Malaking hamon sa mga magulang ang pagsusuri sa mga palabas na napapanuod sa telebisyon. Paano ba nila malalaman na sakto at akma sa mga bata’t kabataan ang mga pinanunuod nilang programa? Gaano kaligtas ang mga ito? Marami kasing mga palabas ngayon ang nagpapanggap na pambata (child-directed) o makabata (child-friendly) pero kapag pinanuod naman natin ay madidismaya tayo sa mga ideyang inilalahad at imaheng ipinakikita.
Ano, kung gayon, ang simpleng panukat na maaari nating gamitin?
Dito na papasok si Tita EVA (na puwede rin nating tawaging Ate Eva, Aling Eva, o Manang Eva).
Pero teka, sino si Tita EVA?
Naging biruan naming tawaging “Manang EVA” ang acronym ng tatlong letrang dapat nating tandaan upang masabing makabata (child-friendly) ang palabas sa TV. Pero para sa mga bata at kabataan ngayon (na kabilang sa grupong Gen Z at Gen Alpha), baka mas akmang tawagin itong ‘Tita’ EVA.
Heto ang acronym/mnemonics para sa isang palabas na child-friendly:
E – Educational/Informative. Suriin ang isang palabas – teleserye man ito, sitcom, variety show, game show, drama anthology, documentary, o talk show – at tingnan kung educational ba o informative ang nasabing panuorin. Hindi naman kailangang pang-klasrum ang nilalaman ng isang programa. Hindi naman kailangang ‘pang-DepEd TV’ ang palabas para masabing ito’y educational. Hindi kailangang nakabatay sa tumatakbong curriculum ng DepEd. Sapat nang may kaalaman o impormasyong mapupulot mula rito. ‘Yun sanang pagkatapos mong manuod ng palabas sa TV ay mas lumawak ang naging kaalaman mo o di kaya’y nabuksan ang mata’t pananaw mo sa mundo at sa lipunang ginagalawan. Magandang ipasalubong sa mga kapamilya’t kaibigan ang isang kaalaman na napulot natin sa panunuod ng TV. Di ba’t mas magiging kapaki-pakinabang na gawain ang panunuod ng TV kung ganito ang idinudulot nito? Naaliw ka na, may natutunan ka pang bago.
V – Value-laden. Naglalaman ba ng makabuluhang values ang napanuod mong programa? Nasasalamin ba nito ang mga values na mahalaga sa Pamilyang Pilipino? Ginising ba ng programang napanuod mo ang iyong pagka-Filipino (nasyonalismo)? Tinuruan ka ba nitong maging magalang sa bawat tao (sa asal man at pananalita), ano man ang katayuan nila, sa lahat ng panahon? E, ang pagpapahalaga sa kapaligiran, sa kalikasan, sa mga hayop, at halaman, tinalakay ba? Itinanim ba ng programang napanuod mo ang pagmamahal sa Diyos, bayan, at kulturang kinagisnan? Napakaraming magagandang Filipino values (mula sa 17 rehiyon ng Pilipinas) na puwedeng maipakita sa isang palabas na makabata.
A – Age-appropriate o Akma sa Edad. Tingnan muli ang napanuod na programa. Suriin kung akma ba sa edad ng batang nanunuod ang kanyang pinanunuod. Alam naman nating iba-iba ang gulang ng batang nakatunghay sa TV. Mahalagang ang napapanuod nila ay sapat o sakto sa pang-unawa nila. Halimbawa, ang popular na programang BATIBOT noong dekada ‘80 ay angkop para sa mga batang edad 4-6. Pre-schoolers ang target ng naturang programa kung kaya’t ang lahat ng konseptong tinalakay sa palabas ay para sa partikular na grupong ito ng mga bata. Kasama na ring mag-a-adjust dito ang ginagamit na lengguwahe, sikolohiya, developmental milestone, at mga isyu na sakto sa naturang populasyon. Ang programang SINE’SKWELA ng ABS-CBN Foundation noong dekada 90 naman ay laan naman para sa school-age children lalo na ‘yung nasa Grades 4-6. Pero para sa mga teenagers ngayon, waring kakaunti ang programang napapanuod sa telebisyon na aangkop sa kanilang gulang. Gusto nating makitang may mga panuorin sa TV na laan para sa iba’t ibang age-group na sinasakop ng sinasabing CHILDREN (lahat ng taong “below 18 years old” ay tinatawag nating ‘bata.’)
EDUCATIONAL/INFORMATIVE. VALUE-LADEN. AGE-APPROPRIATE. ‘Yan ang kinakatawan ng acronym na EVA. Pero paano kung isa o dalawa lang sa tatlong criteria ang nasa programang napanuod n’yo? Masasabi na bang ito’y pambatang panuorin? Hindi. Kailangang nandoon ang tatlong elementong ito (si Tita E-V-A) para masabing tunay na makabata nga ang naturang palabas!
Ideya ni Atty Jonathan Presquito, ang Head ng Legal Division ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), na tawaging Manang EVA (at kalaunan ay Tita EVA) ang criteria para sa isang tunay na makabatang panuorin na itinakda ng NATIONAL COUNCIL FOR CHILDREN’S TELEVISION (NCCT), isang ahensyang nakatuon sa pagpapalaganap ng child-friendly landscape sa Philippine television. “Para mas madaling tandaan. At saka parang Ate o Tita si Manang Eva na palaging nakagabay sa mga bata at kabataang nanunuod sa TV,” pabiro niyang sabi.
Nandiyan sana palagi si Tita E-V-A sa mga pang-araw-araw na panuorin sa TV para di tayo nag-aalala.