ni Efren Abueg
Bilang dating kababatang umiibig kay Ming, papaano haharapin ito ni Edel ngayong maysakit si Dino?
(IKA-20 NA LABAS)
“HE’S done, Edel! That’s why I don’t want you to leave me…”
Narinig niya, malinaw, hindi maaaring ipagkamali ang sinabi ni Amyra. Nakaramdam siya ng bahagyang kilabot. Nangyaring napalawak ni Dino ang itinatag nitong realty company, napatatag pa ang construction company na dating hawak ng yumaong matandang Sobresantos at nakapagpasok pa ito ng natutuhan sa Amerika na makabagong paraan ng pagnenegosyo pagkaraan ng mga taon ng pagpapabaya.
Hindi muna gaanong pinansin ni Edel ang huling sinabi ng dalaga!
“Masyadong gabi na, Amyra! Mag-check ka muna sa otel bago tayo mag-usap!” Mahinahon ang sagot ni Edel, ngunit nakamarka sa isip niya ang huling bulalas nito.
Habang hawak ang handbag at isang maliit na maleta, napasagot pa itong parang nababahala.
“It will come…I am sure of it!” naisagot ni Amyra.
Gayon ba kung magparamdam ang isang impluwensiyado ng mga Europeano ng darating na panganib sa buhay nito?
Bumungad nang malapit sa sasakyan ang isang lalaking tauhan ng otel na tumugon sa pagbusina niya. Agad itong nagbitbit ng kaniyang maleta at ni Amyra na dinala naman agad nito sa front desk ng otel na iyon. Nagparada naman si Edel ng minamanehong sasakyan.
Pagpanhik ni Edel sa palapag na inihimaton sa kaniya sa front desk, natigilan siya nang buksan ang silid na malapit sa elevator. Naudlot siya sa pagpasok nang masulyapang palabas na si Amyra mula sa isang shower room. Nakaroba ito na bahagyang bukas ang tapat ng dibdib. Mabilis na nagtapon ito ng tingin sa kaniya na parang walang kabuluhan ang kaayusan niyang nakita.
“This is the only room available tonight in this hotel. It will be odd if I wait for another one!” sabi agad ni Amyra.
Nakita nga ni Edel na iisang malaking kama ang naroroon. Ano pa ba ang maaari niyang sabihin kay Amyra?
“Kaya pala tumingin lang sa akin ang lalaki sa reception sa front desk dahil napagkamalan tayong mag-asawa!”
Nagtawa lamang si Amyra. “You won’t mind, are you?”
Ano pa ang isasagot niya kay Amyra? Tumawa rin siya at tinungo ang banyo na pinanggalingan ng dalaga pagkaraang kunin ang ilang pamalit na damit sa kaniyang maleta. Ilang buwan na lamang ba ang bibilangin bago lumampas ang pagkakasukob nila ng taon nina Ming at Dino?
Bigla na namang naisip niya ang kababata. May kirot uli siyang naramdamaman. Iyon di ba ang nasa kalooban ni Ming?
Nagbihis si Edel ng pantulog pagkaraang maglinis ng katawan. Ngayon, iisa lamang ang kaniyang pupuntahan. Naroon na si Amyra at naghihintay sa kamang pangmatrimonyal. At silang dalawa lamang ang ookupa sa kamang iyon. Makailan na bang nalukot ang mga pantulog nila sa kama sa condominium nito?
“Hindi ko dapat sinabi sa iyo what I was thinking while in the car!” sabi agad ni Amyra habang nakasandal sa isang unan sa ulunan ng kama.
“Hindi naman ‘yon kataka-taka,” agaw agad ni Edel. “I know what is in your mind!”
Nakalapat ang likod ni Amyra sa isang unan sa may kamang matrimonyal sa otel. Hantad ang negligee nito at nakatingin sa papalapit na si Edel na nakasuot ng pantulog.
“Maybe you should know some secrets of our family!” At nagbigay ito ng puwang para makatabi si Edel.
Ngunit hindi siya handa sa mga sasabihin ni Amyra. Ilang paksa na ba ang binuksan nito mula nang magkasabay sila sa sasakyan papunta sa garden paradise at beach resort nito?
“Those are affairs of your family!” Ibig isara agad ni Edel ang binuksan ni Amyra.
“Things that happened while Dino and I stayed too long in other countries?” Parang tinanong pa siya.
Narinig na ni Edel sa ilang usapan sa gusali ng mga Sobresantos ang tungkol kay Dino. Ngunit papaano pa niya masasawata si Amyra sa mga sasabihin nito tungkol sa kapatid? Hindi naman nito alam na batid na niya ang ilang detalye sa buhay ni Dino!
