Hakbang No. 44 1/2

ni Purple Romero

Ano bang naghahati ng mundo natin?
Isang overpass na madumi, maingay, makulay, may buhay.
Ito ang naghahati ng mundo natin – sa kabilang duo ng overpass ay ang bersyon ko ng realidad, ang Guadalupe. Ang bandang ito ng lungsod ng Makati ay kilala dahil sa masikip nitong palengke, sa mga commuter na nag-aabang at naghahabol sa mga bus na wala na halos maaupuan, sa mga magkakadikit na bahay na para bang nagsasabi na wala nang espasyo para umalagwas, kumalas at magbago ng landas.
Sa kabilang dulo naman ay ang bersyon mo ng realidad, ang makinang, maganda at pina-perpektong modernong larawan ng Rockwell. Sa banda mo, ang mga tirahan ay nasa nagtataasang suites sa condo, na sa sobrang taas at yabong ay para bang sinasabi na kayo lang, ang mga nakatira dun, ang puwedeng makaabot, makalapit sa langit.
Sa pagitan natin ay ang pagsasanib at pagsasabong ng mga tanong, ideya at mga pangarap na ipinanganak ng ating imahinasyon.
Naalala ko pa nung una tayong nagkasalubong sa literal na naging tulay ng ating mga buhay.
Alas-dos na ng madaling araw iyon. Palakad-lakad ka, paroo’t parito, urong-sulong sa taas ng overpass.
Tumatakbo naman akong umaakyat habang tahimik na pumapatak ang aking mga luha.
Di ko alam kung may bagyo bang namumuo sa loob mo nung panahong iyon. Alam ko lang, ako, dinala ako ng lungkot ko dito.
Wala nang ibang ingay maliban sa minsanan kong pagbuntong-hininga, pagpigil ng hikbi at sa pagdaan ng mga sasakyan.
Bigla mo akong inabutan ng panyo.
“Railey,” sabi mo. “Iyan ang pangalan ko. Tanggapin mo na ‘tong panyo ko.”
Tumango ako. Tumigil ka na sa pag-urong-sulong mo at tinabihan akong tumunghay sa kalsada.
“Lex,” sabi ko. “Iyan na lang itawag mo sa ‘kin. Salamat sa panyo.”
Pagkatapos ng sampung minuto ng katahimikan ay tinanong mo bakit ako umiiyak.
Sa pagkakataong iyon ay binalikan ko ang pag-uusap naman ng tatay ko kani-kanina lang – isang pag-uusap na paulit-ulit na ang mensahe.

Collage ni Allan M. Raymundo Jr.

“Pa, alam ‘nyo ba iyong aurora borealis?”
Napatigil ang tatay ko sa pagkain. “Hindi ko alam. Ang alam ko lang na Aurora ay iyong katabi ng puwesto ng nanay mo sa palengke, iyong nag-aalok rin ng pirated DVD.”
“Pa, yung aurora borealis, Pa, parang kakaibang sayaw ng mga ilaw sa langit. Nangyayari kapag iyong electrically charged particles from the sun ay nakakalusot sa ating magnetic field at na-di-direkta sa may North and South Poles – kapag tumama sila sa molecules, magkakaroon ng aurora ovals, tapos Pa —-“
“Wala akong pakialam, Lex,” Biglang sambit ng tatay niya para pahintuin ako sa pagsasalita. “At dapat wala ka ring pakialam sa ganyang mga walang kuwentang bagay. Nakahanap ka na ba ng trabaho? Nag-apply ka na bang crew diyan sa Jollibee, Chowking? Dapat iyan ang inaatupag mo.” Sabay balik sa kaniyang hapunan.
Hindi na ko nakapagsalita pagkatapos. Hindi ko natapos ang hapunan ko. Nang patay na lahat ng ilaw sa maliit naming bahay, tumakas ako. Para umiyak. Para magsumbong sa mga tala.

