Kung paano binása ni Balagtas ang mga naunang makatang Tagalog at iba pang makatang nakilala niya ay pagkatha ng isang tula, gaya ng Florante at Laura, na matataguriang lihís na pagbása (kung hihiramin ang dila ni Harold Bloom) sa tradisyon ng awit at korido. Sinipat niya ang uniberso na waring hindi na ang nakagawiang realidad ng baryotikong Tagalog, na binihisan ng mga alusyong banyaga at banyagang lunan at tauhan, at pagkaraan ay nilapatan ng mga salitaang Tagalog, nang maibalik at angkinin ng wika at panulaang Tagalog. Ang pagkadalubhasa ni Balagtas sa wika ay matutunghayan sa kaniyang masinop na pananaludtod, na tutumbasan ng paghubog sa kaisipan para maging kongreto at maging dramatikong tagpo at magsilang sa wakas ng sariwang talinghaga.
Ang tradisyon ng awit at korido, sa lihís na pagbása ni Balagtas, ay matatakdaan ng higit na mataas na anyo ng tugma at sukat kung ihahambing sa kaniyang kapanahon, na ang simetriya at hati ay sinturon na bumibigkis sa kabuoang balangkas ng saknungan, at magpapakilala sa tulin, gaan, at impit ng mga tunog ng Tagalog upang sabayan ang kaisipang Tagalog. Ngunit higit pa rito, ang tula ni Balagtas ay madulaing pagninilay ni Florante na humihiyaw ang guniguni hinggil sa pag-agaw ng poder at pagtataksil, at sa paghahari ng hindi karapat-dapat na pinuno na nararapat ibagsak. Upang magawa ito ay kailangang humiram si Balagtas ng mga termino mula man sa malig at mitolohiyang Grecorromano at Imperyong Ottoman, at baliin o linsarin ang mga ito tungo sa disenyo ng akda. Posibleng hindi siya naarok agad ng mga mambabasang Tagalog na kapanahon niya, kahit na may mga talababa siyang isinaad na magpapamalas ng kaniyang erudisyon, kung isasaalang-alang na limitado at isang pribilehiyo para sa maykaya ang edukasyon noon. Kailangan ni Balagtas ang pagbabalatkayo, na magsisimula sa pamagat, nang makalusot sa mahigpit na sensurang ipinapataw noon ng pamahalaang kolonyal ng España sa Filipinas.
Kinakailangan ang isang lihís na pagbása kay Balagtas, gaya halimbawa ng kina José Rizal at Lope K. Santos, para maitakda ang kumbensiyon ng panulaang Tagalog. Sapagkat hindi madaling unawain si Balagtas sa kaniyang Florante at Laura nang hindi magbabalik sa kaniyang mga alusyon at alegorya, na mula man sa guniguning kaharian ng Albania ay hindi na ang tunay na Albania sa kasaysayan ngunit posibleng totoo at nagaganap sa iba’t ibang nasyon. Kung lihís ang pagbása ni Balagtas sa mga naunang awit at korido, ang akda niya ay matataguriang varyant mula sa isang kadena ng tradisyon at nagsisikap na magkaanyo ng bago at ibang bisa, gaya ng isang kimera. Sa ganitong pangyayari, maaaring tagurian si Balagtas na isang “modernista,” bagaman aayawan marahil niya ang gayong taguri.
Nang maging kanonigo si Balagtas sa basbas ng akademya, ang pagbása sa kaniya ng mga sumunod na makata ay isa ring lihís na pagbása. Ito ang nangyari, halimbawa, kay Lope K. Santos sa kaniyang Ang Pangginggera na sinusuway ang anumang bakás ni Balagtas; kay Aurelio Tolentino sa kaniyang Kahapon, Ngayon, at Bukas na isang anti-imperyalistang pabula na may tatlong transisyon ang panahon; kay Alejandro G. Abadilla sa kaniyang Tanagabadilla, na tandisang humahamon sa kumbensiyon ng pananaludtod sa Tagalog; at kahit kina Julian Cruz Balmaseda, José Corazon de Jesús, at Florentino T. Collantes sa kani-kaniyang pamperyodikong mga tula na rekord ng nagaganap sa Filipinas, partikular sa Maynila.
