Ihuhudyat ng mga Bituin

Hinawakan nito ang kanyang baba. Napapikit siya, alam ang susunod na 

mangyayari. At naroon na nga ang labi nito, dumampi na sa labi niya.

ni Armando T. Javier

Sa nabalitaan niya mula kay Tems, gusto ni Dory na komprontahin si Arnold… 

(IKA-12 NA LABAS)

“SINO pa?” sabi ni Tems, nakangiti pa rin.

“‘Kala ko’y nagdedeliber ka ng hamburger?”

“Dati. Kanino mo nabalitaan?”

“Bali-balita lang. Ano’ng nangyari? Ba’t ka umalis do’n?”

“Barat, e!”

Nagpalipat-lipat sa kanila ang tingin ni Mel.

“Si Mel nga pala, officemate ko.”

“Hi,” sabi ni Tems.

“Hi,” sabi ni Mel.

“Muntik na kitang hindi makilala, Dory, no’ng makita kita d’yan no’ng isang linggo.”

“Nakita mo ‘ko?”

“Oo. D’yan din sa tapat na pinag-aabangan n’yo. Kaso, papuntang pier naman ako. ‘Tsaka, hindi nga ako sigurado na ikaw nga’ng nakita ko. ‘Anlaki naman kasi nang ipinagbago mo.”

Siniko uli siya ni Mel. Nanunukso.

Maya-maya lang, nasa Sta. Cruz na sila. Doon sila sasakay ng LRT.

“Abang-abangan n’yo na lang ako d’yan t’wing hapon,” sabi ni Tems. “Tutal, d’yan din naman ang ruta ko.”

“Sige. Thank you, Tems.”

Bumaba sila. Sa LRT, tinutukso pa rin siya ni Mel.

“Uy, sino ‘yon, ha?”

“Kakilala ko. Do’n dati s’ya sa Baclaran.”

“May something ba kayo dati?”

“Ano sa palagay mo?”

“Hindi ako mapalagay!”

Nagkatawanan sila.

Nang gabing iyon, nagtatalo ang isip niya kung sasama kay Mark sa gimikan. Bahala na. Kinabukasan, nagpauna na siya kay Ate Emy.

“‘Te, baka gabihin ako nang uwi mam’ya…”

“Bakit?”

Birthday kasi no’ng officemate ko, magpapakain daw.”

Mukhang naniwala naman ang Ate Emy niya.

“Sige. Pero huwag naman na gabing-gabi ka uuwi, ha?”

“Oo, ‘Te.”

Natuloy sila kinagabihan. Dito pala sa Roxas Boulevard. Asiwa siya pero inalalayan siya ni Mark.

“Yumugyog ka lang, madilim naman. Hindi na mapapansin kung marunong kang sumayaw o hindi.”

Ginawa niya. Oo nga naman! Nakailang number pa sila. Nang mapagod, balik sila sa mesa. Nakangiti sa kanila si Mel.

“Ano? Okey ba?” tanong sa kanya.

Nilingon niya si Mark, bago tumango.

“Konting praktis pa, p’wede na s’yang isabak sa ballroom dancing!” 

Tingin siya nang tingin sa kanyang mumurahing relos. Nang sumapit ang alas-nuwebe, nagyaya na siya.

“Inoorasan kasi ‘ko sa bahay, sir.”

Well…” Nagkibit-balikat si Mark. Hatid uli sila ni Mel. Nang makababa si Mel, pinalipat siya ni Mark sa unahang upuan. Kung noon ay pumayag na sa may Seven Eleven siya ibaba, hindi ngayon. Inilampas ng dalawang kanto sa bahay ng Ate Emy niya ang kotse.

Thank you, Dory, sa pagsama mo sa ‘kin…”

“Para ‘yon lang, sir?”

Well…”

Umakma na siyang bababa. Pinigil siya.

“D-Dory, p’wede ba kitang i-kiss…?”

“S-Sir…?”

“Ng isang goodnight kiss?”

Bago siya nakasagot, ginawa. Dinukwang siya at kinudlitan ng halik; daplis sa kanyang labi.

“S-Sir…”

Umisod si Mark palapit sa kanya, at bago siya nakatanggi, naakbayan na siya.

“Sir…h’wag…”

“Walang makakakita,” sabi ni Mark. “Tinted ang salamin natin.”

Ngunit hindi iyon ang ibig niyang sabihin. Ayaw niya. Pero…ayaw ba niya talaga?

Hinawakan nito ang kanyang baba. Napapikit siya, alam ang susunod na mangyayari. At naroon na nga ang labi nito, dumampi na sa labi niya. Tumututol pa rin siya.

“S-Sir…”

Naibuka ang labi niya. Bago pa niya nalamayan, sumisinghap na siya.

“Sir…!”

Nakabig niya ang pinto ng kotse, bumukas at bumuglaw sa loob niyon ang liwanag. Parang bigla ring natauhan si Mark, umayos nang upo sa driver’s seat. Nilingon siya at kinawayan. Kinakabahan, nagmatulin sa paglalakad patungo sa bahay si Dory.

