Artsibo ng Nobelang Komiks sa Loob ng 100 Taon ng Liwayway

ni Edgar Calabia Samar

(IKA-10 NA LABAS)

NOBELANG KOMIKS BLG. 17

SOHRAB AT RUSTUM

Manunulat: Nemesio E. Caravana

Ilustrador: Maning P. de Leon at Ben Alcantara

Publikasyon: Liwayway

Bilang ng Labas: 23 

Bilang ng Pahina Bawat Labas: 3

Unang Labas: 24 Hulyo 1950

Huling Labas: 25 Disyembre 1950

BUOD

NASA ilalim ng paninikil ng mga Tartaro ang mga Persiyano. Taon-taon, bukod sa gintong buwis ay pumipili ng magandang dalaga sa Persiya na ipinakakain sa dambuhalang vibora ni Aramid, ang hari ng mga Tartaro. Nang taong iyon, napili si Dameka na kapatid ni Rustum ngunit sinikap nitong huli na mailigtas ang kapatid at napaslang niya ang vibora. Nagsitakas ang mga Tartaro at pinasalamatan ng hari ng Persiya si Rustum. Dahil ayaw pang mag-asawa ni Aramid sa kabila ng panghihikayat ni Haring Danisar, tinanggihan niya kahit ang kagandahan ni Prinsesa Dinang (naging Aristea paglaon), isinugo si Rustum ng hari upang sila namang Persiyano ang kumuha ng buwis sa mga Tartaro. Ipinaalala ng ina ni Rustum sa binata na sa lupain ng mga Tartaro nakalagak ang bangkay ng ama nito. Pinaalalahanan naman ni Dameka ang kapatid na magaganda ang mga babaeng Tartaro at maraming napapahamak sa kanilang kagandahan. 

Nang magtungo si Rustum sa lupain ng mga Tartaro kasama ang mga kawal ng hari, dumaan sila sa Lawang Kristal (na naging Lawang Salamin paglaon) at nakita niya roong naliligo ang napakagandang si Zimar na anak ni Haring Aramid. Kinuha nito ang damit ng dalaga at walang balak ibalik maliban kung halikan siya nito. Nakatikim ng sampal si Rustum bago siya iniwan ng babae. Nang humarap siya sa Haring Aramid para ibigay ang kalatas ng Haring Danisar, nakita niyang katabi nito si Zimar na nagsabi ng siya mismo ang haharap kay Rustum kaysa sumuko sila sa gusto ng Persiya. Kinabukasan nga ay may isinugong unang espada ang Haring Aramid para kalabanin si Rustum na walang kamalay-malay na babae at si Zimar ang nakabaluting katunggali niya hanggang nang matalo niya ito. Hiyang-hiya ang babae sa pagkatalo at mas gusto pang mamatay subalit sinabi ni Zimar na hindi niya magagawa iyon sa isang babae. Napipilan si Zimar at pahikbing lumayo kay Rustum na napatigagal. Ipinayo ng ama niya na gamitin niya ang kagandahan bilang sandata sa paghihiganti sa lalaki.

Samantala, nag-ulat sa Haring Danisar ang isa sa mga kawal na kasama ni Rustum. Sinabi nitong malaking kataksilan ang ginawa ng binata nang isinuko nito ang sandata sa kagandahan ni Zimar. Sinabi ni Prinsesa Dinang na magkakasubukan sila ni Zimar sa pag-ibig ni Rustum.

Nagsimula naman noon ang pambibitag ni Zimar kay Rustum. Sinabihan ng dalaga ang lalaki na puro lamang ito bulaklak ng dila subalit sinabi ng lalaki na huwag hamakin ang pag-ibig niya. Hinamon ng dalaga ang lalaki na kung totoo ang sinasabi nito, gamitin nito ang sandata para sa mga Tartaro laban sa mga Persiyano. Sinabi ni Rustum na matamis ang matagumpay sa pag-ibig ngunit mapait na matawag na taksil sa kanyang bayan. 

Nang makauwi’y kinausap ni Rustum ang kaniyang ina na nagpaalala ulit sa kanya sa naging kapalaran ng ama na namatay sa lasong ipinatungga ng isang babae. Noon naman ipinaalam sa kanya na may piging sa palasyo para sa kanyang pagdating at kailangan niyang dumalo. Subalit pagdating niya roon ay walang piging, sa halip ay si Prinsesa Aristea lamang ang naghihintay sa kanya, na inaakit siya. Ipinahiwatig ni Rustum ang di pagsang-ayon. Dahil sa pagkapahiya, nagsisigaw si Aristea at ipinadakip si Rustum na pinaratangan niyang ginahasa siya. Ikinulong si Rustum subalit nakatakas siya sa bilangguan at nagbalik siya sa bayang Tartaro at nakipagkita kay Zimar na matagal nang naghihintay sa kanya sa balak na lasunin siya. Nilagyan ni Zimar ng lason ang alak ni Rustum subalit tinabig niya ang kopita bago pa nalason ang binata. Nalipos sa kaligayahan ang dalawa hanggang nagdalantao si Zimar, subalit kailangan na niyang bumalik sa kaharian dahil tapos na ang taning ng kaniyang ama para mapaslang niya si Rustum. Isinumpa si Zimar ng kanyang amang hari at inilagak sa isang lumang kastilyo. 

