Kublai Millan: “Ang Mindanao ang aking likhang sining.”

Litrato ni Kublai Millan na nakangiti.
Ang batikang pintor at iskultor na si Rey Mujahid “Kublai” Millan. Larawan mula kay Kublai Millan.

ni Karlo Antonio Galay David

Para kay Rey Mujahid “Kublai” Millan ng Mindanao, hindi nagtatapos ang likhang sining sa kwadro o sa ukit.

‘Mahalaga ang lugar,’ sabi ng batikang pintor at iskultor tungkol sa kanyang alampat. ‘Dapat marunong makiramdam ang manlilikha sa lugar. Babagay ba ang obra? Magiging maganda ba ang epekto nito? Bahagi ang lugar sa obra.’ 

Kilala si Kublai sa kanyang mga makukulay na guhit at naglalakihang iskulturang naglalarawan kadalasan ng mga kultura at kalikasan ng Mindanao. 

C:\Users\user\Downloads\102662968_1367000556828041_459527733102364587_n.jpg
Isa sa kaniyang mga likha sa Davao City ang hugis-durian na monumento na matatagpuan sa Fransisco Bangoy International Airport sa Davao City. Larawan galing kay Kublai Millan.

Sa Davao City kung saan siya nakabase, marahil nakita mo na ang malaking monumentong hugis durian na likha niya sa Fransisco Bangoy International Airport. Kung nagawi ka naman ng Kidapawan City ay malamang nakita mo na ang kanyang tri-people triptych sa Museyo Kutawato. 

‘Trabaho ng manlilikha na bigyan kulay ang mundo,’ sabi ni Kublai. Ang paligid aniya ay madalas nababalot ng di kanais-nais na tanawin: kahirapan, urbanisasyon, gulo, kalungkutan, at galit. 

Layon ng mga obra ni Kublai na magdala ng ganda sa tao, kagandahan na maibubuod sa tatlong bagay: kalinaw, kalipay, at gugma. 

Ito ang dahilan kung bakit naggagandahan at tila mga nakakwadrong hiyas ang mga dinibuhong painting ni Kublai. Ang mga makukulay at mala-jigsaw puzzle na mga painting na ito ay nasasakop sa oeuvre niyang tinatawag na Kinublay. Ang kada likhang Kinublay ay madalas may samu’t saring kulay na pinagtagpi-tagpi upang magpahiwatig (hindi agarang maglarawan) ng mga tao, bulaklak, o hayop.

Sa laki at pagkapubliko naman nadadaan ang gandang hatid ng mga iskultura ni Kublai. Siya na marahil ang pinaka-mapanlikhang public artist sa buong Mindanao, sapagkat makikita ang mga istatwa at monumento niya sa iba’t ibang bahagi ng isla. Bukod sa airport at sa People’s Park sa Davao, nariyan din ang kanyang mga moumento sa General Santos City, sa Surallah, South Cotabato, sa Upi, Maguindanao, at sa Sapangdalaga, Misamis Oriental. Maging sa Camp Aguinaldo nakapagtayo na siya ng obra. 

‘Gusto ko ang taga-Mindanao may nakikitang ganda sa kanilang paligid.’ 

Ngunit hindi nagtatapos sa pagiging palamuti ang mga obra ni Kublai. 

‘Malaking papel ang maibabahagi ng sining sa paghilom ng mga sugat.’ Malakas ang mga mensahe ng marami sa mga likha ni Kublai, lalo na bilang sagot sa mahabang kasaysayan ng gulo at sakuna sa Mindanao. 

C:\Users\user\Downloads\199256076_4046663552083726_3042420993592006483_n.jpg
Rano Massacre Memorial. Larawan galing kay Kublai Millan.

Kamakailan lang ay nabuksan ang kanyang Rano Massacre Memorial, na nagsisilbi bilang alaala ng naganap na Rano Massacre sa Brgy Binaton, Digos City (pinagpapatay ng mga komunistang terorista ang ilang dosenang Tagabawa Bagobo sa loob ng isang simbahan). 

