ni Efren Abueg
Gaano kaya ang halaga ng bagay o salaping ibibigay ni Amyra kay Ming dahil sa pagkamatay ni Dino?
(IKA-21 NA LABAS)
WALA si Amyra sa labas ng Intensive Care Unit (ICU) nang dumating si Edel. Si Ming lamang ang nakita niya sa loob, kausap ng isang nagpapaliwanag na doktor. Naghintay siya sa labas ng ICU.
“Umalis na si Amyra?” naisip agad ni Edel.
Maaaring may inasikaso ito kangina at kailangang iwan ang kapatid na maysakit. Naghintay si Edel na makalabas si Ming na natigilan naman nang makita siya.
“Kumusta si…Dino?” salubong agad ni Edel.
Parang hindi makapaniwala si Ming na sasadyain niya ito pagkaraang maghiwalay sila sa boarding house ng kababata. Bahagyang mugto ang mga mata ni Ming, ngunit hindi iyon ikinubli kay Edel.
“Hindi mabuti,” isinagot ni Ming na atubiling nagpaliwanag tungkol kay Dino. “May ibinigay na pampatulog sa kaniya.”
“Wala si Amyra?” pawalang-bahalang tanong pa ni Edel.
“Nagpunta yata sa opisina ng ospital…” Naisip ni Edel na inaasikaso ni Amyra ang pagpapaospital ni Dino. “Pero sabi niya, may tatawagan din siya.”
Hindi siya pinagsabihan ni Amyra tungkol sa pagpunta nito sa ospital. Hanggang sa mga araw na iyon, abala si Amyra sa negosyo nito.
Ngunit may sapantaha siya na alam ni Amyra na pupunta siya sa ospital para makiramay sa nangyari kay Dino. O binigyan siya nito ng pagkakataon para magkausap sila ni Ming?
Iginiya ni Ming na mapalayo silang dalawa sa ICU. Parang gusto na ngayon ni Ming na makasarilinan siya na kabaligtaran ng paghihiwalay nila noon. Isang mahabang bangkong sa isang gilid ng pasilyo sa ospital ang tinungo nila. Kapwa sila umupo roon.
Inulit ni Edel ang pangungumusta sa maysakit.
“Idinadaing ni Dino na masakit ang kaniyang puson at nanghihina siya nang hindi pa kami umaalis. Pero lumakas siya sa buong travel namin. Kaya nagulat ako nang tawagan ni Atty. Planas kanginang tanghali. Isinugod daw niya sa ospital si Dino. Kinumpirma sa akin ng kausap kong doktor ang findings nila sa examination room ng ospital.”
Nakatitig lamang si Edel kay Ming na halatang hindi masalubong ang kaniyang tingin.
“Sabi ko na…di kailangan kaming umalis pagkaraan ng kasal…” Nabitin si Ming sa sinasabi. Nanlalatang napaupo sa bangko roon.
Nagunita ni Edel ang huling pagtatagpo nila sa restawrang iyon. Parang ayaw na siyang kausapin ni Ming. Parang nagmamadali na ihatid niya sa boarding house nito.
Ngayon, bumabalik kay Edel ang mga kapi-kapirasong alaala niya tungkol sa relasyon ni Ming kay Dino. Lalo na ang kataka-takang pagpayag nito na pakasal sa kapatid ni Amyra.
“Nakahanda naman ako…” at nabiyak ang tinig ni Ming.
Alam ni Edel ang dahilan ni Ming.
Iyon ang iniiyak ni Ming sa pagmamadali nito na maghiwalay sila pagkaraang maihatid siya mula sa restawran. Hindi kaila rito na magiging dekorasyon lamang ito sa pagiging asawa ni Dino.
Parang paruparong sumugba sa ningas si Ming, naisip ni Edel. Alam niyang magiging tropeo lamang si Ming sa piling ni Dino. Kagandahan at katawan nito ang itinaya sa lalaki. Isinakripisyo nito ang damdamin nito para sa kaniya na hindi na nito naipahayag sa kaniya kailanman. Dahil noon pa, ramdam na ni Ming na napatali na siya kay Amyra!
Nagtapang-tapangan lamang si Ming noon. Alam niyang hirap itong talikuran siya. Ngunit may magagawa ba silang dalawa? Nagpasiya ang kababata niya na yakapin ang kapalaran nito. Kaya lamang, ayaw niyang aminin na salapi ni Dino ang naglaro sa isip ni Ming sa halip na ang lupaing namana sana nito sa nasirang ama.
Noon nakita ni Edel na dumarating si Amyra. Sagsag ito na parang maraming inaasikaso. Ngunit may palagay siyang ayaw ni Amyra na matagal silang magkausap ni Ming nang makita nitong kausap niya ang kababata. Ngayong nakalatag sa kama ng kamatayan si Dino, alam ni Amyra na makalalaya si Ming gaya ng sinabi nito sa kaniya nang maglakbay sila isang gabi ni Amyra sa malaking sasakyan nito.
