Katatapos ko lang ng isang linggong webinar kasama ang mga guro, prinsipal at iba pang opisyal ng Department of Education – Sangay ng Lanao del Norte. Halos dalawang taon naming itong hinintay na maidaos ng supervisor ng Learning Resources Management Development System (LRMDS) na si Connie Aranton-Emborong na orihinal naming plinano matapos ang isa ring panrehiyon na seminar sa Cagayan de Oro City para sa DepEd Regional Office ng Northern Mindanao (Region X) kung saan imbitado ako bilang resource speaker.
Isang linggong paksa ang pagsusulat ng mga kuwentong pambata at iba pang panitikan para sa mga mag-aaral na kanilang ilalagak sa kanilang portal bilang digital reading resources na maaaring i-access online, saan man ang mag-aaral o guro, basta may internet connectivity sa lugar.
Sa bawat araw, simula ng opening ng event sa Lunes hanggang natapos ng Biyernes, tatlong araw doon ang inilaan para sa pagde-deliver ko ng mga lektura sa pagsusulat ng mga kuwentong pambata. Mula sa kasaysayan ng panitikang pambata sa Pilipinas, mga esensyal na elemento ng maikling kuwento, mga uri ng librong pambata hanggang sa rebisyon at maging elemento ng ilustrasyon ng picture storybook, mababanaag sa mga mukha ng mga guro, kahit sa online conferencing ko lang sila nakikita hindi lamang ang pagkamangha kundi maging ang pagnanasa na makabasa ng mga librong pambata na sa tingin nila ay may magandang maituturo sa kanilang mga mag-aaral.
Ni-require din na magpasa ang mga guro ng kanilang mga unang pagtatangka sa pagsusulat ng kuwento bilang output upang maitaguyod ang nabanggit kong portal ng digital reading resources. Dumagsa ang mga kuwento sa Google Drive folder na gawa ng mga guro, kontra sa inaasahan ko na maaaring di makaagapay ang mga participant sa knowledge overload ng unang tatlong araw ng webinar. May nagpasa pa ng higit sa isa.
Sa pagbabasa ko, tila nakatisod ako ng mga literary gem sa mga ipinasa ng mga guro. Naipakilala sa akin ng ilang mga akda ang makulay na kultura ng mga Maranaw, ang mga likas na lahing namumuhay sa bahaging iyon ng Mindanao. Bukod sa wikang Ingles, Filipino ay nagsulat din sila sa wikang Sinugbuanong Binisaya (mas kilala bilang Cebuano o Bisaya) at higit sa lahat, sa wikang Mëranaw (binibigkas bilang mǝ/ra/naw/) na ngayon ko lang mapakikinggan sa unang pagkakataon.
Sa huling dalawang araw, nakita ang ilang isyung kultural na lumitaw sa palihan. Una, ang ilang discrepancy sa ortograpiyang Mëranaw na ginagamit ng iba’t ibang nagsulat. Ayon kay Naima Tamano, isa sa mga gurong tagapagtaguyod ng kanilang wika, unti-unti pang binubuo ang pagkakaroon ng isang standard na manwal ng ortograpiya at masinop na pagsulat hindi lamang para sa mga Maranaw sa Lanao del Norte kundi maging sa katabing Lanao del Sur (na sakop ng BARMM) at ilang pangunahing lungsod ng rehiyon–Iligan at Marawi.
Gaya ng maraming wika sa Pilipinas, tradisyonal na pasalita o spoken ang Mëranaw. Bagaman may nasusulat na ilang libro o koleksyon ng mga oral at written literature na Maranaw, ito ay kakaunti at extant o di madaling mahagilap. Integral sa kanilang panitikan ang relihiyong Islam, at mababanaag sa mga paunang tangka ng mga gurong manunulat ang pagnanasang itaguyod hindi lamang ang wika kundi maging ang relihiyong sandigan ng kanilang pananampalataya kay Allah. Di rin maiwawaksi ang folk tradition sa kanilang pagkukuwento. Iyon daw ay dahil sa pagnanasa rin nilang imapa ang kasaysayan ng kani-kanilang mga bayan.
Sa kabila nito, namangha rin sila sa itinatakbo ng panitikang pambata sa Pilipinas na matapang na nagpapatotoo sa mga temang maituturing na kontrobersiyal tulad ng mga isyung may kinalaman sa broken families, SOGIE at maging mga reyalidad tulad ng kamatayan sa pamilya, na di pa nila nakikitang natatalakay nang mas malalim. Namulat ang marami sa kanila sa ideya ng mas lumalalim na engagement ng batang mambabasa sa mga isyung dating maituturing na “for adults only.”
Bagaman limitado ang paglalakbay sa panahon ng pandemyang dulot ng coronavirus disease, nakarating ako sa bahaging iyon ng Mindanao sa paraang online at nabigyan ng pagkakataong makilala ang mga gurong-manunulat ng Lanao del Norte. Malinaw sa akin ang mga isyung dapat lapatan ng solusyon kundi maging ang bago kong pagkakatuklas sa mayamang tradisyon at kultura ng mga Maranaw at ang wikang Mëranaw – singlinaw ng ranaw o lawa ng Lanao ang kanilang mga pananaw.