“Takot ako, Edel. What will happen to me when Dino is not around?”
Tumingin ngayon si Edel kay Amyra. Nakatitig lamang sa kaniya ang kasama. At hindi kaswal na anyo ang nakita niya rito. Isang kapatid na maaaring malito kapag iniwan. Ibang-iba ito sa Amyra na nakilala niya habang itinatanghal ni Dino sa isang palatuntunan bilang pagsalubong dito. Parang napakabilis ng transpormasyon nito sa gabing iyon.
“But he looks good and can still manage his travel with Romina!” Nagpapalubag ng kaloobang naisagot niya kay Amyra.
“He does that for her. And he was telling me that he had prepared something for Romina before they went to their honeymoon!”
Sinasabi ni Amyra na may maiiwang kabuhayan si Dino kay Ming na hindi naman niya alam kung alam ng kababata niya!
“Kaya takot ako, Edel. Dino contracted a disease which he know will get him down in the future. That is the reason why he talks a lot about me, too. That I should prepare…”
Kangina, wala kay Amyra ang isip niya. Naglalakbay sa nakaraan at maaaring nakatutok pa kay Ming. Ngunit hindi si Ming ang problemang pinag-uusapan nila ni Amyra ngayon. Kay Dino umiikot ang kanilang usapan.
Nakahawak na pala si Amyra sa braso ni Edel. Naghihirap wari ang kalooban nito at hindi alam ang gagawin. Niyakag ba siya ni Amyra para maglakbay sa isang malaking sasakyan nang maihinga nito sa kaniya ang nalalaman tungkol kay Dino at sa buong pamilya nito? At ang pribadong pag-uusap nila ang dahilan kung bakit wala silang isinamang ano mang assistant sa paglalakbay na iyon!
“Review ang sinasabi ko sa iyo tungkol sa aming buhay, Edel,” patuloy ni Amyra. “I know that you are thinking, too. You are wondering why there are no words for my mother from my father, Dino and me. You know, she left my Dad who was poor then and fled with a foreigner to another Asian country where she died years ago.”
Blangko kay Edel ang sinasabing iyon ni Amyra. Para sa kaniya noon, sapat nang mabigyan siya ng scholarship at trabaho ng matandang Sobresantos. Sinunod niya ang lahat ng ipinag-uutos ng matandang lalaki at napakabuti naman nito sa kaniya dahil ibinibigay nito ang lahat ng pangangailangan niya sa pag-aaral. Kung may naiisip man siyang anomalya noon dahil sa pagiging malapit nito sa mga opisyal ng gobyerno, wala sa kaniya iyon. Sapat nang makapagtapos siya ng pag-aaral, maging abugado at makapaglingkod sa mga taong pinagkakautangan niya ng loob.
Ngunit narito si Amyra. Nagkaroon sila ng relasyon at inaasahan niyang sa pagpapakasal ni Ming kay Dino, sila naman ni Amyra ang magtataling-puso. May obligasyon ba na inaasahan ito sa kaniya?
“Sino pa’ng sasabihan ko nito, Edel?” Nakaramdam si Edel ng pagkahiya sa sarili. Parang sinagot nito ang kaniyang iniisip. At sa pagkakaupo niya sa tabi nito sa kama, papaano niya tatalikdan ang iba pang mga sasabihin nito?
“Hi-hindi ko alam ang kuwento mo!”
“Hindi mo lang ‘yon naiisip. You are too busy thinking of the months that we have to wait before our marriage. But I have to share with you this story because you will be a family soon.”
Ngayon, parang iniladlad kay Edel ang hindi niya alam sa buhay ng matandang Sobresantos. Isang inhinyero man, karaniwang empleyado ito sa gobyerno nang maliliit pa sina Dino at Amyra. Walang kamuwangan sa karalitaan ng kanilang ama at sa madalas na away nito sa asawang nag-akalang aasenso agad ang karaniwang empleyado. Ngunit lubhang matapat sa tungkulin ang matandang Sobresantos hanggang sa maghaykul si Dino at magsimula nang mag-elementarya si Amyra.
“She believed that she came from a well-to-do family who both perished in a motor car accident. Months after that incident, she found out that the duo had so many cases in courts. Frustrated with her husband, she fled with a foreigner who abandoned him sick and dying in an Asian country. My dad kept us from the truth for so many years until Dino and I did not know how he accumulated enough to put up a construction company and sent us abroad for so many years!”
