ni Jeffrey G. Delfin
Kay sarap maglaro sa aming bakuran!
Malawak na lupain iyong makikita,
Limampung bata ay kasyang-kasya.
Nakakakilos ng malaya,
Nakapagtatawanan nang sama-sama.
Kay sarap maglaro sa aming bakuran!
Tumbang Preso ay kinagigiliwan
Hagis dito, hagis doon ng mga tsinelas
Parang eroplanong nagliliparan
Matamaan lamang ang latang walang laman
Kay sarap maglaro sa aming bakuran!
Luksong-baka naman ang nilalaro sa may likuran.
Sina Ate at Kuya ay nagsisipaglundagan
Sa likod ng taya na halos makuba na
Ngunit di patitinag at di matutumba.
Kay sarap maglaro sa aming bakuran!
Ang mga batang paslit sa may tagiliran
Patintero naman ang pinagkakaabalahan
Nakabantay ang mga taya sa kani-kanilang puwesto
Upang di malusutan ng mga kalabang tuso.
Kay sarap maglaro sa aming bakuran!
Sa may bandang harapan,
Tatsing ang siyang pinagkakaguluhan.
Buto ng kasoy ang siyang pamato,
Magwawagi na naman ang asintado!