Saksi ang 2016 sa kauna-unahang Amelia Lapeña Bonifacio Writers Workshop (ALBWW). Sa unang pagkakataon din itinuon ang pansin sa Speculative Fiction. Si Charlson Ong – ang kaunaunahang direktor nito – ay tinulungan ng mga panelista na sina Nikki Alfar, Vladimeir Gonzales, Will Ortiz, at Eliza Victoria. Tumutok ang 2017 sa Young Adult literature. Si Eugene Evasco ang naging direktor noon at naging panelist naman sina Dean Alfar, Christine Bellen, Mina Esguerra, at ang inyong abang lingkod. Doon namin nakilala ang mayoryang tahimik, wika nga, na nagtataguyod ng Panitikang Pangkabataan. Binigyang-pansin naman noong 2018 ng ikatlong ALBWW ang Novel. Siyempre, si Charlson Ong ang naging direktor uli. Panelist sina Genevieve Asenjo, Glenn Diaz, Ramon Guillermo, Cristina Pantoja Hidalgo, Jun Cruz Reyes, at Krip Yuson, na lahat ay premyadong nobelista. Kinalinga naman pagkaraan ang Playwriting noong 2019. Si Luna Sicat-Cleto ang naging direktor at naging panelist sina Herlyn Alegre, Vladimeir Gonzales, Malou Jacob, at Dennis Marasigan.
At ngayong 2021, panahon ng panulaan.
Sa awa ng Diyos, kahit pandemya, pinaunlakan ang ating paanyaya ng mga inayâ nating higante pagdating sa Spoken Word na sina Dekana Amihan Bonifacio- Ramolete, Steven Fernandez, Nerisa Guevara, Banaue Miclat-Janssen, Kooky Tuason, at Lourd de Veyra na isa sa mga tagapagtatag ng Radioactive Sago Project at Oratura na kinabibilangan din namin nina Bong Antonio, Joey Baquiran, Joi Barrios, Francine Medina, at Roland Tolentino.
Pagkatapos ng ALBWW, nag-imbita na naman kami para sa PAN o Panayam sa Panitikan sa Panahon ng Pandemya at pumayag naman sina Gemino Abad, Chris Millado, Ralph Fonte, at Cindy Velasquez. Kabilang din ang apo ni Lola Basyang o Severino Reyes na si Leandro.
Ang kapuri-puri ay kahit na siya ay sikat na ay sumali pa rin siya sa ALBWW.
Sinadya kaya ng tadhana na tumaon ang ikalimang ALBWW sa State of the Nation Address (SONA)?
Dahil ba ang una ay pagpapahalaga sa salita samantalang ang huli ay pagwawalang-bahala rito o palabra de onor?
Gaano nga ba kaimportante ang ating sinasabi? Wala kang sinabi kapag wala kang kuwenta o hindi ka magaling.
May sinabi ka kapag ikaw ay maykaya o kayang gawin.
Kung kulang naman, ito ang pinagmumulan ng kalituhan o hindi pagkakaintindihan. Kapag inulit-ulit mo ito, sumosobra. Sabi-sabi kasi ang unang alyas ng “fake news.”
Kapag sinabi ng iba, sinabi lamang ng iba, hindi-kapani- paniwala. Lalo na kung mula sa matatanda at sinabi sa bata o kabataan.
Walang iniwan ito sa pangaral ng magulang na magulang: “’Tay o ‘Nay, ang dami n’yo namang sinabi, wala naman kayong sinabi.”
Kung di mo naman sa sasabihin, saka ka sisisihin.
Kaya…
Ano nga ba ang ibig mong sabihin? O what do you want to say?
Ano nga ba ang ibig mong sabihin? O what do you mean?
Ito ang puno’t dulo ng palihan.
Bagamat Kanluranin diumano ang konsepto, ito ay matagal nang ginagawa ng mga ninuno nating maharlika.
Isa nga rito ang hanay ng panday.
Pandayan ang workshop.
Una, upang palambutin ang matigas na bakal, kailangang isalang sa apoy.
Ikalawa, habang nagbabaga, saka ito pinapukpok ng maso para iayon sa ibig na hugis.
