Anim na Tula ni Roberto T. Añonuevo

Udyong

Mga retrato ng batuhan, kisapmata
At pag-ibig sa isang yugto at sandali;

Iyan ang natutuhan ko sa mga tagak
Nang iwan ang pugad noong taglamig.

Inuuyam ko ang pagkalula sa bangin
Habang tumitibok ang puso sa ibang

Pantalan. Nililibak ng hangin ang ukà
Sa aking utak. Retrato at mga bato,

Testamento kayo ng aking pag-iral.
May bagwis na mahahagip ng tainga

O kidlat, at sa lupa, marahang uusad
Na parang pawikan ang aking mga salita,

Malamlam dahil ni walang simetriya,
Walang ritmo, wala ni munting hiwaga.

Guhit ni Eli San Miguel

Utang

Anak ng pating, siya’y sumisisid sa kalawakan,
sumisisid sa budhi;
sapagkat anak ng pating,
nagtutukop ng tainga para hulihin ang hugong
at tumatanggi sa tawad o patawad;
sapagkat pating ang balasik kung humagip,
na kung nagmula sa habal-habal,
anak ng pating,
ay magyayabang pang maningil ng sandipang
katwiran.

Apo rin siya ni Kablay, at sinisingil ang utang
na dugo at utang na loob,
ang utang ng mga utang, ilista mo sa tubig
ay simbigat ng mga barya sa alkansiyang
pinagtubuan, isusubasta ang maiilit
na bahay at lupa,
ipagbibili ang nalikom na alahas at puri,
isasaad ang pagkalimot sa patak-patak,
nakatatanda sa nunal, dungis, mali,
magkakalat ng tsismis kapag pumalag ka
hanggang ang lahat ay maging ari-arian niya.

Ang dagat ay dumadaloy sa kaniyang palad,
may bagyo man at madilim.
Sapagkat anak ng pating,
ang dagat ang kaniyang tadhana at batas.
At kung ito’y isisilid sa munting akwaryum,
mahihiya kahit ang lahi ng balyena’t taliptip.


Bagtas

Ang lungsod ay nasa ibabaw ng platito.
Parang arnibal itong
nilalangoy ng mga bangaw at langgam
na pawang tumitikim sa luwalhati
na lakip sa resipi ng wakas at panahon.
Ang lungsod,
sintamis ng mga pangakò at sinlawak
ng kama ng mga pakò.
Nakahain sa hapag namin,
habang abala ang mga kusinero
ng gobyerno sa mga peste ng halalan.

Kisap

Lintik sa tag-araw, lintik lang ang tamâan;
Lintik sa tag-ulan, lintik kang walang látay.

Halal

Nanggigigil at rubi ang mga ngipin,
siya’y binturóng na sumampay sa duhat
at sumisigaw ng “Nagugutom ako!”
Ngunit ang kaniyang mga balahibo’y
manlalagkit mula sa tila pulang alak,
at may halimuyak ng bagong busáng
maís ang mga sangang lungayngay.


Biyahe

Pinakamahirap lakbayin
ang tuwid na daan.
Maniniwala ka sa sabi-sabing
may nakaabang na halimaw
sa kaliwa’t kanan,
humahabol ang mga multo,
at ang manatili sa gitna’y
luwalhati at pagpapatiwakal.

Pinakamahirap lakbayin
ang tuwid na daan, anila,
kung paakyat ng bundok
at tikatik ang ulan.
Matarik at mapanganib,
ang lalandasin mo
ay sindulas ng mga ahas
at sinlambot ng mga lumot.

Pinakamahirap lakbayin
ang tuwid na daan.
Matanaw man ang dulo’y
parang tuldok itong naglaho,
o kung hindi’y putol na guhit
at buradong sulat sa karatula.
Naililihim ng baha ang lubak
at usad-pagong ang trapik.

Pinakamahirap lakbayin,
anila, ang tuwid na daan—
walang puwang sa biglang
liko at layaw ng katawan.
Ang humarurot ay paghinto
sa nakagawiang takbo
ng búhay, iiwan mo ang lahat
hanggang maupos sa wakas.