Sa Mata ng First-time Voters

ni Angelo Sanchez

Nawa’y kaniyang matugunan ang mga plataporma at salitang binitiwan sa kanilang pangangampanya. Maging bukas nawa siya sa mga opinyon at suhestiyon ng mga mamamayan. At ang huli ay kanyang protektahan at pahalagahan ang bawat karapatang pantao,” mensahe ni MJ Javier sa susunod na mauupong lider ng bansa.


MJ Javier, 21 na taong gulang at newly-registered voter mula sa Navotas City. Kuwento niya, “Bago ako magparehistro, sobrang nahihiya ako dahil 20 years old na ako. Habang ako ay nakapila na, ang mga kasabayan ko ay 18 years old. Feeling ko tuloy sobrang late ko na magparehistro. Tinanong pa nga ako ng isang nag-a-assist kung bakit ngayon lang ako nagparehistro at sinabi ko naman ang aking dahilan kung bakit ako medyo na-late.”


Ayon kay MJ, hindi siya nasisiyahan sa pamamalakad ng kasalukuyang gobyerno na siya namang nagtulak sa kaniyang sarili para magparehistro.


Para naman kay Patricia Tatel, isa ring first-time voter, hindi magiging madali ang mga kahaharapin ng susunod na lider, ngunit sa maayos na pagpapatakbo, maaaring magkaroon ito ng magandang resulta.


Umaasa naman ang isa pang newly-registered voter na si Rhowen Del Rosario na matatalakay pa nang may lalim lalo na ng susunod na mahahalal ang mga isyu tulad ng cyber-attacks o pagpapatahimik sa malayang pamamahayag.


Ilan lamang sila MJ, Patricia, at Rhowen sa milyun-milyong Pilipino na bagong rehistrado at unang beses na boboto sa darating na 2022 elections.


Sa bagong tala na inilabas ng Commision on Election o Comelec noong Hulyo 22, pumalo na sa apat na milyon ang ‘first-time voters’. Isang malaking selebrasyon na dapat ay ating ipinagdiriwang.

Maging ang komisyon ay patuloy na hinihikayat ang bawat isa na magparehistro dahil matatapos na ang pagtatala sa darating na Setyembre 30.

Pahayag ng Comelec, “Tuloy lang sa pag-share ng magparehistroka.com sa mga kaibigan ninyong hindi pa rehistrado! Malalaman nila roon kung gaano kadali lang! #MagparehistroKa.”
Kaugnay nito, matatandaaan na binuksan ang mga piling Robinson Malls sa bansa upang gamitin bilang registration booth.

“We are happy to announce that there are now 16 planned mall registration booths where applicants can enjoy a more accessible registration process,” ani James Jimenez, tagapag-salita ng Comelec.

Inukit na sa kasaysayan ang halaga ng pagboto. Napakaraming dugo, pawis, at boses ang nakipagpunong-braso upang maipaglaban lamang ang karapatan nating bumoto.
Kung ating titignan, isa ang pagboto sa pinakamahalagang karapatan na ating natatamasa bilang mamamayan. Mula sa Seksyon I, Artikulo V ng Saligang Batas 1987, “Ang karapatan sa halal ay maaaring gampanan ng lahat ng mga mamamayan ng Pilipinas na hindi inalisan ng karapatan ng batas, na labingwalong taong gulang man lamang, at nakapanirahan sa Pilipinas sa loob ng isang taon man lamang, at anim na buwan man lamang sa lugar na kanilang bobotohan kagyat bago maghalalan. Walang dapat ipataw na literasi, ariarian o iba pang substantibong kinakailangan sa pagganap ng karapatan sa halal.”

Makikita sa pahayag ng mga first-time voters ang pagkadismaya sa kasalukuyang pamamahala. Tulad nila, gagamitin nilang oportunidad ang eleksyon upang maghalal ng mga bagong lider na may potensyal na makapagpabago sa kasalukuyang lagay ng bansa.

Ngunit hindi sapat ang magparehistro ka lamang, kinakailangang gamitan ng talino sa pagboto dahil sa huli, tayo ang makikinabang o magdudusa sa resulta ng ating pagboto sa mga darating na taon.

Upang maging tapat, malinis, at maayos ang pamamahala ng nakaupo, kinakailangan ng kolektibong partisipasyon. Makiisa, maging aktibo sapagkat hindi nagtatapos ang ating tungkulin sa pagboto.

“Your vote is precious. It is sacred. It is the most powerful nonviolent tool we have.” — John Lewis

Manghikayat, magparehistro, at bumoto nang may talino!