ni Armando T. Javier
“O, sino ‘yang kausap mo, hon?” Nagpalipat-lipat ang tingin nito sa kanila ni Nery.
(HULING BAHAGI)
NOONG binata siya at nakikipag-date pa, kapag ganito ang tanong sa kanya ng babae, isa lamang ang nasa isip ni Ramil: game ang ka-date niya, sasama saan man niya dalhin. Ganito rin kaya si Nery?
“Baka do’n sa gusto kong puntahan, e, di mo naman gusto?”
“Sa’n ba ‘yon? Sa motel ba?”
Hindi na pala niya kailangan ng diplomasya. Natumbok ni Nery ang nasa isip niya.
“Kung do’n nga, sasama ka pa rin?”
Hinanapan niya ng pag-aatubili ang mukha ni Nery, pero ang nasilip niya roon ay kahandaan–mandi’y inaasahang mangyayari iyon. Na-rehearse na siguro sa isip ang magiging scenario nang muli nilang pagkikita.
Nagbawi ng tingin si Nery at napatungo; humakbang patungo sa labasan ng mall. Sinabayan ito ni Ramil. Wala pa rin silang kibuan hanggang sa makatawid sa kabilang kalsada. Nagkamali yata siya ng sagot, naisip ni Ramil, mapupurnada yata ang diskarte niya.
“P-P’wedeng iuwi ko muna ‘tong gatas…?”
“Sige.”
Sumakay sila ng jeep na biyaheng Dasmarinas; wala pa ring kibuan. Pinangahasan ni Ramil na hawakan at gagapin ang kamay ni Nery. Binayaan lamang siya. Magkahawak-kamay sila sa buong haba ng biyahe–hanggang sapitin nila ang Salitran. Umibis sila sa jeep at sumalin sa isang traysikel. Lumiko iyon sa isang kalyehon. Bumaba si Nery.
“‘Intayin mo ‘ko, saglit lang ako…”
Maliksi itong pumasok sa isang madilim na eskinita at bumalik din kaagad. Nagpahatid uli sila sa traysikel sa highway.
Ilang lodging house ang nadaanan nila sa highway na patungong Dasmarinas. Sakay uli ng jeep na biyaheng Imus, nagpapara si Ramil sa isang lodging house roon. Sinalubong kaagad sila ng boy pagpasok sa compound at inialig sa isang pinto. Nakahinga nang maluwag si Ramil nang iwan sila nito. Nilingon niya uli si Nery na nakaupo na sa kama at nag-aalis ng sandalyas. Ngumiti ito, tila nahihiya pa, dinampot ang nakatiklop na tuwalya sa ibabaw ng kama at pumasok sa banyo.
Ngayon lang uli, pagkalipas ng ilang taon, nakapagsama ng babae si Ramil sa isang motel. Bantay-sarado kasi siya ni Bella; maya’t maya’y tumatawag sa kanyang opisina at tsinetsek siya. Kahit ngayong nasa Cagayan ito, malimit pa ring tumatawag sa kanya, inaalam kung nasaan siya at kung ano ang ginagawa niya.
“Nasa opisina, sa’n ba ‘ko pupunta?” inis na sabi niya. Naririnig siya ng kanyang mga kaopisina.
“Siguruhin mong hindi ka nambababae. Lagot ka talaga sa ‘kin pag-uwi ko!”
Dinukot ni Ramil ang kanyang cellphone; walang tawag o message si Bella. At para matiyak na hindi siya maiistorbo, pinatay niya ang cellphone at muling ipinamulsa. Naghubad siya ng sapatos, humiga sa kama at nanood ng cable TV habang hinihintay na makapaligo si Nery. Naging kapana-panabik ang kanyang paghihintay.
Heto na uli si Nery, nakatapi na lamang ng tuwalya ang katawan. Bitbit sa kanang kamay ang hinubad na blusa’t pantalon. Umupo sa harap ng tokador at nagsuklay.
“Matagal ba ‘ko?”
“Hindi naman…”
Umibis sa kama si Ramil, dinampot din ang isa pang tuwalya at nagmadaling pumasok sa banyo. Isang mabilisang paliligo at binalikan niya si Nery. Nakahiga na ito sa kama, tuyo na ang buhok at natatakpan ng kumot ang katawan. Kinusot lang ni Ramil ang buhok, ipinilig-pilig ang ulo para tumilamsik ang tubig, sumampa sa kama at pumailalim sa kumot.
Napakislot si Nery sa panunuklas ng kanyang kamay. Nakiliti.
