Sa panulat ni Clodualdo del Mundo at Guhit ni Fred Carrillo
Petsa ng Unang Labas: 19 Disyembre 1949
Petsa ng Huling Labas: 31 Hulyo 1950
Bilang ng Labas: 33
Bilang ng Pahina Bawat Labas: 6
BUOD
BAHAGI si Claudio Mirasol ng nagkawatak-watak na hukbong USAFFE. Nakaligtas siya sa isang pagsabog dahil sa huling sulyap niya sa maliit niyang krus at pag-usal ng “Ama Namin.” Nagkaroon siya ng katangi-tanging kakayahan na makita ang bagay na mangyayari pa lamang at kumikislap sa kaniyang noo ang isang munting krus sa tuwing may panganib na dumarating. Ito ang dahilan kaya naligtasan nila ang pagbomba ng mga Hapon sa ospital na kinaroroonan nila. Nagpasya siyang mamundok dahil sa digmaan at naging kapitan siya ng hukbong nakatalaga sa Samat. Dahil din sa pag-ilaw ng krus sa noo ni Claudio, nalaman nilang may masamang balak sa kanila sina Maty Ramos, isa umanong dating eskaut, at Julian Gilen, na kasosyo nito sa negosyo, na kunwaring nag-alok ng tulong para bigyan sila ng masinggan pero mga Makapili pala.
Ang tanging babaeng kasama nina Claudio sa bundok ay si Eloisa Valdez na nagkaroon ng pagtingin kay Claudio. Dahil sa kagandahan ni Eloisa, pinagnasahan ito ng mga lalaking kasama ni Claudio sa hukbo, tulad nina Simeon at Talio, na kinailangang pagsabihan agad ni Claudio upang igalang ang babae. Sa isang sagupaan laban sa mga kababayang bahagi ng tinatawag na United Nippon, nalaman nilang wanted na pala sila ng mga Hapones.
Nagtapos ng Kimika sa Unibersidad ng Pilipinas si Claudio, at nagpakuha siya kina Eloisa at Simeon sa isang botika sa bayan ng mga sangkap sa isang halong may bisang magpabago ng anyo. Nakapagpapatanda ang likido na ginawa niyang tableta. Sa pamamagitan nito, nakapagpapanggap siyang Tandang Tasyo at malayang nakihalubilo sa ilang espiyang Hapones.
Nakilala rin nila si Nardo de Jesus na dating kagawad ng ROTC at sumali sa kanilang pangkat. Dahil sa pagliligtas kay Nardo kaya nadakip si Claudio ng mga Hapones sa kaniyang anyong matanda. Ngunit naiparating din ni Eloisa ang tabletang kinakailangan upang makapanumbalik sa dating anyo si Claudio. Pagdating ni Nardo, nakompleto na ang mga pangunahing tauhan sa serye. Sa halos bawat simula ng bawat labas ay parang pangkat ng mga bayani ang pagpapakilala apat na pinamumunuan ni Claudio bilang misteryoso––kasama si Eliosa na nars, Nardo na dating ROTC, at si Simeon na nakilala na rin bilang si Taba, na siyang masayahin. “Sila ang katapat ng malulupit na Hapones!”––ito ang laging paalala sa mga mambabasa.
Ang layunin ni Claudio ay makaugnay ang kanyang pangkat sa pangkalahatang himpilan ng mga gerilya sa Luzon. Matapos nilang mapatay ang isang Hapones, si Kapitan Moshi, kinubkob ang kanilang himpilan sa kagubatan ng isang mabangis na komandanteng Hapones, si Komandante Tigre, sa layong gutumin sila. Nagpadakip si Claudio sa anyong si Tandang Tasyo upang magkaroon ng panahong makapangalap ng makakain ang kanyang mga tauhan. Dahil dito, nang makatakas ay nagawa pang matulungan ni Claudio ang AIB o Allied Intelligence Bureau laban sa planong pagsalakay nina Komandante Tigre.
