Ang dimensyon ay tumutukoy sa panukatan o istandard sa pagbasa upang matiyak kung ganap na nauunawaan ng mag-aaral ang kaniyang binabasang teksto. Ang unang dimensyon sa pagbasa ay tinatawag na Pang-unawang Literal. Kabilang dito ang mga sumusunod na kasanayan sa paglinang ng mabuting kaalaman, pag-uugali, kawilihan, saloobin at pagpapahalaga ng mga mag-aaral sa panahon ng kanilang pagbabasa.
- Pagpuna sa mga detalye. Upang makatiyak ang guro na nauunawaan ng kaniyang mga mag-aaral ang tekstong binabasa, mahalagang masagot nila ang mga tanong na ano, sino, saan, kailan, bakit at paano. Halimbawang ito ang bahagi ng kuwentong ipababasa:
Sa Loob ng Botika
Lunes noon. Hustong ikawalo ng umaga nang buksan ng guwardiya ang pintong bakal ng botika. Binuksan na rin niya ang pintong salamin na may nakapaskil na NO FACE MASK, NO ENTRY. Nakapila sa labas ang mga tao. Naka-face mask. Ipinaiiral ng botika ang physical distancing kaya hindi sabay-sabay na pinapapasok ang mga mamimili. Ang bawat pumapasok ay humaharap sa guard na may hawak na scanner. Itinatapat ito sa noo ng bawat mamimili na pumapasok sa botika.
Karamihan sa mga mamimiling pumapasok ay may dalang reseta ng doktor. Sa counter sila nagpupunta. Ang karamihan ay naghahanap ng sabon, alcohol, face mask at face shield.
—
Maaaring ganito ang mga tanong na ipupukol ng guro sa kaniyang mga mag-aaral:
- Anong oras binuksan ang pintong bakal ng botika?
- Sino ang nagbukas nito?
- Saan ang tagpuan ng kuwento?
- Kailan ito naganap?
- Bakit hindi sabay-sabay pinapapasok ang mga mamimili?
- Paano ginagamit ang scanner?
- Pagpuna sa wastong pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari. Maaaring magtanong sa mga mag-aaral kung ano ang maaaring kasunod ng pangyayari sa talatang binasa.
- Pagsunod sa panuto. Maaaring ang maibigay na panuto ng guro ay ang pag- aanalisa ng mga pangyayari na magbibigay ng panibagong pananaw sa kabuuan ng kuwento. Maaaring magawa ito nang isahan o pangkatan. Ang mahalaga’y masunod ng mga mag-aaral ang alinmang panutong ibinigay ng guro.
- Pagbubuod o paglalagom sa binasa. Dapat maging malinaw sa isipan ng mga guro na ang lagom ay dapat masimulan sa isang maikling pahayag tungkol sa pangunahing layunin ng binasang kuwento. Dapat itong mailahad sa paraang tekstuwal at numerikal sa pamamagitan ng pagbubuod ng mga importanteng datos sa kuwentong binasa.
- Paggawa ng balangkas, Ang pagbabalangkas ay ang pagsasaayos ng akda ayon sa balangkas ng tuwirang pagpapahayag. Maaari ring tungkol sa pagpapakahulugan sa mga pahayag na nakapaloob sa akdang binasa.
- Pagkuha ng pangunahing kaisipan. Sa pagkuha ng pangunahing kaisipan, mahalagang maipagbukod-bukod ito ng guro ayon sa kategorya batay sa kuwentong binasa. Maaaring ito’y nasa kategorya ng tao, bagay, pook o pangyayari .
- Paghanap ng tugon sa mga tiyak na katanungan. Ang pagtatanong ay isang sining. Ito ang pundasyon sa epektibong pagkaklase. Ang guro ay dapat magkaroon ng estilo sa pagtatanong batay sa pangangailangan sa kuwentong binasa. May apat na dahilan kung bakit nagtatanong ang guro: (1) Ibig ng gurong maging masigla ang klase, (2) Nais ng gurong makatiyak kung naging mabisa ang paglalahad ng kaniyang aralin, ( 3 ) Ibig ng gurong matiyak kung natamo niya ang layunin ng pagtuturo, at (4) Nais matuklasan ng guro kung anong damdamin ang namamayani sa dibdib ng kaniyang mga mag-aaral matapos mabasa ang kuwento.
- Pagbibigay ng katotohanan (facts) upang mapatunayan ang isang nalalaman na. Mahalaga sa guro na makahingi ng isang tiyak na impormasyon sa kaniyang mga mag-aaral na may kaugnayan sa kanilang binasang kuwento. Magagawa ito kung mapauulit niya ang dati nang natutuhan o naranasan ng kaniyang mga mag- aaral. Maaaring magamit ng guro ang natutuhang impormasyon upang matukoy ang dahilan ng isang pangyayari.
- Paghanap ng katibayan para sa o laban sa isang pansamantalang kongklusyon. Lahat ng kongklusyon ay dapat ibatay sa lohika ng mga maalam sa pananaliksik ay nalalamang ang kongklusyon ay pangkalahatang pahayag at / o paglalahad batay sa mga datos at impomasyong nakalap ng mananaliksik Ito ay mga inference, abstraksyon, implikasyon, at interpretasyon. Samantala, ang gurong nagtuturo ng pagbasa ay nagtatanong sa kaniyang mga mag-aaral kung ang kuwentong binasa ay katotohanan o kathang-isip lamang. Maaari niyang itanong ang ganito: “Naranasan mo rin ba ang nangyari sa tauhan ng kuwento kaya nasabi mong ang kuwento ay makatotohanan? At sa mga naniniwalang kathang-isip lamang ang kuwento ay maaaring ganito ang itanong: “Aling bahagi ng kuwento ang nagpasya sa iyo na hindi mangyayari sa tunay na buhay ang pangyayaring naganap sa kuwento?”
- Pagkilala sa mga tauhan. Hindi maiiwasan ang paghahambing kapag pinag- usapan ang mga tauhan sa kuwentong binasa. Maaaring matuklasan agad ng mga mag-aaral kung sino ang pangunahing tauhan na maituturing niyang protagonista at ang kumakalaban sa kaniyang mga kilos at paniniwala ay matatawag niyang antagonista.