ni Fernando E. Silva
Sa isang lugar na tinatawag na Baryo Sakahan ay magkakasamang naninirahan ang iba’t ibang uri ng mga hayop. Magkakaiba man sila ng mga katangian at pinanggalingang pangkat ay masasabing mapayapa naman ang pook na ito. Sa baryong ito, ang mga indibidwal ay naniniwalang ang lahat ay nararapat mabuhay ng marangal at may pagkakapantay-pantay. Nirerespeto nila ang karapatan ng bawat isa. Nananatili rin ang kaayusan nila rito dahil sa iba’t ibang mga batas na kanilang pinaiiral. At bukal naman sa loob at may buong paggalang na sinusunod ng lahat ang bawat alituntunin.
Isang gabi, sa bahay nina Ginoong Husky ay ipinagdiriwang ang ika-pitong taon ng kapanganakan ng kaniyang bunsong anak. Maipalalagay na isa nga ito sa pinakaengrandeng selebrasyon na naganap sa buong Baryo Sakahan. Maraming masasarap na putahe ang kanilang inihain. Umarkila rin sila ng banda at mga propesyonal na mananayaw sa kabisera upang makapagbigay-aliw sa mga panauhin. Maaga-aga pa lamang ay dumagsa na ang mga inanyayahan sa pagtitipon. Sunod-sunod na nagsidatingan ang pamilyang Poodle, Pomeranian, Bulldog, Shih Tzu, Chow Chow, at Aspin. Bago pa man isagawa ang palatuntunan ay halos naroroon na ang mga inaasahang bisita na pawang mga aso lamang. Nagsimula ang programa sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga mensahe at regalo para sa may kaarawan. At pagkatapos magbigay ng talumpati ng pasasalamat ang punong-abala ay inumpisahan na nga ang pinakahihintay ng tanan – ang awitan at sayawan. Nagkakatuwaan ang lahat. Ang salo-salong ito ay punong-puno ng kagalakan! Mababanaag sa mukha ng madla ang kaligayahang dulot ng mga pag-indayog sa saliw ng musika.
Samantala, sa labas ng bakuran ay iiling-iling lang na nakamasid ang mga kapitbahay sa nangyayaring pagdiriwang sa tirahan ng pamilya Husky. Kasalukuyang nag-uusap sina Miong Pusa, Mhel Kambing, at Linong Matsing na may halong pagkadismaya. “Hay! Nakapagtataka na tayo pang malapit lang ang bahay sa kanila ang hindi nila binigyan ng paanyaya sa piging na iyan!” wika ni Miong. “Oo nga! Nasasabik pa naman ang asawa kong si Meme na umindak at gumiling sa gitna ng bulwagan.” pahayag naman ni Mhel. “At makakakain pa sana ang mga anak natin ng masasarap at di pangkaraniwang mga pagkain.” dagdag pa ni Lino.
“Alam ko na!” pakli ni Miong. Dali-dali itong umuwi sa kanilang bahay at nang makailang minuto ay lumabas nang muli, kasa-kasama na ang buo niyang mag-anak. Nakabalat-kayo ang mga ito, bihis ng kasuotan at maskarang hitsurang aso. Tuloy-tuloy nilang pinasok ang tarangkahan ng mga nagkakasaya habang manghang-mangha namang nakatutok at naghihintay ang naiwang sina Mhel at Lino sa mga susunod na mangyayari.
Sa nakapinid na pinto ay marahang kumatok si Miong Pusa. Pinagbuksan naman agad siya ni Ginoong Husky. “Magandang araw! Ano ba ang maipaglilingkod ko sa inyo?” ang bungad ng matandang aso. “Ah, eh, kami po ay naparito upang dumalo sa inyong salu-salo. Nais din po sana naming umindayog kasabay ang kaaya-ayang mga himig at tunog.” ang tugon naman ni Miong.
“Aha! Walang problema mga kaibigan! Basta’t kailangan niyo munang kumahol nang sabay-sabay bilang tanda ng inyong pagkakakilanlan.” ang pabatid ng aso. Saglit na natigilan si Miong sa kaniyang narinig ngunit itinuloy pa rin niya ang pagbilang ng tatlo at sabay-sabay silang humuni.
“Ngiyaw! Ngiyaw! Ngiyaw!” Katahimikan. “Ipagpaumanhin ninyo ngunit hindi ko kayo mapapapasok!” ang mga huling salitang namutawi sa labi ng matandang aso bago lumagapak ang nagsaradong pintuan.
Nasaksihan ni Mhel at Lino ang grupo ng pusang nakatungo ang ulo at lulugo-lugong umuuwi pabalik sa kanilang tirahan. Nagkatinginan ang dalawa. “Ano kaya ang nangyari? Bakit kaya hindi nakatuloy sa loob ang mag-anak na pusa.” ang may pagtatakang tanong ni Lino sa kaniyang sarili. “Maiwan muna kita Lino, ha?! Sunsunduin ko muna ang aking mag-iina. Kami naman ang susubok lumahok sa magarbong pa-okasyon ni Ginoong Husky.” pagpapaalam ni Mhel Kambing.
