Malápot, malikót kung gumamit ng mga salita ang Pambansang Alagad ng Sining Cirilo F. Bautista sa kaniyang mga akda, at sa unang malas ay kasisindakan kung hindi kayayamutan siya ng sinumang mambabása na walang pasensiya sa masalimuot na pagbása. Tutumbasan ng erudisyon ang kaniyang mga pagsasakataga, na kung minalas na hindi pamilyar ang mambabasa sa gayon ay tiyak na mahirap maunawaan, na magwawakas para isumpa si Bautista at hindi na muling balikan. Kabilang sa mga aklat ng tula ni Bautista ang Believe and Betray: New and Collected (2006); Tinik sa Dila: Isang Katipunan ng mga Tula (2003); Boneyard Breaking: New Collected Poems (1992); Sunlight on Broken Stones (2000); The Trilogy of Saint Lazarus (2001); Kirot ng Kataga (1995); Sugat ng Salita (1985); Telex Moon (1981); The Archipelago (1970); The Cave and Other Poems (1968). Ang kaniyang Words and Battlefields: A Theoria on the Poem (1998) ay teorya hinggil sa tula ngunit nakabihis sa anyo ng isang epiko.
Isang susi sa kaniyang mga tula ang pagkasangkapan sa persona, na tinutumbasan ng pambihirang tinig at pagtanaw sa daigdig, at mula roon ay maglalaro siya sa mga salita, na ikinahon sa arkitektonikong estruktura ng mga taludtod at saknong upang lumikha ng ritmo at kakaibang tunog, na pagkaraan ay magluluwal ng madudulas na pahiwatig na umuuyam sa nakagawiang pakahulugan at pagsagap ng mga mambabása. Ang kaniyang mga persona ang matataguriang haligi sa kaniyang mga tula—ang sentro ng mga signo— at mula sa haliging ito ay iinog ang mga pangyayari, na dumudukál at nanghihimások sa kasaysayan, kultura, at karanasan, na pawang pakikipágsapalarán, pagtatáya, at pagbalikwás tungo sa guniguning lunan, lunggati, at panahon. Halimbawa, sa kaniyang epikong “The Archipelago” (1970), gagamitin niya ang mga personang gaya nina Magallanes, Legaspi, at Rizal (bukod pa ang poliponikong tinig mula sa iba pang personang sumusuhay sa paglalarawan ng tatlo), ang mga personang may kani-kaniyang kamalayan na nagtataglay ng kani-kaniyang tinig, na kung hindi nagtatagpo o nagsasalupóng ay sumasalungat sa isa’t isa upang manganak ng sariwang pagtanaw sa mga espasyo na hindi naitalâ sa mga aklat ng kasaysayan. Kung paano tinatanaw ni Magallanes ang banyagang dalampasigan ang maglilibing din sa kaniya roon; kung paanong tinatanaw ni Legaspi ang pagtatatag ng gahum sa Maynila ang magbubunyag ng kabalighuan ng imperyal na pamumuno at kadahupan ng sariling pagkatao sa pagyao; kung paanong tinatanaw ni Rizal ang pagpapalayà sa kaniyang bayan ang maghahatid sa kaniya para litisin at ibilanggo, at pagkaraan ay barilin sa Bagumbayan. Samantala, sa “Telex Moon” (1991), iiral sa kakatwang dimensiyon si Rizal, na ang kamalayan ay hindi na simpleng nakakahón sa dáting pisikal na katawan, bagkus tumatawid sa anyong nagmumultong kaluluwa at nakikipagdiskurso; ito rin ang diwa ng destiyero sa Dapitan, at pagkaraan, ang kamalayan na sumalin sa mga aklat na tumutuligsa sa kabulukan ng lipunan. Lahat ng ito ay tutumbasan ng mga laro sa mga salita, indayog ng mga tunog, at alusyon sa kasaysayan—na ang midyum ng pagpapaunawa ay waring sa pamamagitan ng kakatwang telepono. Sa “Sunlight on Broken Stones” (2001), na ikatlong yugto sa The Trilogy of Saint Lazarus (2001), ang makata bilang persona ay nililitis ng panahon at lumilitis sa kasaysayan, nagninilay sa kaniyang bayang binusabos at sumuot sa madalim na yugto ng kolonisasyon, disaster, diktadura, kudeta, alyenasyon, at aklasang bayan sa EDSA. Sa yugtong ito, ang mga salita ay masisipat na lumalampas sa papel, nagluluwal ng makapangyarihang tinig, nakikipagdiskurso sa mga personalidad ng kasaysayan, na wari’y nagkakaroon ng buto’t laman, at humihimok sa lahat para igpawan ang abang kalagayan. Ang tatlong epikong ito ang bumubuo sa Trilogy of Saint Lazarus, na pinakaambisyosong pagtatangka ni Bautista bilang makata.
