Ihuhudyat ng mga Bituin

ni Armando T. Javier

Nagkaroon ng bagong trabaho, tila nakatagpo rin ng bagong tagahanga si Dory…

(IKA-10 LABAS)

SAYANG. Type na rin sana niya si Tems. Kaso, pabling. At may Arnold na nga siya.

Lihim nga siyang naiinggit kay Arnold. Si Arnold, nag-aaral. Siya, naghahanapbuhay. Gusto nga sana niyang mag-aral. Kaso lang, sa kita niya sa pagtitinda sa stall, hindi talaga puwede. Kaya nga nang sabihin iyon sa kanya ni Manay Lolet, hindi siya makapaniwala.

Scholar ho? Ninyo?”

“Oo. Bakit? Ayaw mo ba?”

“G-Gusto ho!” Halos masamid na sabi niya.

“Pero short course lang, ha? P’wede na ba sa ‘yong six months na computer course?”

“Aba, oho!”

Dapat ay tanungin ni Dory kung bakit biglang-bigla naman yata siyang inalok na papag-aralin ni Manay Lolet. Nakahiyaan niya. Ito na rin ang sumagot.

“Kaibigan ko’ng nanay mo. At nakikita ko naman na masipag kang bata. Bale tulong ko na lang ‘yan sa nanay mo at sa malasakit mo sa negosyo ko.”

At para hindi siya mahirapan sa pagpasok, dito lang sa computer school sa Pasay siya nag-enrol. Tatlong oras na panggabing klase ang kinuha niya. Pagkasara nila ni Matet ng alas-otso, isang sakay lang siya sa jeep at heto na.

Sakripisyo sa panig niya. Na dapat ay nakakapagpahinga na siya pagkatapos ng maghapong pagtitinda, heto at nakaharap siya at nagsasanay sa computer. Pero hindi bale, libre naman siya sa matrikula. Mga gamit na lamang sa pag-aaral niya ang gastos niya. At least, hindi na rin siya kahiya-hiya kay Arnold. Estudyante na rin siya. E, ano ba kung vocational course lang ang kurso niya?

Vocational school nga lang, coed pa rin. Siyempre, bagong kapaligiran, bago ring mga kakilala. At iyong ibang kaklase niyang lalaki, presko talaga.

“Dory, ihatid kita, ha?”

“Ibang klase ka rin, ‘no? Gusto mo lang ‘ata akong idispley sa mga kaklase mo!” Guhit ni Rico Rival.

“Me dyowa ka na ba, Dory? Ilan?”

“Dory, sabi nila, bagay tayo…”

Nakakakilig din. Pero malimit, nakakairita.

“Me boyfriend na ‘ko!”

At para maniwala, isang gabing uwian ay nagpasundo siya kay Arnold.

“Ibang klase ka rin, ‘no? Gusto mo lang ‘ata akong idispley sa mga kaklase mo!”

“Ang kapal naman ng ‘sang mama d’yan!” sabi niya, sabay tampal sa braso ni Arnold.

Nang makasakay na sila sa jeep, nagkuwento.

“Ano nga’ng pangalan no’ng lalaking me crush sa ‘yo?”

“Lalaki? Sino?”

“‘Yung do’n sa shopping center? ‘Yung malakas kumain ng buko pie?”

“Si Tems? Bakit?”

“S’ya nga! Alam mo bang nakita ko s’ya malapit do’n sa university belt?”

“Sa’n do’n?”

“Sa isang fastfood store.

“Ano’ng ginagawa? Me ka-date?”

“Wala. Sa tingin ko, e, do’n s’ya nagtatrabaho.”

“Ano? Waiter?”

“Hindi. Tipong delivery boy. Nakita ko kasi na nakamotorsiklo s’ya.”

At umiba na pala ng linya si Tems. Kunsabagay, de-sasakyan pa rin naman. Iyon nga lang, dalawa ang gulong!

Pero nasa kundisyon yata na mang-asar si Arnold, sinundan ng tanong.

“Ba’t nga pala hindi mo sinagot ‘yon?”

“Bakit itinatanong mo pa?” Naasiwa siya na nasa jeep sila ay tinatanong siya nang ganoon.

“Wala. Curious lang ako.”

Nagkibit-balikat siya. Paiwas din ang sagot niya. “Ewan. Hindi ko rin alam.”

“Aminin mo na kasi…”

“–Na ano?”

“Na mas g’wapo ako kaysa sa kanya.”

Umiling siya. “Nakalibre nga ako sa pamasahe, e, ang yabang naman nitong kasama ko!”

Napalakas ang tawa ni Arnold.

