Ihuhudyat ng mga mga Bituin

At nagtatanong nga si Mark, pahawak-hawak naman sa kamay niya; papisil-pisil pa. "Sir, baka may makakita..."

ni Armando T. Javier

Napatunayan ni Dory na mali ang unang pagkakilala niya kay Mark…

(IKA-11 NA LABAS)

MAULAN at hirap silang makasakay ni Mel nang hapong iyon. Heto naman si Uncle Mark, sakay ng kanyang kotse. Nagbaba ng salamin nang mapatapat sa kanila.

“Sa’n ang way n’yo?”

Sinabi nila.

“Sakay na.” At tuluyan nitong ibinukas ang pinto.

Mauunang bababa sa kanya si Mel; sa Buendia ito umuuwi. Bago umibis, ipinagbilin siya sa tiyuhin.

Uncle, ihatid mo na sa kanila si Dory, ha?”

Sure.”

Ibinubuyo yata talaga siya ni Mel kay Uncle Mark.

Tahimik sila habang tumatakbo ang sasakyan sa kahabaan ng Taft Avenue.

Ang unang impresyon niya kay Uncle Mark ay tahimik at mahiyain; tipong gagalangin din dahil boss. Nang gabing iyon na siya’y ihahatid nito sa Pasay, napatunayan niyang mali ang unang pagkakakilala niya rito.

“Dory, maniniwala ka ba kung sabihin ko sa ‘yong type kita?”

Kung maaari lamang siyang matunaw nang mga sandaling iyon, natunaw na siguro siya. 

“Si Sir naman, binibiro ako!”

“Bah, hindi ako nagbibiro…”

“E-E sige ho. Salamat,” sabi niyang pinamumulahan ng mukha.

Nang sapitin nila ang Malibay, gusto na niyang bumaba sa kanto. Inawat siya ni Uncle Mark.

“Umuulan. Mababasa ka.”

“B-Baka kasi makita tayo ng auntie ko, sir. Maghinala.”

“Ano naman ang masama ro’n? Umuulan. Nakisakay ka sa kotse ko. Empleyada naman kita…”

“Nakakahiya talaga, sir.

“Sir na naman? Mark na lang ‘pag wala tayo sa office.”

“Nakakahiya talaga, M-Mark.”

Mabuti’t hindi nagpilit. Kung nagkataon, tiyak na hihingan siya ng paliwanag ni Ate Emy.

“Sige, hindi na lang kita ibababa sa tapat ng tinitir’an mo, pero sa isang kondisyon…”

“A-Ano ‘yon, Mark?”

“Kumain muna tayo, ha? Gutom na ‘ko.”

Ipinarada ang kotse sa gilid ng pizza house na katapat lamang ng convenience store. Makakatanggi pa ba siya? Umorder ito ng family pizza at nagkuwentuhan habang kumakain.

Iyong naririnig niya sa opisina tungkol kay Mark, base na rin sa kuwento ni Mel, napatunayan niyang totoo. Na si Mark ay lumalabas na substitute manager lamang ng recruitment agency. Na ang tunay na may-ari nito at manager, si Mr. Alonzo, ay na-stroke. Kung makakarekober pa, walang nakakaalam. Kaya napilitang pamahalaan ni Mark. May sarili ring negosyo si Mark. Talyer. Nasa Bulacan.

Ang tanong niya dapat ay bakit hindi pa ito nag-aasawa. Kung nabasa nito ang iniisip niya, ewan. Pero iyon ang sumunod na sinabi ng kanyang boss.

“Siguro, nagtataka ka na at my age, dapat ay settled na ako…”

“Oho nga, sir. Ay, Mark pala! Ba’t nga ba?”

“Nagpapayaman pa!”

Ibig kayang sabihin ay may girlfriend na ito? Alangan namang wala? Guwapo. Maykaya. De-kotse.

“–‘Tsaka, wala pa ‘kong pakakasalan.”

