Kung Paano Kami Nagkaroon ng mga Kamay na Bulaklak

Ni Cheeno Marlo M. Sayuno
(Finalist, Romeo Forbes Storywriting Competition 2016)

NANG lumipat kami sa Maynila dahil nakakuha ng trabaho si Tatay sa isang pagawaan ng sapatos sa Marikina, naging saksi na ako sa maraming uri ng kamay. May mga kamay na malikot; may mga kamay na malalambot. May kamay na palagi lamang nakakimkim, at mayroon din namang parang laging akmang susuntok. Ngunit sa lahat ng kamay na aking nakita rito sa Kamaynilaan, ang kamay na bulaklak ang hindi ko malilimutan.

Doon kasi sa amin sa Sulu, maraming kamay na pamaypay. Mahilig kasi kaming sumayaw ng Sua Ku Sua, kung saan iwinawagayway namin ang aming mga puting pamaypay nang paikot habang lumalakad sa saliw ng musikang kami rin ang kumakanta. Kumintang ang tawag namin sa paikot na paggalaw ng aming mga kamay. Sabi ng aming guro, ginagaya namin ang mga dahon at bulaklak ng mga puno ng suha sa sayaw na ito. 

Sua ku sua, ku am pati anum,” sabay-sabay kaming kakantang magkaklase habang iniikot namin ang aming mga kamay na pamaypay. Minsan, sa bilis ng aming mga galaw, para na kaming may mga kamay na may mga puting bulaklak ng suha. Kaya lamang, minsan, matitigil ang aming pagsayaw at pagkanta dahil biglang mangungulit si Najeb o kaya naman ay mawawala sa tono si Yamec. Kaya magtatawanan ang lahat.

“Huy, Adnan, ikaw na!” sigaw ni Ramon sa akin habang iniaabot ang kanyang kamay na yari sa cellphone, “nangangarap ka na naman.”

“E, ‘di naman kasi ako marunong niyang games na ‘yan.” 

Dito sa Maynila, may iba’t ibang kamay sa klase. May kamay na lapis sina Jessa at Anna. Magagaling kasi silang gumuhit. Kamay na bola naman ang kina Erika, Ella, at Tony. Hilig kasi nila ang basketbol.

Kamay na laruan naman ang kina Marco at Christian; minsan ay kotse-kotsehan o kaya naman ay trumpo. Iyong kamay nga ni Ponciano, yari sa teks at pogs! Pero ang karamihan sa kanila, kagaya ng kay Ramon, ay mga kamay na gadyet. May cellphone, may tablet

Minsan, pauwi na kami ni Nana ngunit kinailangan niyang dumaan sa tindahan. Habang naghihintay ako sa kanya, napansin ko ang isang batang babae na may kamay na bulaklak. Ngayon lamang ako nakakita ng kagaya niya sa ilang buwan naming pamamalagi sa siyudad na ito.

“Bata, bakit bulaklak ang mga kamay mo?” tinanong ko siya.

“Kailangan kasi, e,” ang sagot niya, “pinabebenta ni Nanay.”

Karugtong ng bulaklak na mga kamay ni Iking ang manipis niyang mga braso. Malamlam ang kanyang mga mata, at kita ang buto sa kanyang mga leeg. May kaunting punit ang kulay rosas niyang bestida. Narumihan din ang ibang bahagi dahil sa alikabok. Kung saan-saan siguro siya umupo.

“Ang bango naman niyan,” ang sabi ko sa kanya, “siguro madaming bumibili sa ’yo, ‘no?”

“Naku, kokonti nga, e.”

“Ako nga pala si Adnan, ikaw?”

“Iking.”

Mula nang makilala ko siya noong hapong iyon ay naging magkaibigan na kami. Nagkikita kami lagi sa may tindahan, at pagkatapos ay maglalaro kami sa kalapit sa simbahan. Doon kasi siya nagbebenta ng mga sampaguita.

Minsan, tinutulungan ko siya sa pagbebenta. Kaya naman nagkakaroon na rin ako ng mga kamay na bulaklak. Bihira ngang may bumili, kaya minsan, nagtatakbuhan muna kami habang naghahanap ng mapagbebentahan.

Sa pagtakbo namin nang may mga kamay na bulaklak, naaalala ko ang mga araw ko sa Sulu. Sa bawat tawanan namin, naririnig ko ang mga tawa nina Najeb at Yamec. Habang tumatakbo kami nang paikot, naaalala ko sa mga bulaklak ang mga puti naming pamaypay.

Tinuturuan ko rin minsan si Iking na sumayaw ng Sua ku Sua. Mga karton lang ang gamit namin, pero ang mga kamay na kartong iyon ay tila nakapagpabalik sa akin sa Sulu. At sa pagbalik kong iyon, kasama ko si Iking. 

Sua ku sua, ku am pati anum… Ay dahun-dahun niya unum.

Sua ku sua, ku am pati anum… Ay dahun-dahun niya unum.” Maganda ang pagkanta ni Iking. Maganda ang boses niya. 

Tinuturuan din ako ni Iking ng mga kantang alam niya. Nagustuhan ko iyong “Kay ganda ng Ating Musika.” 

Kapag marami kaming nabebenta na sampaguita, nagmimiryenda kami ng banana cue o kaya iskrabol. Minsan, libre niya. Minsan, libre ko.

“Adnan, tara, laro tayo. Pataasan ng iskor sa games!” pagyakag sa akin ni Ramon pagkatapos ng klase isang hapon.

“Naku, pupunta ako sa simbahan, e,” sagot ko sa kaniya. Aalis na ako noon nang bigla akong napatigil. “Teka, gusto mo bang sumama?” 

Ipinakilala ko si Ramon kay Iking. At pagkatapos, sumama na rin noong sumunod na mga araw sina Erika, Marco, at Ponciano. Hindi nagtagal, marami na kaming nasa simbahan. Nagtatawanan habang nagbebenta ng mga sampaguita ni Iking. Tinuruan din namin sila ng mga kanta.

Minsan, tinuturuan din nila kami ng mga laro sa cellphone. O kaya ay naglalaro kami ng bola o pogs. Minsan, gumuguhit din kami habang nagpapahinga matapos magbenta ng mga bulaklak. Naisip ko nga, nag-iiba-iba na ang aming mga kamay.

Naaalala ko pa rin ang bayan namin sa Sulu. Pero hindi gaya dati, tanggap ko na rin ang aming paglipat. Naalala ko pa rin ang mga kamay na pamaypay na palagi kong kasama dati, pero ngayon, kasama ko na ang mga kaibigan kong may mga kamay na bulaklak.