Ang ikatlong dimensyon sa pagbasa ay pagkilatis sa kahalagahan ng mga kaisipan at ng kabisaan ng paglalahad.
Ang paglalahad ay isa sa apat na uri ng pagpapahayag kabilang ang pagsasalaysay, paglalarawan at pangangatuwiran o pagmamatuwid. Ito’y isang uri ng pagpapaliwanag ng tao ukol sa mga bagay-bagay na may kaugnayan sa kaniyang mga gawaing pangkomunikasyon.
Nakikipag-ugnayan ang tao sa kaniyang kapuwa na ang tanging puhunan ay ang kaniyang mabisang pakikipagtalastasan. Iba’t iba ang kaniyang inilalahad sa kaniyang kausap. Sa simula’y ang masiglang pangungumustahan hanggang ang usapan ay umikot sa iba’t ibang pagbabalitaan o pag-uusap ukol sa samut-saring isyung nabasa, napakinggan o naging karanasan.
Sa pagbasa, upang makilatis ang kahalagahan ng mga kaisipan at maging mabisa ang paglalahad ay dapat matugunan ang mga sumusunod na kasanayan:
1. Pagbibigay ng reaksiyon. Ibinibigay ang reaksiyon sa tekstong binasa upang mailahad ang kapaliwanagan sa isang konsepto. Ginagawa ito upang maihatid ang impormasyon at kabatiran. Malimit na ang ang ganitong kayarian ay nahahanay sa mga tekstong ekspositori, impormatibo at ekspresibo.
2. Pag-iisip na masaklaw at malawak. Sa paglalahad ng tekstong binasa ay maaaring samahan ng estilong deskriptibo o ekspositori gaya ng pagbibigay ng masaklaw at malawak na karagdagang impormasyon batay sa nabasang balita, artikulo, editoryal, lathalain, anunsyo, at iba pang tekstong kaugnay sa mga ito.
3. Pagbibigay ng pagkakaiba at pakakatulad. Maaaring ang nais tukuyin sa kasanayang ito ay ang pagkakaiba at pagkakatulad sa paksa, pamagat, at nilalaman ng tekstong binasa. Maaari ring naaayon sa simula, sa makabuluhang pagkakaayos o pagkakabuo ng pangyayari o sa naging wakas ng akda. Maaari ring sa paghahambing ng mga tauhan sa kuwento sa anyo, kilos, galaw, pananamit o paraan ng pananalita.
4. Pagdama sa pananaw ng may-akda. Ito’y tumutukoy sa relasyon ng naglalahad ng impormasyon at ng mga pangyayaring kaniyang inilalahad. Kapag ang mga pangyayari sa binasang maikling kuwento ay inilalahad ng may-akda bilang pangunahing tauhan, ito ay nasa unang pananaw. Pangkaraniwan na ang paggamit ng ako, akin, ko at tayo kapag nasa unang pananaw ang kuwento. Mabilis magkaroon ng ugnayan ang mambabasa at ang may-akda ng kuwento kung ito ang gamit ng manunulat. Maaaring ang pananaw ay nasa ikalawang panauhan kung gumagamit ang may-akda ng mga panghalip na ikaw, mo at iyo. Nasa ikatlong panauhan ang pananaw kung ang paglalahad ng tagapagsalaysay ng kuwento ay nasa labas ng mga pangyayari sa akda. Gumagamit ang may-akda ng panghalip na siya at sila.
5. Pag-unawa sa mga impresyon o kakintalang nadarama. Ang isang katangian ng maikling kuwento na wala ang ibang akdang pampanitikan ay ang taglay nitong impresyon o kakakintalan. Ito iyong isa o higit pang pangyayari sa kuwento na nakapako sa isipan ng mga mambabasa dahil hindi malimot-limutan.
6. Pagkilala sa pagkakaroon o kawalan ng kaisahan ng diwa ng mga pangungusap. Ang pagbasa ay pagbibigay- kahulugan sa mga nakatitik sa bawat pahina maging ito ay nasa palimbag na anyo o karaniwang sulat-kamay. Nangangailangan ito ng pagkilala ng mga salita, pag-uugnay, pagsusuri sa diwang ipinahihiwatig at ganap na pag-unawa sa mensaheng nais iparating ng may-akda sa mga mambabasa. Dahil dito, mahalagang magkaroon ng kaisahan ang diwa ng mga pangungusap sa tekstong binabasa.