Isang modelo si Balagtas na paulit-ulit sinusundan ngunit paulit-ulit ding hinahanapan ng puwang at kakulangan; at sa mga espasyong nabigong punuan niya sa kaniyang mga tula ay matutunghayan naman yaon sa ibang panig ng mga makatang kumikilala sa kaniyang landas na hinawan. Isang mapansaklaw ngunit peligrosong pakana, sa gayon na ipailalim sa gaya ng taguring “Balagtasista” ang sangkaterbang sumunod kay Balagtas, lalo na noong unang hati ng siglo 20, sapagkat ang estetiko at makabansang diwain noon ni Balagtas ay hindi na ang estetiko at makabansang diwain ng Katipunan, ng Sakdal, ng Lapiang Nasyonalista, o ng Partido Komunista. Samantala, ang gaya ng Balagtasan at Bukanegan ay isa ring lihís na pagbása kay Balagtas, sapagkat ang diskurso at debateng patula ay nagsasangkot sa madla bilang aktibong kalahok sa pagkatha ng tula, at halos burahin ang hanggahan ng pabigkas at pasulat na tradisyon. Magbabago pa ang Balagtasan at Bukanegan sapagkat ang tradisyong pabigkas ay hindi lámang isasaplaka bagkus isisilid sa papel bilang bilangguan, at doon ay higit na kikinang ang batis ng kumbensiyong pinatanyag nina Batute at Tinong at kasapakat nilang mga makatang Tagalog.
Ang impluwensiya ni Balagtas ay kapuwa rurok at batik ng mga makatang sumunod sa kaniya, at ito ang pamantayang isasaad ng mga kritiko, upang maitampok ang kumbensiyon at tradisyon sa panulaang Tagalog. Ang tanging makapagsasabi na ginaya nang sagad sa buto si Balagtas ng ibang makata ay si Balagtas mismo, at doon niya matutunghayan at panghihinayangan kung bakit hindi niya naisip ang naisip ng naturang mga makata. At kapag nangyari ito, ang lahat ng inakala ni Balagtas na masugid niyang disipulong lumikha ng mga kahawig na tula ay lalamunin lahat ng kaniyang akda, bagaman panandalian lamang, hanggang lumitaw ang iba pang kritikong may lihis na interpretasyon sa akda ni Balagtas. Ngunit hindi palaging ganito ang maaaring maganap sa lahat ng pagkakataon.
Matutunghayan ni Balagtas sa oras ng kaniyang resureksiyon na ang mga kinatha niya mula sa padron ng tradisyonal na awit ay nagkaroon ng iba’t ibang tauhan, tinig, himig, at lunan sa ibang panulat; at ang Tagalog niya ay hindi na ang kosmopolitanong Tagalog noong panahon niya bagkus nalahukan ng mga salitang wala dati sa bokabularyo ng mga sinaunang awit at korido. Sabihin mang ang pagdulog at kaisipan sa tula ay kahawig ng kay Balagtas, at nakapadron sa lalabindalawahing pantig na isahan ang tugmaan at katunog ng kundiman, ang impluwensiya ay magwawakas kapag lumabas ang varyant na tula, ang tula na sungayan ang pananaw sa daigdig, na nagkukubli ng siste, agimat, at patalim, o ng mga katangiang mabalasik at sumasabog, tawagin man iyon na tulang “armagedonista” at “modernista.”
Ang pagbása kay Balagtas kahit sa kasalukuyang panahon ay nababahiran ng lihís na pagbása, samantalang kasabay ng lihís na pagbása sa gaya halimbawa kina Basho, Dante, Dario, Eliot, Pound, Neruda, Paz, at Shakespeare. Ang ganitong maláy na pagharap sa impluwensiya ay isang anyo ng pakikipagtagis, isang anyo ng pagsampa sa balikat na ang isang tula ay umaangat sa iba pang tula dahil sa bisa nitong estetika, kaisipan, at diskurso, na may pagsasanib ng dalawa o higit pang kultura upang magbunga ng higit na mabalasik na varyant. Bukod dito’y maaaring ganap na putulin ng makata ang ugnayan sa tinitingala niyang makata sa tandisang pakikipagbakbakan dito, sumusulat man siya sa Ingles, Bisaya, Bikol, o Filipino.
Ang lihís na pagbása kay Balagtas ay hindi basta sarado at antitétiko sa kaniyang akda, bagkus isang paraan ng pagtanaw sa daigdig na inilalahok ng makata sa paglikha ng bagong tula. Ang lihís na pagbása ay maaaring lingid o lantarang paghuhubad at pagbubunyag, na ang paghamon ay upang ipamalas ang kagila-gilalas na haraya at henyo ng isang makata sa isang panahon, bagaman ang panahong ito ay maaaring lampasan pa alinsunod sa magiging pagbása ng susunod na henerasyon. Ito rin ang maláy na pagbabalik sa ugat, ngunit hindi para buhayin ang patay bagkus humugot ng DNA sa bangkay at lumikha ng bagong kimera, ang kimera ng mga kimera, na gaya sa tula ni Baudelaire, ay pinapasán ngunit hindi namamalayan, at maglalakad nang maglalakad ang may pasán ng kimera sapagkat ito ang bumubuhay sa kaniya, ituring man itong pabigat at walang saysay ng isang tambay na walang magawa sa buhay.