SA una lang naman siya hirap, sabi niya kay Manay Lolet nang magtanong tungkol sa pag-aaral niya. Nang lumaon, nagagamayan na rin niya ang pagtitinda sa araw at ang pag-aaral sa gabi. Nagkaroon na rin siya ng kaibigan sa computer school. Ang kalapit-mesa niya, si Mel. Maliit na babae na ang malalaking boobs ay tampulan ng tukso ng mga kaklase nilang lalaki. Halos kasing-edad niya si Mel. Sa kuwento nito, may tiyuhing may-ari ng recruitment agency.

“Kaya nga ako pinag-aaral ng computer, e, para ipasok sa office n’ya.”

“S’werte mo naman, Mel. Baka naman me opening pa do’n e isabit mo naman ako.”

“Oo ba!”

Kay Dory, bukambibig lamang iyon ni Mel; para lamang hindi maka-offend. Pero nang matapos ang anim na buwang pagsasanay nila, isang araw ay tumanggap siya ng tawag sa telepono. Sa bahay ng Ate Emy niya bumagsak.

“Sa ‘yo,” sabi ni Nenit.

Baka si Arnold, naisip niya. Ang nasa kabilang linya ay si Mel.

“Dors, me good news ako sa ‘yo.”

“Ano?”

“Di ba, sabi ko isasama kita do’n sa office ng uncle ko?”

“O…”

“Aba, ‘punta ka na dito sa office! Me naghihintay nang trabaho sa ‘yo dito.”   

Ganoon kabilis? Parang hindi pa rin siya makapaniwala. Nangako siya kay Mel na bukas ay pupunta siya sa address na ibinigay nito. Isang linggo na palang nagtatrabaho ito roon.

Ang problema lang, kung totoo ngang good-as-hired na siya, ang pagpapaalam kay Manay Lolet. Napakabuti pa naman nito sa kanya. Nagpaalam siya kay Manay Lolet kinaumagahan.

“Sa’n ka ‘kamo pupunta?”

“M-Mag-aaplay ho ng trabaho.” Nanliliit siya ngayon sa harap ni Manay Lolet. Tinanong siya kung saan. Sinabi niya. Ikinuwento niya pati si Mel.

Nagbuntunghininga ang may-ari. “Sige. Pero t’yakin mong makakabalik ka. Walang katulong si Matet sa pagsasara nitong p’westo.”

“Salamat ho, manay.”

Ang lugar ay nasa isang gusali sa Intramuros. Malinaw naman ang instruction sa kanya ni Mel. Paglabas niya sa elevator sa third floor, kaliwa. Iyon na. Nakita nga niya ang karatula ng GULF SERVICES LTD.

Naghihintay na sa kanya si Mel. Inabutan kaagad siya ng application form. Sinagutan niya. Pagkuwa’y personal siyang sinamahan nito sa silid ng may-ari, isang Marcelo Alonzo. Ang inaasahan niya’y isang may edad nang lalaki. Ang narito’y isang yuppie.

“Uncle Mark,” sabi ni Mel, “s’ya ‘yung kaibigan kong iniaaplay ko dito.”

Iniabot ni Mel sa tiyuhin ang kanyang application form. Napatitig sa kanya ang lalaki pagkuwa’y nagbawi rin ng tingin at pinasadahan ang hawak na dokumento.

“Wala ba tayong magiging problema sa kanya, Mel?”

“Wala, Uncle, sagot ko s’ya sa ‘yo!”

Siya naman ang hinarap.

“O, sagot ka pala ni Mel, e? Pero, teka…dapat, e, magtanong din ako.” Ngumiti.

“A-Ano ho ‘yon, sir?” sabi ni Dory, ninenerbiyos.

“May boyfriend ka na ba, Dory?”

Hindi niya inaasahan ang tanong pero bago siya nakasagot, inunahan na siya ni Mel.

“Naku wala, Uncle! Available na available ‘yan!”

Bigla siyang nahiya sa sinabi ni Mel.

“Nakita mo naman, Uncle Mark, marunong akong pumili ng barakada. ‘Di ba, maganda s’ya?”

“Napapansin ko nga.”

Parang ibig niyang umayaw na mag-aplay roon. Sa tingin niya kasi’y mukhang manyakis ang tiyuhin ni Mel. Sinabi niya iyon kay Mel.

“Naku, ‘wag kang magpaapekto sa uncle ko. Mabiro lang talaga ‘yon sa mga babae. Lalo na sa maganda. At mab’yuti ka, Dors!”