“At bigla kitang nakita,” sagot ko kay Railey.
Tumango siya. “Bakit interesado ka sa kung paano nabubuo ang aurora borealis?” tanong niya.
“Gusto ko maging physicist. Kaso pinahinto na ko sa pag-aaral. Hindi ako nakatapos kahit high school. Panganay, e. Walo kami. Sabi ko sa mga magulang ko, mag-condom naman kayo o pills, safe na paraan iyan ayon sa science para sa pagpaplano ng pamilya.”
Nanlaki mga mata ni Railey.
“Sinabi mo talaga iyon?”
“Oo. Nasampal ako ni Papa. Hindi niya daw gusto ng condom at delikado daw ang pills, baka ano pa raw mangyari sa kanila. Pero palihim kong sinasamahan si Mama sa health unit sa barangay, nasa batas naman na free ang contraceptives kaya humihingi kami ng pills.”
Binuksan ni Railey ang dala niyang maliit na bag.
“O, ito bigay mo na rin sa Mama mo,” sabi niya sabay abot ng pills.
“Uy, salamat! Pero paano ka?”
Napatawa siya. “Meron pa ko niyan. I always have my Plan B ready.”
Sinipat ko siya. Simple lang postura niya, tingin ko kasing-edad ko rin siya. Nineteen. pero yung relo niya, iba ang dating. Pati ang maliit niyang bag. Parehong mamahalin.
Doon ko nakumpirma na nasa kabilang dulo siya ng overpass nakatira. Hindi sa parte namin, direktang kabaliktaran ng pinanggalingan ko.
“Nakita ko na ang aurora borealis.” Tahimik niyang sambit.
“Talaga?”
“Oo,” tumango siya. “Pero hindi ko tinanong, Lex, paano siya nabuo.”
May maliit siyang pilit na ngiti nang siya ay nagpatuloy muli.
“Wala naman kasi akong karapatang magtanong sa bahay. Naka-set na buhay ko from the moment I was born. Next in line as head of whatever company we have. Business management dapat track. Pera, pera, pera.”
“Alam ko nagsasalita ako from a position of privilege kaya parang napaka-out of touch ng mga sinasabi ko. Problema at angst na napakaburgis. Pero, Lex —”
Tumingin ako sa kaniya.
“Huwag mong hayaang mawala sa iyo ang saya at laya ng pagtatanong na mayroon ka.”

