Ni Edgar Calabia Samar
(IKA-8 NA LABAS)
NOBELANG KOMIKS BLG. 15
KAPITAN BAGWIS
Pamagat: Kapitan Bagwis
Manunulat: Clodualdo del Mundo
Ilustrador: Fred Carrillo
Petsa ng Unang Labas: 10 Abril 1950
Petsa ng Huling Labas: 26 Pebrero 1951
Bilang ng Labas: 47
Bilang ng Pahina Bawat Labas: 2
BUOD
NOONG panahon ng pananakop ng mga Kastila, isa sa mga kilabot sa Saranggani ang mapangahas na piratang Filipino na kilala sa tawag na Kapitan Bagwis. Isang malaking barkong Kastila na naglalayag sa Dagat Selebes ang sinalakay niya’t ginapi ang mga banyaga roon kaya siya ang naging kapitan ng barko. Nang pabalik na sila sa Saranggani ay natuklasan niyang kasama ni Aklan, isa sa mga kanang kamay niya, ang kapatid nitong babaeng si Naya na kababata niya.
Ipinaalala ni Naya na ang sagisag na bagwis na nasa agimat sa suot na kuwintas ni Bagwis ay nasaksihan niyang ibinigay sa lalaki ng isang matalinong matanda sa Bundok Tungkong-Kalan. Nasaksihan din umano ni Naya ang kapangyarihang taglay ng agimat na kapag sinambit ang salitang “bagwis” ay magiging mabilis ang pagkilos ng nagsusuot niyon. Nakita ito ni Naya nang ginapi ni Bagwis ang marahas na si Jarawal noong bata pa sila. Muling nabuhay ang pagtatangi ni Bagwis kay Naya na naroon na mula pa sa kanilang kabataan.
Sumalubong ang buong Saranggani sa pagdating ni Kapitan Bagwis. Iniutos ni Bagwis na ipamahagi sa lahat ang karamihan ng kanilang napandaw sa karagatan. Subalit kinagabihan, samantalang nagkakasiyahan, sinalakay sila ng isang barkong pandigma ng mga Kastila. Nag-unahan sila sa pagkukubli sa Yungib ng Kadluan. Nang lumayo na ang barko ng kalaban, saka nagsilabas sina Bagwis mula sa yungib. Nanguna si Naya sa pag-aalaga sa mga sugatan. Sinimulan naman ni Kapitan Bagwis at ng mga tauhan niya ang pagsasaayos ng barkong winasak ng mga kanyon ng kaaway. Nang maisaayos ang barko ay muling pumalaot sina Kapitan Bagwis upang turuan umano ang mga dayuhan ng paggalang sa kanilang karapatan. Naghinagpis si Naya na naiwan sa Saranggani. Sa gitna ng karagatan naman, natitigilan din si Bagwis kapag nagugunita ang babae.
Sa karagatan ay nakasagupaan nina Bagwis si Kapitan Laforteza ng barko ng mga Kastila. Iminungkahi ng Kastila na sila na lamang dalawa ni Bagwis ang maglaban at nang maiwasan ang pagdanak ng dugo. Nanaig si Bagwis sa Kastila ngunit isang kawal niya ang nagkasala sa paghahangad na halayin si Isabelita, isang maharlikang sakay ng bapor. Kaya naman, ipinag-utos ni Bagwis na ihulog sa karagatan ang nagkasala niyang kawal. Isinama naman nila ang mga maharlikang bihag sa Saranggani, na pawang malalaya, di tulad ng kanilang nalabing mga kawal na nakagapos pa. Naisip tumakas nina Laforteza at Isabelita pero pinagsabihan sila ni Bagwis na natatanuran ang mga maaari nilang daanan sa pagtakas. Habang nasa isla, unti-unti namang namulat ang paningin ni Isabelita at nagsimulang humanga sa mga nakikita niya sa paligid. Samantala, nagpatuloy si Laforteza sa paghahanap ng landas sa pagtakas at naibuwis ang buhay ng isa niyang alagad dahil dito.