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang amang kambing. Mabilis niyang tinungo ang kanilang tirahan. Nagbihis din ang mga ito ng kasuotan at maskarang hitsurang aso. Nagtuloy sila sa pintuan ng mga nagkakatuwaan. “Tao po! Tao po! Tao po!” sigaw ni Mhel. Agad namang nagbukas ang pinto bilang pagtugon sa malakas na pagtawag ng kambing. “Magandang araw! Ano ba ang maipaglilingkod ko sa inyo?” bati at tanong ni Ginoong Husky. “Kami po ay naririto upang makiisa sa inyong pagdiriwang. Ibig din po naming matikman ang inyong inihandang mga pagkain.
“Oh! Walang problema mga kaibigan! Basta’t kailangan niyo munang kumahol nang sabay-sabay bilang tanda ng inyong pagkakakilanlan.” patalastas ng matandang aso. Pinagpapawisan man ng malamig si Mhel sa kaniyang narinig ay hindi pa rin siya nawalan ng pag-asa. Pagbilang niya ng tatlo ay sabay-sabay silang humuni. “Mee! Mee! Mee!”
Napatawa ang aso sa kaniyang nasaksihan. “Ipagpaumanhin ninyo ngunit hindi ko kayo mapatutuloy sa loob ng bahay! Ang okasyon na ito ay eksklusibo lamang sa mga asong tulad namin.” pagpapaliwanag ni Ginoong Husky bago niya isinaradong muli ang pintuan.
Bagsak ang mga balikat na binagtas ng mga kambing ang daang pauwi sa kanilang bahay. Napanood naman ni Linong Matsing ang nakalulumbay na kaganapang ito. Dala ng habag sa dalawang pamilyang biguan, mabilis na tinalunton ni Lino ang rutang pauwi upang makapaghanda at maisakatuparan ang kanina pa niyang pinaplano. Mga ilang minuto lang ang nakalipas, binabaybay na niya pabalik ang kinaroroonan ng malaking pagdiriwang. Taas noong kumatok si Lino sa may pintuan.
“Tok! Tok! Tok!” Kagyat naman siyang pinagbuksan ng matandang aso. “Huh! Magandang araw po! Ano po ba ang maipaglilingkod ko sa inyo?!” ang may pagkagulat na sambit ni Ginoong Husky sa naka-unipormeng pulis na nasa kaniyang harapan ngayon. “Puwede ko po bang malaman kung bakit kayo ay naparito?!” ang pagpapatuloy pa nito. “Humihingi po ako ng paumanhin! Marami po kasing nagpunta sa istasyon at inirereklamo ang nakabubulahaw na ingay na nagmumula sa inyong tahanan.” malumanay namang sagot ni Lino.
“Ngunit, hindi ko maaaring basta na lamang ipatigil ang lahat! Nakakahiya sa mga bisita! Nakikiusap ako… Sa tingin mo ba, ano ang nararapat kong gawin?!” ang may pagkabalisa nang tinig ng matandang aso.
“May naiisip po akong solusyon ngunit hindi po ako nakatitiyak kung ito ba’y magiging matagumpay. Wala naman po sigurong masama kung inyong susubukan. Kung ako po sa inyo, pupuntahan ko ngayon ang mga kapitbahay at sila’y aking iimbitahin lahat sa pagdiriwang na ito. Sa gayon po ay tila wala nang makapagpapahayag ng di pagkakontento,” mungkahi ng matalinong matsing.
Hindi na sinayang pa ng matandang aso ang bawat minuto at segundo. Buong puso niyang sinunod ang ibinigay na panukala ng matsing.
Maya-maya pa nga’y biglaan at sabay sabay na ang pagdami ng mga bisita. Nagsidatingan na ang mga inimbitahang kapitbahay na kinabibilangan ng iba’t ibang mga pangkat. Nagsama-sama nga ang mga aso, pusa, kambing, matsing, at iba pa. Ang lahat ay umawit at sumayaw sa saliw ng musika! Ang lahat ay nakakain ng masasarap at nakabubusog na mga putahe!
Ngayon ay wala nang pagsidlan ang puso sa tuwa ng bawat isa, mas matindi pa ang ang mga halakhakan, at mas naging kaaliw-aliw pa ang bawat mga tagpo.
“Aking napagtanto na wala palang kapantay na kaligayahan ang dulot nang nagkakaisa at nagkakabuklod-buklod na komunidad! Maraming salamat sa inyong lahat! Hanggang sa muli!” ang masayang pahayag ni Ginoong Husky sa lahat ng dumalo bago matapos ang pagdiriwang at sila’y magsiuwian.