Ang ikalawang dimensyon sa pagbasa ay nauukol sa pagkilatis sa kahalagahan ng mga kaisipan ng may-akda lakip ang mga karagdagang kahulugan. Binubuo ito ng mga sumusunod na kasanayan:
- Pagdama sa katangian ng tauhan. Ang maikling kuwento, nobela at dula ay may mga tauhang maituturing na likhang tao sapagkat inaaakala ng mga mambabasa na
sila’y buhay dahil nagsasalita, kumikilos, gumagalaw at nakapaghahatid ng damdamin. Sa unang beses pa lamang na paglantad ng may-akda sa tauhan ay nababatid na ng mga mambabasa kung siya ay protagonista o antagonista.
Protagonista ang tauhang nagsisilbing pangunahing tauhan na may suliranin sa kuwento. Madalas na siya ang huwaran sa akda dahil taglay niya ang mga mabuting katangian bilang dakilang mangngibig, mabuting asawa, mapag-arugang ama o mabait na anak ng isang masayang pamilya. Siya ang tagapagligtas sa mga taong inaapi ng komunidad o lipunan.
Ang antagonista ang laging nakikipagtunggali sa protagonista. Siya ang humahadlang sa mga napasimulang gawain ng pangunahing tauhan. Madalas siyang kinaaayawan ng mga mambabasa dahil sa kaniyang di magandang ugali.
May tinatawag ding tauhang bilog o bilugan (round character) at tauhang lapad (flat character) sa maikling kuwento, dula o nobela.
Ang tauhang bilog o bilugan ay isang katauhang maraming saklaw o multi-dimensyonal. Hindi siya napakasama o napakabuti kung siya man ay nagbabago.
Ang tauhang lapad ay madaling makilala sa isang akda. Siya ang masungit na madrasta, mabait na ina, malikot na tinedyer, at iba pa. Karaniwan nang hindi
nagbabago ang katauhang ito mula sa simula hanggang sa wakas ng akda.
Ang dami o bilang ng mga tauhan sa isang akda ay dapat na umaayon sa pangangailangan. Sa maikling kuwento, bukod sa pangunahing tauhan, kabilang sa mga bumubuhay na tauhan ay ang katunggaling tauhan, kasamang tauhan o ang may-akda mismo na gumagamit ng unang panauhan.
- Pag-unawa sa mga tayutay at patalinghagang salita. Ang tayutay ay isang makulay na pagpapahayag na ginagamitan ng mga salitang nagmumungkahi lamang.
Ito’y isang anyo ng paglalarawang diwa na kaiba at malayo sa karaniwang paraan ng pananalita at naglalayong magawang marikit upang maging mabisa at kawili-wili ang pag-unawa at pagdama ng sinuman sa damdaming ipinahihiwatig ng mag-akda.
Kabilang sa mga ito ang pawangis o metapora, patulad o simile, pagmamalabis o hyperbole, pagpapalit-tawag o metonymy, panawagan o apostrophe, pagsasatao o personification, at iba pa.
Samantala, ang ilan sa mga patalinghagang salita na ginagamit sa mga akda ay ang mga sumusunod: nagtataingang-kawali, lakad-pagong, di-malaparang uwak, nagmumurang kamatis, bantay-salakay, di-makabasag pinggan, at iba pa.
- Paghinuha ng mga katuturan o kahulugan. Maraming paraan para maibigay ang
tamang katuturan o kahulugan ng salitang nakapaloob sa akdang binabasa. Maaaring sa pamamagitan ng pagkuha ng kasingkahulugan o kasalungat nito Maaari ring sa pagtukoy ng salitang-ugat at panlapi nito. Ang mga guro ay nasanay na sa pagpapagamit nito sa pangungusap. May ilang mga guro naman ang gumagamit ng konotasyon at denotasyon sa pagpapakahulugan ng salita.
Samantala, gumagamit naman ng concept map o clustering ang mga guro sa kasalukuyang virtual learning.
