Ang Bata sa Panahon ng Ligalig
Gigising ang bata habang tahimik at nahihimbing ang madaling-araw. Mag-uunat-unat, magmamasid-masid, ganito tumatakas ang bata sa panahon ng ligalig: Habang nananaginip ang buong sambayanan, nangangarap ang bata ng barya-baryang alaala mula sa krosing ng madilim na eskinita; tatawid itong nakapikit sa lansangan ng plastik at mga basura. Makatatawid ang bata, makatatanaw ng pag-asa, o ng liwanag, o ng pag-asa sa liwanag; hihinga kahit alam niyang ang masisinghot ay sariling alikabok ng lungkot, at mga kalungkutan ng mga batang tulad niya ay maagang nabubulok.
Ang Mahika ng Pagguho at Pagtakas
Hindi na sumisikat ang araw sa nayon nitong mga paslit. Hindi na rin umuulan, nakalimutan na nila ang tunog ng kulog at kidlat. Wala na ang dating magagandang bulaklak sa hardin, ang lobo at keyk ay hindi na rin uso. Tinamad na ang mga batang umakyat sa ga-bundok na basura upang masaksihan ang fireworks ni Mayor, o ang palo-sebo sa plasa, wala na ni isa sa mga paslit ang may lakas ng loob na humagikgik kahit ang nakikita ay kakatwang paligid. Ninais na lamang ng mga paslit ang maghukay nang maghukay at mabighani ng mga warak at punit- punit na gamit, at ang panalangin nila sa mga madaling-araw isang marahang-marahang pagguho tulad ng balita ng matandang babae sa kanila kamakailan, wala na ang katabing barangay.
May Sunog sa Bayan
May sunog sa bayang hindi kayang isatitik ng balita sa diyaryo, at dahil dito walang nakapagsulat nito o nakapagbalita sa radyo at T.V. Ilang taon nang nasusunog ang bayang ito, noong una’y tinutupok lamang ang bilihan ng mga segunda manong damit at pagkaing mula sa basura ng kapit-bayan, hanggang nasundan ng pagtupok ng maliliit na siga sa mga pagtitipon, handaan, at kasiyahan. Sinigurado ng sunog na magliliyab ang buong bayan, hanggang sa ang pangarap ng sambayanan ay lamunin na lamang ng sunog, dahil sinasamba na nila ito at nakikitang kaligtasan. Sa hindi kalayuan may batang naligo ng gaas, pinangarap niya ang lamunin ng apoy, gusto niyang maging abong lilipad sa ere at dadalhin ng hangin sa kung saang bayan, ininom ng bata ang gaas, siniguradong aabot sa kaniyang binabangungot na gutom, kay sarap ng gaas, kay saklap na mangarap, nakalipad ang bata nang hindi nagsasaabo, naranasan niya ang mabuhay sa ere kahit sandali, naabot ng liyab ang dulo ng buhok ng bata, naabot niya ang matagal na niyang pinapangarap.
Taga-Guimaras si Noel Galon de Leon na founder at publisher ng Kasingkasing Press. Kasalukuyan siyang nagtuturo ng Filipino at Malikhaing Pagsulat sa UP High School in Iloilo sa UP Visayas. Nakatanggap ng pagkilala ang kaniyang koleksyon ng tula sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 2018.