ni Edgar Calabia Samar
(IKA-9 NA LABAS)
NOBELANG KOMIKS BLG. 16
Pamagat: Birtud
Manunulat: Clodualdo del Mundo
Ilustrador: Fred Carrillo at Ben Alcantara
Petsa ng Unang Labas: 22 Mayo 1950
Petsa ng Huling Labas: 30 Abril 1951
Bilang ng Labas: 50
Bilang ng Pahina Bawat Labas: 2
BUOD
SA simula pa lang, ipinakilala nang ito’y kasaysayan ng Reynong Sardonya (na magiging Divinia paglaon), ng malupit na Haring Jidas, ng magandang Prinsesa Hollyana, at ng karaniwang mamamayan ngunit matapang na si Arami. Bata pa umano si Arami ay mapangahas na ito at may katutubong pagkamuhi sa mga kawal ng kaharian. Inaalagaan siya ng mabubuting-loob na sina Pandro at Tanggi, mga mangangalakal na nakapulot noon sa kanya. Pambihira ang kasanayan ni Arami sa paggamit ng boomerang at ang malimit niyang saklitin sa leeg ay ang mga palalong kawal ng Reyno. Ang kanyang kapangahasan ay nakaakit kay Prinsesa Hollyana, ngunit hindi sa mga kawal nito, na nagpasyang iharap siya sa hari upang maturuan ng aral laban sa pagbibiro sa mga kawal ni Jidas. Ipinakulong siya ng hari upang pugutan ng ulo kinaumagahan. Mabuti na lamang at sinikap siyang iligtas ng matatapat niyang tagapag-alaga. Sa pagliligtas ay nawalan ng malay-tao si Tanggi kaya isinakay na lamang sa isang kabayo ni Pandro. Paalis na sila nang sumigaw ang kawal na tanod sa selda, subalit bago tuluyang umalis ay nagpaalam pa si Arami sa prinsesa na natutong umibig sa mapangahas na si Arami. Nang makalaya na si Arami at malayo sa panganib, saka naman ito dinalaw ng lungkot. Ipinasiya ni Arami na siya’y maging dapat sa pagtatangi ng prinsesa sa pamamagitan ng paghahanap ng birtud na inaakala niyang matatagpuan sa Bundok Batumbalani. Sa gubat, ang unang naging katunggali ni Arami ay isang aninong humahalakhak.
Sa kabilang dako, ang Haring Jidas ay nagpipilit na ipakasal ang kanyang anak na si Hollyana kay Prinsipe Oga ng makapangyarihang monarko na Reynong Lituwanya, ayon sa payo ng ministro niyang si Jadir. Kinasapakat ni Hollyana ang kanyang kawaksing si Oyana upang siya’y makatakas at magkaroon ng pagkakataong mahanap si Arami. Kamuntik nang matutop si Hollyana ng kapitan ng mga guwardiya ngunit nakatakas din sila ni Oyana.
Samantala, inabot si Arami ng unos sa kabundukan nang siya’y paakyat na sa Batumbalani. Gumuho ang isang gilid ng bundok at siya’y kasamang bumulusok ng naglalakihang tiningkal na mga bato. Ang akala nina Pandro at Tanggi, na nangagpaiwan sa ibaba ng Batumbalani, ay babagsak sa kanyang kamatayan si Arami. Ngunit sa buong pagtataka nila’y nasalalak ang binata sa liwanag na waring nagmumula sa isang kublihan sa itaas ng bundok kung nasaan ang ermitanyo ng Batumbalani na nagligtas kay Arami. Pinagkalooban ng ermitanyo si Arami ng galing, sa pamamagitan ng pagguhit ng krus sa dalawang palad ng binata. Tuwing pagdaraupin niya ang mga palad sa anyong dumadalangin ay sumasakanya ang pambihirang lakas. Nagkaroon din ng panibagong pag-asa si Arami na angkinin ang Prinsesa Hollyana sapagkat ayon sa paliwanag ng ermitanyo ay mula siya sa lipi ng mga maharlika. Nagpaalam siya sa mabait na ermitanyo na ibinigay rin sa kanya ang tungkod na agimat nito upang makatulong na bawiin ang trono niyang kinamkam ni Prinsipe Oga at ng ama nito.
