ni Cathlea Atup-De Guzman
ARAW NG BIYERNES. Papasok na sa paaralan si Star, suot ang napakaganda niyang bistidang kulay lila na tinernohan niya ng puting-puti niyang sapatos. Maayos din ang pagkakatali ng mahaba niyang buhok na nilagyan niya ng pamusod na kulay-rosas. Napakaganda ni Star. Bagay na bagay sa kaniya ang kaniyang pangalan. Siya rin ang nag-iisang anak ng mag- asawang Reyes na kilalang maykaya ang pamilya dito sa amin.
Ako naman si Sita. Kinuha ang pangalan ko sa aking ina na si Rosita. Suot ang aking paboritong bistida na regalo sa akin ng aking ina. Bakit ko siya paborito? Dahil nag-iisa lamang ito. Kulay-pula ito na nilagyan ni Nanay ng mga bulaklak na yari naman sa puting tela. Mananahi si Nanay at itinataguyod niyang mag-isa kaming tatlong magkakapatid. Anim na taon ako nang mamatay ang Tatay.
Magkaklase kami ni Star ngunit hindi kami magkaibigan. Matalino rin siya gaya ko. Oo, kami ang magkaribal sa Top One sa aming greyd at seksyon.
“ALAM ‘NYO BA, bago ako matulog, naga-iPad muna ako. Binili ito sa akin ng mommy at daddy ko,” ipinagmamalaking kuwento sa amin ni Star. Ang ganda ng iPad niya
Samantala, tanging si Nanay lang ang may cellphone at hindi niya iyon pinapagamit sa aming magkakapatid. Kailangan kasi niya iyon para sa mga tawag ng mga kliyenteng gustong magpatahi sa kaniya.
“Ikaw, Sita, nakagamit ka na ba nito? Sigurado akong hindi pa. Wala naman kasi kayong pambili nito,” pakutyang sabi sa akin ni Star na sinabayan ng tawa ng aming mga kaklase.
“Hindi ko naman kasi iyan kailangan sa aking pag-aaral,” depensa ko. “May mga libro naman akong nagagamit.”
“Pag-uwi ko sa bahay, iPad na agad ang pinagkakaabalahan ko. Wala pa naman sina mommy at daddy. Nandoon pa sila sa grocery namin sa bayan. Minsan nga nakakalimutan ko na ring kumain at nakakatulugan ko na rin ang paglalaro sa iPad ko,” patuloy na pagkukuwento ni Star sa aming magkakaklase.
PAGDATING KO SA BAHAY, naabutan kong malungkot si Nanay, habang ang mga kapatid ko naman ay masayang nanonood sa maliit naming telebisyon. Ito lang kasi ang aming libangan sa bahay. Wala kaming mamahaling gadget katulad ni Star.
“Mano po, Nanay,” Pambungad na pagbati ko palagi sa aking ina.
“Kumusta ang eskuwela, anak?” Tanong niya sa akin.
“Maayos naman po,” Sagot ko naman na dinagdagan ko pa ng mga kuwento sa maghapon kong karanasan sa loob at labas ng aming paaralan. Si Nanay naman ay nakangiting nakikinig sa akin.
“Mga anak, kakain na,” Tawag ni Nanay sa aming tatlong magkakapatid.
Hindi na ako nagulat sa nakahain sa aming hapunan. Kanin lang at wala na naman kaming ulam. Asukal na nilusaw sa tubig na magsisilbing sabaw sa aming kanin. Ilang buwan na rin kasing walang tahi si Nanay kaya wala kaming pambili ng ulam. Madalas pa nga pinapatulog na lang kami na hindi kumakain o kumakalam ang aming sikmura. Dahil kulang sa aming tatlong magkakapatid ang nakahain, natulog na lamang ako nang mahapdi ang sikmura ko dahil walang laman ang tiyan ko.
NAGISING AKONG NASA madilim na lugar. Parang nasa loob kami ng isang malaki, pusikit at malamig na lalagyan.
