Humigit-kumulang 40% ng 7,000 wika sa buong mundo ang nasa bingit ng kamatayan.
Nagkakasundo ang mga dalubwika sa ganitong paglalagom sapagkat ang karamihan sa mga wikang ito ay hindi itinuturo sa paaralan o hindi na ginagamit sa pampublikong larang.
Dahil dito, idineklara ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (Unesco) na Dekada ng mga Katutubong Wika ang 2022 hanggang 2032.
Naglalayong magkaroon ng isang planong global para sa Dekada, ang nasabing Deklarasyon ay isang panawagan para sa implementasyon ng mga karapatan ng mga katutubo.
Nilagom ang naganap sa naturang Kongreso sa Mexico noong 26 Pebrero 2020 ng talumpati ni Yásnaya Elena Aguilar sa wikang Mixe:
“Ang ating wika ay hindi naglalaho, ito ay kusang sinisiil.”
Hindi ito narinig kamakailan lamang tulad ng inilahad sa United Nations Declaration on the Rights of Indigenous Peoples of 2007.
Ito rin ang nabuong tinig noon pang Dekada ’60.
Maaari ngang ugatin ito sa iba pang instrumentong nagtatakda ng istandard gaya ng Convention against Discrimination in Education (1960), International Convention on the Elimination of All Forms of Racial Discrimination (1965) at International Covenant on Civil and Political Rights, at International Covenant on Economic, Social, and Cultural Rights (1966).
Dagdag pa rito ang Los Pinos Declaration na sumasalungguhit sa karapatan ng mga katutubo sa kanilang kalayaang magpahayag, karapatan sa edukasyon sa tulong ng kanilang Inang Wika, at karapatang makalahok sa pampublikong buhay.
Pagpapahalaga ito sa pagbibigay-kapangyarihan sa mga katutubong wika na gamitin sa sari-saring sistema ng katarungan, sa programa sa paggawa at kalusugan, at sa media o sa maraming teknolohiyang sumusuporta sa preserbasyon ng mga wikang iyon.
Noong 2019, matatandang ipinagdiwang natin ang Pandaigdigang Taon ng mga Katutubong Wika na may tatlong paksain: una, pagbuo ng mas maraming materyal at mas malawakang serbisyo gamit ang wika, kabatiran, at teknolohiyang pang-komunikasyan; ikalawa, paglikha ng daan o paraan tungo sa edukasyon at impormasyon tungkol sa mga katutubong bata, kabataan, at nakakatanda, sa pamamagitan ng pagsasaayos ng mga datos na iniipon at ibinabahagi; at promosyon ng kaalaman at halagahan ng mga katutubo at kanilang kalinangan sa loob ng mas masaklaw na dominyong sosyokultural, politikal, at ekonomikal, pati ang mga kinagawian at kinaugaliang laro.
Ang siste, noon pa lamang 2015, isinagawa na ang Komisyon sa Wikang Filipino (K.W.F.) ang dokumentasyon ng mga wika sa Filipinas.
Napatunayan ng K.W.F. na nasa 50% ng kabuuang dami ng mga Ayta Magbukón sa buong lalawigan ng Bataan ang itinuturing na “passive bilingual” o nakakaintindi sila pero hindi nakapagsasalita. Kaya gumawa ng paraan ang K.W.F. upang mapangalagaan at muling mapasigla ang mga wikang maaaring mawala.
Noong 2017 nakipag-ugnayan ang K.W.F. sa lokal na pamahalaan ng Bataan gaya ng Tanggapan ng Gobernador, Department of Education (DepEd) Dibisyon ng Bataan at Lungsod ng Balanga, National Commission on Indigenous Peoples (N.C.I.P.) Provincial Office at Provincial Social Welfare and Development Office (P.S.W.D.O.) ng Bataan. Sa tulong ng Memorandum ng Kasunduan ang mga tungkulin ng bawat isang ahensiya, natapos ng K.W.F. ang linguistic profile ng mga katutubong Ayta Magbukon sa Bangkal, Abucay, Bataan.
Malaki ng papel ng Philippine Cultural Education Program (P.C.E.P) ng National Commission for Culture and the Arts (N.C.C.A.) – mula sa paggawa ng proposal hanggang sa pakikipagtulungan ng Central Office ng DepEd – upang magkaroon ng integrasyon ng lahat ng proyekto ng N.C.C.A. at K.W.F. para sa mga Katutubong Pamayanan.