“Teka…teka lang. Hindi mo ‘ko kelangang reypin! Patayin mo muna’ng ilaw…”
Oo nga naman. Sa kapanabikan niya’y hindi rin niya napatay ang TV. Umibis uli siya sa kama, kinulbit ang switch ng ilaw at pinindot ang OFF button sa remote control ng telebisyon, saka muling sumampa sa kama at dinaluhong si Nery. Sinelyuhan niya nang masakim na halik ang mga labi para hindi na makapagsalita pa.
Pagod man, hindi mawala ang ngiti sa labi ni Ramil. Pakiramdam niya’y lalaking-lalaki siya uli ngayong napalusutan niya si Bella; tila muli siyang nagkaroon ng kumpiyansa sa sarili. Kumpiyansang tila nasupil ng dominanteng personalidad ng kanyang asawa.
Samantala’y ayaw pang bumangon ni Nery; itinuon ang magkabilang siko sa kanyang dibdib at nanunghay sa kanyang mukha.
“‘Bilis mo, ha? Nakuha mo agad ako?”
“Bakit? Pinilit ba kita?”
“Hindi.” At bumulong, “Gusto ko rin!” tila dalagitang napabungisngis. “Mabait ka kasi. Malinis sa katawan.” Nakatunghay pa rin sa kanyang mukha, ngumiti ito; tila may iniisip na kapilyahan.
Kinukuwenta ni Ramil sa isip kung magkano ang babayaran niya sa madadagdag na oras sa inarkilang silid pero inabala siya ni Nery nang namumupog na mga halik.
IYON ang simula. Alam ni Ramil na hindi pumatol sa kanya si Nery dahil sa pag-ibig. At tama siya. Si Nery, nalaman niya, (sa kuwento rin nito) ay may anak (mahigit isang taon pa lamang) pero walang asawa. Namamasukan daw itong weytres noon sa Cubao, nabola at napaibig ng kusinero roon–hanggang sa maanakan. Nagkaroon ng eskandalo. Sa buwisit ng may-ari, parehong pinalayas si Nery at ang kusinero. Umuwi si Nery sa Quezon para magsilang at nagbalik lamang sa Metro Manila nang makapanganak para muling maghanapbuhay. Pero pawang trabahong kontraktuwal lamang ang napasukan nito.
“Ba’t di ka na lang magpagarahe? Humanap ka ng papang kaya kayong suportahang mag-ina. Bata ka pa naman. Maganda,” sabi pa niya. “Marami pa’ng lalaking maloloko sa ‘yo.”
“E, ba’t sa ‘kin pumatol ka?”
Pang-apat na pagkikita na nila iyon. Nakatunghay siya sa mukha ni Nery na ngayong walang make-up ay lalong bumata sa kanyang paningin. Katatapos nilang magniig at nagpapahinga.
“Kasi nga, di ba sabi ko, nababaitan ako sa ‘yo. ‘Tsaka, hindi ka abusado. ‘Pag nag-aano tayo, ramdam kong me paggalang ka sa ‘kin–na parang girlfriend mo ‘ko.”
Napansin din iyon ni Ramil. Siguro nga, pagkalipas nang maraming taon, na may girlfriend uli siya, na tila binata uli siya; hindi pa kinukupasan ng kisig at hilig. Nakakalaki ng kanyang ego; tila nag-uumapaw ang kumpiyansa niya sa kanyang sarili.
“So, pa’no tayo?”
“Di ganito: ‘pag gusto mo, text mo ‘ko. Pero s’yempre, alam mo na rin naman ang sitwasyon ko: kailangan ko ng pantaguyod sa baby ko, sa upa rin ng bahay. Kung matutulungan mo ‘ko ro’n, promise, magtatagal tayo. Magiging faithful ako sa ‘yo–sa ‘yo lang.”
Nakaramdam na naman ng kiliti sa kanyang ego si Ramil. Nakatambad sa kanya ang batang katawan ni Nery. Pinaglunoy niya ang kanyang mga mata. Matatanggihan ba niya ang ganitong kagandahan?
“Deal,” sabi niya.
Mukhang wala namang nahahalata si Bella kung ito’y nakauuwi, minsan sa isang buwan, mula sa pagkakadestino sa Cagayan. Umaalis ito roon ng Biyernes ng gabi at kina-Sabaduhan na nakakauwi; sinusundo niya sa terminal ng bus sa Cubao. Linggo uli ng gabi ang alis nito pabalik naman sa Cagayan.
“Behaved ka ba dito?” tanong agad ni Bella kapag nasa bahay na sila. “Hindi ka ba suma-sideline?”
“Hindi.”
At para maging kapani-paniwala na hindi nga siya nagloloko, kailangang extra service rin siya sa misis kapag matutulog na sila. Kailangang maipadama niya kay Bella na nasasabik siya rito; na wala siyang ibang sinusustentuhan, na matikas siya at maresistensiya–palaban. Walang dapat na mahalata si Bella.