“O, ‘ayan na si Amyra! Parang hindi sila nagtagal ng kausap!” nausal ni Ming.
Tumindig si Edel at sinalubong si Amyra. Sa labas ng salaming bintana ng ospital, nakita niyang laganap na ang dilim. Liwanag lamang sa pasilyo ng ospital ang nagpapalinaw sa mukha ni Amyra.
“Si Dino…gising ba?” Halatang nagmamadali ito sa paglapit sa kanila.
Isinagot agad ni Ming na hindi makakausap si Dino. Tulog ito nang mga sandaling iyon.
“I have not talked enough to him before the examinations by the doctors.” Halata ang pagkabagabag ni Amyra.
Inulit naman ni Ming kay Amyra na hirap magsalita si Dino. “Nakatulog nang hindi ko na nakausap!”
“As I thought while coming back from the office of the hospital!” naisagot naman agad ni Amyra kay Ming. “We should have snacks by this time, Romina!”
Umiling si Ming. “Hindi ko maiiwan si Dino. Kayo na lang ni Edel ang mag-snack. Bukas pa naman ang canteen dito sa ospital!”
“Tulog pala si Dino! I think Edel prefers restaurants outsidethe building?” baling naman kay Ming ni Amyra.
”Mabuti na ang pagkain sa labas kaysa sa loob ng ospital!” mahina pang patianod ni Ming.
Ipinakita ni Amyra kay Ming ang pagkawit nito sa bisig ni Edel bilang pagyayakag. Hindi naman kumibo si Edel at nagpaalam na lamang kay Ming. “Bukas ko na babalikan si Dino!”
Mapakla pa sa lasa ng hilaw na bungang kasoy ang tingin ni Edel sa ngiti ni Ming, ngunit tumingin pa rin ito kay Amyra. Nakakawit pa rin sa isang braso niya ang kanang kamay ni Amyra habang umuunignig sa kaniya ang sinabi noon ng dalaga. “He’s done, Edel! That’s why I don’t want you to leave me…”
Prediksiyon iyon ni Amyra sa magiging kapalaran ni Dino na sinabi nito sa kaniya nang naglalakbay sila isang gabi patungo sa garden paradise at beach resort. Ngayon, nasa ICU si Dino. Ang sinabi noon ni Amyra ang karaniwang naririnig sa isang Europeano kung alam nitong wala nang magagawa ang isang taong malapit nang bawian ng buhay!
Nakaramdam ng kung anong gapang ng kilabot sa katawan si Edel.
HINDI kinausap nang nag-iisa ni Edel si Ming mula nang magkahiwalay sila pagkaraang mag-dinner sila nito sa restawrang iyon sa dulo ng United Nations Avenue. Nang pumunta siya sa simbahan nang ikakasal na ang kababata, umalis siya at gumawa ng maraming dahilan kina Dino, Atty. Koko Planas at pati na sa mga nag-uusisa sa kaniya. At ngayong pumanaw si Dino pagkaraan ng isang linggo sa ospital, lalong hindi niya maaaring kausapin nang nag-iisa si Ming.
“I know that Dino will not be happy if you meet her behind his back.” Parang naririnig pa niya ang tinig ni Amyra na parang isang babala sa kaniya. Lalo na ngayong nagluluksa si Ming at maaari lamang niyang kausapin ito nang hantad sa tingin ng mga nakikiramay dito.
Sumusunod sa tradisyong Pilipino ang matandang Sobresantos. Ibinurol muna ang katawan nitong walang buhay sa isang marangyang punerarya at kahit nagmamadali si Amyra sa pagbalik sa Paris dahil sa pagkanta nito sa Vienna, tumigil pa rin ito nang ilang araw sa Pilipinas para maihatid sa huling hantungan ang ama. Ito pa ba ang hindi susunod sa tradisyon ng pagluluksa kay Dino? Kaya pagkaraan ng siyam na araw ng kamatayan ni Dino, alumpihit si Edel kung paano niya makakausap nang sarilinan si Ming.
Si Amyra ang nagbukas ng pagkakataon para maisip ni Edel kung kakausapin niya nang nag-iisa si Ming pagkaraan ng apatapung araw pagkalibing ni Dino.
“Sinabi ko sa ‘yo noon that Ming will receive something from the estate of Dino after his death,” sabi Amyra.
“Parang narinig ko nga ‘yon sa iyo!” Isang umaga iyon nang ipatawag si Edel ni Amyra sa kanilang opisina.
“As Chief Executive Officer of Sobresantos Realty Corporation, Dino received a hundred thousand pesos monthly for his office and household expenses. Ming’s stipend is 20 thousand a month.”
