ni Kel Malazarte
Sa loob ng 34 na taon, urban gardening ang ikinabubuhay ni Roger Medenilla, 62. Isa siyang magsasaka sa Bicol ngunit nang dahil sa kahirapan at sitwasyon ng mga lokal na magsasaka ay napilitang umalis ng lalawigan noong 1987. Nakipagsapalaran siya na magkaroon ng magandang buhay sa Greater Manila na nagsimula sa Las Piñas at nagpalipat-lipat sa iba’t ibang bayan ng Cavite.
Mula sa pagiging parehas na balo at may kaalaman sa urban gardening, nagkaisa si Roger at ang pangalawang asawa na si Gemma Medenilla, 52, nang taong 2019. Nitong 2020, natagpuan ng mag-asawa ang 1.8 ektaryang lupa sa kahabaan ng Molino Rd. sa Bacoor, Cavite at binigyang buhay ito.
“Mas maganda nitong kasagsagan ng lockdown dahil hindi nakakabiyahe ‘yung ibang kakumpitensiya mula sa malalayo, mas nabibili nang mahal ang gulay namin,” pagbabahagi ni Roger.
“Nakikita ko ‘yung iba na nakakabili ng malalaking bahay at sasakyan,” pagpapaliwanag ni Roger kung bakit siya sumubok ng urban gardening mula sa pagiging magsasaka ng palay at mais. Nang dahil nga dito, nakapagpundar siya ng bahay at lupa, dalawang sasakyan, at napag-aral ang mga anak na malabo niyang magawa kung nagpatuloy siya sa pagsasaka Bicol sa lupang hindi rin naman kanila.
Nirerentahan ni Roger Medenilla ang 1.8 ektaryang lupa na pagmamay-ari ng isang nagngangalang Mrs. Lim. Nakikipag-ugnayan ito sa caretaker ng lupa sa bayad na ₱10,000 kada taon. Maliban sa gastos sa pagbago sa lupa, si Roger din ang naglalabas ng panggastos para sa buong negosyo ng urban garden: mula sa kapital para sa punla, herbisidyo, pestisidyo, at pataba pati na rin ang water supply system. Hinahati naman sa dalawa ang mga kikitain, 50% kay Roger at 50% sa bawat urban farmer na nagtatrabaho sa kanya.
Pinapakita ni Gemma Medenilla ang kanyang mga halaman na lumago sa saglit lamang na panahon. Sa unang kwarter ng 2021, nagsimula siyang magtinda ng mga ornamental plants na nagkakahalaga lamang ng ₱50-100 anuman ang laki. Wala siyang kamalayan na mga halamang gamot din ang kaniyang mga tinitinda. Minsan ring nag-urban garden si Gemma noong 1990 hanggang 2007 ngunit simula nang yumao ang kaniyang dating asawa ng 2009, siya ay tumigil.
Mga bigay lamang mula sa mga kakilala at kaibigan ang halaman ni Gemma hanggang sa maparami niya ito. Kadalasan ay bibili siya ng mga bagong paso o kundi naman ay mag-rerecycle ng mga gamit. Karamihan ng kanyang halaman ay iba’t ibang klase ng Mayana, isang halamang gamot. Mula sa report ng Medicinal Health Guide of 2011 , ang Mayana ay ginagamit bilang kagyat na lunas sa mga sugat, maga, bukol, pasa, pilay, at cyst.
Karamihan ng mga gulay ng urban garden ay mga leaf crops (i.e., dahon ng sibuyas, mustasa, pechay, kinchay, at spinach) dahil mas madali itong itanim at anihin sa loob lamang ng 1-3 buwan. Mula rito, regular silang nagsusuplay sa anim na tindahan sa Divisoria pero nagbabagsak din sa iba pang tindahan kapag may mga sobra.
Si Alex, isa sa mga urban farmers, ay nagdadagdag ng sobra sa isang kilo ng dahon ng sibuyas (₱100) na binibili ng isang tindero ng ‘beef pares’. Ang iba pang regular na mamimili ng urban garden ay mga kalapit na street vendors at malilit na negosyante.