Halos episodic ang bawat labas, bagaman nagpapatuloy ang naratibo. Halimbawa, may labas tungkol lang sa pagtakas ng naging bihag nilang espiyang si Lita Domingo na nauwi sa pagpapatiwakal nito dahil sa kahihiyan. Sa isa pang labas ay isa namang pamilyadong tagaturo (o makapili) ang nagpatiwakal nang harapin ni Claudio at pagsabihan na berdugo ng mga kababayan at hinamon kung kaya bang mabuhay nang payapa samantalang ang mga kababayan ay nangagdurusa at nangamamatay. May isang labas na tungkol naman sa pagtulong nina Claudio sa isang purok upang magbakwet. May isang labas tungkol sa pagkadakip sa kasamahan nilang si Vicenting at pagpapahirap dito ng mga Hapones hanggang sa mamatay pero hindi ipinagkanulo sina Claudio. May isang labas tungkol sa pagkakakilala nina Claudio kay Kapitan Azami, isang Hapon na nag-aral sa Estados Unidos kaya nakakapag-Ingles. Nagpaliwanagan ito at si Claudio ng pagkakaiba ng kanilang posisyon at hindi mapaniwalaan ni Kapitan Azami kung bakit mas handa pang pailalim sa mga Kano ang mga Filipino samantalang para sa kalayaan umano ng mga Oryental ang ipinaglalaban ng Hapon. Sinabi ni Claudio na hindi alam ni Kapitan Azami ang mga totoong layon ng Hapon dahil matagal ito sa Estados Unidos. Sa dulo ng labas, mukhang naliwanagan si Kapitan Azami at nag-harakiri. May mga subplot naman na tumatagal nang higit sa isang labas. Kabilang dito ang tungkol sa pagliligtas nina Claudio sa isang Amerikanong abiyador na si Bill Worth hanggang pagtulong nila para makabalik si Bill sa Australya. Tumagal din nang higit sa isang labas ang subplot tungkol sa pagliligtas nina Claudio kay Jesus Villa, isang Filipinong mula sa USA na eksperto sa pagpapasabog na tumulong naman sa kanila upang maisakatuparan ang isang mahalagang misyon laban sa mga tangkeng Hapones. Hindi natapos agad sa isang labas ang kuwento ni Jesus dahil nagpa-assign pala siya sa ‘Pinas para hanapin din ang kapatid niyang babaeng nagpaaral sa kanya bagaman hindi na rin natin nalaman kung nagawa ba niya iyong makita.
Matapos ang maraming pakikipaglaban, dumating ang hukbong Amerikano at natapos ang paghihirap hindi lamang ng mga gerilya kundi ng lahat ng mamamayan. Matapos magsagawa ng paglilibot sa Maynila kasama ang mga sundalong Amerikano ay nagbalik ulit sina Claudio sa kanilang himpilan sa karatig na lalawigan. Subalit kahit sa panahon ng liberasyon, patuloy sa pagpatnubay kay Claudio ang munting krus sa noo niya. Samantala, nang nagsiuwi sina Eloisa, Taba, at Nardo sa kani-kanilang pamilya ay natuklasan nila ang iba’t ibang naging kapalaran ng mga iyon. Malubha ang karamdaman ng ina ni Eloisa; nasawi naman ang buong mag-anak ni Taba nang pumasok ang mga Amerikano; masaya namang sinalubong si Nardo ng mayaman niyang mga magulang.
Inasikaso ni Claudio ang mga papeles sa gobyerno para sa kanilang back pay subalit wala silang makuha-kuha. Dahil dito, naging magulo ang isip ni Claudio at binago ng mga kabiguan niya sa buhay kahit ang ugali niya. Hinanap niya uli si Eloisa, na ang ina’y yumao na pala, at ipinagkaloob dito ang lahat ng nalalabi niyang salapi pagkatapos ay saka siya nagpasyang lumayo sa kahihiyan sa mga kasama na ni hindi niya nagawang maikuha ng back pay sa pakikipaglaban sa digmaan.
Samantala, nagtapat ng pag-ibig si Nardo kay Eloisa subalit sinabi ng babae na si Claudio ang talagang mahal niya. Iginalang iyon ni Nardo at magkasama nilang hinanap si Claudio subalit hindi nila ito matagpuan. Noon naman ay patambay-tambay si Claudio sa mga bar hanggang alukin ito ng isang Amerikano ng pagkakakitaan. Noon nakilala ni Claudio si Lydia Hamilton, isang mestisang Amerikanong isinilang sa Maynila at namamalakad ng Serpent Nite Club. Noon din natiyak ni Nardo na nawala na ang munting krus sa noo niya nang hindi ito kumislap nang may magtangka sa kaniya sa daan. Natuklasan ni Claudio na may kinalaman pala sa mga kontrabandong gamit-digma ang negosyo ni Lydia. Nalulong si Claudio kay Lydia lalo pa nang ginawa siya nitong pinuno ng pangkat. Subalit matapos ang isang mapanganib na operasyon, nagpasya si Claudio na humiwalay kay Lydia at hindi sumama sa pagtakas nito. Noon bumalik ang munting krus sa kanyang noo. Natuklasan niya ang iniwang time bomb ni Lydia upang pasabugin ang buong gusali ng night club kasama ang lahat ng lihim nito. Tinugis ni Claudio si Lydia na nauwi sa pagkasawi ng babae.
Nang makabalik si Claudio sa kanyang bahay ay nalaman niyang makukuha na nila ang kanilang back pay. Pagkatapos mailipat sa mga maykapangyarihan ang usapin ng utak ng Serpent Nite Club ay humingi siya ng tawad kay Eloisa. Ngunit bago pa ang napipintong pag-iisang-dibdib nina Claudio at Eloisa ay kumaway ang isang panibagong pakikipagsapalaran kay Claudio nang bigla silang may makitang flying saucer at munting kumislap ang munting noo sa krus ni Claudio. At ipinangako nga ang pagpapatuloy ng serye sa isang panibagong kuwento: ang Misteryoso sa Ibang Planeta.