Simula noon, ilang beses kami nagkikita ni Railey sa overpass. Laging madaling araw, sa kanlong ng tahimik na ilaw ng buwan, kapag kahit papaano ay nabawasan na ang gulo ng mundo.
At sa bawat pagkikita namin, lagi akong may baong tanong. Tulad nito: Paano nagiging ganoon kaganda ang kulay ng bukang-liwayway?
“May kinalaman pa nga ito sa isang proseso na malapit sa pangalan mo,” sabi ko kay Railey, sa ikalimang beses naming pagtatagpo.
“Talaga? Bakit?”
“Nakikita natin ang red, yellow, at orange ‘pag sunset at sunrise sa halip na blue dahil sa Rayleigh scattering – tatamaan ng solar radiation ang particles, molecules, mag-sca-scatter ang shorter color wavelengths na blue at violet, at dahil dun ang lilitaw ay ang longer color wavelengths na red, orange at yellow,” paliwanag ko sa kaniya.
“Ang galing, ganoon pala iyon,” sasabihin niya. “Magbaon ka ulit ng isa pang tanong sa susunod, Lex.”
At ganoon nga ang ginagawa ko.
Natanggap ako na crew sa isang fastfood restaurant. Pero ‘pag breaktime, ‘pag may oras sa weekend, iyong itinabi kong kakarampot na pang-piso net e ginagamit ko para mag-aral tungkol sa laws ng universe, manood sa YouTube ng lectures ng mga pamosong science professor at physicist tulad ni Neil deGrasse Tyson at astronomer tulad ni Dr. Michelle Thaller.
Tapos kung anumang mga tanong at nakalap kong sagot ko ukol sa langit, sa araw, sa mga planeta at mga tala, ibinabahagi ko kay Railey, sa tuwing mangyayari ang mga sikreto naming sandali sa overpass.
“Lex,” isang beses ay nasabi niya. “Kinuwento ko kay Daddy mga shinare mo sa ‘kin. Sabi niya, kaya raw ba naging interest ko ‘to bigla ay dahil gusto kong maging kasing-yaman nila Richard Branson, Elon Musk at Jeff Bezos?”
Sila ang mga tycoon na nagbuhos ng bilyon-bilyong pera para sa pagdevelop ng sarili nilang space ventures. Maliban kay Musk na dinidiskubre kung paano puwedeng magkaroon ng human colony sa Mars, gusto nilang magbukas ito ng pagkakataon para sa mga taong may kakayahang magbayad na makapunta sa kalawakan.
Natawa siya. “Kahit hanggang doon puro pera pa rin. Ikaw ba, Lex, bakit gustong-gusto mo matutuhan ang mga bagay na ‘to?”
Hindi ko mapigilang magkaroon ng kakaibang kinang ang aking ngiti at mga mata ng sinagot ko siya.
“Kasi, Railey, sabi nga ni Stephen Hawking na isa sa mga pinaka-influential na theoretical physicist – ‘Remember to look up at the stars and not down at your feet. Try to make sense of what you see and wonder about what makes the universe exist. Be curious.’ Sinabi pa niya, ‘However difficult life may seem, there is always something you can do and succeed at. It matters that you don’t just give up.’”
Hinawakan ko ang kamay niya.
“Don’t give up.”
Sa susunod naming pagkikita, itinaas ni Rayleigh ang kamay niya, parang senyas na hep, hep, hep, ako muna, may gusto kong ibahagi sa ‘yo.
Ang laki-laki ng ngiti niya.
“We are made of star stuff,” sabi niya.
Ito ang isa sa mga sinabi ng planetary scientist na si Carl Sagan, isang pagpapaalala kung paano nabuo ang mga elements – ang tinatawag na building blocks of life – from the collapsing of stars.
At parang alam ko kung bakit ito sinabi sa akin ni Railey.
Ito ang paraan niya ng pagsasabi na: pareho tayong stardust. Kahit pa may overpass na naghihiwalay ng mga mundo namin, sa dulo ng lahat, pareho kaming stardust.
Pagkatapos niya sabihin ito sa akin ay ipinakita ko sa kaniya ang dala ko – isang application paper sa isang training program on physics.
Ito ang dala kong tanong ngayon – kung susubukan ko ba o hindi. Wala akong natapos, wala akong pormal na pag-aaral maliban sa kung anumang nahihita ko sa Internet.
“Pero may saya at laya ka sa pagtatanong,” sabi sa ‘kin ni Railey, sa kaniyang maliwanag na pagpapakita ng suporta.
Sumubok nga ako. At natanggap. Kapagdaka ay nakakuha ako ng pagkakataong makapag-aral sa ibang bansa.
Isang linggo bago ako umalis para sa pag-aaral ko, nagkita kami ni Railey sa overpass.
Niyakap niya ako.
“Propesora Lex, magiging Propesora Lex ka na rin balang araw.”
Niyakap ko siya nang mas mahigpit.
“Salamat, Railey, sa pakikinig.”
Panahon, atensyon, pakikinig ang in-invest naming dalawa ni Railey sa mga pagtatagpo namin. Walang pera. Hindi niya ako ginawang charity case. Walang mga pangako. Pero may pagtitiwala. May pagtitiwala siya sa akin. May pagtitiwala ako sa kaniya.
“Sa ilang taon din Lex, may 44 1/2 steps akong binabagtas para i-meet ka rito sa overpass.”
44 1/2. Kasama dito ang mga urong-sulong, paroo’t parine, pagtalikod, pagpihit.
Pero bakit may 1/2?
Parang nabasa niya ang tanong sa isipan ko.
“May 1/2 because you were the other half, Lex. You completed my step. You made me want to complete my step.”
Tiningnan ko siya, ang ilaw ng buwan, ang mga naglalakbay na mga sasakyan.
“Go complete it then.”
Kaya mo iyan. Alam ko kaya mo.
Because we are all made of stardust.