Nag-blush ba uli siya nang matiim siyang tingnan nito? Marami pa silang napag-usapan. Pagkatapos, napansin ni Dory sa wallclock ng pizza house na pasado alas-otso na. At tila na rin ang ulan.

Let’s go,” sabi nga ni Mark.

Thank you sa pizza, sir.”

“Na naman?”

“Mahirap talagang hindi ako mag-Sir.”

“Bakit naman?”

“Sir, hindi pa ‘ko regular na empleyado.”

Natawa si Mark. Nakalabas na sila ng pizza house.

“Sa’n d’yan ang sa inyo?”

Itinuro niya ang bahay na may gate na bakal na tanaw mula sa kinaroroonan nila. Napatango si Mark at sumakay na sa kotse.

“Okey. Goodnight, Dory.”

Goodnight, sir.”

Magaan ang pakiramdam na naglakad siya pauwi. Nang ilang dipa na lang ang layo niya mula sa gate, sino itong nabungaran niyang nakatayo roon? Nakatingin sa kanya nang tinging tila nag-aakusa at naghihinala.”A-Arnold? K-Kanina ka pa ba?”

“Oo. At nakita kita. Sino’ng lalaki ‘yung naghatid sa ‘yo sa kotse?”

Dapat ay nagmaang-maangan siya. Malay ba niya kung bina-bluff lang siya ni Arnold. Sa halip, narinig niya ang sariling umaamin.

Boss ko, si Sir Mark. Isinabay na ‘ko sa pag-uwi. Umuulan kasi.”

“E, ba’t hindi mo pinadiretso dito?”

Doon, nagsiklab na rin si Dory. Siguro’y dahil sa pagod siya sa maghapong trabaho o baka sadyang naiinis din siya.

“E, bakit parang galit na galit ka?”

Nilampasan niya ito at pumasok sa gate. Sinundan siya ni Arnold.

“Dory, girlfriend kita. Masama bang magtanong ako?”

“Sa tono ng pananalita mo, hindi ka lang nagtatanong. Nagbibintang ka na!”

“Wala akong ibinibintang sa ‘yo!”

“‘Di wala kung wala!”

Nakakatawag na pala sila ng pansin sa loob ng bahay. Lumitaw sa pinto ang ulo ni Ate Emy.

“Dory, ikaw na ba ‘yan?”

“Oo, ate.”

“Bakit me naririnig akong ingay? Nag-aaway ba kayo ni Arnold?”

“Hindi, ate, pauwi na daw s’ya!”

Kanina pa siguro siya hinihintay ni Arnold. Baka nainip. Inilakas niya ang pagsasalita.

“Sige, Arnold, babay na!” Sadyang ipinarinig niya kay Ate Emy. Walang nagawa si Arnold; humakbang palabas sa gate.

Sa kanyang silid, habang nagpapalit siya ng damit, inis na inis pa rin siya. Sa pagkakahiga niya sa kama, binalikan niya sa isip ang mga sinabi ni Mark. Type raw siya. Totoo kaya?

Hindi pa rin niya maisip na magkakagusto sa kanya ang boss niya. Sa pakiwari niya, isa pa rin siyang saleslady. Pero iba na nga ang sitwasyon ngayon. Nakapagtapos siya ng computer course kahit nga iyon ay short course lamang. At siya’y nakauniporme na, kilos-empleyada, naka-blazer, nakapalda’t blusa. Maayusan pa siya, mas maganda siya kaysa sa kasalukuyang anyo niya. Totoo kaya? May napapansin kaya si Mark sa kanya na hindi niya napapansin?

Nakatulugan niya ang isiping iyon.