Paano kung nadarang siya at bumigay? Ang posibilidad pa lamang nang isiping iyon ay nakapangingilabot na sa kanya. Sa isang banda, may natiyak siya nang gabing iyon. May gusto nga sa kanya ang boss niya. O gusto nga ba? Hindi kaya mas tamang tawaging pagnanasa?

Ipinasya niyang mag-ingat mula noon sa pakikitungo kay Mark Alonzo.

NANG Linggong iyon, tinanong siya ni Ate Emy.

“Nag-away ba kayo ni Arnold?”

Napatda siya sa pagwawalis sa salas.

“Hindi, Ate,” pagsisinungaling niya. “Bakit?”

“Napapansin ko kasing nitong nakakaraang araw, e, hindi pumupunta dito si Arnold.”

“Baka busy lang…” Kunwa’y balewalang sabi niya.

“P’wede rin. Pero…hindi ka ba nagdududa?”

“Nagdududang ano, ‘Te?”

“Alam mo na…baka may iba. Ibang idine-date halimbawa. O, nililigawan.”

Hindi niya naiisip iyon.

“Bahala s’ya,” sabi niya.

Hindi na kumibo ang Ate Emy niya.

Wala pa naman siyang nababalitaang ganoon. Pero, hindi rin nga siya nakasisiguro. Mula nang mapabarkada si Arnold sa mga kaklase nitong ka-brod daw sa fraternity, parang nag-iba na nga ang kanyang kababata. Naging malakas ang loob, dumulas ang dila at parang lumaki ang tiwala sa sarili.

Posible nga kaya ang haka-haka ng Ate Emy niya?

Gusto man niyang alamin, paano? Nag-oopisina siya. Ayaw naman niyang mag-aksaya ng araw para lamang sa pagseselos niya. Alangan namang mag-espiya siya sa kolehiyo ni Arnold para lamang patunayang mali ang hinala ni Ate Emy.

Samantala, nakikibalita siya kay Nenit tungkol sa nangyayari sa stall ni Manay Lolet. May iba na raw itong saleslady. Isang kamag-anak daw ni Matet.

“Kumusta naman si Matet?”

“Ayun. In love na in love pa rin sa kanyang boyfriend.”

Mula raw nang umalis siya roon, gabi-gabing sinusundo ni Tonton si Matet. Lumipat nga raw ng gasolinahan si Tonton, doon din sa Baclaran.

Kinilig naman siya. “Ang sarap naman nila!” Pagkuwa’y naisip niyang pilyahin ang kanyang pinsan. “E, kayo? Kumusta naman si Kiko?”

“Ayun, in love na in love pa rin sa ‘kin!”

Nagtitili siya. Kinurot siya ni Nenit. “At ikaw, bruha ka, kumusta’ng lovelife n’yo ni Arnold mo?”

Umismid siya. Sana’y puwede niyang sabihing kaparis din ng lovelife nina Nenit at Matet. 

Secret,” sabi niya.

“Ang daya mo!” sabi ni Nenit.

MISS, p’wede bang mag-aplay na truck driver?”

Nag-angat siya ng tingin. At sino nga itong nakita niyang nakatayo sa harap ng mesa niya?

“Tems? Ano’ng ginagawa mo dito?”

“Mag-aaplay nga,” sabi nito. Wala namang dalang anumang papeles.

“Niloloko mo ‘ko, e.”

“Hindi.” Naupo na si Tems sa visitor’s chair. “P’wede naman akong mag-fill-up ng application form para sa inyong manpower pooling, di ba?”

“Oo.”

“‘Yun naman pala, e.”

“Mag-aaplay ka nga? Ng trabaho sa abroad?”

“Bakit hindi? Baka ‘ando’n ang s’werte ko.”

Hindi man siya naniniwala, inabutan niya nang blangkong application form si Tems. Na mabilis nitong sinagutan.

“Teka, wala ka bang labas ngayon?”

“Wala, pahinga ko. ‘Yung karelyebo ko’ng lumabas ng jeep. Ang totoo, talagang pinuntahan kita dito. Sabay na tayong mag-lunch, ha? Malapit na namang mag-twelve.

“Sige.”

Dahil lumabas ng opisina si Mel para sa ilang mga dokumentong kailangan nila, nasolo siya ni Tems sa kantina.

“Kayo pa rin ba ni…? Ano nga’ng pangalan n’ya?”

“Arnold.”

“Oo nga pala! On pa ba kayo?”

“O-Oo. Ba’t mo itinatanong?”

“Baka lang ‘kako hindi na.”

“Ba’t mo naman nasabi ‘yan?”

Hindi agad ito nakasagot. “K-Kasi, no’ng ‘sang araw, e, naisakay ko s’ya…”

“Saan?”

“Sa Lawton at sa Avenida s’ya bumaba. Magsisine ‘ata.”

“Pa’no mo naman nalamang magsisine?”

Dito, natigilan si Tems. “K-Kasi, hindi s’ya nag-iisa, Dory. Me kasama s’ya. Baka kaklase n’ya.”