Aalingawngaw ang Trilogy of Saint Lazarus sa Words and Battlefields. Ngunit sa pagkakataong ito, ipapaliwanag sa Words and Battlefields ang mga pagtanaw kung paano nagsisimula, lumalago, nagwawakas, at muling nabubuhay ang tula. Para kay Bautista, ang tula ay hindi malamíg na bagay, bagkus isang pumipintíg na realidad na may kakáyaháng hubugin kahit ang ísip at paraán ng pág-iisíp ng mga tao. Ang tula, na nagiging matipunò sa bisà ng haráya, ay nagiging poók ng tunggalian sapagkat binubuô ito ng mga salita, at madedestrungka lámang sa pamámagítan din ng mga salita. Bukod dito, ang tula ay hindi makáiíwas makipágbakbákan sa iba pang tula, at manánaíg sa bandang hulí ang pinakámalakás. Kargado ng mga pakahulugan, signo, pagkiling, at ideolohiya ang mga salita, bukod sa may angking mahika at kapángyaríhan, na kapag naging tula sa kamáy ng isang manúnulát ay maaaring makapagdúlot ng kabántugán at makasákop sa ibang dominyo, o kaya’y makapagpaguhô sa matalínghagàng paraán sa poder ng tirano. Ang tula ay may sariling panahón ngunit kung minsan ay lumálampás sa panahón nito at nabibihisan ng bagong mito at pakáhulugán sa iba’t ibang panahón alinsunod sa pagtanáw ng mámbabása, habang maparíkalàng binubúhay ang makatà para sa panibagong mito ng pagkathâ at pagdakilà. At ang tula ay may sariling pinág-ugatán, ang kulturang magsasaad kung bakit naging tulâng Filipino o tulâng putomaya ang isang teksto. Ang patuloy na pagbábanyúhay kahit sa konsepto o hulagway ng tula ay makikita kahit sa anyô o padron nito, na kung minsan ay walang sinasabi, ngunit dapat pa ring pagnilayan ang katahimikan, o kung ano nga ba ang ibig sabihin nito kahit pa wala.