DAPAT ay binabalisa siya ng pag-aaway nila ni Arnold. Ano’t wala siyang maramdamang gayon? Kailan pa nagsimula iyon? Natatandaan niya, isang hapong day-off siya ilang linggo na ang nakaraan, pinagsadya niya si Arnold sa inuupahan nitong bahay. Nagpataupo siya pero walang sumasagot. Wala ito roon? Nang kumatok siya, may nagbukas ng pinto. Lalaki. Pamilyar sa kanya ngunit hindi niya agad maalala kung saan niya ito nakita.

“Ano ‘yon?”

“S-Si Arnold?”

Namumungay ang mata ng kabataang lalaking kasing-edad ni Arnold. Parang bagong gising na hindi naman.

“Saglit…” sabi at muling pumasok sa loob ng bahay.

Maya-maya, si Arnold na ang lumabas.

“D-Dory? Bakit?” Parang ikinabigla nito ang bigla niyang pagsulpot doon. At tulad ng unang lalaking nagbukas ng pinto, tila bagong gising din ito.

“Gusto kong mamasyal.”

“Ha? M-Me ginagawa kasi kaming project ng mga classmates ko…”

Mga classmates? Ilan ang kasama nito sa loob ng bahay?

Disappointed siya. “Sige, di bale na lang! Ako na lang mag-isa’ng aalis.”

“Dory, teka…”

Nakalabas na siya ng bakuran. Sa kalsada, naalala niya kung sino ang lalaking nagbukas sa kanya ng pinto. Isa ito sa dalawang lalaking kasama ni Arnold nang hapong sunduin siya sa shopping center. Ano ang sabi sa kanya noon? Brod sa fraternity? Totoo kaya?

Ang sabi niya’y mamamasyal siya, hindi siya tumuloy. Nagbalik siya sa bahay at nag-crossstitch.

MAY nabago ba sa pagtrato niya kay Mark pagkatapos na sabihin nito na type siya? Dapat ay mayroon. Pero dahil sa pagiging maalalahanin ni Mark, napagtatakpan. Lalapitan siya ni Mel at may iaabot sa kanya.

Brownies, o.”

“Kanino galing?”

“Kanino pa? Di sa poging uncle ko!”

“Sabihin mo, thank you.

Sisikuhin siya ni Mel. “Nakakahalata na ‘ko, ha? Nagtapat na ba s’ya sa ‘yo?”

“Magtigil ka nga, Imelda!”

Kapag pumapasok siya sa silid nito para magpapirma ng papeles, tsitsikahin siya para magtagal doon.

“Kumusta naman ang trabaho mo? Gusto mo na ba dito?”

“Oho. Kasundo ko naman ang mga tao dito…”

May sampu silang lahat na empleyado sa opisinang iyon.

At nagtatanong nga si Mark, pahawak-hawak naman sa kamay niya; papisil-pisil pa.

“Sir, baka may makakita…”

“Para kamay lang?”

“Sir, lalabas na ‘ko.”

“Teka muna. May gagawin ka ba bukas nang gabi?”

Noon ay Huwebes.

“Bakit n’yo itinatanong, sir?”

Sinabi nang casual. “Gumimik tayo, Dory.”

“Hihintayin ako sa bahay, sir.”

No problem. Ipagpapaalam ka ni Mel.”

Labasan.

Tulad ng pangkaraniwang araw, nag-aabang sila ni Mel ng jeep sa kalsada. Isang jeep na makulay at maraming palamuti ang masinsing bumubusina, gusto yata na maging pasahero sila. Nakasakay nga sila. Nauna si Mel sa pagbabayad ng pamasahe.

“Dalawa,” sabi nito.

“Sige na, miss,” sabi ng driver.

“Anong sige na?”

“Libre kayo,” paniniyak ng driver.

“Bakit?”

“Kilala ko’ng kasama mo.”

Siniko siya ni Mel. “Dory, kilala ka raw ng driver.”

Lumingon si Dory, sinipat ang driver. Naglingon-likod din iyon. Ngumiti.

Hi, Dory,” sabi.

“T-Tems? Ikaw ba ‘yan?”

(ITUTULOY)