ni Armando T. Javier
Bawat GRO ay may kani-kanyang istorya; nasa kostumer na lang kung maniniwala siya…
KAHIT naka-facemask, namukhaan pa rin ni Rommel ang babaeng kasalubong niya sa elevated walkway na nagkokonekta sa Pasay Rotonda at sa Taft Avenue. Si Anna! Mahigit isang taon na ang nakakaraan pero gayon pa rin ang porma nito: katamtaman ang taas, balanse ang bilog at hubog ng katawan at may mga matang animo’y laging tumatawa. Sinalubong niya bago pa sumapit sa hagdang pababa sa Taft Avenue na patungo rin sa terminal ng bus na biyaheng Cavite.
“Hoy, Anna!”
Napatda ito sa paglalakad, saglit na sinino siya at nang siya’y makilala, tila nagliwanag ang mukha.
“Rommel?”
“Sino pa ba?” Nagpa-cute siya, tinapik ng likod ng kanang palad ang kanyang baba. “‘Kala ko, di mo ‘ko makikilala?”
“Hindi ka pa rin naman nagbabago, kalbo ka pa rin!” Napahagikhik. “-At ikaw lang ang kilala kong bokal!”
“Naman…”
“Joke lang,” sabi. Tinapik siya sa braso. “‘Musta ka na?”
“Eto, single pa rin. Lagi namang single…“
“Sus…! Ganyan naman lagi’ng dayalog n’yo sa ‘min…”
Ang sa kanilang tinutukoy ni Anna ay sa videoke bar sa kanto ng Buendia at Taft Avenue. Mahigit isang taon na ang nakakaraan, bago pa ang pandemya, umiinom sina Rommel doon kasama ang kanilang chief accountant, si Boss Manolo, at si Noli, na kasama rin niya sa departamento. Unang suweldo niya bilang clerk sa pharmaceutical firm na nasa Buendia ang opisina at nakantiyawan siya ni Noli at ng kanyang boss na magpainom.
“Binyagan natin si Rommel, Noli Boy,” nakangisi ngang sabi ni Mang Manolo, tila ngumingiti pati bigote.
Ang akala niya, sa massage parlor siya isasama ng dalawa. Hindi. Sa videoke bar pala. Regular sigurong kostumer doon sina Boss Manolo at Noli; kapapasok nila’y sinalubong agad sila ng manager.
“Pasok kayo, mga bossing, marami kaming bago d’yan.”
“Baka naman bagong raspa?” sabi ni Manolo, nakatawa. Lumingon sa kanan ng pinto, sa isang pakurbang pulang sopa. May mga nakaupo ngang mga babae.
“Ako’ng pipili ng teybol ni Rommel, boss,” sabi ni Noli.
“Bahala ka. Tena, Rommel, magkarga muna tayo.”
Pumuwesto sila sa mesang malapit sa bar, kadikit ng salaming dinding, tanaw ang paroo’t paritong bagon ng LRT at mga sasakyan sa Taft Avenue. Tiga-tigalawang boteng beer kaagad ang inorder ni Boss Manolo; sinasamantala ang happy hour.
Tumindig si Noli, matapos makatungga ng beer, nilapitan ang manager at may itinanong. Sinamahan ito ng manager sa pakurbang pulang sopa at kinaon doon ang isang balingkinitang babaeng mahaba ang buhok, nasa beinte anyos siguro at takaw-pansin ang pigura.
Kasabay na ito ni Noli pagbalik sa kanilang mesa. Pinaupo sa tabi niya.
“Si Anna,” sabi nito. “S’ya naman si Rommel. Virgin pa ‘yan.”
“Hi.” Nakipagkamay sa kanya si Anna; maharot ang bukas ng mata.
Kataka-takang hindi nag-table sina Noli at Boss Manolo.
“Iwan natin sila, Noli,” maya-maya’y sabi ni Boss Manolo, “para makadiskarte naman ang bata natin!”
Tumayo ang dalawa at lumipat sa ibang mesa. Binalingan pa ni Noli si Anna.
“Ikaw na’ng bahala ke Rommel, ‘ne. Mahiyain kasi ‘yan!”
Dinurog pa siya. Napahagikhik si Anna.
Ikinainis ni Rommel ang tila pagmemenos sa kanya ni Noli. Ang akala yata’y dungo siya sa babae. Tatlo na ang naging girlfriend niya; ang huli’y si Ruby na nakahiwalayan noong isang buwan. Nilingon niya ang dalawang ka-trabaho, inalam kung saan pumuwesto. Nakakunot siguro ang kanyang noo at nanunulis ang kanyang nguso, napansin niyang nakangiti na naman ang kanyang katebol.
“Asar-talo ka, ‘no?”
“Pinagtitripan ako. Bagong employee lang kasi.”
“Boss mo sila?”
“‘Yung matanda lang. ‘Yung pandak, halos karanggo ko lang.”