UNANG LABAS
ILANG PANSIN
⦿ Sa simula pa lang ng nobela, sinabi na ito: “Ito’y kasaysayan ng isang tao ng kahiwagaan.” Dalawa ang katangian ni Claudio Mirasol: ang munting krus na kumikislap sa kanyang noo para magpahiwatig sa kanya ng mga bagay na mangyayari pa lamang; at ang kanyang tabletang itim at puti na maaaring magpatanda sa kanya sa loob ng isang iglap at magpanumbalik sa kanyang sarili kung siyang nais. May pagtatangka ritong lumikha ng kombinasyon ng agham (graduate ng Kimika si Claudio) at kagila-gilalas, at isa sana sa mga unang sci-fi na nobelang komiks, subalit higit na pantastiko ang mga tabletang nabuo ni Claudio kaysa nakaangkla sa kung anumang siyentipikong paliwanag.
⦿ Nagsimulang anim na pahina ang bawat labas ng nobela. Ito ang pinakamaraming bilang ng pahina para sa bawat labas ng isang nobelang komiks sa Liwayway mula noon hanggang ngayon na karaniwang may dalawa o tatlong pahina lang bawat labas. At ginawa pa itong walong pahina bawat labas simula ikaapat na labas pagpasok ng 1950! Dahil sa haba kaya posibleng makapagbuo si del Mundo ng mga episodic na labas na parang halos isang maikling kuwento dahil may isang tauhan na ipapakilala sa labas na iyon na hindi na muling babalikan sa iba pang labas. Ibig sabihin, malalaman natin ang suliranin at resolusyong kaugnay ng bagong tauhang iyon sa loob lang ng isang labas. Pagdating ng ika-23 labas ay bumalik ang nobela sa anim na pahina bawat labas dahil sinimulan ang dalawang-pahinang bagong nobela ng tambalan nila del Mundo at Carrillo na Birtud noong 22 Mayo 1950. Pero bago pa man iyon, noong 10 Abril 1950, nauna nang sinimulan ang ikalawang kapanabayang nobela nina del Mundo at Carrillo sa panahong ito sa Liwayway, ang Kapitan Bagwis na may dalawang pahina rin bawat labas. Ibig sabihin, sa unang hati na ito ng 1950, tatlong nobelang komiks ng tambalang del Mundo-Carrillo ang inilalathala ng Liwayway. Mahalagang banggitin na sa editorial box ng magasin ay nakatalaga rin si Clodualdo del Mundo bilang “Tagapamahala ng mga kasaysayang isinalarawan.” May mga labas (ika-7, ika-13, halimbawa) na si Jesus F. Ramos ang nagguhit sa halip na si Carrillo.
⦿ Maraming tiyak na detalye sa nobela na ginamit ng akda upang bigyan ito kaligirang pangkasaysayan. Binanggit at iginuhit ang Free Philippines, halimbawa, na muling pinaglathalaan diumano ng “I am a Filipino” nang noo’y koronel nang si Carlos P. Romulo. Ipinadala kina Claudio ang kopya ng magasin kasama ang mga sigarilyo, tsokolate, de-lata, at posporong may nakasulat na “I Shall Return” ni Heneral McArthur. Bagaman mapangahas ang pag-akda ng isang nobela tungkol sa digmaan na halos apat na taon pa lamang ang nagdaraan, mula sa lente ng kasalukuyan ay makikita ang ilang suliranin sa kung paano inilatag ng nobela ang mga nangyari ng digmaan. Makikita rito, halimbawa, ang lubhang pagdakila sa naging papel ng hukbong Amerikano bilang mga tagapagligtas. Halos laging positibo ang paglalatag ng isang sundalong Amerikano sa nobela, taliwas sa napakasamang pagpapakita sa mga sundalong Hapones. Ang tanging “mabuting” sundalong Hapones ay ipinakilalang nag-aral pa sa Amerika at nag-harakiri nga nang matuklasang “niloloko” siya ng mga pinunong Hapones sa totoong layunin ng digmaan. Kapuna-puna rin na tuwing may mga Amerikanong tauhan ay napipilitang mag-Ingles sina Claudio pero hindi naman nagsasalita sa Hapones ang mga tauhang Hapones. Maliban sa simplistikong pagsipat sa naging papel ng Amerika sa digmaan, hindi na rin halos maaari sa kasalukuyan ang ibang mga puna o pansin ng nobela kaugnay ng kasarian. Halimbawa, malay na tayo ngayon na problematiko ang mga pagsasabi kay Eloisa sa simula pa lang ng nobela na kailangang siya ang mag-adjust ng pananamit niya para hindi siya pagnasaan ng mga lalaki.
(ITUTULOY)