Samantala, inatasan ni Prinsesa Aristea ang punong kawal na si Dario para madakip si Rustum, buhay man o patay, at kapag nangyari iyon ay makikipag-isang-dibdib siya sa lalaki. Hindi naman bumabalik sa Persiya si Rustum dahil naghihintay siya ng balita tungkol sa kaniyang magiging anak. Walang ibang hangad si Rustum kundi magkaroon ng panganay na lalaki. Subalit inilihim ni Zimar na lalaki ang anak niya dahil ayaw niyang maging mandirigma ang kanyang anak. Nang maipaalam kay Rustum na babae ang kanyang anak, ganoon na lamang ang himutok nito at nagpakalasing na dahilan kaya hindi niya namalayan ang pagdakip sa kanya ng mga tauhan ni Dario at sa bilangguan na ng kastilyo ni Aristea siya nagkamalay. Hindi naman tinupad ni Aristea ang pangako niya kay Dario kaya ibinalita nito sa Haring Danizar ang pagkabilanggo ni Rustum. Gustong palayain ng hari si Rustum subalit ayaw ni Aristea.

Kinakandili naman noon ang anak ni Rustum na si Sohrab na akala niya’y isang babae ng ina nitong si Zimar at pinalalaking parang babae. Nagiging dahilan naman ito ng pagrerebelde ng bata na lalong nagpapakalalaki. Tinatanong nito kung sino ang ama niya subalit ayaw sabihin ni Zimar. Nang lumaki si Sohrab ay nagtungo ito sa hari para maglingkod sa kawal ng bayang Tartaro. Nakilala ng hari ang lalaki at kinilala niya bilang apo at inihalal pang heneral ng hukbong Tartaro upang siyang magtaboy sa mga Persiyono. Nagharap din agad kinabukasan ang hukbong Tartaro sa pamumuno ni Sohrab at ng hukbong Persiyano sa ilalim ni Dario. Naitaboy ni Sohrab ang hukbong Persiyano.

Samantala, nakilala’t napaibig ni Sohrab si Lelila, ngunit ipinaliwanag ng ama ni Lelila na si Abras na kalakaran at pamahiin ng mga Tartaro na ang humihingi ng kamay ng dalaga sa mga magulang ay ang ama ng binata. Sa pakiusap ni Sohrab sa ina ay inamin na ni Zimar sa wakas na si Rustum ang ama ng binata. Masiglang nagtungo sa Persiya si Sohrab para hanapin ang ama.

Nakakulong pa rin noon si Rustum at sinabihang ang kalayaan at kalusugan nito ay nakasalalay sa paglaban sa mga Tartarong nasa hanggahan na ng kanilang kaharian noon. Sinabi ni Rustum na mamatamisin pa niyang lalong higpitan ang kanyang tanikala kaysa makipaglaban sa isang musmos na si Sohrab. Ngunit nang sinabihan siyang matakot na tawaging duwag ng lahat ng taga-Persiya, pumayag si Rustum na harapin si Sohrab basta’t hindi umano babanggitin ang pangalan niya sa larangan. At nagsimula ang labanan ng mag-amang hindi magkakilala. Ngunit nang akmang sasaksakin ni Sohrab si Rustum ay namagitan si Prinsesa Aristea at ito ang nasaksak. Nalaman ni Sohrab na ang ama niya ang kalaban niya pero bago pa ito nalaman ni Rustum, nasaksak na niya ang sariling anak. Dumating si Zimar at nagdalamhati sa nakaambang kamatayan ng anak.

ILANG PANSIN

⦿    Ang nakalagay sa byline rito ay “sariling salin ni Nemesio E. Caravana.” Malinaw na halaw ito ni Caravana sa tulang pasalaysay na Sohrab at Rustum ni Matthew Arnold noong 1853. Gayunpaman, pagdating ng ikatlo at ikaapat na labas ay pinalitan ito ng “Kathang-isip ni Nemesio E. Caravana.” Sa ikatlong labas din pinalitan ni Ben Alcantara si Maning P. de Leon bilang ilustrador ng serye. Pero muling ibinalik sa “Sariling salin ni Nemesio E. Caravana” sa ikalimang labas. Pagdating ng ika-8 labas, may anunsiyo nang “Kasalukuyang isinasapelikula ng LVN.”

⦿  Ang unang pagkikita nina Rustum at Zimar kung saan naliligo ang babae sa lawa at pagkatapos ay kinuha ni Rustum ang mga damit ng dalaga ay isa sa mga matandang motif ng mito. Dahil nag-uugat din sa mga tradisyon ng romansa ang mismong naratibo, napakaraming katangian ng problematikong bayaning mangingibig ang naririto, na nagtatanghal sa lalaki bilang siyang higit na malakas at makapangyarihan, at tinitingnan ang kakayahan ng babae bilang nasa larang ng bitag o tukso, nanlalason, o baliw sa pag-ibig. 

⦿ Maraming negatibong depiksiyon ng babae sa nobela, isa sa mga tampok ang sentral sa kuwento. Nang magbuntis si Zimar ay walang ibang hangad si Rustum kundi magkaroon ng panganay na lalaki. Subalit inilihim ni Zimar na babae ang anak niya dahil ayaw niyang maging mandirigma ang kanyang anak. Nang maipaalam kay Rustum na babae ang kanyang anak, ganoon na lamang ang himutok niya: “Masakit na biro ng langit! Nabigo ang pangarap ni Rustum na ang kanyang magiging panganay na anak ay lalaki. Tayo na, Rodil. Kalahati ng pag-asa sa buhay ang nawala sa akin.” Samantala, kakaiba rin ang kagustuhan ni Zimar na “palakihing babae” ang anak na si  Sohrab.

(ITUTULOY)