Nagdaramdam naman noon si Naya sa nakikita niyang madalas na pag-uusap nina Isabelita at Bagwis kaya naisip niyang tulungan si Laforteza upang makatakas ang pangkat nito sa paniniwalang mailalayo niya sa pamamagitan noon si Isabelita kay Bagwis. Pagkatapos noon, lumapit naman kay Laforteza ang isa pang kabig ni Kapitan Bagwis, si Mada, na dating sinuntok ni Bagwis dahil sa pagtatago sa bibig ng isang munting perlas. Si Mada ang nagtapat kay Laforteza ng tungkol sa agimat ni Bagwis. Nang ikasa na nila ang plano, pinukpok ni Mada sa ulo si Bagwis at nawalan ito ng malay. Inagaw ni Mada ang agimat ni Bagwis at ibinigay iyon kay Laforteza. Kasama si Naya, Isabelita, at iba pang nagsisitakas na mga bihag, tinungo nila ang barkong may mga tanod na ilang tauhan ng walang-malay na si Bagwis. Nabigla ang mga tauhan ni Bagwis sa barko ngunit nakatakas ang ilan, sa pangunguna ni Jumawas. Si Jumawas ang nagsumbong kay Aklan ng buong pangyayari. Iniutos ni Aklan na tipunin ang lahat ng alagad ng Saranggani at hanapin si Alonto na bagaman sinto-sinto ay kailangan din nila. Nang makita ni Jumawas si Alonto, nakita niyang mayroon itong mahiwagang ilawan na nagluwa ng isang munting lamang-lupa. Pero iniwan nina Alonto ang lamang-lupa dahil higante ang inaasahan nilang laman ng ilawan.
Samantala, sina Bagwis at Naya ay pinarurusahan noon sa barko habang sa harap nila ay iniutos ni Kapitan Laforteza ang pagkanyon sa Saranggani. Samantalang sinasaksihan ni Bagwis ang ginagawa sa kanyang pulo ay halos magtaklob sa kanya ang langit at lupa, at noon niya nagunita ang kanyang nakaraan, noong siya’y bata pa at kilala sa pangalang Alan. Bumalik sa alaala niya nang una niyang tanggapin ang agimat kay Lakay Lama. Si Lakay Lama ang nagligtas sa kanya sa pagkalunod mula sa paglamon ng uli-uli sa bangkang sinasakyan nila. Nang makabalik si Alan sa kanila ay sinabi niyang ang agimat niyang bigay ni Lakay Lama ay may bisa kung katwiran, katarungan, at kaapihan ang ipinagtatanggol. Noon naman bumalik sa kasalukuyan ang isipan ni Bagwis nang binuhusan siya ng tubig ni Laforteza at hinagupit pa nito. Nagpanggap naman si Isabelita na nasisiyahan sa pagpapahirap kay Bagwis. Pagkatapos, dinalaw niya sa piitan nito si Naya at siya ang nagpakawala rito. Nakuha pa nila ang agimat mula kay Mada na pinagtulungan at napaslang ng dalawang babae. Subalit natunugan sila ni Laforteza. Nakatakas si Isabelita at napuntahan ang nakagapos noong si Bagwis at naibalik dito ang agimat. Biglang nanalaytay sa mga ugat ni Bagwis ang hindi pangkaraniwang lakas matapos isigaw ang “Rek-kah! Ang Bathala ang makapangyarihan sa lahat!” Nang mga sandaling iyon ay nakaakyat na sa barko sina Aklan, Alonto, at iba pang kasamahan ni Bagwis. Naging matagal ang labanan ngunit sa wakas ay nagapi rin si Laforteza. Sa gitna ng naghihiyawang mga tauhan nila’y nagyakapan sina Alan at Naya, si Kapitan Bagwis at ang kaniyang hirang.