“Mommy! Daddy! Tulungan ‘nyo ako!” Narinig kong iyak ng isang pamilyar na boses. Si Star nga. Magkasama kami sa isang madilim na lugar na ito. Nagulat pa siya ng lapitan ko.
Star, ako ito, si Sita! Tumahan ka na at hanapin natin ang daan palabas sa lugar na ito,” sabi ko sa kaniya. Ako man ay takot na takot sa nangyayari ngunit kailangan kong maging matapang.
“Ang akala ‘nyo ba ay makakalabas pa kayo sa kaldero ko?” Dumadagundong na tinig mula sa isang nakakatakot na nilalang na noon lang namin nakita.
“Ako si Pirotso! Pinupuntahan ko ang mga batang tulad ninyo na natutulog nang hindi kumakain. Dinadala at isinisilid ko sila dito sa loob ng dala-dala kong kaldero. Hindi na kayo kailanman makakalabas dito!” Nakakatakot na halakhak ng halimaw na amin lang naririnig at di nakikita.
“Nakakatulog ka rin pala nang hindi kumakain, Sita? Katulad din pala kita na nakakalimutan ang pagkain kakalaro sa mga gadget ko? Naiiyak na tanong sa akin ni Star.
“Naku hindi tayo magkatulad, Star,” garalgal kong sagot. “May mga pagkain kayo sa bahay, na sadya mo lang nakakalimutan dahil sa sobra mong paglalaro. Samantalang ako, hindi nakakain bago matulog dahil madalas wala kaming pagkain,” Nagsimulang tumulo ang aking luha hindi sa takot kay Pirotso kundi dahil sa nangyayari sa amin.
“Huwag na kayong mag-abala sa pagtatanong sa isa’t isa. Aalis muna ako at maghahanap pa ng mga batang nakakatulog nang hindi kumakain. Huwag na kayong magtangkang tumakas at hindi na kayo makikita nang inyong mga magulang kahit kailan! Bwahaha!” Nang-aasar na sabi ni Pirotso habang unti-unting humina ang kaniyang boses. Mukhang nakalayo na ang halimaw.
“Kailangan nating makaisip ng paraan upang makaalis sa lugar na ito,” lakas-loob kong sinabi kay Sita. “Tiyak kong hinahanap na tayo ng mga magulang natin.”
“Kapag nakalabas tayo dito sa loob ng kaldero, pangako ko, kakain na ko sa tamang oras at hinding-hindi na ko matutulog nang gutom. Babawasan ko na rin ang paggamit sa iPad ko,” sabay hagulgol ni Star na humilig sa balikat ko.
“Ako man, pangako kong tutulong sa paghahanap ng pagkain para sa hapag-kainan. Aalagaan ko nang mabuti ang mga tanim na gulay ni Nanay para may makain kami at di matutulog nang kumakalam ang sikmura,” sabay pahid sa luha sa aking mga mata.
Magkahawak-kamay kami ni Star na nagdasal. Taimtim na pumikit at humiling sa Panginoon na makatakas sa madilim at malamig na lugar na iyon.
Biglang lumagos ang liwanag sa isang sulok ng kaldero. Pinuntahan namin iyon at tuluyan kaming nakalabas.
MAGKAYAKAP KAMI NI STAR nang maabutan ng aming mga magulang sa isang bakanteng lote sa aming barangay. Maghapon na pala kaming nawawala. Wala na raw kami sa aming mga tulugan noong umaga kaya hinanap na nila kami.
Hindi namin maipaliwanag ni Star ang nangyari. Ngunit alam namin na totoo si Pirotso, ang halimaw na may dalang kaldero.
Si Cathlea Atup-De Guzman ay guro sa Ikatlong Baitang sa Calabasa Elementary School sa Jaen, Nueva Ecija. Nagtapos ng kursong Bachelor of Science in Home Economics sa Central Luzon State University sa Science City of Muñoz at Master of Arts in Education, Major in Educational Management sa College of the Immaculate Conception sa Cabanatuan City. Inspirasyon niya ang kaniyang anak, pamilya, at mga kaibigan sa pagsusulat ng kuwento.