Ikatlo, kapag may hitsura na, sang-ayon sa pangangailangan, kung pampuksa ng mga kalaban o panghiwa lamang, ititigil na ang pagmamaso.
Ikaapat, ilulublob ang obra sa malamig na tubig at doon magpapanlaban ang mga elemento!
Ikalima, lilnisin ito na walang kasingkinis. Maaari bang kuminis nang hindi dumadaan sa pandayan?
Puwede bang maging magaling agad?
Posible.
Kung isinilang kang ganyan diyos o diyosa?
Walang bahid.
Walang dungis.
Biyaya ni Bathala, sa kaso natin, Panulaan o Panitikan o Sining at Kulturang Filipino.
Kaso, hindi tayo ganun.
Hindi tayo pinagpala.
Hindi tayo biyaya.
Hindi tayo Bathala.
Bathala na?
Bahala na?
Basta?
Kung walang pandayan, puwede naman.
Bakit hindi?
Bakit?
Hindi naman kailangan ni Juan Miguel Severo di ba?
Bakit?
Si Juan Miguel Severo ka ba?
Manalamin.
Oo nga.
Salamin din nga pala ang palihan.
Ipinapakita nito ang totoo. Isinisiwalat nito ang lahat.
Lahat, sabi nga ni Neruda, pati kulugo at iba pa. Puwede naman nating ipatanggal ito.
Puwede ring takpan o pagtakpan.
Puwede kahit ano. Kahit hindi ka sumalang dito.
Kahit hindi ka sumali rito.
Walang mawawala sa iyo.
Wala ring mawawala sa Likhaan o U.P. Institute of Creative Writing.
Wala lang.
Magpapatuloy pa rin naman kami sa mga may gusto.
Gustong matuto.
Gustong matuto sa mga natuto rin.
Sa mga natuto rin sa hirap ng pagiging alagad ng sining.
Kung baga, naghahanap lamang sila ng katulad nila. Katulad nilang minsan ay inakalang sila rin ay Biyaya ni Bathala.
Kaya, pasasalamat sa mga nakasama ni Leandro na sina Edbert Casten, Edrian Divinaflor, Ram Malli, Louie Anne Mapa, Jhayle Meer, Angela Pamaos, Jazminne Peña, at Kimberly Ramos. Taga-Mindanao sina Philip Leaño, Hanna Leceña, at Arth Murillo kaya tumira sila sa hotel para tiyaking malakas ang signal dahil nga online sa kauna-unahang pagkakataon ang ALBWW.
Kaya pagbati pagkat itong kauna-unahang palihang “formal” sa Spoken Word ay maaaring una at huli.
Kinalaunan, naapadpad tayo sa Lance Abellon Podcast, Kultura sa Likod ng mga Letra ng College of Saint Benilde, sa Wika at Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino ng Pamantasang Notre Dame ng Marbel, sa #HugotRizal ng Museo ni Jose Rizal, sa Wika at Malikhaing Pagsulat para sa Panlipunang Pagbangon ng U.P. Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, sa 10th Tayabas Province National Studies Conference ng Atagan, sa Landichohan na pagpupugay sa yumaong artistang si Domingo Landicho, at, siyempre, ang online na 60th U.P. National Writers Workshop.
Nang pinahawakan sa atin ang Hulagpos-Hulagway, minabuti nating ipakita ang ibang aspekto ng Spoken Word kaya binuksan namin ni Mike Coroza ang palabas at isinara ang programa sa pamamagitan ng Balagtasan. Nagritwal sa Hiligaynon si Lin-ay Ondonesa Salamat Maladaw na sinundan ni Aminah Kunting na tumula sa Tausug. Mulang Vietnam, nag-ambag si Dumay Solinggay ng Daga o Lupa sa Kankanaey. Nandoon din si Cindy Velasquez na may dalang Unsaon Pagbalik. Nagpakitang-gilas sina Jacob Cezar at Verlin Santos sa kanilang rap battle. At nilagom ng awiting Talaandig ni Waway Linsahay Saway.
Pagdiriwang ng Buwan ng Wika ito ng Department of Foreign Affairs subalit naging selebrasyon ng mga wika sa bansa!