ni Michelle Mabingnay
Nawalan ng sigla ang kahabaan ng BF Homes Road sa Holy Spirit, Quezon City simula nang ipinatupad ng pamahalaan ang curfew. Maaga nang nagsasara ang mga tindahan at mangilan-ngilan na lang ang mga taong dumadaan. Ibang-iba ito sa dating buhay ng mga residente at nagtatrabaho sa lugar dahil magdamagan pa ang pamilihan noon.
Ipinatupad ang curfew upang masigurong nasusunod umano ang mga hakbang para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa. Gayunpaman, matapos ang mahigit isang taon ng mahigpit na mga restriksyon, patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa sakit. Isa si Aling Lorelyn sa mga apektado ng curfew. Balut at penoy ang kanyang pangunahing itinitinda. “Halos sakto lang talaga ang kita ngayon kaysa sa dati. May benta (kami) kaya lang talagang kulang.” Mas madilim ang gabi ngayon sa maraming mga Pilipino.
Si Michelle Mabingnay ay lumaki at nagkaisip sa Lungsod Quezon. Nag-aaral siya ngayon sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) sa kursong Bachelor of Arts in Journalism. Inilalaan niya ang kanyang mga bakanteng oras sa pagbabasa, pagsusulat, at pagkuha ng larawan.