Hinanap ni Arami sina Pandro at Tanggi at nang magkita-kita ay talagang hahanapin nila si Prinsesa Hollyana at sasadyain ang Reynond Lituwanya na ayon sa ermitanyo ay nauukol kay Arami ngunit nadakip sila ng mga kawal ng Haring Jidas. Hindi nakapanlaban si Arami dahil sa pag-aalang-alang sa dalawa. Gayunman, sa pamamagitan ng mahiwagang tungkod ay naipakita ni Arami sa hari na siya’y walang kinalaman sa pagkawala ni Prinsesa Hollyana at napatunayan pa niyang nagtataksil si Ministro Jadir. Si Ministro Jadir, sa pagkukunwang isinasaayos ang pag-iisang-dibdib ni Prinsipe Oga at ng prinsesa ay nakipagsabwatan upang maagaw ang kapangyarihan sa Reynong Divinia. Pinayagan ng haring umalis si Arami at ang kanyang mga kasamahan upang ipagpatuloy ang paghahanap kay Hollyana. Sa tulong ng tungkod, natagpuan din ni Arami si Hollyana. Gayunman, nakita naman sila ng isang tiktik ng ministrong nagbubulag-bulagan, si Tokor. Ito ang naghimatong kay Ministro Jadir ng bahay na tinuluyan nina Arami. Kapagdaka’y pinaligiran ng mga kawal ng ministro ang bahay upang maagaw ang prinsesa at matutop si Arami. Gumawa ng paraan si Arami upang makatakas, siya ang naunang nagpahabol sa mga kawal. Nakatakas sina Pandro, Oyana, at Tanggi na kasama naman si Prinsesa Hollyana. Tinugis ng apat na kawal si Arami at nadakip. Isa-isa ring natutop ang mga kasama ni Arami maging ang prinsesa at lahat sila’y iniharap kay Prinsipe Oga. Nang makulong sina Arami, Pandro, at Tanggi ay ipinasiya ni Prinsesa Hollyana ang paggamit ng ibang pamamaraan, kasukdulang siya’y mangakong pakasal kay Prinsipe Oga. Hindi naman magamit ni Arami ang birtud ng ermitanyo sapagkat ang kanyang mga kamay ay magkahiwalay na itinanikala.
Sinikap ni Prinsesa Hollyanang maipahiwatig kina Arami, Pandro, at Tanggi na siya’y nasusubo sa pakikipag-isang-dibdib kay Prinsipe Oga. Nang mahiwatigan nina Arami ito sa malakas na pakikipag-usap ni Oyana sa guwardiya ay nagpupumiglas si Arami sa pagkakatali danga’t walang magawa upang makaalpas. Siyang pagkarinig nila sa kaluskos mula sa kabilang piitan. Isang matanda ang lumabas mula roon at nagbigay-galang kay Arami at nagpakilala bilang si Ministro Arlin (naging Aris ito paglaon) ng Lituwanya. Nakilala nito si Arami bilang siyang tunay na prinsipe sa pamamagitan ng banda sa baywang at medalyon sa kuwintas. Pinaluwagan ng matanda ang kadena sa mga kamay ni Arami. Nang makaalpas si Arami ay kumilos sila nina Pandro, Tanggi, at Ministro Aris upang mahadlangan ang kasal ni Hollyana. Ang Ministro ang unang pumigil sa idinaraos na kasal subalit nailabas siya ng mga kawal sa utos ni Jadir. Sumunod si Arami na hindi napansin sa kasuotang kawal ng palasyo. Ngunit maagap si Ministro Jadir sa pagpapakilos sa kanyang mga tauhan gayunma’y nanlaban si Arami. Napilitang manawagan si Aris sa mga taong bayan. Ipinakilala niya si Arami nilang tunay na prinsipe at humanda sila sa pagsalakay sa palasyo. Ngunit tumakas si Oga tangay si Prinsesa Hollyana, at ipinabahala kay Jadir ang pagtatanggol. Hindi naman napigilan ang pagpasok sa lahat ng dako ng mga taong bayang matagal na nagtiis sa paninikil ni huwad na Prinsipe Oga.
Pagkatapos malaman sa isang napikot na kawal kung saan tumakas si Oga ay buong tuling sumunod si Arami. Hindi nagtagal ang labanan nila at nagapi agad si Oga. Pagkatapos maparusahan ang lahat na mga taksil sa Reynong Lituwanya ay nagbalik si Arami sa Reynong Divinia bilang Prinsipe upang angkinin si Prinsesa Hollyana at hindi nakatutol ang Haring Jidas.