“Kaya pala ngayon lang kita nakita dito. ‘Yung mamang me bigote, malimit dito. Sinugod pa nga ‘yan ng misis n’ya. Buti na lang, nag-CR ‘yung kateybol n’ya. Mula no’n, di na nagteybol si Bigote. Takusa pala!”
Kapwa sila natawa ni Anna. At kapwa rin napalingon sa gawi ng pinto nang makarinig ng halakhakan doon. Apat na lalaki ang pumasok, mga naka-polo barong. Parang napaso si Anna, nagbawi ng tingin at humilig sa kanyang balikat; parang ibig na magtago.
“Huwag ka munang aalis, ha?”
“Bakit?”
“And’yan na naman ‘yung makulit na kostumer na nanliligaw sa ‘kin.”
Lumingon si Rommel sa mesa ng mga lalaki; nakaupo na ngayon malapit sa pinto.
“Sino ro’n?”
“‘Yung maliit na lalaking malaki’ng t’yan. Iniiwasan ko ‘yan. Loko kasi. Malimit akong nakawan ng halik ‘pag nakakalingat ako. Bad breath pa naman!”
Napahagikhik si Rommel. Nakatingin nga sa kanila ang lalaki; nakatingin din ang mga kasama nito.
“Tinitingnan ka,” sabi niya kay Anna, na nakahilig pa rin sa balikat niya; kulang na lang na itago ang mukha sa kanyang batok.
“Bayaan mo s’ya. Akbayan mo ‘ko, kunwari’y close tayo.”
Ginawa niya. Nalingunan niya sina Boss Manolo at Noli sa nilipatang mesa, nakatingin din sa kanila. Nag-thumbs-up sign pa si Boss Manolo. Nakita kasing nakaakbay siya kay Anna. Napagkakatuwaan nga siya.
“Hindi naman p’wede na hanggang mam’ya, e, nakaakbay ako sa ‘yo. Pa’no kung mag-CR ka mam’ya at sundan ka?”
“Sasabihin kong boyfriend kita.”
Mas lalo siyang kinabahan. Naalala ang napapanood niya sa balita na nagkarambulan dahil lamang sa agawan ng katebol. Pero tila desidido si Anna na huwang magpatebol sa lalaki, at least habang naroon pa siya.
“Umorder ka pa para magtagal ka pa dito.”
Kinawayan niya ang waiter at humingi ng pale pilsen; light beer naman para kay Anna. Pasulyap-sulyap pa rin siya sa grupo ng mga lalaki. Nagtebol ang dalawa roon pero ang iniiwasang lalaki ni Anna, hindi; tila sadyang hinihintay na mabakante ang kanyang katebol.
“Tinitingnan tayo,” sabi ni Rommel, “nagseselos ‘ata. Hindi ba bayolente ‘yan? Baka abangan ako n’yan paglabas, maumbag ako?”
“Nerb’yoso ka naman! Chillax ka lang d’yan. Uminom ka na lang.”
At para yata magtagal pa sa mesa niya si Anna, simsim-simsim lamang sa beer nito ang ginawa. Dinaan siya sa kuwento; balak talagang inisin ang naghihintay na kostumer para magtebol ng iba o umalis na.
Pero sila nina Boss Manolo at Noli ang umalis. Mag-aalas-dose at nagyaya na ang kanilang hepe. Nangangamba sigurong sitahin ng misis kung bakit hinatinggabi ng uwi. Nagpaalam siya kay Anna at pasimpleng inabutan ito ng tip.
“‘Balik ka, ha?”
“S’yempre.”
Palabas, napalingon si Rommel sa mesang malapit sa pinto. Naroon pa rin, naghihintay, ang maliit na lalaking malaki ang tiyan; masama ang tingin sa kanya.
“SA’N ka ba pupunta at parang nag-alsa-balutan ka?”
Sinulyapan niya ang nakasukbit na travelling bag sa balikat ni Anna.
“Sa Rosario. Sa kaibigan ko.”
“Ano naman ang gagawin mo do’n?”
“Mag-aaplay ng trabaho. Dapat s’ya lang, pero me padrino daw s’ya. Ninong n’yang barangay chairman. Ipinakiusap din ako. ‘Tagal na kasing sarado’ng videoke bar, mula pa no’ng lockdown. Alangan namang di ako kumain? ‘Tsaka, nagpapadala pa rin ako ng pera sa ‘min sa Cabanatuan.”
Sa pag-uusap nila sa ilang pagbabalik pa ni Rommel sa videoke bar sa Buendia, sinabi ni Anna na lumuwas ito ng Metro Manila para magtrabaho nga; balak na makaipon para maging working student. Gustong makapagpatuloy sa kolehiyo; graduate lang sa high school si Anna.
“E, ba’t naman dito ka napasok?”
“Cashier kasi dito’ng tagaro’n sa ‘min, pero pinatitigil na s’ya ng dyowa n’yang OFW. Ako’ng inirekomenda n’yang kapalit. Kaso, na-delay ang luwas ko. Nakakuha na ng iba. Kumpleto na rin sila sa weytres. Sabi sa ‘kin ni Manedyer, ba’t di ko raw subukang mag-GRO. Pansamantala. ‘Andito na rin lang daw ako, mabawi ko man lang ang ipinamasahe ko paluwas ng Pasay. Kaya ayun, napasubo ako…”
Kuwentong bahagya nang pinaniwalaan ni Rommel. Bawat GRO ay may kani-kanyang istorya; nasa kostumer na lang kung maniniwala siya.