Hindi na nagtrabaho si Ming dahil kakatwa ang suweldo nito kung ihahambing sa pagpapakasal nito sa alam ng lahat na isang popular na multi-milyonaryo. Naisip ni Edel na napakaliit naman ang tinatanggap ng kababata niya mula sa opisinang pinagtatrabahuhan nito.
Ngunit paano masasabi ni Edel kay Amyra ang maliit na halagang tinatanggap ni Ming ngayon nang hindi nakukulayan iyon nang malalim na pagtingin niya sa kalagayan ni Ming? Paano ang nasa isip niyang kausapin ang kababata tungkol sa tinatanggap nito buwan-buwan nang hindi magkakaroon ng kulay kay Amyra?
Iyon ba ang halagang ipinangako kay Ming ni Dino nang nabubuhay pa ito? Hindi ganoong kakuripot ni Dino nang nagtatrabaho pa si Ming sa Sobresantos Realty Corporation!
Kakausapin ba niya si Amyra tungkol sa isyung iyon? O kakausapin muna niya si Ming tungkol sa buwanang tinatanggap nito bilang balo ni Dino?
Naisip ni Edel na nakapagitan siya ngayon sa pananalasa ng tubig sa karagatan at sa poot ng malaganap na apoy sa mga kagubatan ng mundo!
NAGPUNTA muna si Edel sa law office nila ni Chito nang umagang iyon dahil biglang nagkasakit si Torre, Jr.
“Sorry, Edel… it will take three days before Torre, Jr. can recover from his fever!”
Nakita ni Edel sa mesa ni Chito ang maraming papeles na kailangang may matapos silang dalawa sa araw na iyon.
“More documents came in today and I did not know first hour in the morning that Torre, Jr. will not come to office,” tawag pa ni Chito sa kaniyang boarding house.
Nasa gitna na ng pag-aayos ng mga papeles si Edel sa bupete nila ni Chito nang tumawag si Amyra.
“With Dino’s death, the auditing firm is at my back now!” tawag kay Edel ni Amyra nang hapong iyon. “I forgot to tell you that two of their accountants are coming this afternoon!”
Isinagot ni Edel na abala siya sa susunod na dalawang araw sa bupete nina Chito. Ipinaalam niya kay Amyra na biglang nagkasakit kanginang madaling-araw si Torre, Jr.
“Edel, it is high time I think that you have to leave permanently the law offices of Chito. With Dino’s death, there are a lot of legal and fiscal problems that are facing the Sobresantos enterprises!”
Nagpapagunita na si Amyra, naisip ni Edel. Ngayon, iniisip niya kung paano niya tatalikuran sina Chito at Torre, Jr.
“Sige, Amyra. Nasabi mo na hindi lang miminsan ang problems sa mga offices d’yan. Tingnan natin how we will face them!”
“‘Wag mong sabihing you will not come late this afternoon!” May tigatig sa boses ni Amyra.
“I am sure to come, but you have to wait for me late after six. There are a lot of documents which came in yesterday and this morning.”
“Well, I am not remised on what I repeatedly told you. You have to leave Chito’s offices!”
Huminga nang malalim si Edel. Madilim ang kaniyang isip. Parang nakikita niya nang mga sandaling iyon si Amyra. Nakatayo ito sa tabi ng kaniyang mesa at nakayukod sa may balikat niya. Paulit-ulit na may sinasabi: I have repeatedly told you.
At umunignig iyon sa utak ni Edel: Resign! Resign!
Mahina ang sagot ni Edel kay Amyra. Darating ako ngayong gabi!
Kinausap ni Edel si Chito nang hapong iyon kaya nakarating siya sa opisina ni Amyra sa oras na itinakda niya. Lipas na sa utak niya ang tindi ng sinabi ni Amyra at nakangiti na ito nang sumungaw siya sa opisina na iniwan pang maliwanag ng sekretarya nito.
“Dumaan dito si Romina on her way out from discussing her monthly stipend with the new executive officer of the realty corporation.”
“Ano ang comments mo?” pawalang bahalang tanong ni Edel kay Amyra.
“That is all she will receive in the absence of my exercising the option left by Dino in one of his documents!”
Idinagdag pa nitong may iniwang note para kay Amyra ang bagong executive officer.
“At kailan mo dapat gawin ang option na iniwan sa iyo ni Dino?” ani Edel.
“Iniisip ko pa! And I am not in a hurry to do that as the document said so!” sagot ni Amyra.
“Maghihintay si Ming!”
“She has a monthly stipend. And I supposed she will work as she is a college graduate. Or she might even get married!”
Biglang may sumigaw sa kalooban ni Edel sa huling binanggit si Amyra, ngunit napigil niyang lumabas sa bibig niya.
“Ano naman ang option mo kung gagawin mo ‘yon ngayon?” usisa ni Edel.
“Cash siguro! What do you think?”
(ITUTULOY)