Inilalarawan ng triptych ni Kublai sa Museyo Kutawato sa Kidapawan City ang pananampalataya ng tri-people ng lungsod at lalawigan: ang mga Lumad, Moro, at Colono. Larawan galing kay Kublai Millan.

Sa pampublikong liwasan ng bayan ng Upi na naglalarawan sa kadalisayan ng pagkakaibigan ng kabataang iba-iba ang kultura. May isang iskultura sa naturang liwasan si Kublai na nakapukaw sa mga nakatagong hinakakit ng mga taga-Upi: isang batang Moro na pasan ng batang Teduray habang sila ay nagbabasa. Nag-ani ito ng batikos, bawat grupo umangal na silay kinawawa sa monumento. Ngunit patunay lamang ito na nagtagumpay si Kublai na buksan ang usapin tungkol sa kasaysayan ng karahasan nabaon lamang sa limot at hindi natalakay upang magdala ng paghilom ng sugat. 

Si Kublai Millan
Bantayog para sa Kapayapaan. Larawan galing kay Kublai Millan.

Nabibigyan din ni Kublai ng atensyon ang pinangyayari niyang gamit sa mga dibuho niya. Ang monumento naman sa Camp Aguinaldo, halimbawa, ay gawa sa mga decommissioned na baril na isinuko ng mga rebelde, nagsasagisag ng liwanag na dala ng kapayapaan. 

C:\Users\user\Downloads\189897111_1659005474294453_1307815265978468953_n.jpg
Si Kublai at ang rebulto ni Kabang. Larawan galing kay Kublai Millan.

Sa ibang dako ng Mindanao, nagtayo siya ng mga monumento sa Zamboanga para kay Kabang, ang ulirang aso na nagligtas sa ilang mga bata mula sa pahamak. Ang monumentong tanso ay may nakabaon na balahibo at kuko ni Kabang sa loob. Sa paggamit ng mga sangkap na may kwento, ipinapatuloy ni Kublai ang tradisyon ng Pusaka, ang pagppahalaga sa mga bagay na may kasaysayan.

F:\PAINTINGS SERIES\2018 PROBINSAYA AVAILABLE\180736904_1623450467849714_6183640176640576033_n.jpg
Bayo (2020). Larawan galing kay Kublai Millan.

Maging ang mga painting na Kinublay – mga madalas nagmamahalang laman ng mga koleksyon ng mga mayayaman – nagsisilbi rin bilang kagamitan upang mas malinang ang Mindanao. 

F:\PAINTINGS SERIES\2018 PROBINSAYA AVAILABLE\chinese garter (2).JPG
Chinese Garter (2009). Larawan galing kay Kublai Millan.

Sa paglarawan sa mga imahe mula sa Mindanao sa mga mamahaling likhang sining, binibigyang dangal ni Kublai ang mga simpleng bagay sa kapuluan, lalo na ang buhay sa kanayunan. ‘Nasa buhay probinsya ang totoong kaligayahan.’ Ito ang naging pangunahing mensahe ng pinakamalaking serye ng mga Kinublay, ang Probinsaya, na naglalarawan ng mga eksensa mula sa payak nga pamumuhay sa probinsya. 

F:\PAINTINGS SERIES\PAST PROBINSAYA\nancy frog 2019.jpg
Frog (2019). Larawan galing kay Kublai Millan.

Kadalasan din, ang kita sa benta ni Kublai napupunta sa pagtulong sa mga kapwa manlilikha. Masigasig na tagapagtaguyod ng ibang manlilikha, lalo na sa Davao, si Kublai, at ang benta ng mga Kinublay na larawan ay madalas napupunta sa mga programa at gawaining nagbibigay tulong sa mga nangangailangang pintor at iskultor sa Mindanao.  

Sa sining ni Kublai, ang kada iskultura at larawan ay pawang kagamitan lamang upang mas lalong mapagyaman ang kanyang totoong likhang sining: ang kanyang kinalulugarang Mindanao.


Kasalukuyang nagsusulat si Karlo Antonio Galay David ng aklat patungkol sa mga obrang Kinublay