Ang Aking Mga Mata
Napapagod na ang aking mga mata
Sa katitingin araw-araw sa kumot,
Unan, aparador, bentilador, aircon,
Sahig, hagdan, mesa, at pagkain.
Kaya pag oras na ng kainan
At nakapikit sila, nauunawaan ko:
Lunas sa matinding sakit
Ang hanap nila, hindi pagkain
Para maibsan ang gutom.
Dahil wala pang lunas,
Pipikit muna sila.
Pero kailangan ko sila araw-araw.
Kaya araw-araw din, pinapaalalahanan ko
Ang mga mata na ang lahat ng nakikita
At ikinapapagod nila ay mga tao at bagay.
Nandito ang mukha ni Cita
Na limang taon nang nagsisilbi sa amin:
Tagaluto, tagalaba, at tagalinis ng bahay.
Nandito din ang anak niyang si Amek
Na malapit nang matuto para maipagmaneho ako.
Nandito ang tiya na tagahimay ng ulam,
Tagatimpla ng gatas, at tagapagpainom ng gamot.
Ang asawang mas nalulungkot mabalo
Kaysa harapin ang milyon-milyon
Na gastusin sa pagpapaopera.
At noong isang araw lang, dumating ang Nanay
At ipinagrorosaryo ako halos oras-oras.
Sabi ng doktor, hanggang hindi maoperahan
Ang aking utak, hindi lang ang kanang paa at leeg
Ang di susunod sa utos kong manatili.
Darating ang araw, ang buong katawan,
Kasama ang mga matang pumikit-dumilat,
Ay susuway sa ibig.
Kung kayâ, ipinapaalala ko sa mga mata
Na malapit na ang operasyon.
Makaaakyat na ako ulit ng bundok
At makasasakay na sa bisikleta.
Alam ko kasing mahilig din silang manood
Ng ulap sa tuktok ng bundok, at sa mga tanawin
Sa daan habang pawis na pawis ako at nagbibisikleta.
Hindi ko sinasabi ang alam kong maaaring
Di na talaga ako makaakyat ng bundok
At makapagbisikleta. Dahil di nila alam ito,
Tuwang-tuwa sila, sabay dumidilat, nangingislap,
Bigla’y nasasabik, para dalhin ako sa mesa.
SA MINAMAHAL KONG MGA TIGULANG
Araw-araw, ipinaaalala
Ng Nanay na maligo ako.
Lumipad siya galing probinsiya
Para maalagaan ako kahit nasa bahay
Na ang tiya. Ganito din dati sa ospital
Nang inoperahan ako sa utak
Para mabawasan o mawala ang sakit
Ng pinipilipit na katawan.
Pinagtulungan nila akong subuan
Dahil na masyadong makagalaw
Ang aking mga kamay.
Kaninang tanghali
Tinahi ng Nanay ang damit kong butás
Habang naririnig ko ang boses ng tiya
Na nagkukuwento sa kusina
At abala sa pagluluto.
Kung may kulang sa gamot
O anumang pangangailangan,
Ang tiya ang susugod sa botika o tindahan.
Ramdam ko na ang paggaling ko
Kayâ ako’y labis na nalulungkot.
Malalaman nilang di ko na sila kailangan,
Kaya’t uuwi na sila, di maglalaon,
Sa kanilang mga bahay.
Kung minsan tuloy, ikinatutuwa ko na rin
Ang bagal ng pag-ayos
Ng mga doktor sa de-bateryang
Nasa aking dibdib para gisingin ang isiningit
Sa naluluoy na mga selyula sa utak.
Marami pa akong butás na damit,
At kahit ang gamot, tila di makasasapat
Sa nakaabang na pangungulilang
Higit sa kaibuturan ng bungo ang sakit.
PINANGGALINGAN
Binubura ng taimtim na sakit ang bukas
Habang pinapaigting nito ang nakaraan.
Ang buhày na nakaraan:
Sayaw sa pasilyo,
Buong gabing hapunan,
Pagsama sa isang hapunan para di kumain mag-isa
Sa paanan ng pinakamataas na bundok sa Luzon,
Paglalakad sa dalampasigan ng malayong lugar;
Mga bundok na kinayang akyatin,
Mga paang sumasakit noong una
Ngunit sa kalauna’y naging palaban,
Mga magagandang litratong di inaasahan.
Alok na samáhan sa mga bundok
Habang kaya pang humakbang,
Mga kuwento at pangarap
Na pinagsaluhan kasama ang mga kaibigan,
Bisikleta at helmet na ipinahiram.
Mga sagot sa tanong para makabuo
Ng sariling masasakyan.
Sundo’t paghatid ng kaibigan,
Pang-isang linggong libreng ulam,
Tákot na mabalo,
Pangakong pagpapagamot.
Paulit-ulit silang sumasagi sa isip,
Sa puwang na iniiwan ng sakit.
Pinapasalamatan sila,
O ang sarili, o ang Diyos
Sa lakas at lakas ng loob.
Walang puwang ang takot
O kamatayan sa aking nakaraan.
TAGAY KAY RAP
Dahil ba iyon
Sa alak
Na tinutungga natin
Hanggang madaling araw
Araw-araw?
Dahil ba iyon
Sa ilaw ng buong siyudad
Na pinagmamasdan natin
Sa ating tinirhan
Habang tulog na ang lahat
Samantalang tinatapos pa natin
Ang mga kuwento at alak
Na di maubos-ubos?
Dahil ba sa isang kaibigan
Na sumunod sa atin
At inilibot tayo sa buong siyudad?
Dahil ba sa banayad na dalisdis
Ng bulkan na palaging nasa likod
Natin sa mga litrato?
Baka naman dahil sa halos tatlong
Oras na lakad natin sa tanghaling tapat
Papunta sa monumento ng Heneral
Sa Leyte kayâ nasunog ang iyong balat?
O dahil kaya sa maririkit na tanawin
Sa napakaraming lugar na pinagsaluhan natin?
Saan ba nabubuo
Ang pagiging magkapatid?
Dugo ang dahilan
Kung bakit bumabalik
At lumilisan ka sa bayan.
Kung bakit dinugtungan mo ang aking buhay
At humaba din ang iyong buhay.
Itataaas ko ang bote
Sa hangin
Sa bawat pagtungga
Hanggang magkita tayong muli.
Tungkol sa May-akda
Si JP ANTHONY D. CUÑADA ay tubong Pilar, Capiz at nanirahan sa Lungsod Pasig nang makapag-asawa. Isa siyang mountaineer at cyclist, at advocate ng dystonia awareness, mula nang tamaan siya ng sakit noong 2016. Nagtrabaho siya bilang pribadong abogado sa loob ng 11 taon at ngayon ay naglilingkod sa pamahalaan bilang Associate Provincial Prosecutor ng Capiz.