ni Angelo Sanchez
Kung minamalas nga naman, tinamaan na ng K-12, dumadaan sa pandemya, at ngayon, halos dalawang taon nang sumasabay sa online learning. Nakakapagod, nakakaupos.
Ako si Angelo Sanchez, 20, nasa ikatlong taon sa kolehiyo sa darating na taong-pampaaralan. Kumukuha ng kursong Batsilyer ng Sining sa Peryodismo. Nananatiling buhay at makikipagpunong-braso sa hamon ng makabagong edukasyon.
Malinaw pa sa aking isipan ang mga alaala ng panahon bago pumasok ang pandemya. Papasok ng umaga, uuwi ng gabi. Nakakapagod, oo, pero hindi naman siya ganoon kalala. May halong saya pa rin. Hanggang dumating ang Marso 12, 2020.
Marso 12, nang ianunsyo ng Pangulo na isasailalim ang buong Metro Manila sa lockdown. Akala ko nga ay isang linggong pahinga lang pero hindi, dito na pala magsisimula ang kalbaryo ko bilang isang estudyante.
“Guys kung hindi niyo magawa o masagutan ‘yung activity, ok lang sa akin dahil wala kayo internet access. Kapag nag-resume ang klase o ma-lift ang ecq gagawin niyo or ipapasa pa rin ang activity. Doon naman sa may internet access, pwede niyo ipasa ‘yung answer nyo this week. Puwede isagot sa Tagalog o English. Kung saan kayo mapapadali,” paalala ng isa kong propesor. Ayokong mahuli sa pagpasa dahil ayokong bumagsak. Pero nahihirapan akong sumabay. Walang wifi. Mahirap magpa-load sa labas, istrikto ang mga bantay ng kalsada dahil nga lockdown. Hindi naman kaya ng free-data dahil may larawan ng libro na pagbabasehan. Nagkakabuhol-buhol na ang aking iniisip dahil may 11 akong asignatura. Ngunit napaka-swerte ko pa rin dahil may iilan akong propesor na handa kaming bigyan ng konsiderasyon.
Nairaos ko ang ikalawang semestre ng unang taon sa kolehiyo sa set-up na online.
“Mr. Sanchez, hindi ka namin marinig.” Hindi tulad sa tipikal na set-up ng pisikal na klase, kayang-kaya mong pagsabayin ang pagsusulat at pakikinig. Ngayon, ang daming hadlang sa pagkatuto lalo na sa usaping teknikal. Ang internet ang kumukonekta sa atin sa online class pero paano kapag palaging napuputol ang koneksyon ng internet? Patay na. Mapapasabi ka na lang ng, “Choppy ka po sir/ma’am.”
Syempre, para makasabay sa klase, kinakailangan mo ng gadyet — cellphone, laptop, personal computer, o tablet — kahit ano, basta gumagana ang zoom at pinakamahalaga ay google meet. Ewan ko ba, ayaw ata sa akin ng tadhana. Hindi gumagana ang google meet sa cellphone ko kaya nagpabili na lang ako ng computer kay mama, dagdag gastos na naman.
Lingid sa inyong kaalaman ay pumapasok pala ako bilang kitchen staff pero ngayong ikalawang semestre ay nagpaalam na hihinto muna kasi “burnout.” Loaded ng school works syempre may mga obligasyon pa sa bahay. Anak rin ako at kapatid. Ika nga, “part-time panganay.” At dahil halo-halo na ang gawain, kinakailangan mo talaga taglayin ang husay sa pagmemekaniko ng oras kundi, lalamunin ka ng pagod nang hindi nababawasan ang mga gawaing nakatambak.
Nabalitaan ko rin pala na gagawin kaming tri-sem sa aming paaralan. “Playtime” ika nga. Nahihirapan ka na nga sumabay sa klase, paglalaruan ka pa. Imbes na apat na semestre na lang ang lalakarin ko, napahaba pa, naging anim. Anim na semestreng online class. Oo, hindi na ako umaasang maaabutan pa namin ang pagbabalik ng pisikal na klase kaya tanggap ko nang magpapaalipin pa rin kami sa ganitong set-up. Lalo na nang mabalitaan ko sa telebisyon na ipagpapatuloy ng Komisyon sa Mas Mataas na Edukasyon (CHED) ang ganitong siste, kahit pa matapos ang pandemya. “From now on, flexible learning will be the norm. There is no going back to the traditional, full-packed face-to-face classrooms. The commission has adopted a policy that flexible learning will continue in School Year 2021 and thereafter,” pahayag ni Prospero de Vera, Kalihim ng CHED
Sa mga susunod na semestre at taon, dadaan na kami sa mabibigat na asignatura tulad na lamang ng pagsulat ng pananaliksik. Dagdag pa rito ang On the Job Training o OJT. Online class pa rin? Paano kaming mga mag-aaral na nasa ilalim ng kursong “skill-based” o mga kursong kinakailangan ng on-hand training. Nakakatakot na mapabilang sa mga hilaw na produkto ng online class. Patunay na ito ay hindi konkretong solusyon kundi dagdag pasakit pasakit lamang.
Sabi nga nila, “College is the best 4 years of your life,” pero hindi sa online class. Pinatunayan ito ng aking karanasan, na hindi epektibo ang online class bilang konkretong solusyon sa problema ng edukasyon.
Ang mga polisiyang ito ay isang hamon sa akin at sa libo-libong mag-aaral sa aspetong pisikal, mental, emosyonal, at higit sa lahat ay pinansiyal.
Ako, bilang isang mag-aaral na dumaan na sa higit isang taong online class at patuloy na makikipag-sapalaran sa siste ng edukasyon, ay naniniwala na hinahayaan ng gobyerno na maging eksklusibo at komersyalisado ang edukasyon kaysa maging karapatan na nararapat na pantay na matamasa ng lahat.
At higit sa lahat, ang resulta ng komplikasyon sa edukasyon ay bunga ng kapalpakan ng gobyerno sa paghahanda laban sa pandemya.
Ako si Angelo Sanchez, at ito ang kuwentong online class ko.