“Baka manonood nga’ng sine,” patianod ni Dory.

“Dory, ‘wag kang magagalit, ha? Hindi naman ako tsismoso…kaya lang…”

“Ano?”

“Naaawa ako sa ‘yo.”

“Bakit naman?”

“B-Babae kasi’ng nakita kong kaakbay n’ya nang pumasok sila sa sinehan.”

Nahinto siya sa pagsubo. Diyata’t totoo ang hinala ng Ate Emy niya?!

Sorry, Dory, nawalan ka ‘atang bigla nang gana?”

“H-Hindi naman…”

Hindi na muling bumanggit si Tems nang anuman tungkol kay Arnold. Nagpaalaman sila matapos kumain. Pinasalamatan niya si Tems sa paglilibre sa kanya. Sa opisina, tila bigla siyang nanlata.

Hanggang sa pagtulog, dala niya ang balitang iyon. Ibig niyang komprontahin si Arnold. Pamukhaan. Sasabihin niya: “No’ng nanliligaw ka sa ‘kin, e, ‘ambait-bait mo, ngayong dyowa mo na ‘ko’y niloloko mo naman ako!”

Ngunit naisip niya na kung ‘pinagtataksilan’ man siya ni Arnold, siya man ay guilty rin. May boyfriend siya ay sumasama pa rin siyang gumimik kay Mark. Sa paghahatid nito sa kanya’y nahalikan pa siya. Mapamumukhaan ba niya si Arnold nang hindi rin siya tatamaan ng panunumbat niya? Kailangang magkausap sila ni Arnold.

DUMALAW ito sa kanya sa bahay at pinakiharapan niya. Mangani-nganing doon pa lamang ay komprontahin na niya ito. Mali. Lalong maghihinala ang Ate Emy niya na nagkakalabuan sila. Sa ibang pagkakataon at lugar, naisip ni Dory. Pansamantala, sapat na munang pruweba sa Ate Emy niya na all is well sa pagdalaw na iyon ni Arnold sa kanya.

Sa opisina, umarte siya na parang walang nangyari sa kanila ni Mark. Alang-alang sa trabaho. Pero sa kanyang sarili, bahagyang nangilag siya rito. Pinansin iyon ni Mark nang ipatawag siya sa silid nito.

“Napapansin kong parang iniiwasan mo ‘ko?”

“H-Hindi naman, sir…”

“Nararamdaman ko naman, hindi naman ako manhid. Kung me kinalaman ‘yung ginawa ko no’ng huli kitang ihatid, sorry.

Ang pagnanakaw nito sa kanya ng halik sa loob ng kotse. Nakatungo siya. Hindi makatingin nang tuwid kay Mark.

Sorry,” ulit nito. “Nabigla lang ako. Hindi ko napigilan ang sarili ko. Mapapatawad mo ba ‘ko?” Pumatong ang kamay nito sa ibabaw ng kanyang kamay. “Ha, Dory?”

Nag-angat siya ng tingin; bumungad sa kanya ang nakikiusap na mukha ni Mark. “Please…”

Marahan siyang tumango. Umaliwalas ang mukha ni Mark.

“Ayan! Di friends na uli tayo?”

Y-Yes, sir.”

“Sir na naman?”

Yes, Mark.”

Nang tanghaling iyon, bilang tanda ng pagkakabati nila, muli itong nagyaya sa kanila ni Mel na mananghalian. Walang kamalay-malay si Mel na nagkaroon sila ng tampuhan ng tiyuhin nito.

KUNG ginawa lamang ni Tems na tulay ang pag-aaplay ng trabaho sa kanilang ahensiya, nagtagumpay ito. Nagkaroon si Tems nang dahilan para bumalik sa kanilang opisina.

“Wala pa bang linaw ang application ko?”

“Wala pa kaming vacancy para sa mga driver, Tems.”

“Kahit pahinante na lang.”

Natawa siya. “Nagpapa-cute ka ba? Uso ba sa disyerto’ng pahinante?”

“O, kahit taga-sipsip na lang ng langis…”

“Nang-aasar ka lang, e. Mamasada ka na lang kaya, kikita ka pa!”

Nagpapalipas siguro ng trapik si Tems kaya naisipang kulitin siya. Nagpaalam na nga. Kumindat pa sa kanya bago umalis.

Bihira nga silang magkita ni Arnold. Pero nang hapong uwian, heto at sinusundo siya.

“Sa’n ka galing?”

“Sa school.

Kilala na ni Mel si Arnold. Ipinakilala niya rito noong nag-aaral pa siya. Dumistansiya si Mel sa kanila paglabas ng building.

“Me date ‘ata kayong dalawa, e!” sabi.

“Wala, ‘no,” sagot kaagad ni Dory. Nang makasakay si Mel, saka pa lamang nagyaya si Arnold.

“Ano? Gumimik tayo?”

“Anong gimik? Saan?”

Inakbayan siya. “Alam mo na ‘yon. Ang tagal nang wala.” At bumulong, “Miss na kita, Dory. Miss ko na’ng kiss mo!”

(ITUTULOY)