Binilinan na niya, antemano pa, si Nery na huwag tatawag o magte-text sa kanya kung Sabado at Linggo ng mga ganoong petsa.
“‘Andito si Kumander, at matunog pa naman ‘yon. Daig pa si Sherlock Holmes!”
Ibig niyang magpatawa pero hindi natawa si Nery; hindi siguro kilala si Sherlock Holmes.
NAWILI siguro sila sa pag-uusap dahil nakalabas na si Bella sa supermarket at nakalapit sa kanila ni Nery nang hindi niya namamalayan. Napakislot siya nang marinig ang boses nito mula sa kanyang likuran.
“O, sino ‘yang kausap mo, hon?” Nagpalipat-lipat ang tingin nito sa kanila ni Nery.
Pinakalma si Ramil ang sarili; ayaw na maghinala ang kanyang misis.
“K-Kliyente namin dati sa office. Nakabili pala sila ng mister n’ya ng bahay dito sa ‘tin,” pagsisinungaling niya.
Yumukod si Nery kay Bella at agad na nagpaalam. “Una na ‘ko sa inyo, Ramil, ma’m. Baka naiinip na’ng mister ko sa parking lot,” palusot naman nito.
Tumango si Ramil at kinuha mula kay Bella ang plastic bag ng pinamili nito. Mag-i-spaghetti raw si Bella. Dadalaw kasi si Carlo kasama ang bagong girlfriend at ipakikilala sa kanila.
Sinundan ng tingin ni Bella si Nery na palayo na sa kanila, saka siya nilingon.
“Me ‘itsura s’ya, ha?” sabi.
Patay-malisya si Ramil. Sinabayan niya ang misis patungong bakeshop; bibili raw ng mamon. Namimili si Bella sa salansanan ng mga mamon ay nasa isip pa rin ni Ramil si Nery. Lalo na ang huling pagtatagpo nila na nagpapaalam na ito sa kanya.
“Me nanliligaw sa ‘kin, tagaro’n sa ‘min sa Quezon. May-ari ng kono. B’yudo na. Kababata daw ng t’yuhin ko. Inaalok nga ako na magsama na kami.”
Hindi kaagad siya nakasagot; bago sa kanyang pandinig ang naririnig niya mula kay Nery.
“G-Gusto mo na ba s’ya?”
“Hindi ko nga alam. Mabait naman s’ya. Katulong nga lang daw ang kasama sa bahay. Titulado na raw ang mga anak at me mga pamilya na rin…”
“Pa’no tayo?”
Sa halip na sumagot, yumakap sa kanya si Nery; isiniksik ang ulo sa kanyang leeg.
“Alam mo naman na mangyayari ‘to, di ba? Me asawa ka.”
Alam niya, inaasahan niya; hindi lamang niya matanggap na mangyayari agad. Ilang buwan pa lamang ang relasyon nila–at hindi pa siya sawa. Ramdam naman niya na higit sa tulong na naipagkakaloob niya kay Nery, may damdamin din ito para sa kanya: maaaring hindi pag-ibig pero malapit doon–simpatiya? Malasakit? Utang na loob? Hindi niya mapangalanan.
“‘Tsaka, limitado na’ng kilos natin ngayon. Sabi mo nga, next month, e, mapipirmi na uli dito’ng misis mo.”
Totoo. Dagdag-problema kung mabibisto sila ni Bella. Malaking eskandalo. At eskandalosa pa naman ang kanyang asawa.
Ipinasundo ni Mang Serafin, ang may-ari ng kono, si Nery at ang anak nito at itinira sa resthouse ng matanda. Ikinuwento iyon ni Nery sa kanya sa cellphone.
“Muk’ang magkakasundo kami, Ramil,” sabi pa. “Bibigyan daw n’ya ako ng puhunan para magkaro’n ako ng sarili kong negosyo.”
May kirot na naramdaman si Ramil; panghihinayang din siguro. Masaya siya na nakatagpo ng lalaking magtototoo sa kanya si Nery, pero sa isang banda, hahanap-hanapin niya ang mga nakaw nilang sandali.
Kinuha niya kay Bella ang supot ng napamili nitong mamon.
“Me bibil’in ka pa?”
“Wala na. Okey na ‘yan.”
Lumabas sila sa mall at tumawid sa kalsada. Nag-aabang ng pedicab, natanaw ni Ramil ang pagtawid ng pulang mini-car na iyon galing sa parking lot ng mall. Nagmarahan iyon nang mapatapat sa kanila ni Bella, saka bumusina. Sinino ni Ramil ang driver. Si Nery.
Sinundan niya ng tingin ang papalayong kotse at napangiti. Malaki na nga ang ipinagbago ng buhay ni Nery.
(WAKAS)