Kaya, noong 27 Setyembre 2018, binuksan na nina Pambansang Alagad ng Sining Virgilio Almario — na siya ring dating Tagapangulo ng N.C.C.A. at Punong Komisyoner ng K.W.F. — at Alkalde Liberato Santiago Jr. ng Abucay ang kauna-unahang bahay ng wika sa buong bansa. Itinayo ito mismo sa isang pamayanan ng mga Ayta Magbukon sa paanan ng Bundok Natib sa Barangay Bangkal ng Abucay, Bataan.
Ito nga ay ang Bahay-Wika (B.W.).
Doon at noon unang ipinatupad ang ang Master-Apprentice Language Learning (M.A.L.L.).
Kung tutuusin, ang proyektong ito ay alingawngaw rin ng mga pangamba na “nagpahayag ng makatuwirang palagay na mula sa tinatáyang 6,000 wikang sinasalita sa buong mundo sa kasalukuyan, aabot sa 90% nitó ang maglalaho sa loob ng isang daang taon.”
Hinawan nito ang landas ng muling pagpapasigla sa iba’t ibang wika sa bansa.
Walang iniwan ito sa School of Living Traditions (S.L.T.) ng N.C.C.A. din. Ang ipinagkaiba lamang nito ay mas nakatutok ang B.W. sa pagtuturo ng mga katutubong konsepto gamit ang katutubong wika lamang.
Bagamat may pandemya, patuloy pa rin ang Sangay ng Salita at Gramatika ng K.W.F. sa pagpaplano ukol sa pagpapatuloy ng unang B.W. at M.A.L.L. kung sakaling tuluyan nang ipaubaya ang pangangasiwa sa Local Government Unit (L.G.U.) at sa kinauukulang komunidad.
Sa kabilang banda, abangan ang susunod na kabanata, wika nga.
Alin kaya ang kailangang unahin sa mga sumusunod na pamayanang nanganganib din ang wika?
Agta Dumagat Casiguran, Agta Dumagat Umiray, Agta Sorsogon, Agta Villaviciosa, Abellen, Alta, Alta Kabulowan, Arta, Ayta Ambala, Ayta Kadi, Ayta Magbukun, Ayta Mag-antsi, Ayta Mag-Indi, Ayta Tayabas, Bangong Mangyan, Binatak, Bolinaw, Gâdang, Gubatnon Mangyan, Iguwak, Inata, Inagta Iraya, Inagta Isarog, Irungdungan (Agta Isiragan), Isinay, Kalamyanën, Karaw, Katabaga, Kinarol-an, Manide, Manobo Aromanën, Manobo Kalamansig, Manobo Ilyanen, Manobo Tigwahanon, Menuvú, Ratagnon Mangyan, Tadyawan Mangyan, Tagabulos, Tawbuwid Mangyan, o Ténap (Agta Dupaningan) kaya?
At sa halip na magningas-kugon, inaasahang magningas-bao ang pagtatanggol hindi lamang sa wika kundi sa pakikipaglaban para sa iba pang uri ng pamana.
Parikalang ang pagdiriwang ng Buwan ng Pambansang Pamana, kung baga, ay selebrasyon ng kolonisasyon sa anyo ng tagumpay sa Mactan noong 27 Abril 1521 at sa bahagi ng ating bansa sa paglalayag sa paligid ng daigdig noong 16 Marso 1521.
Tuloy, hindi natin maiwasang maalala ang pagbubukas ng kumperensiyang Pundo: Saysay ng Pagdaong at Pagkanlong sa Baybay-Dagat noong 14 Abril 2021 kung kailan binigkas ng panauhing pandangal ang kaniyang pagtutol:
“Hindi ako naniniwala ni sa sentido ng “pagkatuklas” kuno ni Magallanes sa ating kapuluan ni sa kahalagahan ng pagmisa ng mga Kastila sa isa sa mga isla nito.”
Namutawi ito sa labi ni Dr. Zeus Salazar – ang Ama ng Bagong Histograpiyang Pilipino – na naniniwalang “ang wika ay higit pa sa isang kasangkapan at paraan ng komunikasyon ng isang lipunan” sapagkat “nagsisilbi itong impukan-kuhanan ng isang kultura.”
Ito ang batayang prinsipyo ng lahat ng nabanggit sa itaas.