Binubuo ng 36 na yugto sa anyong tulang tuluyan ang Words and Battlefields. Ang unang piyesa, na tumatayông pambúngad, ay nágsisilbíng kapílas na takúpis ng pangwakás na piyesa na bumíbigkís at nagpapáalúnigníg sa siklo ng diskurso. Ang nakápagítan sa natúrang dalawáng piyesa ang pángunáhing láwas. Ang ganitong taktika ay mahahalatang hinango sa mga sinaunang epiko sa Ewropa, ngunit masasabing ring hindi nalalayo sa mga katutubong epiko sa Filipinas. Ngunit higit pa rito, ang nasabing aklat ay hindi dapat tanawin na simpleng “teorya” o “pagtanaw” hinggil sa tula, bagkus isang anyo rin ng tula. Ito ang diskursong isinulat sa anyong tulang tuluyan na nagninilay, nakikipagtuos, nakikisanib, nagpapalawig, naglilinaw, at naglalagom ng iba’t ibang kaisipan hinggil sa tula, at nagmula sa mga banyagang teoriko. Gagamitin ni Bautista ang mga alusyon sa mga kasaysayan, gaya kina Magallanes, Rizal, Bonifacio, Del Pilar, Balweg, Aquino, at Marcos, na kung minsan ay sumasalat sa mga puwang at hindi mausal, at kung gayon ay hindi maaasahan ang tahas at linear na paliwanag. Sa halip, gagamitin ni Bautista ang bisa ng ligoy, na isang katutubong katangian ng panulaan sa Filipinas na kapilas ng talinghaga. Ang paggamit ng ligoy ay hindi kapintasan sa panig ng makata, bagkus isang paraan ng pagtanaw at pagninilay upang makita ang ibang anggulo ng isang bagay, pangyayari, at panahon. Heto ang isang halimbawang teksto na matutunghayan sa ika-20 yugto:
“Ang tulâ na susúpil sa mapaniíl na milisyá ng estádo, na magpápabagsák sa kinamúmuhìang rehimén, na mag-aalagà ng ekónomíya ng dukhâng nasyón, ay hindî kinakailángang magíng marahás na tulâ. Ngúnit kailángan nitóng maging maútak. Úpang malabánan ang tiranya, kailángan nitóng maging mapágbantáy; kung may panunúhol, dápat itóng maging matapát; kung may karukhâan, dápat maging prágmatiko; at kung may bulók ang ásal, dápat maging bisyonáryo. Sa alinmang lipúnan na ang pagtangging sumunód sa diktá ng Partído dáhil sa estetíko at etíkong katwíran ay itinutúring na krimén lában sa Estádo, ang tulâ ay walâng magagawâ kundi magrebélde. Dáhil hindî nitó mapáhihintô ang pangmomólestiyá, naturál lámang ang panlilibák. Parurusáhan ang tulâ sa nasábing lipúnan dáhil hindî itó maparúrusáhan sa ibáng lipúnan. Ang tiránong harì na naniniwalâ—na dáhil hindî naglagáy ng mga imprentá ang Diyós sa kalangitán kayâ inimbénto ng Demónyo ang alpabéto—ay magíging masigásig sa pag-úsig sa mga panitikéro at maghaháin ng mandamyénto lában sa kaniláng mga tulâ. Ituturing niyá ang tulâ na sedisyoso, at dudurúgin ang diskursong hindî aprobado. Masáhol pa siyá kaysa pilosopong-harì; ang hulí’y naghahayág ng mga halagaháng intelektuwál úpang manatilì sa podér, samantálang ang úna’y nagháhayág ng Patnubay ng Maykapal úpang manatilî sa podér. . . .” (Salin ko sa Filipino).
Dumudukál man sa kasaysayan ang akda ni Bautista ay hindi masasabing nakatuon sa kasaysayang pampanitikan o sosyolohiya. Iiwan niya ang trabaho ng pagkikritika sa mga sepulturero ng gunita. Kakasangkapanin ni Bautista ang mga halimbawang tula, gaya kina Gemino H. Abad, Teo T. Antonio, Luis Cabalquinto, Federico Licsi Espino, Amado V. Hernandez, Jose Garcia Villa, at Alfred A. Yuson. Pinakamaraming ginamit na halimbawa si Bautista mula sa kaniyang mga tula, na matutunghayan sa kaniyang mga koleksiyon ng tula, at waring pagtatakda ng reperensiya sa kaniyang mga eksperimento. Gayunman, ang higit na itatanghal ni Bautista ay tula, anumang wika ito isinulat, at marahil, maglalaho lámang iyon kung lalamunin ng iba pang higit matalisik na tula.
Panahon na upang titigan nang maigi ang mga tula at ang teorya sa tula ni Bautista. Sa ganitong paraan, higit nating mauunawaan ang ating kabansaan, ang ating panitikan, at kung bakit siya nagpapakabaliw sa salita, sapagkat ang salita sa ultimong pagsusuri, ay isa ring tula na hitik sa talinghaga.