Totoo nga na good-as-hired na siya. Nang sumunod na linggo, muling kumontak si Mel. Pinagre-report na siya sa trabaho.

“H-Hindi ka ba nagbibiro?” Hindi pa rin makapaniwala si Dory.

“Sinabi ko na ngang malakas ako sa uncle ko. At sa maniwala ka’t sa hindi, itinatanong ka n’ya sa ‘kin.”

“Maniniwala na sana ako, e, humirit ka pa!”

Sa pagpapaalam kay Manay Lolet, pinili niyang maging matapat. Halatang nalungkot ang kanyang amo, pagkuwa’y hinaplos ang kanyang buhok.

“E, ano ba naman ang magagawa ko kung talagang ayaw mo na rito…”

“Hindi naman ho, Manay Lolet. Pero kung hindi n’yo ho ako papayagan, e, hindi rin naman ho ako aalis.”

Ngumiti si Manay Lolet. “Bata ka pa nga, Dory. Sa akala mo ba, e, bakit kita pinag-aral ng computer? Para sa kinabukasan mo rin. Sayang naman ang sipag mo kung habampanahon, e, saleslady ka dito. Baka tumanda kang dalaga!”

“Totoo ho, Manay, pinapayagan n’yo na ‘kong magtrabaho sa iba?”

“Oo.”

Sa pagpapaalam kay Matet, nagkaroon ng konting drama.

“Iiwan mo na pala ‘ko, Dory, wala kang kasabi-sabi.”

“Biglaan, e…”

“Dadalaw-dalawin mo ‘ko dito, ha?”

“Oo naman!”

Niyakap siya ni Matet. Narinig ba niyang humihikbi ito? Emosyonal din pala ang loka.

MAGKATABI sila ng mesa ni Mel sa Gulf Services Ltd. Ang trabaho niya, magproseso ng mga papeles ng mga aplikante. Sa simula’y nakalilito. Nang makaisang linggo siya, gamay na niya.

Isang tanghalian, nalabasan sila ni Uncle Mark na naroon pa sa kanilang mesa.

“O, over-tawad ba ‘yang ginagawa n’yo?” sabing nakangiti.

“Hindi naman, Uncle. Me kinukumpleto lang kami sa kailangang papeles ng ‘sang aplikante natin sa Saudi.”

Lunchtime na, a? Baka malipasan kayo n’yan?”

“Hindi siguro, Uncle, kung iti-treat mo kami,” sabi ni Mel.

Siniko niya si Mel.

Why not? Tena…”

“Tena raw,” sabi sa kanya ni Mel. Ang luwang ng pagkakangiti.

“Ikaw talaga…!”

“Halika na kasi! At baka magbago pa’ng isip ni Boss!”

Sa Chinatown sila. Kumain sa isang medyo class na restaurant.

“Bakit ba napapakiramdaman ko na parang mahiyain ‘tong si Dory?”

“Ganyan lang ‘yan, Uncle. ‘Pag kami lang dalawa, super-kulit ‘yan!”

“Hoy…!” Siniko niya uli si Mel.

“O, e, ba’t ‘pag kasama ako, e, super-tahimik?”

“Nahihiya siguro sa inyo, Uncle.

Binalingan siya ni Unlce Mark. “Nahihiya ka nga ba sa ‘kin, Dory?”

“Hindi naman ho, sir…”

“Huwag mo nga akong maho-ho! Tumatanda ako n’yan, e. Bata pa naman ako. Kahit itanong mo pa kay Mel.”

“Oo nga, Dors, thirty two lang s’ya.”

“Aray!” sabi ni Uncle Mark.

Natawa si Dory.

“‘Yan! Kung ganyan ba naman na lagi kang nakatawa, e, di mas maganda ka.”

Bola, alam niya. Pero bakit kinikilig pa rin siya? At may dahilan naman para kiligin siya kay Uncle Mark. Guwapo. Makinis. Tipong pang-Ayala Avenue at hindi pang-Intramuros lang. Sa porma, habulin ng babae. Bakit nananatiling single? Baka naman iba ang type? Baka berde ang dugo?

Kung magpaparamdaman ng pagkagusto sa kanya si Uncle Mark, sinasabi ni Dory sa kanyang sarili na iiwasan niya ito. Pangit tingnan sa katayuan nilang amo ito at empleyada siya nito. Pero siya na rin naman ang natawa sa naiisip niya. Bakit naman ang lakas ng kutob niyang liligawan siya ni Uncle Mark? Sino ba naman siya para pag-aksayahan nito ng panahon? At saka, may boyfriend na siya.

Pero paano nga kung makipaglapit ito sa kanya?

(ITUTULOY)