- Pagbibigay ng kuro-kuro at opinyon. Hindi maiiwasang makapagbigay ng sariling kuro-kuro o opinyon ang mga mag-aaral habang binabasa o matapos nilang mabasa ang akda. Ang paraang ito ay pagpapatunay na naunawaan nilang mabuti ang binasang akda o nasusundan nila ang mga pangyayaring nakapaloob dito.
- Paghula sa kalalabasan. May mga maikling kuwento na iniiwan ng may-akda sa mga mambabasa ang maaaring maganap sa susunod na pangyayari. Dahil dito, nagaganap ang ilang paghuhula sa kalalabasan ng pangyayari. Malimit na nagaganap ito sa bahaging may tunggalian, kasukdulan at katimpian ng akda bago magwakas ang kuwento.
- Pagbibigay ng solusyon o kalutasan. Ang suliranin sa kuwento ay nasosolusyonan ng pangunahing tauhan o ng iba pang tauhan sa kuwento. Sa puntong ito, maaaring magkaroon ng dagling pagtatalo ang mga mag-aaral kung dapat o hindi dapat ginawa ang isang bagay upang masolusyonan ang suliraning taglay ng akda.
- Pagkuha ng pangkalahatang kahulugan ng isang binasa. Sa bahaging ito, tatalakayin sa klase ang pangunahing kaisipang hatid ng may-akda. Ito ang paksang-diwa o tema ng isang pangkalahatang pagmamasid sa buhay ng may-akda na nais niyang ipahatid sa mga mambabasa. Hindi ito dapat ipagkamali sa sermon o aral.
- Pagbibigay ng pamagat. Ang isang dahilan kung bakit naiibigang basahin ng mambabasa ang isang akda ay dahil na rin sa mapang-akit at makatawag-pansin na pamagat nito. Madalas na naipagkakamali ng mambabasa ang uri ng maikling kuwento dahil sa pamagat nito.
Ang mga kuwentong Impeng Negro ni Rogelio Sicat at Impong Sela ni Epifanio Gar. Matute” bagamat ang pangalan ng pangunahing tauhan ang pamagat ng akda ay hihinalaing maikling kuwentong pangkatauhan. Ngunit matapos mabasa at masuri ang mga kuwentong nabanggit, masasabing ang kuwentong Impeng Negro ay kuwentong pangkapaligiran at ang kuwentong Impong Sela ay kuwentong pangkatutubong-kulay dahil sa taglay na mga katangian ng dalawang kuwentong nabanggit.
May mga kuwento at nobelang sa pamagat pa lamang ay gumagamit na ng pahiwatig o simbolo ang may-akda gaya ng Sa Kamatayan ni Tiyo Samuel ni Efren R. Abueg, Sa Kadawagan ng Pilikmata ni Fidel Rillo, Di Mo Masilip ang Langit ni Benjamin Pascual, Satanas sa Lupa ni Celso Al. Carunungan, Sa mga Kuko ng Liwanag ni Edgardo M. Reyes, Mga Ibong Mandaragit ni Amado V. Hernandez, Dekada ‘70 ni Lualhati Bautista at iba pa.
May mga pagkakataong itinatanong ng guro sa kaniyang mga mag-aaral angganito: “Bukod sa naging pamagat ng kuwento, ano pa ang maaaring maipamagat sa kuwentong inyong nabasa?” o “Kung kayo ang sumulat ng kuwento, ano ang ipamamagat ninyo rito?”
Sa puntong ito, natutuklasan ng guro ang pagka-malikhain ng mga mag-aaral. Maaaring tanggapin ng guro ang mga pamagat na mula sa wikang katutubo o terminong Ingles at maisalin ang mga ito sa wikang tinatanggap at patuloy na ginagamit ng nakararami. Dahil dito, matutuklasan ng guro’t mga mag-aaral na mayaman sa mga eksaktong salita ang wikang Filipino sa larangan ng panitikan.