Laging itinatanong sa akin kung paano raw ako magsulat ng kuwentong-pambata. Ang malimit kong isagot, pinahihinog ko ang kuwento.
Mabilis sa akin ang aktuwal na pagsusulat pero matagal ang pagpapahinog ng materyal. Mahirap maisulat o masimulan sa blangkong screen ng laptop o kompyuter kapag hindi hinog ang materyal. Kung pipilitin kahit hindi hinog, nagiging hilaw ang kuwento o sabi nga ng matatanda, “hinog-sa-pilit” – na ang lasa ay mapakla o mapaiit.
Ilalahad ko ngayon ang aking sariling proseso sa pagsusulat ng kuwentong-pambata.
Nagsisimula ako sa isang malinaw na problema o suliranin. Halimbawa: kuwento ng isang batang isinasama sa paaralan ang kaniyang bunsong kapatid dahil walang magbabantay sa kanilang bahay.
Kailangan ko ang isang malinaw na problema ng pangunahing tauhan upang maisip ko rin ang angkop na solusyon dito. Isang malinaw at katanggap-tanggap na solusyon para sa isang malinaw na problema. Makatutulong din kung maisusulat sa isang pangungusap ang problema ng kuwento.
Sunod kong paplanuhin ang mga detalye na angkop sa naisip kong problema. Ang mga detalye ang iisipin ko sa mga darating na araw, linggo, o kung minsan ay inaabot ng buwan. Malaking tulong sa akin ang mga napapanood na komersiyal, soap opera, balita, at iba pa sa telebisyon, pati na ang mga nagva-viral na post tungkol sa mga bata sa Facebook upang makakuha ng mga angkop na detalye sa aking materyal. Kailangan lamang na maging maingat sa pagpili at makuha talaga ang mga detalye na magdaragdag ng katotohanan at kasiningan sa kuwento.
Mula sa problema ng kuwento hanggang sa mga detalye ay nakasulat sa aking journal. Mahalaga sa akin ang pagtatala dahil kung hindi ko ito gagawin, madalas nakalilimutan ko ito. Di ako mapapakali kapag may isang problema na di ko naisulat at kahit anong gawin ko ay di ko na maalala. Labis ang panghihinayang ko lalo na kung alam kong magandang problema sana ang naisip ko.
Bangko ng mga problema at detalye ang aking journal.
Kaya sa panahong kailangan kong magsulat, ang aking journal lamang ang aking tinitingnan, sanggunian. Nababalikan at nagagamit ko ang mga detalyeng nakasulat doon na maaaring angkop ko nang gamitin sa isinusulat ng kuwento.
Kasabay ng aking pagpapahinog sa isang kuwento, ay ang pag-iisip kung ano kasarian ng bata na aking gagamitin sa kuwento, anong edad niya para maisip ko rin kong paano siya magsasalita sa kuwento at kikilos/mag-iisip kapag ibinigay ko na sa kaniya ang problema niya, ang pangalan niya, kung sino ang mga makakasama niya sa kuwento, at iba pa.
Dahil malinaw na sa akin ang problema at ang solusyon na gagawin ng bata, naiiwasan ang pagkaligaw sa pagsusulat. Hindi kung saan-saan napupunta ang kuwento, kung ano-anong detalye ang isinasama na kung minsan ay lalo pang nagpapalabo sa nais talagang tunguhin ng kuwento.
Ang pagsusulat ay pagpaplano. Kung may malinaw na plano o outline, may malinaw na gabay sa pagsusulat. Ngunit kung minsan ang nangyayari sa akin sa aktuwal na pagsusulat, may pagkakataong may tinatanggal o idinadagdag pa rin ako sa aking outline. Ito ang magandang bisa ng outline. Nakikita ko ang mas magandang detalye dahil sa aking unang naisulat.
Matapos kong maisulat ang unang borador ng kuwento, babasa ngayon ang sunod kong hahanapin, isang may alam din sa pagsulat ng kuwentong-pambata. Hihingi ngayon ako ng mga komento kung paanong higit kong maaayos ang aking kuwento. Kailangan ko ng ibang matang titingin sa kuwento. Kung minsan sa mismong mga bata ko pinababasa ang aking kuwento. Tapat na kritiko kasi ang mga bata ng mga akdang-pambata.
Ito ang sarili kong proseso sa pagsusulat. Hindi ako nagsusulat nang walang malinaw na isusulat. Mahirap itong gawin. Saan huhugutin ang isinulat kung walang nahinog o pinahinog na materyal?
Kaya kung titingnan ninyo ang aking journal, maraming nakasulat doon na mga problema ng balak na isulat na kuwentong-pambata, mga detalye na nakukuha ko sa araw-araw mula sa kuwento ng mga totoong tao. May mga problema na naisulat ko na, may pinahihinog pa ako hanggang ngayon, at may mga hindi ko na talaga naisulat.
Ganito ako magsulat. Ito ang prosesong mabisa sa akin.
Kaya hanapin ang sarili mong malikhaing proseso para makasulat ka ng kuwentong-pambata, isang kuwentong hindi hinog-sa-pilit o mapakla para sa mga batang mambabasa.