Bawat urban farmer ay may kanya-kanyang lote para magtanim ng iba’t ibang gulay. Si Rogelio “Bro” dela Cruz, 49, ay matagal na kaibigan ni Roger mula pa sa Bicol. Bago pa dumating si Roger sa Las Piñas noong 1987 ay mas nauna ng dalawang taon na makarating si Bro. ‘Yun ang unang beses na siya ay nag-urban garden hanggang sa mamasukan bilang empleyado at bumalik muli sa pagtatanim. “Dahil dito, mapagtatapos ko na anak ko sa college, isang taon na lang,” nakangiting banggit ni Bro.
Ang isang bahagi ng urban garden ay napapaligiran ng mga bahay mula sa Georgetown Subidivision. Sa bawat lote na may 16 na soil bed, tinatayang ₱10,000 ang halaga na kailangan papra sa kapital. Sa panahon na mahina ang benta, kaunti o walang kita ang nakukuha niya at nababalik lang ang kapital. Kapag sinuwerte naman ay doble o higit pa ang kinikita. Ayon kay Bro, hindi napapapantayan ng mga dati niyang trabaho ang maghinawang buhay at kita na nakukuha niya sa pagtatanim sa urban garden.
Si Jonie Medenilla, pamangkin ni Roger, ay nagdidilig ng herbisidyo sa hinandang lupa bilang pang-iwas sa pagtubo ng mga damo. Sa kabialang banda naman ng urban garden ay ang kahabaan ng Molino Rd. Ang lote ay dating talahiban na pinagtatambakan ng basura o ‘di kaya ay patay na hayop.
Si Ramil Medenilla, panganay na anak ni Roger, at ang ibang mga urban farmer ay naglalagay ng talahib sa ibabaw ng lupa pagkatapos magtanim ng kinchay. Ito ay isang paraan para matakpan ang lupa mula sa araw at maiwasan ang pagkatuyo na nakakaapekto sa pagtubo ng gulay.
Pumapalo ang halaga ng kinchay mula ₱30 hanggang ₱700 kada kilo depende sa panahon at dami ng mga gulay na mayroon sa mga pamilihan.
Nang dahil sa isa sa kanilang regular na mamimili, si Abby, ay bumili ng maramihang supot ng spinach, hinuhugasan ni Alex ang mga bagong ani sa nakalubog na bahagi ng urban garden na may tubig. Ang tubig ay pinagsamang ng tubig-ulan at tubig na dumadaloy sa isang mahabang tubo na konektado sa isang water pump mula sa bahay ni Roger sa kalapit na subdivision.
Inihahanda ni Roger ang mga spinach sa isang supot na may bigat na sampung kilo bawat isa ngunit pinapasobrahan niya ito ng isang kilo. Tulad ng kinchay, pabagu-bago din ang presyo ng spinach na nabili sa ₱100 nang araw na iyon.
Isinasalansan ni Alex sa kotse ang apat na supot ng spinach at apat pang supot ng mga dahon ng sibuyas, ang karaniwang bilang na binibili ni Abby ayon sa mga urban farmers.
Ang Kalanchoe pinatta o Katakataka, na itinuturing na isang ‘miracle plant’, ay ginagamit upang gamutin ang iba’t ibang mga karamdaman maging panloob o panlabas.
Hawak ni Gemma ay isang usbong na mga dahon ng katakataka na kanyang ibinukod para itanim mula sa nahuhulog na supling ng magulang na halaman nito. Sa kabila nang hindi sinasadyang paglago ni Gemma ng mga nakapagpapagaling na halaman, nagagawa nitong maing kumpleto ang urban garden — mula sa pagkain hanggang sa halamang gamot.
Ipinapakita ni Roger ang mga binhi ng kinchay na ginawa niya at ng iba pang mga urban farmers bilang pag-iwas na gumastos sa pagbili ng bago.
Si Kel Malazarte ay isang freelance photographer na nakapagbahagi ng ilang mga litrato sa dyaryo at mga artikulo. Ginawaran din ang gawa niya ng Ikatlong Puwesto sa Plastic Atlas Photo Contest na inilunsad ng Heinrich Böll-Stiftung Hong Kong at Break Free From Plastic Asia Pacific.