(At kung bakit kailangan ang media literacy para sa mga magulang)
Sa isang media-related seminar na idinaos namin, nagtanong ang isang nanay kung paano raw niya dapat sagutin ang tanong ng kaniyang anak. Ganito ang tanong ng bata: “Nanay, bakit po tumatayo ang aking ‘patutoy’ kapag nakakapanood ako ng sumasayaw na seksi sa TV?” Ang tinutukoy na palabas ay ang dating sikat na noontime show sa isang channel kung saan ay kasama ng lalaking main host ang mga babaeng magaganda’t makikinis na nakasuot ng skimpy attire (na halos bilad na ang buong katawan). Nagkekembutan ang mga babaeng ito habang patuloy ang pagtugtog ng background music upang aliwin ang mga manonood. Minsa’y hawak pa nila ang ini-endorsong produkto habang sumasayaw.
Nagkataong nanonood si Darwin at may napansin siyang reaksyon sa kaniyang murang katawan. Tumitigas daw ang kaniyang patutoy habang pinanunood ang patuloy na paggiling-giling, pagliyad-liyad, pagtuwad-tuwad, at pagbuka-bukaka ng mga dancers ng show. Si Darwin ay onse anyos (edad 11) at nasa panahon na ng tinatawag na ‘puberty’ kung saan maraming biological changes na ang nangyayari sa kaniyang katawan dahil sa pagtaas ng hormonang panglalaking testosterone.
“Ano po ang naging sagot n’yo?” tanong kong pabalik sa Nanay.
“Naku, ang sabi ko po ay kaya ganyan ‘yan e kasi’y lalaki siya talaga!”
Umugong ang ingay sa buong hall. Nagtawanan ang maraming participants ng seminar na ito. Sari-saring opinyon at kuwentuhan ang nangyari. Maaaring bawat isa’y gustong mag-react sa sinabi ng Nanay.
Sa isip-isip ko, batay sa naging pagsagot ng nanay, di man sinasadya ay mukhang ginawa niyang diagnostic tool ng pagiging lalaki ang ‘pagtayo ng patutoy’ ni Darwin bilang reaksyon sa napanuod na palabas sa TV. Kapag tumayo ang patutoy, tunay na lalaki. Kapag hindi tumayo, may duda sa pagkalalaki. At waring ayos lamang ito sa naturang nanay (dahil kaya naisip niya na ‘tunay na lalaki’ naman pala ang anak?). Hindi niya naisip na waring may kulang sa kaniyang naging paliwanag.
Noon lalong tumibay ang pagnanais ko na maging media-literate ang mga magulang at kung bakit kailangang ituro sa kanila ang ilang mahahalagang media literacy concepts. Iyon ay para matugunan nila ang mga tanong mismo ng kanilang anak. Sila ang katabi at kasa-kasama ng kanilang anak kung kaya’t sila rin agad ang mapagtatanungan ng mga batang ito.
Ipinaliwanag ko sa naturang nanay na bagama’t naisip niyang gawing ‘diagnostic tool’ ang reaksyon ni Darwin sa paggiling-giling ng mga dancers sa noontime show, mahalagang tingnan nila at i-evaluate ang programang pinanunood ng kanilang anak. Ito ba ay akma sa kaniyang edad? Bakit nakaramdam ng kakaiba si Darwin habang nanunood? May imahen ba o larawan o panuoring hindi pa dapat makita ng anak? Ano rin ba ang makikitang gabay mula sa MTRCB na nakapaskil sa show: PG (Parental Guidance) o SPG (Strong Parental Guidance)? Isang makabuluhang huntahan sana ang nangyari sa pagitan ng mag-ina patungkol sa kalagayan ng mass media sa ating bansa (at marami siyang maibabahagi sa anak kung siya ay media-literate). Puwede rin nilang tingnan kung anong hakbang ang puwede nilang gawin kung sa tingin nila ay hindi ligtas ang ganitong panuorin.
Isa pa, magandang pagkakataon din sana iyon para mapag-usapan nilang mag-ina (o mag-ama) ang mga bagay na nangyayari sa katawan ng batang nasa puberty na.
Isang eye-opener ang naging pagtatanong ni Darwin upang bantayan nating nakatatanda ang mga palabas sa telebisyon (pati na ang mga palabas sa social media). Huwag nating kalilimutan na sa ating pagtunghay sa palabas sa telebisyon, lagi’t laging may batang kasama nating nanonood.