Bilang paghahanda sa sentenaryo ng Liwayway sa taong 2022, lumilingon kami sa nakaraan sa pamamagitan ng pagbuklat ng mga sinaunang isyu. Sa loob ng 99 na taon, namangha kami sa lawak at lalim ng ambag ng Liwayway di lamang sa sining kundi na rin sa buhay ng mga Pilipino.
Dahil ang Liwayway ang siyang may pinakamalawak at pinakamaraming sirkulasyon sa bansa, maraming mga kumpanya ang naglalagay ng anunsyo sa mga pahina nito. Kabilang na ang mga malalaking kumpanya na nagbebenta ng lupa, appliances, gamot, o mga pagkain. May mga anunsyo rin para sa mga naghahanap ng trabaho.
Binuklat naming ang arkibo noong 1968, at ito ang ilan sa mga makukulay at malaman na mga anunsyong nalathala sa Liwayway. Bukod sa nagbibigay ito ng kaalaman sa atin ukol sa panahong iyon, sinasalamin ng mga ito ang nagbabagong hilig at pangangailangan ng mga mamimili.
Ang Ye Ye Vonnel (iba ito sa kanta ni April Boy Regino na “Ye Ye Vonnel”) ay brand ng isang sikat na uri ng synthethic na tela noong ‘60s at ‘70s. Malakas ang kumpanya, ang Continental Manufacturing Corporation, na mag-anunsyo sa mga pahayagan at babasahin. Nagkaroon pa nga ito ng celebrity endorser sa katauhan ni Pilar Pilapil. Sikat ang mga damit na gawa sa vonnel noon hanggang sa napalitan ito ng iba pang mas makabagong uri ng tela.
Dahil sa Liwayway nakalathala ang anunsyo nila, parehong nasa wikang Filipino ang kopya ng Radiola Inc. na nagbebenta ng radyo at General Electric na nagbebenta ng bumbilya. Parehong agaw-pansin ang kanilang sales pitch – “Huwag basta bombilya, sabihin mo, GE!” at “Kung may makita kayong mas mabuting radio-phono, iyon na ang inyong bilhin!” Paraherong may exclamation point pa!
Pagbenta ng produkto na pampaganda. Produkto para sa mga bata. Anunsyo sa isang contest at pagbibigay ng tamang impormasyon. Ilan lamang ito sa libu-libong anunsyo na nalathala sa Liwayway noong taong 1968. Mapapansin sa mga anunsyo na malakas ang impluwensiya ng Amerika sa atin. Sa gatas na pambata, ang imahe na ginamit ay ang maputi na bata, at ang istilo naman ng buhok ay gaya sa mga artista sa Hollywood. Di maiiwasan ang impluwensiyang ito dahil hitik ang merkado noong panahong iyon ng mga produktong galing Amerika. Salamin ang anunsyo (maging ang Liwayway) ng sentimiyento ng lipunan at hilig ng mamamayan.
MARE, BYAHENG BYAHE KA NA BA? Sa panahon ng pandemya, tayong lahat ay byaheng byahe na talaga. At kahit noon pang 1968, ang Departamento ng Turismo o mas kilala natin na DOT, ay nagaanunsyo na para hikayatin ang lahat na magbyahe. Ang anunsyo nila ay kakaiba dahil ginawa ito na istilong komiks. May mga pa dialogue pa sa pagitan ng dalawang magkumare. Sa pag-uusap nila, nabanggit ang iba’t ibang tanawin sa Baguio at may “branding” pa sa pagbanggit ng mga matutuluyang hotel. Ito na marahil ang isa sa mga unang halimbawa na “branded content” – anunsyo na di halatang anunsyo dahil sa kakaibang istilo ng presentasyon. Tunay ngang mayaman sa kasaysayan ang pahina ng Liwayway di lamang sa mga kwento’t tula at komiks, kundi dahil sa mga anunsyong punong-puno ng istorya.