UNANG LABAS
ILANG PANSIN
⦿ May dalawang pahina kada labas ang nobela, at sa personal kong kopya ay nawawala ang ikalawang pahina ng ikalawang labas, gayundin ang ikalawang pahina ng ika-13 hanggang ika-25 labas. Gayunpaman, madali namang punuan ang mga nawawalang pahina dahil sa paglalagay ng buod at nagdaan sa unang panel ng bawat labas. Kapansin-pansin dito ang pagkatha ng isang bayani na nakasalalay sa agimat ang kakayahan, subalit nang mawala iyon, malaking bahagi ng nobela ay nakagapos na lamang siya at walang magawa habang kinakanyon ni Laforteza ang Saranggani, at kinailangang maibalik sa kanya ang agimat bago siya muling makalaban. Para bang walang ahensiya si Bagwis bilang si Alan, kaya hindi rin malinaw kung saan ba talaga nag-uugat ang pagiging karapat-dapat niya sa agimat.
⦿ May mga historikong kinakapitan sa nobela. Halimbawa, binanggit dito na Gobernador noon si Corcuera, na totoong namuno sa pananakop sa Filipinas noong 1635 hanggang 1644. Sa kaniya rin ipinangalan ang bayan ng Corcuera sa Romblon. Sa simula ay nabanggit din ang mga tangkang pananakop ng mga Olandes bagaman hindi na ito pinagtuunan ng nobela. Upang magdagdag ng elemento ng realismo ay nagsasalita sa Español si Laforteza, halimbawa, kapag nag-uutos siya sa mga tauhang Kastila. Subalit malinaw nga ang pantastikong elemento sa akda sa paggamit pa lang ng agimat ni Bagwis, at paglaon, nang lumitaw ang lamang-lupa mula sa ilawan ni Alonto.
⦿ Pagdating sa ika-27 labas ay inianunsiyo na kasalukuyan itong isinasapelikula ng Premiere Productions at magsisiganap sina Anita Linda bilang Naya, Efren Reyes bilang Kapitan Bagwis, Arturo Lerma bilang Aklan, Patria Plata bilang Isabelita, at Oscar Keesee bilang Laforteza. Sa direksiyon ito ni Cesar Gallardo. Sa tala sa IMDB, lumabas ang pelikula noong 12 Marso 1951. Subalit kapansin-pansin na may dalawang tauhan sa patalastas na wala pa sa komiks hanggang bago ang anunsiyo: sina Alonto na gaganapan ni Lopito at si Gaudelia na gaganapan ni Naty Rubi. Lumitaw lang si Alonto sa ika-27 labas din na iyon at maaari kayang kinatha lang para sa pelikula yamang sikat na noon si Lopito? Si Lopito rin ang gaganap sa pelikula sa papel na Kenkoy, ang popular na bida sa komiks ni Tony Velasquez. Samantala, sa ika-30 labas pa lumitaw si Gaudelia, na maaaring ang dating nabanggit nang Adelina na kasama ni Isabelita noon sa barko nang pinagtangkaan itong halayin ng isang tauhan ni Bagwis. Makikita ang ganito ring inconsistencies sa mga detalyeng tulad ng pagdating sa ika-11 labas, sa halip na “bagwis” ay “rek-kah” na umano ang kailangang sambitin upang magdulot ng bilis kay Kapitan Bagwis ang agimat nito. Pagdating ng ika-36 na labas, mula sa alaala ni Bagwis ng nagdaan niya, ay biglang “Rek-kah! Ang Bathala ang makapangyarihan sa lahat!” na ang kailangang sabihin. Makikita rin ang mga ganitong pagkaligta nang sa ika-31 labas ay sinabing natuklasan ni Bagwis “sa unang pagkakataon” na wala na ang agimat niya sa kanya, pero alam na niya ito sa mga naunang labas pa man. Siyempre pa, ang pinakamalaking pagkakaiba ay ang bersiyon ni Naya sa simula ng nobela kung paano nakuha ni Bagwis ang agimat, kompara sa bersiyon sa dulo ng nobela sang-ayon sa alaala ni Bagwis. (Pagdating naman ng ika-39 na labas ay may panibagong anunsiyo na “Pakinggan ang ‘Kapitan Bagwis’ sa Himpilang DZFM tuwing Miyerkules at Sabado sa ganap na ika-8:00 ng gabi sa pagtataguyod ng Buccaneer Virginia Cigarettes.” Malinaw na nilulubos ng kuwento ang iba’t ibang platform ng diseminasyon ng kuwento.) (ITUTULOY)