Samantala’y nakakaistorbo sila sa mga pedestrian na dadaan sa hagdang pababa sa Pasay Taft; tinitingnan na sila nang masama. Hinawakan niya sa kamay si Anna at sabay silang nanaog.
Nagtataka si Anna. “O, pasaan ka ba?”
“Pa-Mandaluyong sana pero tinatamad pa ‘kong um’wi. Gusto mo bang samahan kita sa Cavite?”
“Maaabala lang kita. ‘Dali lang naman daw hanapin ‘yung barangay hall do’n, sabi no’ng friend ko.”
“Kahit na. Nag-iisa ka pa rin.”
Nanunghay sa kanyang mukha si Anna, at kahit na naka-facemask, bistado niyang nakangiti dahil sa kislap ng mga mata.
“Okey. Whatever. Kung trip mo talaga.”
Humiwalay si Rommel pagsapit ng terminal ng mini-bus. Sa hanay ng mga karinderya, bumili siya ng sari-saring sitsirya, saka mineral water na rin. Kukukutin nila ni Anna habang nasa biyahe.
“Ang thoughtful mo naman,” sabi nito.
Hiwalay sila sa upuan dahil sa social distancing; kapwa bungad ng magkahilerang upuan ang inokupa nila. Abutan na lamang sa sitsirya. Naalala niya noong magkatebol sila ni Anna sa videoke bar at nagsasalo sa pulutan. Sinubuan pa niya minsan nang sizzling hotdog si Anna gamit ang kanyang tinidor.
“‘Sweet naman…!”
Pangatlong balik niya roon at nagsosolo na siya. Sadyang inagahan niya ang punta para hindi pa nakatebol si Anna; para rin maunahan niya ang kostumer na kinaiinisan nito.
“Nawiwili ka na rito, ha?”
Gusto niyang kausap si Anna, sabi niya. Hindi plastik. Totoong tao. Sinasabi kung ano ang saloobin. Hindi rin abusado sa kostumer. Kung hindi pa niya paorderin, hindi oorder. At may isa pa siyang dahilan, ayaw lamang niyang aminin sa kanyang sarili: ang maaliw at malimutan si Ruby. Umuukilkil, pabalik-balik, sa kanyang isip ang pagtataksil sa kanya ng girlfriend niya sa loob nang tatlong taon. Nakita niya ang mga post nito sa social media kasama ang lalaking iyon na makinis, maputi, matangkad at makapal ang buhok. At nang kanyang komprontahin, hindi man lang itinanggi; hiningi lamang ang kalayaan nito.
“No hard feelings, ha?” pahabol pa ni Ruby. Pero nasaktan siya.
Sa muling pagbalik niya sa videoke bar, nagpahiwatig na siya kay Anna.
“Date naman tayo ‘pag day-off mo.”
“Date? Sa’n naman tayo magde-date?”
Mabilis na nakapag-isip si Rommel. “Sa Tagaytay. Nakarating ka na ba sa Tagaytay?”
“Hindi pa.”
“Sige, do’n tayo. Kelan ka p’wede?”
Kapapasok pa lamang noon ng Marso, 2020. Halata niya ang excitement sa kilos ni Anna.
“‘Sabihin ko sa ‘yo…”
Pinurnada ng COVID-19 ang kanilang plano. Ini-lockdown ang buong Luzon, sarado ang lahat ng negosyo, walang transportasyon. Umuwi si Anna sa Nueva Ecija bago pa ang lockdown. May nakapagtimbre siguro; maaari ring pinauwi ng mga magulang sa takot na mahawa ng virus. Tine-text na lang niya ito; tinatawagan sa cellphone hanggang sa biglang nagkasawaan sila at naputol ang kanilang komunikasyon.
Nagkataon lang ba na pagkalipas nang isang taon ay magkikita uli sila?
“O, ba’t mo ‘ko tinitingnan?”
Nakatingin pala siya kay Anna? “Wala naman, curious lang ako. Single ka pa ba?”
“Ba’t mo itinatanong?”
“‘Di natuloy ‘yung date natin no’n sa Tagaytay…”
“Ngayon…?”
“Baka p’wede nating ituloy?”
Humarot ang mga mata ni Anna.
“–Masarap mamasyal do’n. Malamig. Presko ang hangin. Cuddle weather.“
“Wala ka talagang pinalalampas na opportunity, ‘no? Kahit sa bus, dumidiskarte ka.”
“One year in the making nga’ng love story natin…”
“Love story talaga?”
“Talaga.”
Inabot niya ang kamay ni Anna; kasehodang nakaharang ang mga kamay nila sa daanan. Kataka-taka, hindi naman iyon binawi ni Anna.