni Nelia. Makalawa nang nahuli n’yo si Tony na may kinakalantaring ibang babae, sabi ni Nelia. Nakahiyaan lamang ninyong magsabi sa akin!”
“’Yon ang sabi ni Nelia…sa cellphone?”
“Oo.” At huminga siya nang malalim. “Pero ‘yon ang pag-uusapan natin…’yung hindi mo masabi sa akin, ayon kay Nelia!”
“Lekat namang Nelia ‘yon. Porke’t magbubukas ng bagong opisina ang pinsan niyang executive!” paiwas ang sagot ni Roy.
“’Wag mong ibahin ang pag-uusapan natin! Tagal na kitang nahahalata!” Nakatingin si Ellen kay Roy.
Ngunit nakatanaw si Roy sa inilalatag na maputing buhangin sa kulay-abong aplaya ng Roxas Boulevard. Alam niyang nakatitig sa kaniya si Ellen.