ILANG PANSIN
⦿ Tulad ng nakita sa buod pa lamang sa itaas, may mga detalyeng nababago sa mahabang panahon ng serialisasyon ng nobela, tulad ng pangalan ni Ministro Aris na naunang ipinakilala bilang Ministro Arlin, o ang pangalan ng kaharian nina Haring Jidas, na nagsimula bilang Sardonya, subalit naging Divinia sa dulo. Paminsan-minsan ay nagbabago-bago rin ang pangalan ni Ministro Jadir bilang Jidar. Maliban sa mga ito, kakaiba ang transition sa dulo ng ika-26 na labas at simula ng ika-27. Nagtapos ang ika-26 na nag-uusap sina Ministro Jadir at Prinsipe Oga matapos maisugo ang una ng Haring Jidas para hanapin ang prinsesa. Pero sa simula ng ika-27, biglang nag-uusap pang muli ang hari at ang ministro—parang naulit ang mga pangyayari at nagtapos ulit sa bulungan ng ministro at ni Prinsipe Oga. Samantala, nakalagay si Fred Carrillo bilang ilustrador sa mga unang labas ng nobela subalit biglang hindi na inilalagay ang nagguguhit simula ika-32 labas, basta “Kathang-Isip ni Clodualdo del Mundo.” Pagdating ng ika-41 na labas ay inilagay na guhit ni Ben Alcantara, ngunit nawala ulit ang pangalan nito sa mga sumunod na labas. Sa ika-29 na labas unang lumitaw ang patalastas na “KASALUKUYANG ISINASAPELIKULA NG PREMIERE.”
⦿ Kailangang pansinin ang paggamit sa katawan bilang lunsaran ng katatawanan, bagaman hindi ito ganoon kalansakan sa nobela. Halimbawa, sa ika-11 labas, nang nagpasya sina Pandro at Tanggi na samahan si Arami sa Bundok Batumbalani sa kabila ng takot nila sa nag-aabang na kapahamakan doon, “buong kasiyahang natawa si Arami nang makita niya ang paghihirap ng dalawa, lalo na si Taba, sa pagsakay sa kabayo.” Ang pagbanggit mismo bilang Taba, sa halip na gamitin ang totoong pangalan ni Tanggi, ay sintomas ng isang panahon na nagpapatuloy hanggang sa ngayon kaugnay ng ganitong pagtingin sa mga partikular na hubog ng katawan bilang katawa-tawa.
⦿ May mga sandali ng kagitingan ng pagkababae kay Prinsesa Hollyana, lalo pa nang marinig ang mungkahi ng ama na pakasal siya kay Prinsipe Oga sang-ayon sa payo ni Jadir: “Ang marangal na Jadir ay wala na bang maisip na paraan ng pagtatanggol sa reyno kundi ang ipakasal ako sa Prinsipe Oga? Kung ako’y naging lalaki ay ihahanda ko ang aking kaharian upang maipakipaglaban ang mga karapatan nito—at hindi ako aasa sa pakikipag-isang puso ng isang babae!” Bagaman maaaring tingnan ang kung ako’y naging lalaki, bilang isang anyo pa rin ng pagsuko sa mga konstruksiyon ng inaasahan ng kasarian, maaaring tingnan ang pagtinging iyon bilang pagmamata rin sa mismong mga konstruksiyong iyon. Gayumpaman, sa pangkalahatan ay kuwento pa rin ito ng lalaki, ni Arami at ng mga lalaki sa paligid niya, at narito si Hollyana bilang obheto lamang ng pag-ibig at pagnanasa ng mga lalaki. Sa isang eksena na ililigtas dapat ni Arami si Hollyana habang nagpapanggap ang babae bilang mananayaw ay tumigil pansamantala ang bayani para panoorin din ang babae. Mahalaga ring pansinin na ang rebelasyon ng ermitanyo tungkol sa “tunay na katauhan” at “liping pinagmulan” ni Arami ay naggigiit lamang lalo na para bang ang kadakilaan at pagkabayani ay karapatan talaga sa pagkakasilang mula sa isang angkan.
(ITUTULOY)