Ano pa ang sasabihin niya kay Amyra? Nangyari na sa ilang tao ang ikinuwento nito. Makakaiwas ba ang ama nito sa malakas na impluwensiya ng mga kasabwat nito sa gobyerno?
“Nangyayari ang ilang gayong mga pangyayari sa buhay isang pamilya, pero dadalhin ba natin iyon sa hinaharap o iiwan na lang natin sa kahapon para kalimutan?”
Tumingin kay Edel si Amyra. “What can I do? It happened and will happen again!”
Isinalikop ni Edel ang isang bisig niya sa katawan ni Amyra para tiyaking may kadamay ito nang mga sandaling iyon.
TINAWAGAN ni Amyra si Edel sa law office nina Chito nang umagang iyon.
“Dumating sila kagabi, pero nasa opisina niya si Dino kanginang umaga.”
“Mali si Amyra,” naisip ni Edeli, ngunit may isinagot pa rin siya sa babae. “Japan at Korea lang ang kanilang narating?”
“Umabot sila sa Beijing, but Ming wanted to go home.”
“Bakit?” Parang usig ni Edel.
“Hindi raw type ni Ming ang Beijing, pero I know she feels afraid about Dino!”
Alam ni Edel na may iba pang mga bansang nasa listahan ng dalawa. Kung nasa opisina nito si Dino nang umagang iyon, hindi totoo ang mga alalahanin ni Amyra tungkol sa kapatid.
“Next time siguro, sa states naman ang sasadyain ng dalawa!” sabi niyang pinalalakas ang kalooban ng kausap.
“I wish he can do that for Ming’s sake!” sagot naman ni Amyra.
Ngunit nang tanghaling iyon, tumawag kay Edel si Architect Planas! Halatang ninenerbiyos ito.
“Dinala ko sa ospital si Dino. Nagsuka siya, hinimatay at narito sa ICU si Romina!”
“Si Amyra?” Ibig niyang ipahiwatig na dapat naligalig ang dalaga.
“Anytime, darating siya. Unfortunately, nasa labas siya for business!”
Nasa law office naman siya nina Chito. Kausap niya si Torre, Jr. Noon tumunog ang cellphone niya.
“Si Amyra?” usisa ni Chito kay Edel.
“Oo…lilipat ako sa office namin!” sabi niya.
Kailangang may tao lagi sa opisina nila ni Amyra kahit naroon ang sekretarya nito.
Ngunit may inihabol si Chito kay Edel nang nagmamadali na siyang umalis. “Hindi ba ito ang matagal ko nang sinasabi sa iyo!”
Napatigil si Edel sa mabilis niyang paglakad.
“Kung isasara ko ang aking kuwarto sa law office mo, sasabihin ko sa iyo!” Wala sa loob na sagot niya kay Chito.
“Parang may nasabi ka na sa akin tungkol kay Dino. Nagparamdam na sa iyo si Amyra ng paglaki ng iyong responsibilidad!”
Parang ipinako sa kinatatayuan si Edel. “Mag-usap tayo pagbalik ko!”
Nagpatuloy ng pag-alis si Edel. Tinanaw lamang siya ni Chito na natigilan.
“Mapipilitan akong ipro-pose sa iyo na I have to open a law office for you!” nagunita ni Edel na sabi noon ni Amyra.
“Matagal mo nang sinasabi ‘yon sa akin mula nang lumaki ang investments ng mga European friends mo!” Hindi nito sinabing sa paglalim ng relasyon nila ni Amyra, magigiit ito ng mga pagbabago.
Ngunit alam niyang habang tinitingnan ni Amyra ang pagsasabalikat nito ang mga puhunang galing sa Europe, ibig nitong talikuran ni Edel ang law office nina Chito. Ngunit sa pag-oopisina lamang na kasama sina Torre, Jr. at iba pang abugado nakakaramdam si Edel ng independence, ng pagkakaroon ng espasyo na kani-kaniya lamang at hindi kasama si Amyra. Ilang beses na nilang tinalakay iyon ni Chito.
“Remember, Edel. Kapag mag-asawa na kayo ni Amyra, maisasakripisyo mo ba sa amin ang espasyo mo ngayon?”
Iyon ang umuukilkil sa isip ni Edel.
Pagkasara ni Edel ng mga opisina nila ni Amyra, pinauwi na rin niya ang sekretarya nito na ilang buwan na nitong hinirang. Ngayon, kailangang puntahan niya si Amyra sa ospital. Naroon ito at nagbabantay sa kapatid. Kasama nito sa labas ng intensive care unit si Ming!
Magkakaharap sila ngayon ni Ming! Ilang linggo na ba na hindi niya nakakatagpo ito?(ITUTULOY)