7. Pagkilala sa pagkakaugnay-ugnay ng mga pangungusap sa isang talataan. Sa alinmang wika, katulad ng Filipino, ay hindi sapat ang mga bokabularyong ginagamit na iniuukol, itinatawag o ibinibigay-ngalan sa mga bagay, gawain, karanasan, pangyayari, kaganapan at mga kaisipan. Kaya may mga salitang ginagamit na para sa iba’t ibang kahulugan. Ang mga ito ay nauunawaan naman at nagkakaroon ng katumpakan sa kahulugan kapag nakapaloob sa isang pangungusap. Mula sa mga pangungusap na ito ay makabubuo ng isang talata o talataan dahil ang kahulugan ng mga ito ay naaalinsunod sa diwang ipinahahayag sa pangungusap.
8. Pagtatalakayan tungkol sa mabubuting katangian ng kuwento. Sa aklat nina Evasco at Ortiz (2008) ay inilahad nila ang ilang mga katangian ng maikling kuwento kabilang ang mga sumusunod: (1) orihinal na ideya, (2) mainam na pagkakasulat, (3) inobasyon sa wika, (4) may natatanging estilo sa pagkukuwento, (5) pagtalakay sa napapanahong usapin, (7) paglalaro sa anyo o tradisyonal na banghay, (8) may katimpian ng emosyon sa loob ng teksto, (9) paggamit ng sariwang simbolo at talinghaga, at bumabaklas sa pormula o gasgas na banghay. Sa aklat naman ni Bernales (2017) ay inilahad niya ang mga ganitong katangian ng maikling kuwento: (1) nagpapakita ng isang madulang bahagi ng buhay ng tao, (2) naglalarawan ng isang pangunahin at mahalagang tauhan, (3) may kapayakan at kakaunti ang mga tauhan, (4) nagpapamalas ng isang mahalagang tagpo, (5) nagtataglay ng mabilis na pagtaas ng kawilihan tungo sa wakas, (6) nag-iiwan ng isang kakintalan o impresyon, (7) may iisang paksa o diwang pinagsisikapang maipaliwanag, (8) maikli ang panahong sinasakop at kakaunti ang tagpo, (9) tumatalakay sa natatangi at mahahalagang pangyayari sa buhay ng pangunahing tauhan, (10) mabilis ang galaw at tuloy-tuloy ang daloy ng mga pangyayari, (11) may makitid na larangan, matipid at payak na mga pangungusap, at (12) napapanahon ang paksa.
9. Pagpapasiya tungkol sa katumpakan ng pamagat ng binasang seleksiyon. Sa mga baguhang manunluat ng maikling kuwento ay madalas idaing sa mga premyadong manunulat kung ano ang ipapamagat sa maikling kuwentong natapos nilang sulatin. Ipinapayo ng mga premyadong manunulat na kailangang huwag ilalabas ang pamagat sa naging tema o kaisipang hatid ng maikling kuwento. Ipinapayo rin nilang ang pamagat ay hindi kinakailangang maikli o hindi rin kinakailangang maging mahaba upang hindi kabagutang basahin ng mga mambabasa. Mas kapana-panabik basahin ang mga maikling kuwentong sa pamagat pa lamang ay nag-iiwan na ng palaisipan sa mga mambabasa tulad ng “Mga Aso sa Lagarian” ni Dominador Mirasol, “Sa Bagong Paraiso” ni Efren Abueg, “Uhaw ang Tigang na Lupa” ni Liwayway Arceo, “Sa Kadawagan ng Pilik-mata” ni Fidel Rillo, Jr., at iba pa.
10. Pagpapasiya tungkol sa kabisaan ng paglalahad. Magiging mabisa ang paglalahad sa mga mambabasa kung ang susulating teksto, pampaniikan man o karaniwang babasahin ay maiksi subalit malaman at nagbibigay ng mahahalagang impormasyon sa pamamagitan ng pagharap isang ideya na may iba’t ibang pamamaraan ng pagpapaliwanag tulad ng pagtukoy sa kahulugan, pagbibigay ng halimbawa, pagsusunod-sunod, paglalalarawan, paghahambing, pagsisiyasat, at iba pa.