3 Tula ni Shur C. Mangilaya

Guhit ni Jhucel A. Del Rosario

SARANGGOLA

Bakasyon,

tuyong-tuyo ang bukirin.

Gumawa kami ng saranggola ni kuya.

Tuwang-tuwa kami

habang pinagmamasdan ang tila

malaking ibon sa himpapawid.

Hindi nagtagal,

nagkasundo kami ni kuya.

Binitawan niya

Ang pisi ng saranggola.

Gumewang-gewang ito at tinangay

ng hangin papalayo.

Naghiyawan naman kami

Habang hinahabol

Kung saan ito lalapag.

Kapwa kaming humihingal

na umupo sa pilapil ni kuya.

At habang naglalakad

pabalik ay magtatawanan,

habang iwinawagayway ni kuya

ang nawarak na saranggola.

Guhit ni Jhucel A. Del Rosario

PAMIMINGWIT SA SAPA

Tuwing mag-aararo si Tatay

sa aming bukid sa kabilang sapa,

sumasama kami ni kuya.

At habang nag-aararo siya,

mamimingwit naman kami.

Napapatili ako kapag

nakakabingwit ng dalag at tilapya.

Ganoon din si Kuya kapag

nakakabingwit ng hito at martiniko.

Magtatanghali na kami uuwi.

Kanya-kanyang bitbit kami ni kuya

sa tinuhog naming

mga nabingwit na isda.

Sabik na sabik naman kami 

habang pinagmamasdan

ang pumupusag-pusag na mga isda

na halos sumayad na ang dulo sa pilapil.

At ilang sandali pa ay magiging

Laman ng aming sikmura.

Guhit ni Jhucel A. Del Rosario

TUTUBI AT PARU-PARO

Kapag magpapastol ng kalabaw siTatay,

sumasama kami ni kuya.

Lalo na kapag walang pasok

sa eskuwela.

Tuwang-tuwa kami ni kuya 

habang nakasakay sa likod ng kalabaw

Malawak ang parang

na pinagpapastulan ni tatay.

Maraming halamang namumulaklak,

kaya maraming umaali-aligid

na mga tutubi at paruparo.

Magtatago muna kami ni kuya

sa malagong halamanan,

kapag may napansing tutubi

na nakadapo sa dahon o sanga.

Dahan-dahan naming lalapitan

at huhulihin sa buntot.

Mas mailap ang mga paru-paro,

kaya binubulabog na lang namin.

Maghihiyawan naman kami ni kuya

habang hinahabol

ang papalayong mga paruparo,

na ibat-iba ang kulay at laki.

TUNGKOL SA MAY AKDA
Ang may akda na si Shur C. Mangilaya ay makata at kuwentista na tubong Bagacay, Ibajay, Aklan. Ang kanyang mga akdang tula at maikling kuwento ay nalathala sa Liwayway, Pang-Masa, Madyaas Pen, Ani 36 at Ani 37 ng Cultural Center of the Phiippines.