“Isip-batà ka talaga!”
Medyo masakit masabihan nito kasi ang ibig sabihin, parang di ka nag-iisip nang angkop o batay sa iyong edad.
Kapag sinabihan ka ng “isip-batà,” maaaring nagiging balat-sibuyas ka, nagiging asal-batà at hindi katanggap-tanggap ang iyong kilos bilang isang may gulang at sapat na ang kakayahang umintindi sa mga bagay-bagay.
Sa pagsusulat ng kuwentong-pambatà, mahalaga ang pagkakaroon ng “isip-batà” ng manunulat, lalo na kung isang batà ang magiging pangunahing tauhan.
Lahat tayo ay dumaan sa pagkabatà. Pero sa maraming taong nakalipas, inaalis ng ating mga karanasan sa buhay ang taglay nating kainosentehan. Kasabay ng ating paggulang, lumalawak at lumalalim ang pag-unawa natin sa mga nagaganap sa ating buhay at maging sa ating kapaligiran. Kasabay ng ating pagiging matalino, nawawala na ang ating kawalang-muwang sa buhay.
Dito pumapasok ang kahirapan sa pagsusulat para sa mga batà. Dahil tiyak kung sino ang target na mambabasa ng anyong ito ng panitikan, ang mga batà, mahalagang marinig, makita at maramdaman mismo ng mga batàng mambabasa ang kanilang sarili sa loob ng kuwento. Mahalagang nagagawang salingin ng kuwento ang mga pandama ng isang batà. At nagagawa ito ng mga manunulat na alam kung paano maging batà sa pagkukuwento.
Sa ilang baguhang manunulat ng mga kuwentong pambatà, na hitik na mga karanasan noong batà, ang malimit na nangyayari ay ikinukuwento nila ang mga ito nang sila ay matanda na, ngayong may gulang na sila. Kaya ang madalas na nangyayari, bagaman batà ang kanilang tauhan at kinakategorya nilang kuwentong-pambatà ang kanilang isinulat, maririnig o mararamdaman sa kanilang kuwento na silang manunulat na matanda ang nagsasalita. Bumibigat ang kuwento para sa mga batà. Kung minsan ay nagiging soap opera pa ang dating na puno ng iyakan at halos di na makaahon sa lungkot at kahirapan ang batàng tauhan.
Bilang isang manunulat para sa mga batà, ito ang laging kong sinisikap na gawin sa pagsusulat. Kung may isa akong mabigat na paksang gustong isulat, halimbawa ay kahirapan o paghihiwalay ng mga magulang, iisipin ko kung paano ito maaaring tingnan o iproseso ng isang batà. Paano kaya tiningnan ng isang batà ang kahirapan ng kanilang pamilya? Paano kaya inuunawa ng isang batà ang paghihiwalay ng kaniyang mga magulang?
Ang totoo, tumatagal ako sa prosesong ito. Ilang buwan ko itong pinag-iisipan kung minsan inaabot pa ng taon. Hanggang di ko ganap na nakukuha ang isip ng batà sa aking planong materyal, di ko ito isinusulat. Nakatutulong nang malaki sa prosesong ito ang pakikisalamuha mismo sa mga batà. Sabi nga, mahalagang may tainga sa mga batà ang mga gustong magsulat para sa mga batà.
Noong magturo ako sa mga batàng-lansangan noong 2003, nakita ko kung paano sila maging masaya sa buhay. Ang pangarap nila ay parang “good for one day” lang. Basta bahala na bukas. Ang mahalaga ay ang ngayon – na makakain sila araw-araw, makapaglaro sa plaza sa tapat ng Binondo Church, makalangoy sa Ilog Pasig, makapagpaligsahan sa pagsayaw ng Ispageti Pababa o ng Otso-Otso.
Malaki ang naitulong sa akin ng karanasang ito bilang manunulat para sa batà. Nagbukas ito ng ideya sa akin na ang kuwentong pambatà ay mahalagang maging masaya kahit pa kaybigat ng paksang tinatalakay nito. Lagi kong iniisip at sinisikap na maging masaya ang mga batàng mambabasa habang natutuhan nila ang mga di ko sinasabing halagahan (values) sa aking kuwento.
Kaya isang malaking hamon sa mga gustong magsulat para sa mga batà ang pagkuwentuhin ang mismong batà sa loob ng kanilang sarili. Balikan ang isang karanasan at kung paano talaga nila ito tinitingnan noong batà pa sila. Sa ganitong paraan, makauugnay at makauugnay ang mga batàng mambabasa dahil batàng-batà ang kuwento at may kakayahang salingin ang kanilang mga pandama.
Ayon nga sa awiting “Itanong Mo sa Mga Batà” ng grupong ASIN,
“Masdan mo ang mga batà / ikaw ba’y walang nakikita l sa takbo ng buhay nila?”
Bilang matatanda na nais magsulat para sa mga batà, huwag nating kaligtaang pagmasdan ang mga batà: dagdagan natin ng kulay at saya ang pagtingin nila sa buhay.