Kamakailan lang ay naibahagi ng aking tiyahin ang kaniyang alaala ng makasaysayang lindol noong 1990. Isa iyong Lunes, at siya’y nasa opisina noon. Pero bago pa man ito naganap, may ilang kakaibang pangyayari na siyang namalas. Una na rito ang pag-ulan ng yelo noong Biyernes bago ang lindol. Nasa opisina siya noon, at unang beses sa kaniyang tanang-buhay na makakita ng pagbagsak ng maliliit na tipak ng yelo mula sa langit.
Kinabukasan, Sabado, ipinalabas sa telebisyon ang pelikulang “Krakatoa – East of Java,” na may mga eksena ng paglindol at takbuhan ng mga tao mula sa sakuna. Pinanood daw namin ito.
Pagsapit ng Linggo, namasyal kami sa Crossing (Greenfield na ngayon sa Mandaluyong), gaya ng aming nakagawian. Hindi ko pa raw gustong umuwi noon, pero kaniyang sinabi na may nagbabadyang lindol gaya doon sa pelikulang aming pinanood, at ang mga tao na naghahabol na makasakay ng dyip ay lumilikas mula sa paparating na sakuna. Ang apat-na-taong gulang na ako ay agad namang nagmadali para kami ay makasakay papauwi.
Nasa opisina siya nang mangyari ang malakas na lindol. Kahit anong tibay ng kanilang opisina, nadama niya at ng kaniyang mga kasamahan ang pagyanig. Pero mas inalala niya ang aking kalagayan, dahil baka isipin ko na ang lindol na ginamit niyang panakot sa akin noong mga nakaraang araw ay tuluyan ngang nagkatotoo.
Pero wala akong maalala tungkol sa lindol na iyon.
Ang naaalala ko, nagising ako mula sa mahimbing na pagkakatulog noong hapon na iyon, papalapit na ang gabi. Paggising ko, sabi ng lola ko ay lumindol habang ako’y natutulog. Sa una’y ayaw ko pa maniwala, kahit pa maraming bitak ang mga kongkretong pasilyo sa aming tinutuluyan gawa ng pagyanig.
Mahigit tatlong dekada na ang nakalipas, pero ngayon ko pa lang nararamdaman ang mga pagyanig.
Kasalukuyan kaming malayo sa isa’t isa – kami ng tiyahin ko. Siya na ang kinagisnan kong ama’t ina. Naninirahan siya ngayon sa Tacloban, habang ako naman ay naririto sa Maynila at nagtatrabaho. Maraming taon na rin kaming hindi nagkasama, maliban sa isang napakaiksing bakasyon noong nakaraang Marso.
Bagama’t sanay na ako mabuhay malayo sa piling niya, nito ko lamang naramdaman ang bagsik ng lumbay. Nagsimula ito noong nakaraang taon, nang pumutok ang pandemya. Kung noon ay kaya kong isaisip na kahit anong oras ay maaari akong umuwi sa amin para makasama siya, ngayon ay hindi na iyon ganoon kadali. Maliban sa mga regulasyong dapat sundin kapag maglalakbay, kailangan ring isaalang-alang ang aming mga pansariling kaligtasan bilang patuloy pang lumalaganap ang Covid-19.
Ngayon ko dama ang hirap, hindi ng pag-iisa, kundi ng paggising sa araw-araw na malayo ang taong pinakamamahal ko sa piling ko.
Ito pala ang pakiramdam kapag ang tadhana ang nagsimulang gumawa ng mga desisyon para sa iyo, wala kang halos kalaban-laban. Sa totoo lang ay hindi ko ito napaghandaan, matapos kong masanay panghawakan ang lahat ng mga ganap sa buhay ko simula nang pinili kong tumayo sa sarili kong mga paa. Ito na ba ang paniningil sa akin ng tadhana mula nang piliin kong mabuhay nang malaya, ang unti-unting kainin ng ganitong klaseng pighati?
Hindi ko alam kung kaniyang nababatid ang aking mga pag-aalala, bilang halos sanlibong kilometro ang layo namin sa isa’t isa. Senior citizen na ang aking tiyahin, at kahit malakas pa ang kaniyang katawan at isipan, walang kasegurohan ang mga bagay-bagay, lalo na sa ngayon. Mag-isa lang siya sa kaniyang tinitirhan, na may kalayuan mula sa downtown ng Tacloban. Higit pa sa mga lindol at bagyo na aking nakadaupang-palad ang patuloy kong pag-aalala ay nagdudulot ng panaka-nakang pagyanig sa aking puso.
Tila ba ako’y kinurot sansaglit matapos kong mabasa ang kaniyang alaala ng lindol. Kahit sa isang maliit na piraso ng alaalang iyon, nasilip ko kung ano ako bilang isang bata mula sa kaniyang paningin – isang bersyon ng aking sarili na hindi ko nakilala, marahil dahil sa ako’y inosente pa noong panahong iyon. Ang mas masakit, habang ako’y unti-unting namumulat sa kung ano ang handog ng mundo para sa akin, unti-unti rin kaming pinagkaitan ng pagkakataon para patuloy na bumuo ng makukulay na mga alaala na magkasama.
Madalas lumindol sa Tacloban. Pero kung sakali mang muling yumanig ang lupa, sana sa araw na iyon, hawak namin ang kamay ng isa’t isa.
Bagama’t ipinanganak sa Tacloban, tubong Pasig si FC Marie Esperas. Ilan sa kaniyang mga akda ay nailathala na sa Manila Bulletin, Panorama Magazine at iba pang pambansang babasahin. Kasalukuyan siyang nakatira sa Cubao, Quezon City kasama ang kaniyang dalawang pusa na sina Ramon at Bomber.